Thursday, May 16, 2019

Lipas


Gusto kong magkuwento pero wala kasi talaga akong kuwento. Wala akong kuwento na kagaya noong kasibulan ko. Iyong huwag lang na di ako mapaliko sa isang kanto, may bagong kakilala na ako. May bago nang kapalitang-text at kaharutan. Iyong parang laro lang ang sex na hindi ka nag-iisip ng kinabukasan. Iyong parang ang kariktan mo ay palagi lang nandiyan, gabi-gabi ka mang magwalwal. Palaging mapula ang iyong mga labi, makislap ang mga mata at flawless ang kutis. Iyong kahit hindi ka naligo dahil sa pagmamadali, fresh ka pa rin at mukhang mabango. Iyong hindi mo kailangang gumugol nang ilang oras sa harap ng salamin. Everything just falls into place:  ang buhok mo kahit fininger comb mo lang, ang kilay mo na walang stray kahit sobra na ang kapal, ang ngiti mo na kahit nag-mouthwash ka lang ay kakaiba pa rin ang kinang. Iyon ang mga panahon ng aking kasariwaan na hindi ko ma-imagine na kukupas. Iyon ang kasagsagan ng aking pang-akit na nagsilbing bitag o pain upang ang sinumang nais ay mabihag. Iyon ang mga panahong lumipas nang halos hindi ko namamalayan. Mga panahong naglaho kasabay sa pagkaubos ng aking mga kuwento. Mga sandaling kailangan ko sana upang muli akong makapagsalaysay ng tungkol sa isang mundo na kung saan naroroon ako, namamayagpag. Mga panahong ako ang naghahari-harian (o nagrereyna-reynahan) subalit ngayo’y nasa isang sulok na lamang at pinagmamasdan ang mundong minsan ay naging palaruan.