Ano nga ba ang pinag-awayan namin?
Nagsimula ang lahat right after our “honeymoon”. Two months after magkaroon kami ng relasyon.
Hindi ko inakala na may mababago sa amin at magsisimula iyon sa pamamagitan ng isang bagay na may kinalaman sa kanyang trabaho.
Teambuilding daw, ang paalam niya. Sorry, hindi raw muna siya pupuwede sa lakad namin sa Saturday.
Okay, no problem. Naiintindihan ko naman na parte iyon ng kanyang pagiging call center agent.
Pagkatapos niyon, sumunod ang birthday party na kailangan niyang daluhan dahil magtatampo raw ang kanyang officemate. Muli, nakansela ang lakad namin na nag-coincide sa okasyong iyon.
Okay, fine. Ganoon talaga, kahit may relasyon kami, may social obligation pa rin siya sa mga kaibigan at kaopisina niya.
Then, he started mentioning the name “Bong”. Naka-close niya raw sa Teambuilding at ito ‘yung nag-birthday. It didn’t bother me na mayroon siyang ka-close sa office. Ang sabi ko pa nga, gusto ko itong makilala.
Kaya lang nagsimula akong maapektuhan nang minsang nanonood kami ng sine, naging abala siya sa pakikipag-text.
Tuluy-tuloy iyon at parang nakalimutan niya na nasa moviehouse kami.
Nagtanong ako. “Sino ba ka-text mo?”
“Si Bong,” ang sagot niya. Doon ako nairita.
“Can’t it wait until later?” ang sabi ko.
Subalit sa halip na sumagot, nagpaalam siyang magsi-CR muna.
Ang tagal niya. Ano pa ba ang maiisip ko kundi tinawagan niya si Bong at nag-usap sila. O kaya nagpatuloy ang pakikipag-text niya. Nadagdagan ang iritasyon ko dahil we were supposed to be on a date at basta niya na lang ako inabandona dahil sa Bong na ‘yan.
Sa unang pagkakataon mula nang maging kami, nakaramdam ako ng pagdududa at matinding selos.
Nang bumalik siya, tahimik ako. Hindi ako nagtanong dahil ayokong magmukhang nagger.
At nang kunin niya ang kamay ko, umiwas ako.
Tumingin siya sa akin. “Something wrong?”
Hindi ako sumagot.
Natapos ang palabas na hindi ko siya kinakausap. Immature, I know, but I was really pissed off.
***
Ayun, sa parking lot na kami nag-away. For the very first time.
At dahil selos nga ang pinag-ugatan, ang hirap pag-usapan at ayusin right there and then.
For two days, dedmahan. Pero na-patch up din namin kaagad.
Subalit pagkatapos niyon, heto na naman.
Ang usapan, didiretso siya sa bahay pagkatapos ng kanyang shift dahil rest day niya. Mag-o-overnight na rin siya. Sa tantiya ko, darating siya around 7am. Pero dumating siya 9am na. Saan pa siya nagpunta pagkagaling sa trabaho?
Wala, hindi ako nagtanong pero pahapyaw siyang nag-explain. Nayaya raw kasi siyang mag-breakfast ng mga katrabaho niya at hindi niya natanggihan. Okay, fine, I believed him.
Maliligo raw muna siya bago matulog. Inayos ko ang hihigaan niya.
Tumunog ang cellphone niya habang nasa banyo siya. Ewan ko kung bakit parang kinutuban ako kung kaya hindi ko na-resist na silipin ang mensahe niya. I know, hindi ko iyon dapat ginawa.
Subalit tama ang kutob ko. Si Bong nga ang nag-text sa kanya at ang sabi: “Had a great time. Just got home and will be sleeping now. See you.”
Muli, ang panunumbalik ng pamilyar na pakiramdam ng panibugho. Gusto ko siyang katukin sa banyo at ibato sa kanya ang cellphone niya. Pero nagtimpi ako. Pinigil ko ang emosyon ko.
Paglabas niya ng banyo, pinilit kong magpaka-composed. “May text ka,” ang sabi ko. “Sorry, binasa ko.”
May rumehistrong pangamba sa kanyang mukha.
At nang mabasa niya ang mensaheng nabasa ko, ang ekspresyon ng pangamba ay nauwi sa pagkabagabag.
***
Oh, yes, we fought again after that. At hindi na naman kami nag-usap. Pinabayaan ko siyang matulog na lang. At hindi ko siya tinabihan.
Bandang hapon, nagpaalam siya na may aayusin daw siyang mga papers para sa kanyang regularization. I didn’t know na hindi pa siya regular sa trabaho. Hindi na lang daw muna siya mag-o-overnight. At dahil may away nga kami, hindi na ako kumibo. Pinabayaan ko siyang umalis.
The following day, wala kaming imikan sa text. I was thinking, mauna siya. Mag-sorry siya dahil may kasalanan siya. Pero hindi iyon nangyari. Ma-pride kami pareho at mas makabubuti nga siguro ang manahimik muna kami para makapagpalipas ng sama ng loob.
The day after that, ako ang unang lumambot. Gusto kong bumalik kami sa dati. Willing akong kalimutan ang away namin kahit di siya mag-sorry. Napag-isip-isip ko na in a way, at fault din ako dahil nagpadala ako sa emosyon ko at medyo OA ako. If ever kailangan kong maging mas understanding. Hindi ko dapat pairalin ang pagdududa at selos. I just have to trust him.
I texted him.
“Hey, let’s have dinner,” ang sabi ko. “Meet tayo mamaya bago ka pumasok sa work.”
I had to wait for a while bago siya sumagot.
“Saan tayo magkikita?” ang sabi niya.
Natuwa ako na di niya ako in-ignore.
“Sa KFC na lang. Malapit sa office n’yo. Around 5pm.”
“Ok.”
At nang magkita kami, parang walang nangyari. Kumain kami, nag-usap. We even shared a few laughs. Wala nang saysay pa na balikan ang naging pag-aaway namin dahil ang mahalaga, okay na kami. Na-achieve na ang purpose ng pagkikitang iyon, ang mag-reconcile kami. At happy na uli ako.
Subalit may nag-text sa kanya.
Binasa niya.
Nakatingin lang ako, on hold ang emosyon.
“Si Meg,” ang sabi niya.
I was relieved. Akala ko si Bong na naman. Kilala ko si Meg sa mga kuwento niya. Sort of fag hag niya sa office.
“Tinatanong niya kung nasaan ako.”
“Tell her nandito tayo. Ask her to join us.”
“Okay lang sa’yo?”
“Sure. I would love to meet her.”
And so, ni-reply-an niya si Meg.
Maya-maya pa, I saw this girl na pumasok sa KFC, luminga-linga at kaagad na kumaway pagkakita sa kanya. Dumiretso ito sa table namin.
Beso-beso sila.
“Meg, I would like you to meet my boyfriend,” ang sabi niya. Tapos, ipinakilala niya ako by name.
Kaagad na bumeso sa akin si Meg. “Hello,” ang sabi. “I’ve heard so much about you.”
“I hope they’re all good,” ang sagot ko nang nakangiti. “Halika, upo ka.”
Nagsimulang dumaldal si Meg sa kanya. Mga office-related kuwento.
Tapos, bigla itong nagtanong: “Bes, bakit absent ka kahapon?”
Bigla siyang natahimik.
Nag-stiffen naman ako.
“Ano’ng nangyari sa’yo?” ang dugtong pa ni Meg.
“Nagka-fever ako,” ang agad niyang sagot.
Napatingin ako sa kanya, pinipigil ang magsalita.
Nagpatuloy si Meg. “Inilabas na kahapon ang memo. Congratulations, Bes. Regular na tayo.”
Akala ko ba, aayusin niya pa lang ang mga requirements niya para sa regularization? At bakit hindi ko alam na umabsent siya kahapon?
Nanatili ang tingin ko sa kanya, nagtatanong ang mga mata.
Naging uncomfortable siya. Obvious na may inililihim sa akin.
Unti-unting namuo ang galit sa aking dibdib.
***
At doon sa may entrance ng kanilang building, pagkaraang makaalis ni Meg, sumabog ang giyera mundiyal sa pagitan namin.
“Bakit hindi ko alam na absent ka kahapon?” ang tanong ko, madiin ang tinig.
“I was sick,” ang sagot niya.
“Bakit hindi ko alam na nagkasakit ka?”
“I don’t wanna disturb you.”
“Why? Hindi ba dapat tinext mo ako? Ipinaalam sa akin na may sakit ka?”
“It was nothing. I didn’t feel it was necessary.”
“Boyfriend mo ako. It’s necessary for me to know. Not unless, hindi totoong nagkasakit ka.”
Natahimik siya. Nag-aakusa hindi lang ang aking mga salita kundi pati ang tingin ko sa kanya.
Sinubukan niyang salubungin ang aking mga mata subalit kaagad din siyang bumawi.
“Why did you lie to me?” ang sumunod na tinuran ko. Hindi na lamang iyon pag-aakusa kundi pangongompronta.
“What are you talking about?” Hindi niya pa rin magawang salubungin ang matalim kong titig.
“About your regularization. About the requirements na sabi mo kailangan mong ayusin.”
Muli siyang hindi nakasagot.
“Something just doesn’t fit. Inaayos mo pa ang mga requirements mo, tapos na-regular ka na pala?”
Tahimik pa rin siya.
“Saan ka nagpunta? Ano’ng ginawa mo? Bakit hindi ka nakapasok kahapon? Sino ang kasama mo?” Hindi ko na mapigil ang tuluy-tuloy na panunukol sa kanya.
At dahil siguro wala na siyang masulingan, hinarap niya ako.
“Ok, fine. You wanna know the truth?” Palaban na siya.
Ako naman ang natahimik. Dama ko ang pintig ng mga ugat sa aking sentido, gayundin ang mabilis na tibok ng aking puso.
“Nagkita kami ni Bong.”
Para akong sinampal ng sinabi niyang iyon.
“Lumabas kami. Uminom. Sa kanila ako natulog.”
Parang hindi ako makahinga at nagsimulang umikot ang aking paligid.
“Buong araw kaming magkasama kahapon kaya hindi ako nakapasok.”
I was in shock. Nagsisikip ang aking dibdib sa sakit. Sa galit.
“Bakit mo ginawa sa akin ito? Bakit mo ako niloko? Bakit ka nagsinungaling?”
“Dahil nasasakal na ako sa’yo!”
“Ano?”
“Dahil wala ka nang ginawa kundi ang magselos.”
“Dahil may rason.”
“Dahil insecure ka.”
At bago pa kami magkapalitan ng higit na masasakit na salita, tumalikod na ako at umalis.
Hanggang ngayon, makalipas ang dalawang linggo, nananatiling buo ang katahimikang namamagitan sa amin.