“Ako si Aries,” ang sabi niya.
Napa-“Huh?” ako.
Linya ko yata yun.“Ikaw, ano’ng name mo?” ang tanong niya.
“Aris,” ang sagot ko.
Siya naman ang napa-“Huh?” kasunod ang: “Magkapangalan tayo?”
“Yeah…”
“Aries as in zodiac sign din ba ang sa’yo?”
“Ay, hindi. Without an e.”
“Parang pareho pa rin yun.”
Tapos, nagkatitigan kami. Sa kabila ng madilim na lighting sa loob ng club, his eyes were sparkling. Yun ang unang naka-attract sa akin nang makita ko siya, bukod sa matangos niyang ilong.
Bago naganap ang pagpapakilalang iyon, nagkatinginan muna kami. He was sipping zombie from a glass and I was just chilling. Lumukso ang puso ko nang ngitian niya ako sabay alok sa iniinom niya. Ngumiti rin ako at tumanggi. Tapos lumapit siya sa akin at yun na nga, nagpakilala.
Muli siyang nagsalita subalit hindi na rumehistro sa akin ang kanyang sinasabi dahil papalapit na nang papalapit ang mukha niya sa mukha ko. At bago pa ako nakahuma, nagtagpo na ang aming mga labi.
Ang lambot ng lips niya. We kissed gently at nalasahan ko ang tamis ng kanyang bibig. Napapikit ako habang ninanamnam ang kanyang halik. Hinapit ng isang kamay niya ang aking baywang. Napayakap ako sa kanya.
Inistorbo kami ng kanyang mga kaibigan. Lumapit ang mga ito, may ibinulong sa kanya at siya ay hinila. Bahagya na siyang nakapagpaalam sa akin.
Napabuntonghininga na lang ako habang pinagmamasdan ko ang kanyang paglayo.
Umakyat ako sa ledge at doon ay nagsayaw. May pumartner sa akin (shirtless, makinis ang katawan, halos kita na ang pubes sa low-rise jeans) subalit hindi mawala sa aking isip si Aries. At ang kanyang halik. Tila nasa pandama ko pa rin ang lambot at init ng kanyang bibig.
Maya-maya, nag-vibrate ang phone sa bulsa ko. May nag-text.
Nasa Malate ka ba?Si Gian.
***
Nagkakilala kami ni Gian nang nagdaang Sabado dito rin sa Bed.
Nagkatabi kami. Nagkadikit. And before we knew it, we were already kissing.
Akala ko simpleng landian lang iyon dahil hindi kami nag-uusap. Tinginan lang at halikan. May konting hipuan din. Subalit niyaya niya akong lumabas.
Uminom kami sa Silya at doon, higit kaming nagkakilala.
We had a very nice conversation. Ang sarap niyang kausap. Noong una kuwentuhan lang pero kinalaunan, naging personal na. Napag-alaman ko na single siya (kaka-break lang) at open sa pagkakaroon ng bagong relasyon.
“Puwede ka ba?” ang prangkang tanong niya.
“Puwedeng ano?”
“Ligawan.”
Natawa ako.
Kinuha niya ang kamay ko at dinala niya sa kanyang mga labi.
“Seryoso ako,” ang sabi niya pa.
“I am not looking for a relationship,” ang etchos ko.
“Ok lang. Maaari naman tayong maging close, di ba? Parang MU lang.”
Napakunot-noo ako.
“Sa ngayon, I just want somebody to care for and to care for me, too.”
Hindi na ako kumibo kahit parang confused ako.
Pinanay-panay niya ang text at tawag sa akin pagkatapos niyon. Hindi siya nanligaw but instead, he acted like he was my boyfriend. Frankly, enjoy ako sa atensyon kaya sumakay lang ako at walang naging pagtutol. But I made sure na kontrolado ko ang emosyon ko.
Sinadya kong huwag ipaalam sa kanya ang gimik ko ngayong Sabado. Hindi naman kasi kami mag-jowa. At malaya pa rin akong gawin ang gusto ko.
Hindi naman siya nagtanong. At di rin siya nagsabing pupunta.
At sa text niya, isang maiksing “Yes” lang ang naging sagot ko.
Di siya nag-reply.
***
Ilang sandali pa, bumaba na ako ng ledge at muling nagbalik sa lugar na kung saan kami nagkonek ni Aries. I was hoping na muli siyang babalik. And so I waited.
Nainip ako and I was about to hit the dancefloor nang may pumigil sa braso ko.
Si Aries.
“Hey, saan ka pupunta?”
“Halika, magsayaw tayo,” ang yaya ko.
Kaagad siyang sumama.
“Nakita kitang may kasayaw kanina,” ang sabi niya nang nasa dancefloor na kami.
“Iniwan mo kasi ako,” ang sabi ko.
“Pero binalikan kita.”
“Nasaan na ang mga kaibigan mo?”
“Nasa itaas, iniwan ko muna.”
Muli akong napatitig sa kanyang mga mata. Tumitig din siya sa akin. Hinila niya ako palapit sa kanya.
Muli kong natikman ang malambot at matamis niyang labi. Napapikit ako. Parang huminto ang pintig ng paligid at kaming dalawa lang ang humihinga.
Muling nag-vibrate ang aking phone. Ayoko sanang pansinin pero persistent at paulit-ulit. Bumitiw ako kay Aries at kinuha ko ang phone mula sa aking bulsa.
It was Gian calling.
“Nasa Bed ka ba?”
“Yeah.”
“Pupuntahan kita.”
Bago pa ako nakasagot, nawala na siya sa linya.
“Sino yun?” ang tanong ni Aries.
“Friend,” ang sagot ko.
***
Ipinagpatuloy namin ni Aries ang paghahalikan pero distracted ako dahil sa tawag ni Gian. Paano kung makita niya kami sa ganoong sitwasyon?
Bumitiw ako kay Aries. Isinaalang-alang ko ang mararamdaman ni Gian.
Pero hindi naman kami. Pero nitong nakaraang linggo, parang naging kami. “Are you ok?” ang tanong ni Aries.
“Yeah,” ang sagot ko. “Magsayaw na lang tayo.”
Pinagbigyan niya ako. Nakatingin siya sa akin at nakangiti habang sinasayawan namin ang “Telephone”.
Maya-maya, bumulong siya sa akin: “I like you.”
Napangiti ako. Gusto ko rin sanang sumagot ng “I like you, too” pero pinigil ko ang sarili ko.
Pagkatapos, hiningi niya ang number ko.
Inabot ko sa kanya ang celfone ko at tinayp niya ang number niya. Tapos miniskol niya ang sarili niya.
Akmang ibabalik ko na sa aking bulsa ang phone nang mag-ring ito.
Si Gian uli.
“Nandito na ako. Nasaan ka?”
Hindi ko alam kung bakit para akong kinabahan. Natigilan ako.
“Aris? Hello?”
“Yes, Gian…”
“Nasaan ka?”
No choice ako kundi sagutin ang tanong niya.
“Dancefloor. Left side.”
“Friend mo uli?” ang tanong ni Aries pagkababa ko sa phone.
“Yeah. He’s here.”
At bago ko pa nadugtungan ang sasabihin ko, nakita ko na si Gian, papalapit sa kinaroroonan namin.
Kiniss niya kaagad ako sa cheeks sabay akbay.
Nakatingin lang si Aries.
Ang awkward ng moment. Deep inside, tense ako.
Pinagkilala ko sila.
Nagkamay sila at pagkatapos, pilit na akong isinasama ni Gian. Hindi ko alam ang sasabihin kay Aries.
Kumaway na lang ako sa kanya ng pamamaalam.
Napaka-possessive ng pagkakahawak ni Gian sa aking kamay habang papalayo kami.
Hindi ko napigilang lingunin si Aries.
Nakatingin siya sa amin. At kahit malayo, nakita ko pa rin ang lungkot sa makikislap niyang mga mata.
***
“Is he your boyfriend?”
“No.”
“I saw you kissing when I passed by Silya.”
“It’s hard to explain. Pero wala kaming relasyon.”
“It’s hard for me to understand that.”
“Parang MU lang. Pero walang commitment.”
“Gusto ko sa relasyon, seryoso.”
“Ako rin.”
“I guess I should just stop calling you.”
“Why?”
“Baka ma-in love ako sa’yo. Masasaktan lang ako.”