Wednesday, August 15, 2012

Alaala

Sana noong tayo pa, binigyan ko na ng pagpapahalaga ang mga pagkakataong magkayakap tayo sa kama habang umuulan sa labas at pumapasok ang malamig na hangin sa bintana.

Sana noong tayo pa, dinama ko na ang init ng iyong katawan at inangkin ka hindi lamang sa buong magdamag kundi sa habang panahon nang sa gayon ay hindi ako giniginaw ngayon at nangungulila.

“Bumalik ka na. Magsimula tayong muli.”

“Huli na ang lahat. Hindi na maaari.”

“Hindi mo na ba ako mahal?”

“Mahal pa rin kita kaya lang mayroon na akong iba.”

“Ganoon lang kadali?”

“Matagal akong naghintay. Akala ko, ayaw mo na.”


Tag-ulan na naman at sa pagngangalit ng habagat, inusal-usal ko ang iyong pangalan habang naninigid sa laman ang lamig ng gabi.

Pumikit ako, niyakap nang mahigpit ang unan at sa kumot ng mga alaala, muli kong dinama ang iyong imahe.

Monday, August 6, 2012

Laro

Walang-wala ka na sa isip ko. Kaya lang habang nagbabasa ng diyaryo, may nabasa ako sa news na kaapelyido mo. Naisip tuloy kita at hindi ko naiwasang mag-wonder kung kumusta ka na. Maya-maya pa, gino-Google na kita.

Nakita ko ang Facebook mo na di ko naman mabuksan. At ang Twitter mo na mabuti na lang, hindi naka-private. Iyon ang binuksan ko.

Siyempre, pinagmasdan ko muna ang picture mo. Uy, looking good! Maaliwalas ang iyong mukha, nakangiti ka, litaw ang braces mo na mas nagpapaguwapo sa’yo. Napansin ko rin ang background mo, na parang nasa kuwarto ka ng isang hotel (o motel?) at napaisip ako, bakit naroroon ka at sino ang kasama mo? Siya rin ba ang kumuha ng picture mo? At bakit shirtless ka? Katatapos n’yo lang bang mag-ano at ang ngiti at sparkle sa iyong mga mata ay ang afterglow?

Napa-reminisce tuloy ako. Noong gabing nagkakilala tayo sa club, sa motel din tayo dumiretso. Nanumbalik ang pakiramdam ng braces mo sa aking bibig, sa aking balat. Nanumbalik ang pakiramdam ng masakit-masarap na orgasm. One night-stand lang iyon dapat. Subalit pagkatapos niyon, paulit-ulit pa tayong nagkita at bago ko namalayan, sweet na tayo sa isa’t isa.

Ang hindi ko malilimutan noon ay nang magkasakit ako (trangkaso lang naman) at sinamahan mo pa akong magpa-doktor. At dahil nurse ka, inalagaan mo ako. Ikaw ang tagapagpaalala sa oras ng pag-inom ko ng gamot at lagi mo akong tinatawagan, dinadalaw upang alamin ang kalagayan ko.

Doon ako nagsimulang makaramdan ng kakaiba para sa’yo.

Subalit nang gumaling na ako, doon ka nagsimulang mag-slowdown. Naging madalang na ang mga tawag mo at natigil na rin ang mga pagdalaw-dalaw mo.

Nang tinanong kita sa text kung bakit, hindi mo ako sinagot. Tuluyan ka na lang na nawala. At ako ay naiwang nagtatanong, nagtataka. Hindi ko alam kung bakit bigla mo na lang tinalikuran ang tungkol sa ating dalawa.

At ngayon nga, habang nakatingin ako sa Twitter mo, hindi ko pa rin maiwasang maghanap ng sagot. Curious na lang siguro ako at hindi dahil may nararamdaman pa ako sa’yo. Sure naman ako na nakapag-move on na ako, may boyfriend na nga akong bago.

Pinasadahan ko ang messages sa Twitter mo.

At doon ko napansin ang madalas na pakikipagpalitan mo ng mensahe sa isang lalaki.

I clicked his name, read his profile, checked out his pic. In-enlarge ko pa para mas lalo kong makita. At nang mapagdugtung-dugtong ko ang mga mensahe ninyo sa isa’t isa, natiyak ko na may espesyal ngang namamagitan sa inyo.

Nag-move on ka na rin, I could see that.

Wala sa loob na ipinagpatuloy ko ang pagbabasa sa twits mo hanggang sa sapitin ko ang mga petsang may ugnayan pa tayo. At doon, nahanap ko ang sagot sa palitan n’yo ng mensahe ng isang kaibigang babae.

Kumusta na ang relasyon?

Nawalan na ng excitement.

Expiration date na naman ba?

One month lang talaga ang shelf-life ko.


Akala ko noon, may nagawa akong pagkakamali. Hindi rin kita masisisi, maaaring hindi ka talaga ready. Maaaring na-pressure ka lang. O na-confuse dahil paano mo nga naman seseryosohin ang isang bagay na nagsimula sa laro.

Kailangan ko na lang tanggapin na tapos na ang lahat sa atin at kailangan na kitang limutin for real.

Hindi ko nga lang alam kung bakit parang may makirot pa rin sa aking dibdib.