Saturday, December 22, 2012

Season’s Greetings

Dear Readers and Friends,

May your Christmas sparkle with moments of love, laughter and goodwill
And may the year ahead be full of contentment and joy.


Love,
Aris

Wednesday, December 12, 2012

Freshman High

First day of classes nang una kong makita si AJ. Isa siya sa mga student leaders na ipinakilala at pinagsalita sa General Assembly. First year high school ako noon at fourth year siya.

Attracted kaagad ako sa kanya. Napakatangkad niya. Napakakisig. At napakagaling magsalita.

Kakaiba ang presence ni AJ. Humahatak ng atensyon.

Siya ang editor-in-chief ng school paper. Varsity soccer player din siya at honor student pa. Hangang-hanga ako sa kanya. Parang bigla ko siyang naging idol. Parang gusto kong maging kagaya niya.

Mula noon, kakaiba ang nararamdaman ko kapag nakakasalubong ko siya sa corridor. Pasulyap-sulyap ako sa kanya kapag nakakasabay ko siya sa library. Naging regular niya akong tagapanood sa soccer practice nila tuwing hapon.

Napakaliksi niyang kumilos. Napakabilis niyang tumakbo. Napakalakas niyang sumipa.

Napakatatag ng mabibilog niyang hita at mahahabang binti. Napaka-astig niyang pumorma sa field.

Punumpuno ako ng admiration kay AJ kapag pinapanood ko siyang naglalaro.

***

Nagkakilala kami ni AJ nang di inaasahan.

Nag-audition ako noon para sa isang play na kasali sa isang competition sa school. Pumasa ako for a very minor role.

Sa first meeting, nagulat ako nang malaman ko na kasali sa cast si AJ at siya ang lead. Nag-reading kami at napatanga ako habang nagde-deliver siya ng mga linya. Ang galing-galing niya!

Ewan ko ba, masyado yata akong na-excite o na-conscious sa presence ni AJ dahil nang basahin ko na ang kakaunti kong linya, nagkabuhol-buhol ang aking dila. First chance ko na magpa-impress kay AJ, palpak pa.

“You can do it, Aris,” ang sabi ni AJ.

At least, napansin niya ako.

***

First rehearsal namin, maryosep, nagkalat uli ako. Ang OA ng acting ko! Kitang-kita ko na napailing ang direktor namin.

Napaupo ako sa isang sulok. Nag-alala ako na baka tanggalin ako sa cast. Nag-alala rin ako dahil naroroon si AJ.

“O, Aris, bakit nandiyan ka sa sulok?” ang tanong ni AJ na di ko namalayan ang paglapit. Rehearsal break namin noon.

Di ko naiwasang mag-confide sa kanya. “Disappointed ako sa performance ko.”

“Ok lang yun,” ang sabi niya. “Unang rehearsal pa lang naman natin ito.”

“Ewan ko, parang di ko naiintindihan ang role ko.”

“Makukuha mo rin yan.” He was very reassuring.

Akala ko aalis na siya pero umupo siya sa tabi ko. Kinuha niya ang script sa kamay ko. “Gusto mo, bigyan kita ng pointers?”

May tuwang pumitlag sa aking puso. “Sige.”

“Ganito lang yan…”

Habang nagsasalita siya at kino-coach ako, nakatingin ako sa kanya. Hindi ako sure kung naiintindihan ko ang mga sinasabi niya pero nakaramdam ako ng sobra-sobrang inspirasyon.

Biglang naiba ang performance ko nang mag-resume kami ng rehearsal. Napuri ako ng direktor.

Pagtingin ko kay AJ, nakangiti siya sa akin.

***

I got close, real close to AJ (physically, that is!) noong unang mag-overnight rehearsal kami sa school. It was a Friday evening.

Diretso kami lahat sa isang classroom para matulog pagkatapos ng practice. Kanya-kanya kaming dala ng mga beddings. Kumpleto ako: unan, kumot, banig.

Napansin ko, unan lang ang baon ni AJ. Nakita kong nagdudugtong-dugtong siya ng mga silya.

Sa sobrang pagod at dahil di ako sanay magpuyat, nakatulog kaagad ako.

“Aris…” Nagising ako sa boses ni AJ at sa kanyang mahinang tapik. “Pwedeng patabi?”

“H-huh?” Medyo naalimpungatan ako. Akala ko, nananaginip ako.

“Di ako makatulog eh. Sakit sa likod ng higaan ko.”

“Ok,” ang sabi ko.

Nahiga siya sa tabi ko.

Katahimikan. Nakiramdam ako.

“Pwedeng pa-share sa kumot mo?” ang sabi niya pagkaraan. “Ang lamig eh.”

“Ok, sige,” ang sabi ko uli.

Nagsukob kami sa kumot ko.

At dahil hindi naman ganoon kalaki ang banig at kumot ko, di naiwasang magdikit kami ni AJ.

Ramdam ko ang mainit na singaw ng kanyang katawan. Dinig ko ang kanyang bawat paghinga.

Nakatulog uli ako.

Madaling araw, nagising ako. Tulog na tulog si AJ. Nakayakap siya sa akin.

Di ako makakilos pero lihim akong napangiti.

***

By twist of fate, nagkaroon ng pagbabago sa play namin at di ko inaasahan na magiging malaking bahagi ako ng pagbabagong iyon.

Naaksidente sa basketball ang second lead namin. Nabalian ng braso.

Medyo panic ang grupo lalong-lalo na ang direktor namin dahil malapit na ang araw ng aming pagtatanghal.

“Ano ang gagawin natin? Wala pa naman siyang understudy. Sino ang ipapalit natin?”

Tahimik kami.

Maya-maya nagsalita si AJ. “Sir, bakit hindi natin ipalit si Aris.”

Nagulantang ako. Anooo?

“Kaya ni Aris yan. Subukan natin,” ang dugtong pa ni AJ.

Are you crazy?

Masusi akong tinitigan ni direk. “Hmmm… kabisado mo ba ang buong script?”

“Opo. Pero...”

Bago ko pa nadugtungan ang sasabihin ko, nag-utos na si direk. “Ok, Aris, let’s do the confrontation scene. ”

Si AJ ang ka-eksena ko. Isang maigting na pagtatalo iyon na mauuwi sa sigawan at pisikalan. Isa sa mga highlight ng play ang eksenang iyon na kung saan magkakaibang emosyon ang kailangan naming ipakita ni AJ.

Hindi ko alam kung na-challenge ako o na-inspire. Nakalimutan ko ang aking sarili. Natangay ako sa eksena namin ni AJ.

Napapalakpak ang direktor namin pagkatapos. “Aris, mula ngayon, ikaw na si Rodrigo!”

Ang saya-saya ko! Di ko alam kung dahil ako na si Rodrigo o dahil nakita ko na masaya si AJ para sa akin.

***

We had a lot of catching up to do kaya naghabol kami ni AJ. Anumang oras na pwede kaming magkita, nagpa-practice kami. Very supportive siya sa akin at pursigido siyang tulungan ako na mapagbuti ko ang aking pagganap.

Dahil dito, pakiramdam ko higit akong napalapit kay AJ. At lalong lumaki ang paghanga ko sa kanya. Sa puso ko, higit siyang nagkaroon ng espesyal na lugar.

Dalawang araw bago ang pagtatanghal namin sa competition, ginabi kami sa school dahil sa pagpapraktis. Nakaupo kami ni AJ sa isang bench sa ilalim ng isang puno sa school ground. Maliwanag ang buwan at malamig ang simoy ng hangin. Nakasindi na ang mga poste ng ilaw sa buong campus.

May ibinigay siya sa akin. Isang keychain na may palawit na bola ng soccer.

“Ano to?”

“Isabit mo diyan sa bag mo.”

Kahit nagtataka sa bigay niya, isinabit ko kaagad ang keychain sa bag ko.

“Ok di ba? “ ang sabi niya.

“Ba’t mo naman ako binigyan ng keychain?” ang tanong ko.

“Lucky charm yan.”

“Para saan?”

“Para sa play natin.”

Napangiti ako sa kanya.

“Remembrance na rin,” ang sabi niya pagkaraan.

Napatingin ako sa kanya.

“Bakit kailangan ng remembrance?” ang tanong ko.

“Kasi… after the play, hindi na tayo magkakasama.”

Para akong biglang nalungkot.

Ipapalabas na nga pala ang play. At di na kami magkikita at magkakasama pa nang ganito para mag-praktis.

Parang gusto ko siyang yakapin at sabihing mami-miss ko siya. Pero nanatili lang akong nakatingin sa kanya.

Parang may lungkot din akong nakita sa kanyang mga mata.

Maya-maya inakbayan niya ako.

“Tara na, uwi na tayo. Gabi na.”

***

“And the winner for best actor is…”

Drum roll.

Napatalon ako at napasigaw nang marinig ko ang pangalan ni AJ.

Umakyat si AJ sa stage.

Nakabibingi ang palakpakan ng mga tao.

Ang lakas din ng palakpak ko.

Nakatingin ako kay AJ habang tinatanggap niya ang award. Napakasaya ng kanyang mukha. Napakagwapo niya sa gitna ng tagumpay. Nag-uumapaw ang aking puso hindi lamang sa galak kundi sa paghanga at pagmamahal. Pagmamahal! Noon ko lang naamin sa aking sarili ang tunay kong nararamdaman para kay AJ!

Kaagad siyang lumapit sa akin pagkatapos niyang tanggapin ang award. Bigla niya akong niyakap. Mahigpit.

“I love you, my friend!” ang bulong niya.

Yumakap din ako sa kanya.

“I love you, too,” ang sagot ko. And I really meant it!

Napatingin siya sa akin. Napangiti.

Naramdaman ko ang pagdampi ng kanyang mga labi sa noo ko.