Friday, May 8, 2020

Veerus


At ang virus ay biglang naglaho. Bumalik sa normal ang lahat. Ang hindi alam ng mga tao, ang ugong ng kanilang mga dasal ang dumurog sa virus. At ngayong tumigil na sila at muli ay nakalimot, may mga alikabok sa hangin na dahan-dahang nagsasanib at nagsisimulang kumislot.

Saturday, July 6, 2019

Onse

Kung katanggap-tanggap ang walong entries sa loob ng isang taon, ipagdiwang pa rin natin ang ika-labing-isang anibersaryo ng blog ko. Sa kabila ng mga hindi natupad na pangako, sisikapin ko pa ring panatilihing buhay ang talaan na ito ng mga kuwento ng buhay ko at ng buhay ninyo na sana ay patuloy n'yo pa ring basahin at kalugdan. Pasasaan ba’t muli pa ring sisigla ang aking pananamlay.

Thursday, June 27, 2019

Jacket*

I met this guy.

Trainor siya sa isang call center. Former print ad model.

Akala ko, simpleng pagkikilala lang iyon pero hiningi niya ang number ko.

Akala ko rin, kunwari lang na interesado siya but he actually texted.

Tinawagan niya rin ako. At nang magkita uli kami sa imbitasyon niya, sinabi niyang may gusto siya sa akin. Parang hindi ako makapaniwala. Masyado siyang guwapo at ang pakiramdam ko, he was too good for me.

Pero kinilig ako siyempre. At nang tinanong niya ako kung pwedeng maging kami, hindi na ako nagpakipot pa. Kailangan ko pa bang maging choosy?

And so, naging kami. I could not be happier. Feeling ko, ang suwerte-suwerte ko.

Idinispley ko siya sa Malate kasi proud ako sa kanya. Ipinakilala ko siya sa mga kaibigan ko at nainggit sila.

Pinlano niya rin ang pagpapakilala sa akin sa mga kaibigan niya.

“But first, kailangan nating baguhin ang iyong pananamit,” ang sabi niya. “Tuturuan kitang maging stylish.”

Sinamahan niya akong mag-shopping. He picked-out clothes for me na sa palagay niya bagay sa akin. At kahit medyo may alinlangan ako, binili ko ang mga iyon to please him.

Pinagupitan niya rin ako sa isang salon at siya ang nagbigay ng instructions sa hairstylist.

Naiba ang itsura ko. At kahit parang nanibago ako, I went along. Inisip ko na lang, he just wanted me to look my best. And so I embraced the change.

Na-feel ko naman na proud siya sa akin nang finally, ipakilala niya ako sa mga kaibigan niya over dinner sa isang sosyal na restaurant.

Ok naman ang mga friends niya. Nice sila sa akin. Ok rin ang pakikipagkuwentuhan ko sa kanila. Everytime mapapatingin ako sa kanya, nakangiti siya sa akin.

It was not until pauwi na kami nang malaman ko na may displeasure pala siya. Pinagsabihan niya ako sa kotse.

“I think, masyado kang naging makuwento,” ang sabi. “You also laughed too much.”

“Huh?” Hindi ko yata napansin iyon. Sinagot ko lang naman ang mga tanong nila. Tumawa rin ako kasi nagjo-joke sila.

“And yes,” ang dugtong niya pa. “Kapag nagyoyosi ka, huwag mo nang hintaying maubos ang yosi mo. Halfway pa lang, patayin mo na. Hindi class yung halos umabot na sa filter ang sindi bago mo patayin.”

Napa-“Huh?’ uli ako. May ganoon? Noon ko lang yata narinig iyon.

“Inubos mo rin ang dessert mo. Hindi magandang tingnan. Mukha kang hindi health-conscious.”

Hindi ako sumagot. Hindi ako nag-defend. Inisip ko na lang, he just wanted to bring out the best in me. Kaya tinanggap ko na lang ang criticisms niya.

Kaya lang after that, napansin ko na sa tuwing nag-uusap kami, naging ugali niya rin na ikorek ako sa aking pagsasalita.

“Why do you keep on doing that?” Hindi na ako nakatiis kaya nagtanong na ako.

“I just want you to speak better. Trainor ako sa call center, remember?”

Alam ko na hindi naman mali ang mga pronunciation ko. Gusto niya lang akong mag-enunciate at magkaroon ng konting accent. Naisip ko, ok sige, wala namang masama kung gusto niyang pagandahin ang pagsasalita ko. Para sa ikabubuti ko rin naman iyon.

Kaya lang naging madalas iyon. Palagi niya akong kinokorek . Para tuloy ayaw ko nang magsalita. Parang hindi na rin kami makapag-communicate nang maayos dahil lagi na lang siyang may puna.

Nagsimula na akong mabahala. At mainis.

Minsan, isinama niya akong manood ng ballet sa CCP at hindi ko sinunod ang sabi niya na mag-jacket ako.

“You look so casual. Sinabi ko na kasing mag-jacket ka,” ang sabi niya pagkakita sa akin, may disapproval at annoyance sa tono ng boses niya.

“Medyo naiinitan kasi ako,” ang sagot ko.

“Malamig sa loob. It’s not your first time sa CCP, I assume.”

“Of course not.” Hindi nakaligtas sa akin ang sarcasm sa sinabi niya. Kahit parang medyo nainsulto ako, pinalampas ko iyon.

Habang nanonood, wala sa loob na napahalukipkip ako.

Bumulong siya sa akin, “See? I told you na mag-jacket ka. Nilalamig ka tuloy.”

Hindi naman ako nilalamig. Napahalukipkip lang ako kasi relaxed ang pakiramdam ko at nag-e-enjoy ako sa palabas. Hindi na lang ako kumibo.

Nang mag-intermission, we went to the lobby to drink something. Hindi pa rin siya tumigil.

“Tingnan mo, lahat maayos ang damit. Kung nag-jacket ka, e di hindi ka sana nagmukhang out-of-place.”

Sumagot na ako. “What’s wrong with what I am wearing? Maayos naman ang damit ko ah. Confident naman ako sa itsura ko.”

“Para kang gigimik. CCP ito, hindi Malate.”

Nagsimula na akong mabuwisit. Pero tinimpi ko pa rin ang sarili ko. I excused myself.

“I’ll just go to the comfort room,” ang paalam ko.

Hinawakan niya ako sa braso.

“Comfort room?” ang tanong niya.

“Yeah,” ang sagot ko.

May condescending look sa kanyang mga mata. “You should say restroom. Or washroom. Or loo.” Madiin ang bigkas niya sa bawat salita. “Comfort room is not a universal term.”

Hindi ko na napigilan ang sulak ng galit ko. Tinabig ko ang kamay niya.

“Putang ina, tigilan mo na ako. Kahit ano pa ang itawag mo diyan, kubeta pa rin yan!”

Sinabayan ko ng walk-out. Hindi niya ako hinabol.

***

Naisulat ko ito dahil noong isang araw, nagpunta ako sa mall upang bumili ng damit.

Pagpasok ko sa fitting room, I was surprised to see him. It has been years nang maghiwalay kami.

Nagkatinginan kami, matagal. Pero hindi kami nagbatian.

Bumukas ang pinto ng cubicle.

“Babe, what do you think?” ang tanong sa kanya ng boylet na nasa loob habang ipinapakita ang isinukat na jacket.

Pinagmasdan ko ang nagtatanong. Parang hindi siya sigurado sa suot niya, na napipilitan lamang siya dahil mayroong may gusto niyon para sa kanya. Nanghihingi siya ng approval, ng assurance na gusto hindi lamang ang damit niya kundi pati siya.

Parang ako. Noon.

“Looks good on you,” ang narinig kong sabi niya. “Try on the other one.”

Muli, may tinuturuan siyang maging stylish.

And I am sure, susunod na ang speech lessons.


*This is a repost of something I wrote in 2010. Something I think is worth revisiting.

Thursday, May 16, 2019

Lipas


Gusto kong magkuwento pero wala kasi talaga akong kuwento. Wala akong kuwento na kagaya noong kasibulan ko. Iyong huwag lang na di ako mapaliko sa isang kanto, may bagong kakilala na ako. May bago nang kapalitang-text at kaharutan. Iyong parang laro lang ang sex na hindi ka nag-iisip ng kinabukasan. Iyong parang ang kariktan mo ay palagi lang nandiyan, gabi-gabi ka mang magwalwal. Palaging mapula ang iyong mga labi, makislap ang mga mata at flawless ang kutis. Iyong kahit hindi ka naligo dahil sa pagmamadali, fresh ka pa rin at mukhang mabango. Iyong hindi mo kailangang gumugol nang ilang oras sa harap ng salamin. Everything just falls into place:  ang buhok mo kahit fininger comb mo lang, ang kilay mo na walang stray kahit sobra na ang kapal, ang ngiti mo na kahit nag-mouthwash ka lang ay kakaiba pa rin ang kinang. Iyon ang mga panahon ng aking kasariwaan na hindi ko ma-imagine na kukupas. Iyon ang kasagsagan ng aking pang-akit na nagsilbing bitag o pain upang ang sinumang nais ay mabihag. Iyon ang mga panahong lumipas nang halos hindi ko namamalayan. Mga panahong naglaho kasabay sa pagkaubos ng aking mga kuwento. Mga sandaling kailangan ko sana upang muli akong makapagsalaysay ng tungkol sa isang mundo na kung saan naroroon ako, namamayagpag. Mga panahong ako ang naghahari-harian (o nagrereyna-reynahan) subalit ngayo’y nasa isang sulok na lamang at pinagmamasdan ang mundong minsan ay naging palaruan.