Sunday, February 28, 2010

Shorts

Nahalungkat ko ang mga ito sa aking draft folder. Mga kuwentong sinimulan kong sulatin pero hindi ko nagawang tapusin. Minsan kasi pasingit-singit lang at paputul-putol ako kung magsulat kaya siguro nawalan ako ng momentum at inspirasyon. Anyway, para hindi masayang, pinagsama-sama ko ang mga ito para makabuo ng isang blog post. Kahit bitin, palagay ko naman mai-enjoy nyo pa rin ang mga kuwentong ito.

===

FRESHMAN

Freshmen Orientation noon sa college nang makilala ko siya. Fourth year ako noon at dahil aktibo ako sa school organizations, isa ako sa mga napiling tumulong sa pagwe-welcome ng mga first year.

Namataan ko siya na tila nawawala at nag-aatubiling tumuloy sa assembly hall. Maputi, payat, Chinese.

Nilapitan ko siya.

“Tuloy ka,” ang sabi ko. “Magsisimula na ang program.”

Tumingin siya sa akin nang may pag-aalinlangan.

Nginitian ko siya. “Ako nga pala si Aris. Ano’ng name mo?”

“Spencer.” Ngumiti rin siya, kimi.

Inakbayan ko siya. “Halika, Spencer, pumasok ka na.”

Giniyahan ko siya sa loob at sinamahan kung saan may mga bakanteng upuan.

“Kung may kailangan ka, lapitan mo lang ako,” ang sabi ko sa kanya.

Muli siyang ngumiti. Napansin ko ang higit na paniningkit ng kanyang mga mata.

Iniwan ko na siya upang i-assist ang iba pang freshmen.

Nang magsimula na ang programa, sumulyap ako sa kinaroroonan niya.

Nakita kong nakatingin din siya sa akin.

***

Two days later nang muli ko siyang makita. Breaktime noon at nagpunta ako sa canteen. Nakita ko siyang kumakain mag-isa.

“Hey,” ang bati ko sa kanya.

Ngumiti siya sa akin. Wala na ang pagkakimi.

“Dito ka na umupo,” ang imbita niya sa akin.

“Wala kang kasama?” ang tanong ko.

“Wala pa akong friends eh,” ang sagot niya.

Jumoin ako sa kanya.

“Ikaw, bakit mag-isa ka?” ang tanong niya.

“Magkakaiba kasi sked namin ng mga kaibigan ko.”

“Hanggang anong oras ang klase mo?”

“8:30. Ikaw?”

“7:30.”

Pagkatapos ng break, tumayo na kami upang bumalik sa klase.

“Saan ka?” ang tanong ko sa kanya.

“Sa Arts and Sciences,” ang sagot niya.

“Doon din ako.”

Sabay kaming naglakad na parehong nagmamadali.

“Saan ang last class mo?” ang tanong niya.

“Sa Annex.”

Paglabas ko ng klase, bandang 8:30 nang gabi, nagulat ako nang makita ko siyang naghihintay sa labas ng classroom ko.

“Anong ginagawa mo rito?” ang tanong ko.

“Hinihintay ka,” ang sagot niya.

“Bakit?”

“Sabay na tayong umuwi.”

===

TRIPPER

“Bakit ka ba nakatingin?” ang tanong niya.

“Kasi nakatingin ka rin,” ang sagot ko.

“Akala ko, may gusto ka sa akin…”

“…At saka may gusto rin ako sa’yo.” Prangkahan na, kesehodang magalit siya.

Pero ngumiti siya.

“Jay-Ar…” ang sabi niya sabay abot ng kanyang kamay.

Ngumiti rin ako. “Aris.”

Nagkamay kami.

Nasa may labasan kami ng SM nang mga sandaling iyon at parehong nagyoyosi.

“May hinihintay ka?”

“Oo. Girlfriend ko. Dito siya nagwo-work. Palabas na.”

Alas-nuwebe na kasi nang gabi at nagsasara na ang mall.

“I see.” Hindi siya PLU. May girlfriend eh.

“Ikaw, sino hinihintay mo?”

“Friend ko. Kinukuha lang ang kotse sa parking.”

“Gusto mo bang kunin ang number ko?” ang tanong niya.

“Sige.”

“Text mo lang ako,” ang sabi niya pagkatapos naming mag-exchange numbers.

“Sure.”

“Maaari tayong magkita uli.” May pilyong ngiti na sumilay sa kanyang mga labi.

Maya-maya, lumabas na ang kanyang hinihintay. Saleslady sa isang boutique. Kaagad na kumapit sa kanyang braso.

Palihim siyang tumingin sa akin habang papaalis sila.

Napangiti na lang ako.

***

Bakit ba ako na-attract sa kanya?

Kasi matangkad siya. Payat. Maputi. Nasa uso ang gupit at damit. Medyo jologs pero guwapo. At pilyo kung makatingin.

Frankly, parang masarap siyang tikman. Iyon lang ang naisip ko habang nakatingin sa kanya.

Malakas ang loob ko dahil na-sense ko na game siya. Hindi nga ako nagkamali, dahil naging responsive siya.

May girlfriend siya? So what? Hindi ko naman siya jojowain. Trip trip lang kung paanong ganoon din siguro ang gusto niya.

Bandang alas-onse nang gabi, hindi ko inaasahan ang text niya.

“Musta? Gising ka pa ba?”

“Yup. Why?” ang reply ko.

“Gusto mo bang magkita tayo ngayong gabi?”

Nakahiga na ako nang mga sandaling iyon pero honestly, horny ako.

“May place ka?” ang tanong ko.

“Meron.”

“Saan ka malapit?”

Sinabi niya ang lugar. Uy, isang jeep lang mula sa amin.

“May Mini-Stop sa kanto namin. Doon tayo magkita,” ang sabi niya.

Nakaligo na ako kaya nagpalit lang ako ng damit at lumabas na ng bahay.

Habang bumibiyahe patungo sa aming tagpuan, hindi ko maiwasang kabahan pero nangingibabaw din sa akin ang excitement. Ayoko nang sagutin ang mga tanong sa isip ko: Bakit siya nakikipagkita sa akin ngayon? Hindi kaya delikado? Basta, inihanda ko na lamang ang sarili ko at pinairal ang tapang ko.

Naroroon na siya pagdating ko, nakatayo sa labas ng convenience store. Nakasando, shorts at tsinelas. Tahimik akong napa-wow sa ganda ng legs niya. Napansin ko rin ang maganda niyang paa. Sumasal lalo ang kaba ko hindi na dahil sa takot kundi sa arousal at anticipation ng mangyayari sa pagtatagpo naming iyon.

Ngumiti siya pagkakita sa akin. Walang sali-salita na giniyahan niya ako papasok sa village nila. Akala ko magta-tricyle kami subalit walking distance lang pala ang tinutuluyan niya.

Isang lumang bahay iyon na ginawang kuwarto-kuwarto at pinauupahan. Tumuloy kami sa kuwarto niya. Pagpasok sa loob, napansin ko ang dalawang double deck.

Umupo ako sa kama.

“Mag-isa lang ako rito ngayon, panggabi kasi ang mga kasama ko sa trabaho. Pasensya ka na, medyo masikip at magulo,” ang sabi.

Naghubad siya ng sando at humarap sa akin. Tumambad ang lean niyang katawan. Lumapit siya sa akin. At dahil nakaupo ako, lumebel ang tiyan niya sa mukha ko. Natakam ako sa kanyang pusod na tila inaalok niya sa akin. Hindi ko napigilan ang aking sarili at ito ay aking sinimsim.

===

ROMANTIC

“Will you be mine?” ang tanong niya pagkatapos ng mahaba at makapugtong-hiningang paghahalikan.

“What do you mean?” Naiintindihan ko ang ibig niyang sabihin. Gusto ko lang makasigurado.

“Maging tayo.”

Ang kaagad kong naisip: Uy, magandang blog entry ito. My readers will be thrilled. In short, hindi ko siya sineryoso.

Pero mukhang seryoso siya dahil hinila niya ako palabas ng Bed. Dinala niya ako sa Silya. Uminom kami at dinigahan niya ako.

“I will take care of you. I will make you happy,” ang sabi.

I was cringing. Hindi ako sanay na nililigawan.

Maya-maya, tinawag niya ang batang nagtitinda ng bulaklak. Bumili siya. At ibinigay sa akin.

Nagulat ako. Hindi ko maipaliwanag ang damdamin ko habang tangan ang rose. Touched ako na masaya na parang nahihiya.

Sa puntong iyon na most vulnerable ako, inulit niya ang tanong.

“Will you be my boyfriend?”

Napa-“Oo” ako.

He kissed me on the lips. Tapos, bumulong siya sa akin ng “I love you.”

Hindi ako sigurado kung nag-“I love you” din ako.

Monday, February 22, 2010

Left Out

Axel texted: “Guys, I’m bringing over my new partner. Utang na loob, huwag n’yo siyang okrayin.”

Natawa ako. Naalala ko ang kanyang past jowa na ipinakilala sa amin. Hindi naman namin inokray. Si Axel ang inokray namin kaya lang, yung jowa pala ang tinamaan.

Ganito kasi yun. Dumating si Axel na nakakawindang ang outfit. Black shirt na may mga kung anik-anik na silver trimmings, itsurang makikipag-compete sa shiny disco ball. Ang jowa naman, pormal-pormalan ang damit.

Hindi nakatiis ang barkada. Pinintas-pintasan ang outfit ni Axel. As in, lait to the max. Mapang-asar kasi si Axel kaya hindi namin pinalampas ang pagkakataon para makaganti. Pangiti-ngiti lang si Axel habang salitan kami ng mga friends sa pang-ookray sa suot niya. Tahimik naman ang jowa.

At nang makuntento na kami, saka ako binulungan ni Axel. Ang may-ari ng shirt na suot niya ay ang jowa. Nakipagpalit lang siya para iligtas ang guy sa panlalait namin.

Gosh, namutla ako. At nang ipaalam ko sa barkada ang kuwento sa likod ng mahiwagang damit, lahat gustong matunaw sa hiya.

Ayun, after that night nag-break na sila. No, hindi naman kami ang naging dahilan. Umalis na kasi papuntang Dubai ang jowa para doon mag-work.

***

Nagulat ako sa text ni Axel kasi last Saturday lang habang pinag-uusapan namin ang pagpunta sa Galera, ang sabi niya pa sa amin nina James at Basil: “Buti na lang, single tayo. Mag-e-enjoy tayo nang husto!” sabay kantiyaw kina Ace at Arnel: “Sorry, guys. Kailangan n’yong mag-behave kasi may mga jowa na kayo.” At ang dugtong pa: “Kaya ayoko munang magka-jowa, sagabal sa gimik.”

Puwes, kinain niya ang sinabi niya. Dahil, heto, pagkaraan ng ilang araw, may jowa na siya. Dati-rati, kapag may prospect si Axel, nagte-text pa siya sa akin para patingnan ang Facebook o Friendster sabay tanong ng: “What do you think?”. Kaya bago ko pa makilala, may idea na ako kung ano ang itsura. Pero itong bagong jowa, nagulat ako rito dahil wala siyang kakibo-kibo. Basta biglang may jowa na lang siya at ipapakilala sa amin nang gabing iyon.

Lahat kami nakatanggap ng “Do not okray” text kaya habang naghihintay kami sa pagdating nila, kinukundisyon na namin ang aming mga sarili na magpakabait. Kailangan naming bumawi sa kapalpakan namin last time. Lahat kami na-surprise sa biglaang pagkakaroon ni Axel ng jowa. Oh well, ganoon talaga, unexpected minsan ang pagdating ng taong magpapatibok sa iyong puso at magpapabago sa iyong pananaw.

Natahimik kami pagdating nila. Bongga ang jowa. Guwapo, bata at sociable. Hindi man lang naasiwa sa grupo. Siyempre, hindi maiiwasan ang question and answer portion. Gusto namin siyang makilala bilang bahagi ng pag-welcome namin sa kanya. Pormal-pormalan ang Axel. Hindi magulo at mapang-asar. Hindi kami sanay kaya kahit paano may mga sundot kami sa kanya. “Huy, Axel, hindi bagay sa’yo ang demure.” Na sinegundahan ng jowa: “Sige na, be yourself. Hindi naman magbabago ang tingin ko sa’yo.” Oh, di ba, ang sweet?

Bagay na nag-endear sa amin kay Rommel. Rommel nga pala ang name niya. Ako, personally, gusto ko siya para kay Axel. Marami na rin kasi akong nakilala sa mga jowa ni Axel noon na yung iba, hindi nakilala ng barkada. Kay Rommel ko lang nakita na pumormal nang ganito si Axel. Alam ko na mapapatino ni Rommel ang kaibigan ko. Well, it’s about time na magpakatino na siya dahil ang dami niya na ring naging paglalaro in the past. And most importantly, gusto ko na rin siyang maging happy. At sa pagtaya ko sa mga kilos at pananalita ni Rommel, palagay ko ito na ang magpapaligaya sa kanya.

“So, is he joining us in Galera?” ang tanong ko.

“Siyempre naman,” ang sagot. “Sorry, guys, tatawid na ako sa grupo ng mga may jowa. Kayong tatlo na lang ang pwedeng rumampa.” Na ang pinatutungkulan ay ako, si James at si Basil.

“Kung ganoon, happiness kami,” ang sabi ni Basil.

“Happiness din naman ang magka-jowa. Try n’yo,” ang sabi ni Axel.

“After Galera na lang. Hahaha!” ang sagot ni James.

Well, kinain din ni James ang sinabi niya. Dahil bago natapos ang gabi, nagkaroon ng hindi inaasahang pagbabago sa takbo ng kapalaran niya. But that is getting ahead of the story.

Anyway, may friend si James na nag-join sa amin. Si Warren. Chika sila nang chika na parang private ang topic nila. Kahit katabi ko si James, hindi ko maulinigan ang pinag-uusapan nila or maybe hindi lang ako interesado.

Nang pumasok kami ng Bed, sumama si Warren. Sa loob, nagkawalaan kami. Ako lang at si Axel ang nag-stay sa usual spot. But since may kasama siyang jowa, may sariling mundo sila kaya para na rin akong mag-isa. Nakipag-flirt na lang ako sa mga cutie para ma-entertain. Umakyat din ako sa ledge para makipagsayaw sa isang shirtless guy na pang-macho dancer ang mga moves. Hindi nagtagal, nainip ako. Bumalik ako sa spot namin pero pati sina Axel at Rommel, wala na roon. So, hinanap ko ang mga friends.

That was when I saw James.

Nasa isang sulok siya at masyadong cozy with a guy. Nasa tabi nila si Warren. It turned out na ang guy na ito ay kaibigan pala ni Warren at iminatch niya kay James. Ito pala ang pinagbubulungan nila earlier sa Silya.

From the looks of it, mukhang nagkakamabutihan sina James at ang guy. Magkadikit sila at magkahawak pa habang nag-uusap. At nakatingin sila sa mga mata ng isa’t isa.

Na-distract sila ng presence ko. James introduced me to the guy. Hindi nag-register sa akin ang name pero nag-register sa akin ang kanyang itsura. He was handsome. Matangkad. Maganda ang katawan. Model ang arrive. Bagay sila ni James.

We clasped each other’s hand and said “Hi.” James was smiling. Kitang-kita ko sa kanya na masaya siya.

Kaagad din akong nagpaalam at umalis.

I sat in a corner and lit a cigarette.

May tumabi sa aking bagets at nakisindi. He chatted me up. I knew he was interested but I did not make a move. Not that he was bad looking but I just felt tired. He lingered until he finished his cigarette.

I stayed there just listening to the music hanggang sa numipis ang tao.

I saw Maynard and Luigi (they were not with us earlier) at niyaya na nila akong lumabas.

Pagdaan namin sa may Sonata, naroroon sina James and the guy. Itsurang may namamagitan na sa kanila dahil magkayakap sila habang nag-uusap. Kasama nila si Warren.

Ito palang sina Warren at Maynard ay may nakaraan. Before I knew it, nakalapit na si Maynard kay Warren at naglalandian na ang dalawa.

Kami na lang ni Luigi ang dumiretso sa Silya upang mag-breakfast.

Maya-maya, dumaan si James sa table namin at nagpaalam sa akin. “Sorry, friend, I cannot join you anymore,” ang sabi. “Gusto niya kasi akong ihatid pauwi.”

Nginitian ko si James. “It’s ok. I understand.”

“Text kita mamaya.” He hugged me and kissed me on the cheek bago siya nagmamadaling umalis.

Halfway through breakfast, tumunog ang celfone ni Luigi.

“Hello? Yeah. Who’s this?” ang kanyang sagot. “Oh, Xavier. Yeah. Where are you? Silya ako. Andito ka rin?” Luminga-linga siya. “Yeah, I saw you na. Yeah, sure. I’ll finish eating lang tapos pupuntahan kita. Ok, bye.”

Excited siyang tumingin sa akin pagkababa ng kanyang celfone. “Friend, I just got an invitation na mag-sleep over sa bahay ng crush ko.”

“Talaga?”

Shucks, hindi ko inaasahan ito.”

“Asan siya?”

“Ayun, o,” sabay turo sa isang guy na nakaupo sa kabila.

“Hmmm… cute.”

”Sorry, hindi na kita masasabayan sa pag-uwi,” ang sabi niya, apologetic.

“No problem,” ang sagot ko. “Bilisan mo na at baka mainip siya.”

Tinapos lang namin ang pagkain at kaagad na siyang umalis.

Nagliliwanag na nang maglakad akong mag-isa papunta sa Taft.

***

Habang sinusulat ko ito, nag-text si Basil.

“Sorry, hindi na ako nakapagpaalam kagabi. You see, I met this guy…”

Ok.

Ang dugtong pa: “Friend, I think I’m in love.”

Oh.

Maya-maya, si James naman ang nag-text.

“Nandito ako ngayon sa Gateway. Manonood kami ng movie. Tapos, dinner.”

“Kayo na ba?” ang tanong ko.

“Mukhang doon na kami papunta.”

Sigh.

Mukhang ako na lang ang single pagpunta namin sa Galera.

Nakaka-pressure.

Tuesday, February 16, 2010

Maybe Not

Nagkaroon kami ng pact ng aking mga kaibigan na ide-“date” namin ang bawat isa sa bisperas ng Valentine. Join din ang mga may jowa para aliwin kaming mga single. Kaya kahit may date na ako kinabukasan, go pa rin ako sa Malate Saturday evening to be with my friends. Matagal na namin itong pinlano para huwag naman kaming magmukhang kawawa sa araw ng mga puso. Balak pa nga namin, magpupula kami lahat pero we changed our minds at the last minute kasi medyo nabaduyan kami. Nakakatawa lang kasi nang magkita-kita na kami, lahat ng single, naka-dark colors at ang mga may jowa, naka-bright. Hindi naman kami nag-usap-usap. Halata tuloy kung sino ang masaya at kung sino ang “malungkot”. Ako, naka-brown -- in-between ng dark and bright – maybe because I was on the verge of (and very hopeful about) saying goodbye to singlehood. Well, at least during that time, iyon siguro ang nasa subconscious ko kaya nag-reflect sa naging choice of color ko.

Anyway, habang sumasambulat ang mga fireworks sa kalangitan sabay sa pagpasok ng Chinese New Year, we drowned our sorrows (sorrows daw o!) sa pamamagitan ng beer at mga kuwento. Napagdiskitahan din namin ang videoke. At nang may kumanta ng “I’ll Be”, may nanumbalik na alaala ng isang ex na nagpalungkot sa akin. Kinakanta niya kasi sa akin ito noon at aaminin ko, nasa puso ko pa rin siya hanggang ngayon although tanggap ko na ang nangyari sa amin. Ewan ko kung bakit na-share ko ito kay James without knowing na nalulungkot din pala siya. Nag-share din siya sa akin kung bakit. He had a dinner date Friday night. A thirty-something doctor na nakilala niya through a friend. The dinner went well and he seemed perfect kaya in James’ mind, naglalaro na ang mga possibilities. It was not until they were having coffee nang may inamin ang doktor. He was, in fact, committed and in a ten-year old relationship. “Will you be my number 2?” ang alok pa raw sa kanya. “Ten years na ang relasyon ninyo, bakit naghahanap ka pa ng iba? May problema ba?” ang tanong ni James. “Wala naman. Gusto ko lang magkaroon ng konting excitement sa buhay,” ang sagot. My friend said “No” sabay walk-out. What saddened him was not because the guy he liked was already committed but because the guy wanted to be unfaithful to his partner of many years. Na-disillusion siya at nag-worry para sa kanyang sarili dahil pinapangarap niya at naniniwala siya sa for life na relasyon. Ang tanong niya tuloy ngayon, mali ba na umasa siya na makakatagpo ng isang faithful at pang-ever after na pag-ibig?

To cheer ourselves up, we went to Bed to dance. Desidido akong mag-behave. Iniisip ko si Michael at ang date namin kinabukasan. I would not do anything to spoil it. I stayed close to my friends para walang maging puwang ang temptation. We danced na kami-kami lang but later on, unti-unti na silang nangawala hanggang matagpuan ko ang aking sarili na mag-isa na lang. I stood close to the wall. Ok lang sa akin na maging wallflower nang gabing iyon. Nakuntento akong panoorin ang mga kaibigan ko at magmasid sa mga tao sa paligid. Love was in the air. Napansin ko lang, ang daming nagki-kissing, nagho-holding hands at nagyayakapan. Hindi ko nga lang alam kung mga mag-jowa sila o bagong magkakakilala lamang. But it did not matter. It was just but fitting na mabalutan ng pag-ibig ang paligid dahil Valentine nga. How I wished na naroroon si Michael dahil type ko ring makipagsabayan.

***

Akala ko noong una, namamalikmata lang ako. I strained my eyes para aninagin ang pamilyar na hubog na iyon sa tanglaw ng patay-sinding mga ilaw. I edged my way patungo sa kinaroroonan niya. My heart started beating fast, hindi ko alam kung dahil sa tuwa o dahil sa pangamba. Hindi kasi namin nababanggit sa isa’t isa ang pagpunta sa Bed nang gabing iyon. Ang nakaplano ay ang Valentine dinner namin. Ayoko sanang magkita kami sa lugar na iyon nang hindi inaasahan dahil baka magkaroon pa ng maling interpretasyon, sa panig niya at sa panig ko.

A few steps away from where he was, napahinto ako. It was him! Si Michael nga. Higit na bumilis ang tibok ng aking puso. Pinangibabawan ako ng excitement. Lalapitan ko na sana siya nang may mapansin ako. Hindi siya nag-iisa. May kasama siya na nakaakbay pa habang may ibinubulong sa kanya. Dahan-dahan akong napaurong.

Baka friend, ang una kong naisip. Gayunpaman, ipinagpasiya ko pa ring huwag munang magpakita sa kanya. I retreated in a dark corner habang ang aking mga mata ay hindi lumalayo sa kanya. Mula roon ay pinagmasdan ko siya, sila ng kasama niya.

Patuloy sila sa pagbubulungan. Nagtatawanan pa sila. Normal naman ang mga kilos nila. Nagsasayaw sila habang nagse-share sa isang pitcher ng drink. Bagay na ginagawa naman namin ng aking mga friends. Subalit kinalaunan, may napansin na akong kakaiba.

The guy has wrapped his arms around his neck. At may eye contact na sila. Panay pa rin ang kanilang bulungan pero wala na ang tawanan. Seryoso na ang facial expression nila. Ibinaba ni Michael ang pitcher and his hands went to the guy’s hips. Nagsayaw sila na magkakapit at magkalapit ang mga mukha. May naramdaman akong pagsisikip sa aking dibdib.

Maya-maya, kumalas sila sa isa’t isa. Hinawakan ng guy ang kamay ni Michael at ni-lead ito palayo sa dancefloor. Nakita ko silang nagpunta sa direksyon ng restroom sa ibaba. Tinatambol ang aking dibdib sa magkahalong kutob at panibugho. Pilit kong pinayapa ang aking sarili sa pamamagitan ng makailang ulit na pag-breathe in at pag-breathe out. Pilit kong pinairal ang rason subalit nanaig ang aking emosyon. Kung kaya sa kabila ng takot sa maaari kong matuklasan, ipinagpasiya kong sundan sila.

Dahan-dahan ang ginawa kong pagkilos. May dread akong nararamdaman subalit gusto ko ring makumpirma o mapasinungalingan ang aking hinala.

At doon sa madilim na sulok sa may restroom, nakita ko sila.

Magkayakap.

Naghahalikan.

Napatda ako sa aking kinatatayuan. Saklot ng matinding pagkabigla, para akong nabingi. Parang namanhid ang aking mukha. Kaagad na gumapang ang kirot sa aking puso.

Saglit na nag-freeze ang lahat habang sinasaksihan ko ang pagguho ng aking pangarap.

Nang mahimasmasan, ipinagpasiya kong harapin ang katotohanan. Lumapit ako sa kanilang kinaroroonan. At hinintay kong mapansin ako ni Michael.

Napamulagat siya pagkakita sa akin. Kaagad siyang bumitiw sa kanyang kahalikan at halos itulak niya ito palayo.

Nakatingin lang ako sa kanya. Punumpuno ng sakit at pagdaramdam ang aking mga mata. Hindi ko na kailangang magsalita dahil naroroon na ang lahat nang gusto kong sabihin sa kanya.

Tumalikod ako upang umalis. Kaagad niya akong hinabol at pinigil.

“Aris, sandali.”

Hinarap ko siya. Bukod sa hinanakit, alam kong may panunumbat din sa aking mga mata.

“He’s my ex. Siya ang ikinukuwento ka sa’yo last time,” ang sabi niya.

“Akala ko, matagal na kayong tapos.” Mababa ang aking tinig nang ako ay sumagot.

“Inimbita niya akong lumabas. Hindi ako nakatanggi.”

“Nagkabalikan na kayo?”

“No. Malungkot lang siya kaya sinamahan ko.”

“I’m sure, napasaya mo na siya ngayon nang husto.”

“Walang ibig sabihin ang nakita mo.”

“Hindi mo na kailangang magpaliwanag.”

“Please, pag-usapan natin ito.”

“Bakit pa?”

“Because I still want you.”

“Naririnig mo ba ang sarili mo? Mahiya ka sa kasama mo.”

“Ikaw pa rin ang gusto kong makasama bukas.”

“Forget about it.”

“Aris, please…”

Mataman ko siyang tinitigan bago ako muling nagsalita.

“Michael… Just forget about me, ok?”

At tuluyan na akong lumayo.

Nagkukunwari lang akong matatag pero ang totoo, hinang-hina ako. Hinanap ko ang aking mga kaibigan subalit hindi ko sila makita. Everything was a blur. Parang umiikot ang paligid. Parang sasabog ang ulo ko sa ingay. Parang pinipilas ang aking puso.

Nagmamadali ako papunta sa usual spot namin nang matalisod ako. Muntik na akong madapa. Napahawak ako sa isang lalaking nakatayo. Kaagad niya akong inalalayan.

“Are you alright?” ang sabi.

“Yeah.” Pahapyaw ko siyang hinagod ng tingin.

Nginitian niya ako. He was tall and goodlooking.

“You wanna dance?” ang tanong niya sa akin.

Gusto ko sanang tumanggi subalit nang mga sandaling iyon, I was desperate for company.

Pinilit kong ngumiti.

“Sure.”

It felt good when he held my hand patungo sa dancefloor.

***

On Valentine’s Day, nagsimba ako at nagdasal.

Bumili ako ng rose sa isang batang nagtitinda sa labas ng simbahan.

Umuwi ako at nagluto ng dinner.

Inayos ko ang mesa. Inilagay ko ang rose sa vase.

Kumain akong mag-isa.

Wednesday, February 10, 2010

Maybe

Tsinek ko kaagad ang celfone ko pagkagising subalit wala siyang text.

Tinext ko siya subalit natapos na akong maligo at lahat, wala siyang reply.

Nag-wonder tuloy ako. Ang nangyari ba kagabi ay isang panaginip lamang?

***

Unplanned ang gimik namin ng mga kaibigan ko kagabi. Pasado alas-diyes na nang mag-text-text kami. Lahat hindi mapakali at ayaw magmukmok sa bahay on a Saturday evening.

Nakababad na ako sa computer subalit ako ay balisa. Parang tuksong lumalarawan sa aking isip ang Strong Ice… ang patay-sinding mga ilaw… ang siksikang dancefloor… ang ledge. Tila nauulinigan ko rin ang musika na nagpapatibok sa paligid. Higit lalo at nagdesisyon na ang aking mga kaibigan na pupunta sila.

Bandang alas-onse, hindi ko na natimpi ang aking sarili. Bumigay ako sa tentasyon. Nagbihis ako at nagpaganda. Go na rin ako.

When I texted my friends na darating ako, “Yehey!” ang naging reply nila. Nagsimula akong ma-excite dahil gusto ko ang mga spur-of-the-moment na lakad. Mas masaya kapag walang plano. Mas maraming nangyayaring unexpected. Too bad, hindi ko napilit ang bestfriend ko na sumama kasi during that time, nasa spa na sila ng jowa niya. Kumpleto sana kami.

Dumating ako mga 12:30. Naroon na sila at nag-iinuman na. Masigla akong jumoin sa kanila. Nakibahagi kaagad ako sa kwentuhan at tawanan. Dahil masaya kami lahat, nakalimutan naming magbilang ng bote. We just kept on drinking. Dama ko ang paglalaho ng pagod ko at mga alalahanin.

Nagkaroon kami ng pagkakataon to finalize our Galera plans and we were all excited. Ngayon lang kasi kami makakapag-out-of-town na magbabarkada kaya ina-anticipate na namin ang super sayang bonding. Napagkasunduang mga jowa lang (kung meron) ang pwedeng isama. Mental note: Start dieting tomorrow. And maybe find a jowa soon?

Nang malasing kami, lipad na kami sa Bed. We thought about checking out other clubs (para maiba naman) pero umiral ang aming pagiging loyal. Ang sarap ng feeling ko nang mga sandaling iyon. Tamang-tama lang ang tama ko. Gustung-gusto kong sumayaw with my friends. Wala sa isip ko ang lumandi sa boys. Choz!

Subalit wala pang 5 minutes na nagsasayaw kami, may biglang yumakap sa akin mula sa likuran. Pumihit ako upang sinuhin. Hindi ko kilala pero nakangiti sa akin. Cute, kaya nginitian ko rin.

“Hi!” ang sabi.

“Hi,” ang sabi ko rin.

“I’m Michael.”

“Aris.”

At doon nagsimulang higit na maging exciting ang aking gabi.

***

Hinarap ko siya. Hindi lang siya cute. Napaka-cute, as in! Nag-rub-a-dub kaagad ang aking dibdib. Nakalimutan ko ang resolve na hindi ako lalandi. Pati mga friends ko, nakalimutan ko rin as I gyrated in front of him. Aba, palaban ang boylet. Tinapatan ang aking moves. Nagsayaw kami na parang inaakit ang isa’t isa. We got close to each other, so close na nadama ko ang kanyang dibdib at nalanghap ko ang kanyang hininga. At hindi nagtagal, our lips met like it was the most natural thing to happen.

Ang lambot at ang tamis ng kanyang lips. At ang sarap niyang humalik. May magkahalong lambing at aggressiveness.

“Are you alone?” ang tanong niya.

“Yeah. I mean, no. I’m with friends,” para akong nawawala sa sarili habang pinagmamasdan ko siya. He was Mr. Dreamboy personified. And he was mine. Ano bang kabutihan ang nagawa ko to deserve him?

“I am all by myself. Will you stay with me?” ang sabi.

“Of course. Sure. I would love to.” Nasabi ko na yatang lahat ng affirmatives sa sagot ko.

He held me then he started to kiss me again. Gentle at first pero kinalaunan, naging persistent. Gosh, para akong lumutang. Para akong higit na nalasing. Naging oblivious na ako sa paligid. Gumanti rin ako ng yakap at halik.

Nasa ganoong ecstatic akong kalagayan nang may maramdaman akong kumurot sa aking tagiliran. It was one of my friends, inaabutan ako ng beer. I introduced him to Michael.

Bumulong siya sa akin pagkatapos nilang magkamay: “I hate you. Ang guwapo niya.”

I just smiled.

Nagpatuloy kami sa aming ginagawa ni Michael. Sayaw-sayaw. Yakap-yakap. Halik-halik. Hanggang gumapang na ang kanyang mga labi sa aking leeg. Napapikit ako at napaliyad habang dinadama ko ang kiliting abot hanggang sa aking talampakan. Kakaiba siya, he was pushing the right buttons na parang alam na alam niya ang mga kahinaan ko.

Then I invited him to dance on the ledge. Okay, aaminin ko, I was so proud of him at gusto ko siyang ipagmalaki. Kaagad naman siyang pumayag.

Paakyat sa ledge, nadaanan namin ang dalawa ko pang kaibigan. Ipinakilala ko siya. Palihim din akong kinurot ng isa sa kanila na ang ibig sabihin ay: “You’re so lucky I hate you.”

Akala ko, magiging tame kami sa ledge pero hindi iyon ang nangyari. Higit kaming naging mapaglaro at mapangahas. Kasabay sa aming pagsasayaw ay ang maya’t mayang pagtatagpo ng aming mga labi, pagyayakapan at paghaplos sa iba’t ibang bahagi ng aming katawan. Panay din ang aming pagtititigan. I only had eyes for him. Ang iba pang mga mukha sa paligid ay tila hindi ko mabanaagan. He was more than enough for me.

At one point, nagpaalam ako sa kanya na magre-restroom.

“Sasamahan na kita,” ang sabi.

“Are you sure?” ang tanong ko.

“Yeah.”

Hinawakan niya ako sa kamay at siya na mismo ang gumiya sa akin pababa ng ledge. Nakipagsiksikan kami at naki-excuse sa mga nagsasayaw sa danceflor. Dama ko ang kanyang pagka-protective at iyon ay aking na-appreciate. When was the last time na ako ay tinrato nang ganito?

Hindi niya binitiwan ang aking kamay hanggang makaakyat kami sa second floor. At doon sa restroom, humarap kami sa salamin. Pinagmasdan namin ang aming mga sarili sa liwanag. Pinunasan niya ng tissue ang pawis sa aking noo. Medyo inayos niya pa ang aking buhok.

“Do you like what you see?” ang tanong ko. Siguro, naghahanap lang ako ng affirmation. Iniisip ko kasi na baka nagustuhan niya lang ako kanina kasi medyo madilim.

“Very much,” ang sagot na nagpalukso sa puso ko. Dahil ako rin, gustung-gusto ko ang aking nakikita sa harap ng salamin. Higit siyang guwapo at napaka-expressive ng kanyang mga mata. Enough to melt me like butter kapag tinitigan niya ako nang matagal.

At siguro upang ako ay i-assure, niyakap niya ako nang mahigpit at hinagkan sa pisngi. Nanatili akong nakatingin sa reflection namin sa salamin. I may be biased pero bagay na bagay kami sa tingin ko.

On our way down nasalubong namin sa stairs ang ex ko na si H. Nakatingin siya sa amin habang bumababa kami na magka-holding hands. Nginitian ko siya. Lumipat ang tingin niya mula sa akin papunta kay Michael. Tapos bumalik sa akin at tumitig na tila nagtatanong. I could only keep on smiling. I was so happy and proud. Sinalubong ko ang titig ni H na tila nagmamalaki at nagsasabing “Look, sobrang guwapo ng kasama ko. Wala kang sinabi.” Nilagpasan namin siya na hindi man lang ako nag-effort na pagkilalanin silang dalawa. What for?

Bumalik kami sa ledge at doon, muling nagsayaw. Pasingit-singit kaming nag-usap sa gitna ng physical exercise at exploration.

“Lagi ka ba rito?” ang tanong niya.

“Hindi masyado,” ang sagot ko. Charosera. Ang ibig kong sabihin, lately hindi na ako masyadong nagpupunta. “Ikaw?”

“Ngayon na lang uli. After what, six months?”

“Bakit ngayon ka lang lumabas at mag-isa pa?”

“I just decided to snap out of something.”

I was listening intently sa kabila ng maingay na “Bad Romance” ni Lady Gaga.

“Matagal na rin akong nagmukmok dahil sa break-up namin ng boyfriend ko. Kanina lang, bigla kong na-realize, I am over him. Wala na akong nararamdamang hurt. I felt free kaya naisipan kong magpunta rito and be happy ang start living life again.”

“That’s good.” Napangiti ako sa kanyang sinabi.

“Ikaw, may boyfriend ka ba?”

“Would I be here kung meron?”

“So, single ka rin?”

“Yup.”

“So when was the last time na nagka-boyfriend ka?”

“Matagal na rin. Yung seryoso ha!”

“Bakit, meron bang hindi?”

“Meron kasing mga short-term. Do they count? Sa ngayon kasi, I would rather forget them.”

“Bakit naman?”

“Karamihan kasi sa mga naging short-term relationships ko, naipagkamali ko lang na love.”

“So ano yung nagma-matter sa’yo pagdating sa relationships?”

“Kailangan siyempre, makahulugan. Beyond physical attraction. Kailangan may emotional bonding. Acceptance. Appreciation. And the desire to keep it going no matter what.”

“Wow, lalim.”

“Bakit, ikaw ba, ano ang idea mo ng isang makabuluhang relasyon?”

Ngumiti siya. At kiniss niya ako sa lips.

“Ganoon din. Pareho tayo.”

Ngumiti rin ako at niyakap niya ako.

Yumakap din ako sa kanya.

Umusad ang gabi na kaming dalawa lang ang magkasama. Nakadama ako ng kakaibang connection sa pagitan namin. Alam mo yung feeling na para kang naliligaw tapos nakakita ka ng direksiyon? Yung parang nangangapa ka sa dilim tapos may nakita kang liwanag. Basta ganoon ang aking naramdaman ng mga sandaling iyon. Mahirap ipaliwanag.

Muli akong tumitig sa kanyang mga mata. At pagkaraang mahanap ko roon ang sagot sa aking mga tanong, ako ay nawala. The feeling of being with someone so beautiful and so caring was so overwhelming I just decided to let go and immerse myself in it.

We parted that night na parang ayaw naming maghiwalay. I actually felt sad habang tinatanaw ko ang kanyang pag-alis.

***

Isang oras na ang nakalilipas nang siya ay aking tinext. Bakit wala pa rin siyang reply?

Hindi ako mapakali sa aking pagkakahiga. Nag-iisip. Nagtatanong. Nangangamba. Ang hirap palang maghintay sa wala.

After another hour, I gave up. Ipinikit ko ang aking mga mata. Kung panaginip man ang nangyari kagabi, dudugtungan ko na lang ito sa aking muling pag-idlip.

Niyakap ko ang aking sarili, dama ang lamig sa aking silid at lungkot ng pag-iisa.

Beep. Beep.

Napapitlag ako. Ang panlulumo ay kaagad napalitan ng pag-asa.

So, anong plano mo sa Valentine?

It was him.

Saturday, February 6, 2010

The Frog Prince

Palagi ko na siyang nakikita sa Bed at hindi pinapansin. Hindi ko kasi siya type. Medyo mataba, maitim at may pimples. Hindi naman siya pangit. Maganda nga ang kanyang mga mata at matangkad siya. Medyo kulang lang sa dating.

Isang gabing matumal, pinatulan ko siya. Nakipagsayaw ako sa kanya at nakipag-kissing. Ok naman siya. Mabait. Mabango. Maganda ang butt. At dahil medyo libog ako, humantong kami sa kama.

He was shy and submissive. The sex was good but after doing it, malinaw sa akin na hanggang doon lang ang gusto kong marating namin.

He was texting me after that. I was being nice kaya sinasagot ko siya. Nag-imbita siya na muli kaming magkita pero nag-decline ako. Naging panay-panay ang text niya. Nakulitan ako at hindi na nag-reply.

Isang gabing muli ay nasa Bed ako, nagkita kami. Pero sa halip na makipag-connect sa kanya, nakipag-ulayaw ako sa iba. Nakatingin siya sa akin habang ako ay nakikipagsayaw at nakikipag-kissing. May nakita akong hurt at sadness sa kanyang mga mata.

Pagkatapos niyon, hindi ko na siya muling nakita. Hindi na rin siya nag-text. At sa pagdaan ng mahabang panahon, nakalimutan ko na siya.

***

Isang hapon na ako ay nagpapahinga, nanood ako ng pinoy indie sa DVD.

Nagulat ako nang makita ko siya. Noong una, hindi ko kaagad siya nakilala. Pero habang pinapanood ko ang eksena na kung saan nakahubad siya at kita ang magandang puwet niya, natiyak ko na siya nga ang nasa movie.

Nag-iba na ang itsura niya. Pumayat na siya. Pumuti. Ang ganda na ng katawan niya. Ang guwapo na niya at wala na siyang pimples. Hindi ako makapaniwala sa kanyang naging transformation.

Hindi ako pinatahimik ng kanyang imahe. Nanumbalik sa aking alaala ang pagkakataong minsan ay naangkin ko siya. May nabuhay sa aking pagnanasa.

Hiniling ko na sana muli ko siyang makita.

***

Nitong nakaraang Sabado, natupad ang wish ko. Nasa Silya kami ng mga kaibigan ko nang dumaan siya na may mga kasama. Napatda ako sa aking pagkakaupo, manghang nakatingin sa kanya.

Ang guwapo niya na nga! Kakaiba na ang kanyang dating. Kakaiba na rin ang kanyang self-confidence.

Binalot ako ng excitement at pananabik. Subalit dala ng pagkabigla at paghanga, hindi ko nagawang tawagin ang kanyang pansin hanggang makalagpas siya sa kinaroroonan namin. Later, ang sabi ko. Palagay ko naman sa Bed din ang kanilang punta.

I was expecting to see him inside pero nabigo ako dahil umikot-ikot na ako at naghanap pero hindi ko siya nakita.

I immersed myself into the merriment kaya sandali ko siyang nakalimutan.

Subalit sadya yatang nakatakda ang pagtatagpo namin nang gabing iyon dahil nang lumabas na kami ng Bed, nakita ko siyang nakatayo sa labas ng O-Bar.

Napahinto ako sa aking paglalakad at napatitig sa kanya.

Nakita niya ako at siya man ay natigilan din.

Nagtama ang aming mga mata.

Ngumiti ako at nag-uumapaw sa tuwa na binati siya. “Hi!”

Inaasahan ko ang masigla ring pagbati mula sa kanya. I was conceited enough to think na masaya rin siya sa aming pagkikita.

Nasa mga mata niya ang recognition subalit wala ang hinahanap kong init at ningning. Sa halip, isang matipid na ngiti ang kanyang naging tugon sa akin.

“Kumusta ka na?” I pursued.

Napansin ko ang katabi niyang guwapo na nakatingin din sa akin.

“I am okay,” ang maiksi niyang sagot.

Tapos bumaling siya sa katabi niya at ipinakilala sa akin.

“Siyanga pala, boyfriend ko.”

May dagok iyon sa aking dibdib pero hindi ako nagpahalata. Kinamayan ko ang kanyang boyfriend.

I felt awkward. Wala na akong maisip na sasabihin pa kaya nagpaalam na ako sa kanya.

“See you around,” ang sabi ko sabay hakbang ng aking mga paa.

“Sino yun?” ang tanong ng friend ko na umantabay sa akin. Sa kalituhan, hindi ko na siya naipakilala.

“Just a friend,” ang sagot ko.

“Ang guwapo!”

Muli ko siyang sinulyapan. Natanaw ko na nakaakbay sa kanya ang boyfriend niya. Nag-uusap sila at nagtatawanan. Mukha silang masaya.

Nakadama ako ng panlulumo at panghihinayang, ng pagsisisi at pagkabigo.

Ako naman ang hindi na niya type.