Nasa katanghalian ang araw nang saglit na huminto ang
tren sa estasyon ng Port Junction. Ako lang ang tanging bumaba sa destinasyong iyon.
Ang estasyon ay tila isang waiting shed lamang sa tabi ng palayan at maliban sa
isang matandang lalaki na nagsisilbing bantay, walang ibang tao roon. Sukbit
ang aking backpack, nilapitan ko ang matanda upang magtanong.
“Saan po ba ang daan papuntang Bulihan?”
Tiningnan niya muna ako nang pasipat bago sumagot at nagmuwestra.
“Dumiretso ka tapos kumaliwa ka sa makikita mong kalsada. Sundan mo lamang iyon
at sa dulo niyon, naroroon ang Bulihan.”
“Malapit lang po ba iyon? Maaaring lakarin?”
Nakita kong tila natawa ang matanda sa aking tanong.
“Malayo. Malayong-malayo. At kailangan mo talagang lakarin dahil wala namang
sasakyang maghahatid sa’yo roon.”
“Gaano po ba kalayo?”
“Kung sisimulan mo nang maglakad ngayon, makararating ka
bago lumubog ang araw.”
“Po?” Nagulat ako. Ganoon kalayo? At lalakarin ko lang
iyon?
“Ano ba ang pakay mo sa Bulihan, amang?”
“Magbabakasyon lang po.”
Napakunot-noo ang matanda na para bang iyon ang unang
pagkakataong may nakaharap siya na ang pakay ay ang magbakasyon sa lugar na
iyon.
Liblib ang lugar na oo nga’t malapit sa dagat, hindi iyon
kilala. Ako nga mismo, ang buong akala ko ay “Fort Johnson” ang pangalan ng
lugar. Nalaman ko lang na mali ako nang makita ko ang signboard sa estasyon.
“Port Junction” pala. Kung bakit iyon ang ipinangalan sa lugar na
tunog-sosyalin, wala akong ideya.
Nagpasalamat ako sa matanda at nagpaalam na. Sinundan ko
ang direksiyong ibinigay niya kanina. Nang sapitin ko ang sinasabi niyang
kalsada, nakaramdam ako ng pagkadismaya. Hindi iyon aspaltadong kalsada kundi
lupa. Maalikabok na lupa. Mula sa kinatatayuan ko, tanaw ko ang kahabaan niyon,
ang tila paglalaho sa dulo. Sa gilid niyon ay may mangilan-ngilang ligaw na
damo at mga puno.
Wala akong choice kundi bagtasin iyon. Huli na upang
umurong. Naroroon na ako kaya kailangan ko na iyong pangatawanan.
Bakit nga ba ako napadpad sa lugar na ito? Of all places,
bakit dito ko pa naisipang magbakasyon? May ideya na ako na magiging mahirap
ang pagpunta rito, pero hindi ko inaasahan na ganito. God knows kung ilang
kilometro ang lalakarin ko until sundown upang marating ko ang Bulihan, ang baryo
na naging laman ng aking mga panaginip at pantasya, ang lugar na kung saan
hanggang ngayon ay buhay sa aking alaala ang mga naging paglalarawan ni Ayang.
Ang mga kuwento ni Ayang tungkol sa Bulihan ang nag-udyok
sa akin upang puntahan ang lugar na iyon. Gayundin ang aking pangako sa kanya
bago siya pumanaw na hahanapin ko sa Bulihan ang kanyang mga kamag-anakan upang
ipaabot sa kanila ang kanyang pamamaalam. Doon siya isinilang at mula nang
kanyang iniwan ay hindi na niya muling nabalikan.
Si Ayang ay ang kinalakihan kong yaya. Mula pagkabata
hanggang sa ako ay magbinata, lagi siyang nandiyan. Higit pa yata akong malapit
sa kanya kaysa sa aking ina dahil sa kanya ko naramdaman ang tunay na
pagmamahal at pag-aalaga. At dahil nangako ako sa kanya, hindi ko maaatim na
siya ay biguin sa kanyang kahilingan at kagustuhang masilayan ko ang Bulihan,
ang maranasan ko at mapatunayan ang mga kuwento niya sa akin noon na bagama’t
tila may halong kababalaghan ay aking pinaniwalaan.
Sinimulan kong bagtasin ang daan. Nakaka-ilang hakbang pa
lamang ako’y nagsimula ko nang madama ang matinding init ng araw at ang
pagkapit ng alikabok sa aking katawan. Nagsimula na rin akong magpawis at
makaramdam ng uhaw. Inilabas ko mula sa aking bag ang bote ng baon kong mineral
water at lumagok ako ng konti. Kailangan ko iyong tipirin dahil mahaba-haba nga
ang aking lalakbayin. Inilabas ko rin ang skull cap na buti na lang ay naisipan
ko ring isiksik sa aking bag. Tanging iyon lamang ang aking magiging panangga
sa araw habang ako’y naglalakad. Ito yung pagkakataon na wini-wish ko na sana’y
nakapagdala ako ng payong. Subalit bakit naman ako magdadala ng payong gayong
ako’y magbabakasyon?
Ipinagpatuloy ko ang paglalakad. Binilisan ko ang aking
mga hakbang upang kahit paano’y umiksi ang aking travel time. Iniwasan kong
tanawin ang dulo ng daan dahil magdudulot lang iyon sa akin ng higit na pagod
kapag natatanaw kong napakalayo pa niyon. Sa halip ay pinagmasdan ko ang aking
mga nadadaanan. Pulos palayan na kahit paano’y kulay berde at may dulot na
kapreskuhan sa gitna ng matinding init.
Nang mapadaan ako sa isang puno’y ipinagpasiya ko munang
tumigil at sumilong. Doo’y nadama ko ang banayad na hihip ng hangin na kanina’y
hindi ko pansin. Bahagyang inuugoy niyon ang mga sanga ng puno na tila’y
pinapaypayan ako. Muli akong lumagok ng konting tubig at nakadama ako ng
ginhawa sa kumbinasyon ng tubig, ng lilim ng puno at ng hangin. Sapat upang ako
ay maka-recover at ilang sandali pa’y muli akong nagpatuloy.
Habang naglalakad ay pinilit kong libangin ang aking
isip. Binalikan ko ang mga kuwento ni Ayang. Una na ay ang mga kuwento niya
tungkol sa mga nimpa. Tumatak iyon nang husto sa aking isip mula pagkabata
dahil iyon ang pinaka-fascinating. Nakatira raw ang mga ito sa kakahuyang
malapit sa batis. Sa gabi’y tinatatanglawan ng mga alitaptap ang paglilibot ng
mga ito. Kapag nakita mong nagliliwanag ang isang bahagi ng kakahuyan, naroroon
ang mga nimpa. Maaaring naglalaro o namamasyal. Hindi mo makikita ang mga ito subalit
naroroon sila at maririnig mo ang mga matitinis nilang halakhak.
Subalit ang mga nimpa ay nagpapakita rin. Maaari silang
magpalit-anyo lalo na kung may iniibig silang tao. Ang madalas nilang
pagpakitaan ay mga taong mababait at may malinis na puso. Mga taong hindi
mananakit at sa halip ay tutugon sa kanilang pag-ibig.
“May mga nimpa bang lalaki?” ang tanong ko noon kay
Ayang.
“Mayroon,” ang kanyang sagot. “Nikso ang tawag sa kanila.
At katulad ng mga nimpa, sila’y naghahanap din ng iibigin. Hindi mahalaga sa kanila
ang kasarian. Ang mga nimpa at nikso’y maaaring umibig sa kahit sino, kahit sa
kapwa nila babae o lalaki.”
Noong una’y tila hindi ko maintindihan ang konseptong
iyon – ang pag-iibigan ng dalawang babae o dalawang lalaki dahil mulat nga ako
sa moral na kasanayang ang lalaki ay para sa babae at ang babae ay para sa
lalaki lamang. Subalit kinalaunan ay naunawaan ko rin at inasam ko na sana ako
rin ay ibigin ng engkantadong nilalang – at lalaki ang gusto ko! Pinangarap ko
na sana’y ibigin din ako ng isang nikso. At nang sabihin ko iyon kay Ayang,
mataman niya akong pinagmasdan. Kahit paano’y alam kong mali iyon – ang umasam
na mahalin ako ng isang lalaki dahil ako’y lalaki rin – subalit hindi ako
sinaway o itinuwid ni Ayang. Basta’t ang sabi niya lang: “Sana nga upang ikaw
ay kanyang alagaan.”
Nagsimula kong pangarapin ang niksong iibig sa akin. Sa
pag-usad ng panahon, habang ako’y lumalaki, nabuo sa aking isip ang itsura ng
niksong iyon. Isang gabi, disisais na ako noon, nagulat na lamang ako nang dalawin
niya ako sa panaginip. Ang kabuuan ng kanyang anyo ay tugma sa kung paano ko
siya isinalarawan sa aking imahinasyon. Matangkad, makisig, matipuno.
Nagpakilala siya sa akin. “Eros. Iyan ang aking pangalan.”
Magmula noon, siya’y pinaniwalaan ko nang totoo. At
siya’y aking inibig. Subalit siya’y kaagad ding naglaho at hindi na muling
nagpakita sa akin. Dahil doon nalungkot ako at nanamlay. Nawalan ako ng sigla
at nagkulong na lamang sa sariling mundo.
Hindi iyon nalingid kay Ayang. Tila alam niya ang aking
ipinagkakaganoon. Ipinaliwanag niya sa akin at ipinaunawa kung bakit hindi na
muling nagpakita sa akin si Eros.
Ang sabi niya, ang lahat ay may takdang panahon. Ang
minsang pagpapakita sa akin ni Eros ay paniniyak lamang na may nikso ngang
nakatakda sa akin. At sa halip na malungkot, dapat akong matuwa dahil maghihintay
sa akin ang niksong iyon upang makilala at makasama hindi lamang sa panaginip
kundi sa isang tunay na pagkakataon. Sa pagdating ng takdang panahon.
Tinanong ko si Ayang kung bakit niya alam iyon. “Basta’t
alam ko lang. Maniwala ka,” ang kanyang sagot. Inisip ko tuloy na baka si Ayang
ay isang nimpa subalit hanggang sa namatay siya’y hindi ko napatunayan iyon.
Sa paglipas ng panahon, pinanghawakan ko ang sinabing
iyon ni Ayang. Hindi kailanman naglaho sa aking isip ang anyo ni Eros. Sa halip
ay higit pa iyong naging matining, na maaari kong i-drawing kahit nakapikit. At
lalong hindi naglaho ang pag-ibig ko sa kanya at ang pag-asam na balang araw –
sa takdang panahon – ay makakaharap ko siya.
Sa patuloy na paglalakad sa matinding sikat ng araw ay
natanaw kong muli ang isang puno sa gilid ng daan. Nagmadali ako upang marating
iyon dahil nais kong muling sumilong. Para na akong mahihimatay sa init at
kailangan ko munang magpahinga sandali upang ako ay makapagpatuloy.
Nang sapitin ko ang puno – puno iyon ng aratiles na hindi
kalakihan – saglit akong natigilan. Dahil sa lilim niyon ay naroroon ang isang
punso. Saglit akong nag-atubili na lapitan iyon dahil naalala ko ang mga
kuwento ni Ayang tungkol sa mga nuno – na may dalawang klase ng nuno: mabuti at masama. Paano kung ang nunong nakatira roon ay masama? Pinagmasdan ko ang punso.
Walang kakaiba roon maliban sa tila nabubudburan iyon ng mga pinong butil ng bubog. Kumikislap ang mga iyon sa tuwing iihip ang hangin
at masisinagan ng araw sa paggalaw ng mga sanga ng aratiles.
Hindi ko alam kung bakit tila nabighani ako niyon at
nawala ang aking takot. Sumilong ako sa puno. “Tabi tabi po” ang sabi ko bago
ako ay dahan-dahang naupo sa tabi ng punso. Patuloy ko pa ring pinagmamasdan
iyon at tila higit na nag-ibayo ang pagkislap-kislap ng mga mala-kristal na
butil. Hinawakan at hinimas ko ang punso. “Makikisilong po, nuno,” ang magalang
na paghingi ko ng permiso.
Sumandal ako sa puno, dama ang pagod. Ipinikit ko ang
aking mga mata at dahan-dahan akong hinila ng antok.
***
“Amang. Amang.” Ginising ako ng tinig na iyon.
Nang idilat ko ang aking mga mata’y nakita kong nakatayo sa
harapan ko ang isang matandang lalaki. Maliit ito – mga apat na talampakan
lamang ang taas – na noong una’y ipinagpalagay kong unano. Subalit bigla ko ring naisip: Hindi kaya ito
ang nuno sa punso?
“Saan ang iyong tungo?” ang tanong sa akin ng matanda.
Dahan-dahan muna akong tumayo bago sumagot. “Sa Bulihan
po.”
“Maaari kang sumabay sa akin hanggang sa bukana ng
Bulihan. Doon ang punta ko,” ang sabi ng matanda.
Saka ko lang napansin ang kangga at kalabaw na nakahimpil sa gilid ng daan.
“Naku, maraming salamat po. Kanina pa nga po ako hirap na
hirap sa paglalakad.”
“Halika na,” ang yaya ng matanda at nagpatiuna na itong
sumakay sa kalabaw.
Ako nama’y kaagad na sumunod at sumakay sa kangga.
Pinatakbo ng matanda ang kalabaw at naramdaman ko ang
mapuwersa nitong paghila. At dahil walang gulong, gumuhit at gumasgas sa lupa
ang mga “paa” ng kangga.
“Ako nga po pala si Alex,” ang pakilala ko sa matanda
habang umuusad kami.
“Ako si Lolong,” ang pakilala rin niya.
“Tagarito po kayo?” ang tanong ko na kung tutuusin ay
walang kuwenta. Obvious ba?
“Oo. At ikaw, amang, tagasaan ka?”
“Maynila po.”
“Ano ang iyong sadya sa Bulihan?”
“Bakasyon lang po.”
Saglit akong nilingon ng matanda bago muling nagsalita.
“Hindi bakasyon ang ipinunta mo rito, amang. Mayroon kang higit na mahalagang
sadya.”
Saglit akong hindi umimik bago ko ipinagpasyang maging
matapat sa kanya. “May sadya nga po ako sa pamilya ng aking yaya. May dala
akong malungkot na balita dahil pumanaw na po siya.”
“Sino ang iyong yaya? At sino ang kanyang pamilya?”
“Ayang po ang kanyang pangalan. Mariana Dimaliwat.”
Natahimik ang matanda.
“Kilala n’yo po siya?” ang tanong ko.
“Kilala ko ang mga Dimaliwat na nakatira sa Bulihan. At
kilala ko rin si Ayang.”
“Ganoon po ba?”
“Kababata ko siya.”
“Po?” Taka ako. Paanong nagkanoon? Si Ayang ay di hamak na
mas bata sa kanya.
“Magkasinggulang kami ni Ayang.”
“Sa palagay ko po, si Ayang ay namatay sa edad na
kuwarenta.”
“Otsenta na siya. Sadyang ang mga katulad ni Ayang ay
kalahati lang ng edad ang itsura.”
“Po?”
“Maraming hiwaga sa Bulihan at si Ayang ay bahagi ng mga
hiwagang iyon. Nang umalis siya, may
nais siyang takasan.”
“Ano po iyon?”
“Ang kanyang pagkatao. Ang kanyang naiibang pagkatao.”
“Bakit po? Ano po ang naiiba kay Ayang?”
“Si Ayang ay hindi pangkaraniwang mortal. Si Ayang ay
kalahating tao at kalahating nimpa.”
“Po?” Lalo akong hindi makapaniwala. Sa buong panahong
inalagaan ako ni Ayang, wala naman akong napansin sa kanyang kakaiba. Pero kinumpirma
niyon ang matagal ko nang hinala. Gayunpaman, hindi ko alam kung maniniwala ba
ako o hindi sa sinasabi ng matanda.
“Sa sinabi mong pagkamatay ni Ayang, iyo’y
nangangahulugang nagbalik na siya sa mundo ng mga nimpa at nikso. At bahagi ng
pagbabalik niyang iyon ay ang pagdadala ng isang mortal bilang alay o
sakripisyo.”
Napag-isip ako sa sinabing iyon ng matanda. Ako ba ang
naging alay o sakripisyo ni Ayang sa mga nimpa at nikso?
Namayani ang katahimikan sa pagitan namin ng matanda.
Wala na akong maisagot sa kanya at siya nama’y tila natuon na ang konsentrasyon
sa pagrerenda sa kalabaw.
Napansin kong tila bumaba na ang araw dahil ang mga puno
at halaman na aming nadaraanan ay may mahahaba nang anino. Hapon na ba? Tiningnan
ko ang aking orasan. Hapon na nga. Alas-kuwatro na. Bakit ganoon? Bakit lumipas
ang mga sandali na parang hindi ko namamalayan?
Natanawan ko ang puno ng mga buli na tila siyang
nagmamarka sa hangganan ng daan. Inakala kong
kaylapit na niyon subalit inabot pa kami ng halos isang oras bago sinapit
iyon.
Inihinto ng matanda ang sinasakyan namin. “Hanggang dito
na lamang tayo, amang.”
Bumaba ako sa kangga.
“Sundan mo lang ang daan papasok sa bulihan hanggang sa
marating mo ang kakahuyan. Tuntunin mo lang ang daan patungo sa dagat. Doon,
malapit sa baybayin ay matatagpuan mo ang bahay ng mga Dimaliwat.”
“Maraming salamat po,” ang tugon ko. “Saan na po ang
tungo n’yo n’yan?”
May itinuro ang matanda sa kaliwang bahagi ng daan at
doon ko napansin ang isang side street. “Dito na ako, amang.”
“Sige po. Maraming salamat po uli.” At nagsimula na akong
humakbang papasok sa Bulihan.
“Mag-iingat ka, amang.” Ang pahabol ng matanda.
Bago lubusang magpatuloy, muli kong nilingon ang matanda.
Subalit wala na siya sa aking likuran.
***
Malapit nang lumubog ang araw kaya ako ay nagmadali na sa
paglalakad. Nakapasok na ako sa bulihan at ako ay namangha sa kung gaano
kalalaki at katataas ang mga buli. Gaano na kaya katanda ang mga punong ito?
Hindi imposibleng naririto na ang mga ito hindi pa man isinisilang si Ayang.
Tahimik ang paligid bukod sa manaka-nakang paswit ng mga
ibon at kaluskos ng mga dahon ng buli sa kalabit ng hangin. Maingat kong sinundan ang daan at iniwasang malihis dahil sa pangambang ako ay maligaw.
Nagsisimula nang lumubog ang araw nang malagpasan ko ang
mga buli at sapitin ang kakahuyan. Dito sa lugar na ito na kung saan magkakatabi,
magkakadikit ang mga puno ng akasya, narra, mahogany at kung anu-ano pang mga
halamang hindi ko kilala, nakadama ako ng kakaibang kapanatagan. Napakaganda ng
kakahuyang ito na para bang ako'y nalipat sa ibang daigdig. Sa mapusyaw na
liwanag ng papalubog na araw, nag-aagaw sa pagiging luntian at ginintuan ang
mga dahon ng halaman. Malamig ang haplos ng hangin, dala ang halimuyak ng mga
ligaw na bulaklak at huni ng mga ibong hindi magkamayaw sa galak. Maingay na
rin ang mga kuliglig. Gayundin ang mga palaka sa di-kalayuan.
Sabay sa pagkaulinig ko sa ingay ng mga palaka ay ang
pagkaulinig ko rin sa mahinang lagaslas ng tubig. Batis! May batis dito sa loob ng
kakahuyan. Kaya pala kahit tag-init, sariwa at malulusog ang mga halaman.
Saglit akong tumigil upang alamin kung saang panig
nanggagaling ang tunog ng umaagos na tubig. At nang matukoy ko iyon, sumalungat
ako sa daang tinutunton upang hanapin iyon. Hindi ko alam kung bakit bigla akong na-curious na makita ang batis.
At doon sa kung saan nakakumpol ang malalaking puno ng
balete, natagpuan ko iyon. Kumikinang sa natitirang liwanag ng araw ang
mala-kristal nitong tubig na umaagos patungo sa isang tila swimming pool na
napaliligiran, nababakuran ng malalaking bato.
At doon sa “swimming pool”, naroroon ang isang lalaking
hubo’t hubad na naliligo.
Mabilis akong nagkubli sa mga dahon ng isang higanteng
pako.
Pinanood ko ang lalaki na bagamat nakatalikod sa akin, hindi
maikakaila ang kakisigang angkin. Pinagmasdan ko ang kanyang kabuuan – malapad na balikat, matipunong pangangatawan, makipot na baywang at matambok na puwet. Mabibilog ang kanyang mga hita at mahahaba ang
binti. Kulay honey ang balat na tila nago-glow sa nag-aagaw na dilim at
liwanag.
Nilukuban ako ng nag-uumapaw na excitement. Nanuyo ang lalamunan ko sa pagnanasa at pananabik. Maya-maya'y dinadama ko na ang sentro kong naghuhumindig.
At dahil sa aking pagmamalikot, lumikha ako ng mga kaluskos.
Natawag ang pansin ng lalaki at siya’y dahan-dahang pumihit.
Pagharap niya sa akin, nagulat ako. Para akong itinulos sa kinatatayuan ko, mangha at hindi makakilos.
Sa tanglaw ng mga alitaptap na nagsimulang kumutitap, nasilayan ko ang kanyang mapang-akit na ngiti.
“Eros…” ang pabulong kong sambit.
Ang lalaki ay kamukhang-kamukha ng nikso sa imahinasyon ko at panaginip!