Dear Blog,
Happy birthday sa iyo! Anim na taon ka na at matagal na rin ang ating pinagsamahan. Sa iyo ko naikuwento ang iba't ibang mga pangyayari sa buhay ko
– malungkot, masaya, pangit, maganda. Sa pamamagitan mo, nagkaroon ako ng takbuhan, tagapakinig, karamay at kanlungan upang maipahayag ang sarili ko. Sa pamamagitan mo, nagkaroon din ako ng mga kaibigan at mambabasang nagpalawak sa mundo ko. Sa iyo ko rin nagawang ilabas at hubugin ang anumang malikhaing talino na mayroon ako na nagbunga ng pagkakasali ko sa isang libro.
Pasensya ka na kung nitong mga huling araw ay napapabayaan kita, kung hindi na kita masyadong nadadalaw at nababahagian ng mga kuwento. Wala rin naman kasing masyadong nangyayari sa buhay ko, bukod pa sa kapos na kapos ako sa oras dahil sa trabaho. Pero hindi iyon nangangahulugang nakakalimutan na kita. Ang totoo niyan, gustung-gusto ko ang magsulat, lagi nga lang akong pagod at may writer's block.
Gayunpaman, huwag kang mag-alala. Kahit sa mga panahong ito na tila lumamlam na ang blogspot dahil sa paglalaho ng ilan sa mga maniningning na manunulat, magpapatuloy pa rin ako. Dahil, unang-una na, ayaw kitang iwan. Manghihinayang ako at malulungkot. Pangalawa, ayaw ko ring iwan ang ating mga tagasubaybay na ang kahit munting paramdam ay nagdudulot sa akin ng saya.
Ipinapangako ko, Blog, na matapos lang ang lahat ng pinagkakaabalahan ko sa ngayon, muli kitang haharapin. Maglalaan ako ng panahon upang magawa ko ang makapag-update nang madalas, upang madugtungan ko na rin ang mga kuwentong bitin. Nasa utak ko na ang lahat, hindi ko pa nga lang maisulat.
Muli, happy birthday sa'yo. At sana sa araw na ito ay makapiling mo at maging kaisa sa pagdiriwang ang ating mga mambabasa na patuloy na nagbibigay-inspirasyon
– at dahilan upang magpatuloy
– sa ating dalawa.
Aris