“Ano’ng ginagawa mo rito?” ang tanong ni Leandro.
Titig na titig siya kay Leandro. Pahapyaw na nagbalik ang
mga alaala -- ang tag-init na iyon nang maging panauhin nila ito sa hacienda at
ang mainit na tagpong nasaksihan niya sa pagitan nito at ni Miguelito sa tabing-ilog.
“Alberto?” Napukaw siya sa saglit na pagkatigagal nang muling
banggitin ni Leandro ang kanyang pangalan.
Sa gilid ng kanyang mga mata ay namataan niya ang
papalapit na si Jun.
“Tulungan mo ako,” ang sabi niya kay Leandro. “Sinusundan
niya ako.”
Unang tingin, alam na ni Leandro na hindi kanais-nais ang
karakter ng lalaking paparating. Kaagad niyang hinawakan sa braso si Alberto at
hinila palayo. “Halika, sumama ka sa akin.”
Mabilis silang naglakad, halos patakbo. Hindi na niya
pinagkaabalahang lingunin pa si Jun. Ngayong hindi na siya nag-iisa at may
kakampi na, tila nawalan na siya ng takot dito.
Pagliko nila sa isang kanto, eksaktong may dumaraang taksi.
Pinara iyon ni Leandro at nang huminto, kaagad
silang sumakay.
Binigyan ni Leandro ng direksiyon ang driver. “Bilisan mo,
Manong!” ang dugtong pa nito.
Humarurot ang taksi at saka lang siya napanatag.
“Sino ang lalaking iyon?” ang tanong ni Leandro.
“Nakilala ko sa Ali Mall. Niyaya akong magsine. May
gustong gawin sa akin sa loob.”
Hindi alam ni Leandro kung maaawa o matatawa kay Alberto.
“Kailan ka pa rito?”
“Kagabi lang. Natulog ako sa istasyon ng bus kaya lang, nanakaw
ang bag ko. Wala akong pera kaya hindi ko alam kung saan ako pupunta.”
Napailing si Leandro. “Bakit ka nagpunta rito?”
Gumuhit ang lungkot sa mukha ni Alberto. “Mahabang
kuwento.”
Hindi na nagpilit si Leandro na alamin ang dahilan. Tila naunawaan
na nito na kung ano man ang nag-udyok kay Alberto upang lumuwas ng Maynila,
iyon ay isang malungkot na kuwento. May tamang panahon at pagkakataon upang isalaysay
iyon.
Ilang sandali pa ay sinapit na nila ang kanilang
patutunguhan. “Diyan na lang, Manong, sa tabi.”
Bumaba sila sa tapat ng isang apartment.
“Dito ako nakatira.”
Napatingin siya kay Leandro, nakakunot-noo. Mansion ang
inaasahan niya dahil iyon ang kanyang naulinig sa ina nitong si Doña Rosario noong
magbakasyon ang mga ito sa hacienda.
Tila nabasa ni Leandro ang nasa kanyang isip. “Kinuha ni
Mama ang apartment na ito para may matuluyan ako malapit sa eskuwelahan ko.
Nagsa-summer classes kasi ako ngayon.”
Tinungo ni Leandro ang unang pinto ng apartment --
kasunod siya -- at nang mabuksan ito, bumungad sa kanya ang isang simpleng tirahan
na essentials lang ang mga kagamitan -- sala set, dining table, refrigerator.
Wala ni anumang dekorasyon at medyo may kaguluhan dahil sa mga hindi nailigpit
na pinagkainan at nagkalat na mga libro. Subalit naisip niya, ano nga ba ang
kanyang aasahan? Lalaki si Leandro, mag-isa lang sa bahay. Natural lang na ito
ay maging makalat.
Lalaki nga ba? Muling nanumbalik sa kanyang alaala --
kagaya kanina -- ang naging kuwento sa kanya noon ni Miguelito tungkol kay
Leandro at ang namagitan sa kanila. Gayundin ang pagkakaroon nito ng kaugnayan hindi
lang kay Miguelito kundi sa isa pang lalaking kaeskuwela. Dahil doo’y
nadagdagan ang katanungan niya. Hindi na lang tungkol sa kasarian ni Leandro
kundi pati sa status nito. Mag-isa nga lang ba?
“Mag-isa ka lang ba rito?” Hindi niya napigilan ang
magtanong.
Sa halip na sumagot ay nagkibit-balikat lamang si Leandro,
tinungo ang hagdan at umakyat sa itaas. Naiwan si Alberto sa salas, minabuti
ang manatili at maghintay.
Bakit siya dinala rito ni Leandro? Ibig ba nitong sabihin,
binubuksan nito ang tahanan upang siya ay may matuluyan?
Tanong na kaagad nagkaroon ng kasagutan dahil hindi
nagtagal ay bumaba rin si Leandro, may dalang damit na iniaabot sa kanya.
“Magpalit ka muna,” ang sabi. “Basa ang damit mo.”
Saka niya lang napansin na nakapagpalit na ito dahil
pareho nga silang nabuhusan ng softdrink kanina.
“Dumito ka na lang muna kung wala kang matutuluyan,” ang
sabi ni Leandro.
Para siyang nabunutan ng tinik. Noong una niyang nakilala
si Leandro, hindi ito naging mabait sa kanya. Hindi niya inaasahan na ito ang
sasalba sa kanya sa kagipitan niya ngayon. “Salamat,” ang tanging nasabi niya, pigil
ang emosyon subalit mababakas iyon sa kanyang mga mata.
“Dito ang banyo,” ang turo ni Leandro sa isang pinto
malapit sa kusina. “Kung gusto mo, maligo ka muna. Sandali, ikukuha kita ng
tuwalya.”
***
Nakaligo na siya. Gayundin din si Leandro. At dahil
gumagabi na, nagboluntaryo siya na maghahanda ng hapunan nila. Hindi tumutol si
Leandro dahil natapon nga kanina ang hamburger na binili nito sa A&W.
Nagsaing siya at nagprito ng tusinong nakita niya sa ref.
“Kumusta si Miguelito?” ang tanong ni Leandro habang siya
ay nagluluto.
Sa pagkakabanggit kay Miguelito, tila nagbara ang
lalamunan ni Alberto. Ilang saglit muna ang lumipas bago niya nagawang
magsalita. “Mabuti naman.”
“Anong plano niya? Saan siya magko-kolehiyo? Anong kurso
ang kukunin niya?”
“Hindi ko alam,” ang kanyang pagsisinungaling. Makabubuting
huwag na lang siyang mag-detalye upang hindi na humaba pa ang kanilang usapan
tungkol kay Miguelito.
Subalit nagpatuloy si Leandro. “Iyang si Miguelito, medyo
kulang sa sipag mag-aral kaya puwede na sa kanya ang Agriculture. Gustung-gusto
niya naman doon sa probinsya. At saka ikatutuwa iyon ni Tito Miguel. Maaari
niya nang pamahalaan ang asyenda balang araw.”
Hindi na lang kumibo si Alberto. Kung alam lang ni
Leandro ang mga plano nila noon ni Miguelito. Kung alam lang nito kung bakit hindi
na iyon magkakatotoo. Pero sa isang banda, maaari pa ring magpatuloy si
Miguelito. Siya ang hindi na maaaring maging bahagi ng mga plano. Kasabay sa
pagkawasak ng relasyon nila ni Miguelito ay ang pagkawasak din ng kanyang mga
pangarap. Muling nanariwa ang kirot sa kanyang dibdib subalit iyon ay kanyang
pinaglabanan.
“Ikaw, anong plano mo ngayong nandito ka na sa Maynila?”
Napailing si Alberto. “Wala akong plano. Biglaan ang
pagluwas ko rito. Bahala na kung saan ako dalhin ng kapalaran ko.”
Napatitig sa kanya si Leandro. “Bakit? Ano ba talaga ang
nangyari at napasagsag ka rito?”
Muli siyang natigilan. Mahirap sa kanyang isiwalat ang
katotohanan. Maaaring hindi siya maunawaan ni Leandro at siya’y pagtawanan lamang.
Bukod pa sa masakit sa kanya ang mga nangyari at gusto niya na lamang iyong
kalimutan.
Naghihintay si Leandro sa kanyang sagot.
Subalit bago pa niya nagawang magsalita, binasag ng mga
katok ang katahimikang namamagitan sa kanila.
Tumayo si Leandro at tinungo ang pinto. Binuksan iyon. At
sa pintuan ay naroroon, nakatayo ang isang lalaking kasinggulang nila. Kaagad
itong pinatuloy ni Leandro. Humakbang ito papasok at nang makita siya’y bigla
itong naudlot. Gayon din siya. Nagkatitigan sila na parang sinisino ang isa’t
isa, na kahit noon lang nagkita’y parang may pamilyar sa kanilang mga itsura.
Napangiti si Leandro habang pinagmamasdan ang mga reaksiyon
nila.
“I told you,” ang baling nito sa lalaki. “You look alike,
hindi ba?”
Napakunot-noo si Alberto.
“Hindi naman magkamukhang-magkamukha,” ang patuloy ni
Leandro. “Magkahawig lang. Parang magkapatid.”
Napatawa ang lalaki at nagpatuloy sa paghakbang palapit
sa kanyang kinaroroonan.
“Alberto, Henry. Henry, Alberto,” ang pakilala sa kanila
ni Leandro. HIndi niya magawa ang makipagkamay dahil nagluluto siya at madumi
ang kamay niya. Ngumiti na lamang siya.
At muling nanumbalik sa kanya ang kuwento ni Miguelito
tungkol sa karelasyon ni Leandro na kamukha raw niya. Ito pala yun. Si Henry. At
totoo nga, malaki ang pagkakahawig nila. Muli niya ring naalala ang sinabi ni
Miguelito na noon pa ma’y may gusto na sa kanya si Leandro. At kaya nabaling
ang atensiyon nito kay Henry ay dahil dito niya natagpuan ang katuparan ng
naging frustration sa kanya noong magkakilala sila sa probinsiya.
Na parang ayaw niyang paniwalaan dahil sa nakikita niyang
“sweetness” at “connection” ngayon sa pagitan nina Leandro at Henry. Hindi
naman iyon hayagan pero hindi rin naman itinatago. Parang normal lang pero makikita
iyon at mararamdaman sa kanilang mga tinginan at galaw.
Nagsimula siyang maghain ng hapunan para sa kanilang
tatlo. Naupo sa dining table sina Leandro at Henry, magkatabi.
“Uy, homecooked meal,” ang sabi ni Henry.
“Better than hamburger,” ang sabi naman ni Leandro. “Buti
na lang, natapon yung binili ko.”
Kunot-noong napatingin si Henry kay Leandro, nagtatanong.
Nagpaliwanag si Leandro sa pamamagitan ng pagkukuwento sa
insidente nila ni Alberto.
“So that’s how you met. Literally, by accident,” ang sabi ni Henry.
“Buti na lang nagkabanggaan kami dahil kung hindi, walang
matutuluyan itong si Alberto. Alam mo ba na nawala ang bag niya at may bading
pa na naghahabol sa kanya? Kung hindi kami nagkita, matutulog siya sa bangketa
at mare-rape pa siya.”
“Really?” ang sabi ni Henry. “Kawawa naman pala itong si
Alberto kung nagkataon.”
Walang masabi si Alberto habang pinag-uusapan siya ng
dalawa. Nag-concentrate na lamang siya sa pagkain niya.
Nagpatuloy sa pagkukuwentuhan ang dalawa na parang wala
siya. Hindi na niya kailangang magsalita dahil si Leandro na ang bumanggit ng
iba pang mga bagay-bagay tungkol sa kanya upang ipakilala siya ng lubos kay Henry.
Mula sa pagiging anak niya ng katiwala hanggang sa pagiging malapit niya sa
anak ng may-ari ng asyenda -- kay Miguelito nga -- na kilala rin pala ni Henry.
“Gaano kayo ka-close ni Miguelito?” ang walang abog na
tanong sa kanya ni Henry. “Close lang na magkaibigan? O higit pa roon?”
Nananansala ang tingin ni Leandro kay Henry pero
nagpatuloy pa rin ito. “Wala naman sigurong masama kung higit pa sa pagiging
magkaibigan ang closeness nila ni Miguelito. Hindi ba, Alberto?”
Ano ang sasabihin niya? Aamin ba siya sa totoong relasyon
nila ni Miguelito? Naisip niya, ngayon niya lang nakilala si Henry at wala
siyang dapat ipagpaliwanag dito.
“Magkababata sila ni Miguelito,” ang salo sa kanya ni
Leandro. “Mga bata pa lamang sila ay magkalaro na sa asyenda.”
“Parang kayo ni Miguelito. Magkababata rin at magkalaro.”
May obvious na ibig ipakahulugan si Henry.
“Stop it, Henry,” ang saway ni Leandro. “Huwag mong
pressure-in si Alberto. Bagong salta lang ‘yan at hindi pa sanay sa mga ganyang
bagay.”
“Wala naman sigurong pagkakaiba sa probinsiya at sa
Maynila pagdating sa mga ganyang bagay.”
Pinandilatan na ito ni Leandro.
“Oh well.” Nagkibit-balikat si Henry. “Hindi na niya
kailangang magsalita. Sapat na ang kanyang pananahimik upang magkaroon ng sagot
ang tanong ko.”
Hindi pa rin kumikibo si Alberto. Kung dahil sa kanyang
pananahimik ay nagkaroon na ng konklusyon si Henry tungkol sa kanila ni
Miguelito, so be it. Ang mahalaga hindi iyon nanggaling sa kanya mismo. At
hindi na niya kinailangang magsinungaling.
Wala nang nagsalita hanggang sa matapos ang paghahapunan
nila.
***
Dalawa ang silid sa itaas. Ang silid na sabi ni Leandro
ay silid ni Henry ay ipinagamit muna sa kanya. (Ang ipinagtataka niya ay kung
bakit maliban sa ilang pirasong damit ay wala siyang ibang nakitang gamit ni
Henry sa silid.) Ang sabi rin ni Leandro, doon na lang muna sa kanyang silid
matutulog si Henry.
Nang nakahiga na siya’y hindi niya naiwasang mag-isip. Pansamantala lang ang panunuluyan niya rito. Kailangan niyang
magplano, kung paano siya tatayo sa sarili niyang mga paa. Kailangan niyang maghanap ng trabaho at ng mauupahang bahay -- kahit
kuwarto lang -- upang siya ay magkaroon ng sariling tirahan.
Hindi nagtagal, sa kabila ng mga pag-aalala ay nakatulog na rin si Alberto dahil sa sobrang
pagod.
Sa kalaliman ng gabi ay nagising siya dahil naramdaman
niya na may humihipo sa kanya.
Nagmulat siya. At sa liwanag ng poste sa labas na naglalagos sa bintana, nabanaagan niya si Leandro. Nakaupo sa gilid ng kama at nakapatong ang kamay sa ibabaw ng shorts niya.
Napamulagat siya at hindi agad nakakilos.
Nagulat siya nang makita niya si Henry na naroroon
din sa loob ng silid, nakatayo sa may paanan ng kama at nakangiti habang
pinanonood sila.
(Itutuloy)