Thursday, August 18, 2016

8 Years Old Na Ang Blog Ko!

Eight years old na pala ang blog ko and guess what, nakalimutan ko itong i-celebrate noong July 6. Ngayon ko lang naalala. Grabe, ganoon na ba talaga ako ka-busy o sadyang nawaglit lang sa isip ko dahil madalang na ang mga post ko? But still, buhay pa rin naman ang blog na ito kaya dapat lang na gunitain pa rin ang taong nagdaan. Parang kailan lang, hindi ko inasahang magtatagal ang blog ko nang ganito. (Heto na naman ako, parang sirang plaka.) Short term lang ito dapat pero nakagiliwan ko na nang husto kaya nagtagal nang ganito. Kung dumalang man ang mga post ko at medyo naging malalim ako, iyon ay dahil nag-mature na rin naman ako. Hindi na pwedeng ang mga post ko hanggang ngayon ay katulad pa rin ng mga post ko noong bata-bata pa ako. Siyempre, may nababago sa ating pananaw, pag-iisip, kilos, galaw habang nagkakaedad tayo. At sa paglipas ng panahon, siguro kung sisilipin nyo ang mga post ko, mapapansin ninyo ang pagkakaiba ng mga luma sa bago. But still, nandiyan pa rin kayo (I hope!). Kahit madalang na ang mga comments, alam ko na paisa-isa, may nagbabasa pa rin ng mga isinusulat ko. Sapat na yun upang ako ay magpatuloy. Sana lang ay bumalik sa dati ang sigla ng Blogspot pero parang wishful thinking na lang iyon. Unless magkasundo-sundo ang mga kasabayan kong bloggers noon na muli ay buhayin ito. I can't help but look back doon sa mga panahong pagbukas mo ng Blogspot, punumpuno ng updates ang dashboard mo. Nakaka-miss iyon. Ang dami ko ring naging kaibigan noon na kapwa blogger. Ilang ulit din akong nakipag-eyeball. At ang bawat pagkakataon ay tunay na memorable. Sarap balikan ng nakaraan. Sana kahit mukhang imposible na ay madugtungan pa rin ng panibagong sigla ang darating na panahon.  

Saturday, July 30, 2016

Long Lost

OMG. Nahanap din kita sa FB. Ang common kasi ng name mo. Buti nabanggit sa akin ng isang common friend natin ang middle name mo. Kaya ayun nang sinubukan ko uli sa search, lumabas ang profile mo. Natigilan ako nang tumambad ang litrato mo. Ang inaasahan ko, medyo tumaba ka na at tumanda but no, payat ka pa rin at obvious na alaga mo ang iyong sarili dahil maliban sa konting crow’s feet sa iyong mga mata dahil nakangiti ka, ay bata pa rin ang iyong itsura. Parang katulad noong tayo pa. I would say you even look better dahil may character na ang bukas ng iyong mukha. Hindi katulad noong mga bata pa tayo. All I remember is your angelic face na palaging nakangiti at kung nakakanti naman ay parang iiyak palagi. Pero ngayon, nasa mukha mo na ang strength of character, ang wisdom na natutunan mo through the years and I so very much prefer yung ikaw ngayon kesa dati. Minessage na kita. At inadd na rin. Please accept.


Monday, June 20, 2016

Paglisan


Umiikot ang aking paningin at parang alon ng dagat na pinagmasdan ko ang berdeng tabing habang humahampas sa dalampasigang dingding.

Ang pagkakahimlay ko sa kama ay isang pagpapatiubaya, pagpapatianod, pagpapatiraya.

Nakasisilaw ang puting ilaw. Nakalulunod ang puting unan at kumot. Nakapanlalamig ng mga kamay ang hangin.

At sa aandap-andap na hinagap, nabanaag ko ang iyong larawan. Papalayo nang papalayo sa aking kinaroroonan.

Pumikit ako at ikaw ay sinundan.

Sunday, May 15, 2016

Musings Habang Nagliligpit Ng Cabinet

Kapag nagliligpit ka ng cabinet, hindi ka dapat maging sentimental dahil ang bawat piraso ng iyong mga damit ay may alaalang nakakabit. Mga alaalang masasaya o masasakit na mahirap pakawalan. Hindi ka matatapos. Wala kang maise-segregate. Nasa sa'yo kung gusto mong magkaroon ng magulo o maayos na cabinet. Nasa sa'yo kung gusto mong bigyang puwang ang alaala ng mga bagong damit.

*** 

Ang dami ko na palang naipong Boracay souvenir shirts. Ilang ulit na ba akong nakapunta? Tatlo? Apat? Lima? Hindi ko na maalala. Pero ikaw na sa bawat pagkakataon ay lagi kong kasama, hindi mawawaglit sa aking alaala. Nasaan ka na kaya at kumusta?

*** 

To throw or not to throw? Ito yung T-shirt na bigay mo sa akin noon. Ito yung T-shirt na paborito kong suotin kahit kupas na at may punit. Ito yung T-shirt na hindi ko ma-let go kahit hiwalay na tayo. Umasa kasi ako noon na ikaw ay magbabalik kaya patuloy akong nag-hold on. Pero luma na ang T-shirt at worn out na rin ako. Throw!