Tuesday, August 31, 2010

Chances 5

Nang nagdaang gabi, walang pagsidlan ng tuwa si Alvin habang binubuksan ang apartment niya. Kasama niya na kasi si Vincent at sa kanya na titira.

Buong araw silang magkasama at masayang namasyal sa Mall of Asia. Parang nanumbalik muli ang samahan nila noong college.

Nang papauwi na sila, nakumbinsi ni Alvin si Vincent na lumipat na sa bahay niya. Kaagad silang dumiretso sa bahay ng Tiyahin nito upang kunin ang mga gamit.

Pagdating nila roon, naunawaan ni Alvin kung bakit kaagad niyang napapayag si Vincent. Maliit ang apartment at siksikan ang mga nakatira.

May kunwari pang pagtutol ang Tiyahin ni Vincent subalit dama ni Alvin ang relief nito nang sila ay magpaalam na.

Nang mabuksan ang bahay niya, excited si Alvin na pinatuloy si Vincent.

“Feel at home,” ang sabi niya. “Mula ngayon, bahay mo na rin ito.”

Payak man ang mga kagamitan, maayos naman ang lahat. May maliit na salas, kusina at dining area. Isa lang ang kuwarto subalit dalawa ang kama.

Inilagak muna ni Vince ang mga gamit niya sa kuwarto.

Kaagad na nag-asikaso si Alvin ng hapunan. Nagsalang siya ng sinaing.

“Magluluto ka pa ba?” ang tanong ni Vincent.

“Maggigisa ako ng corned beef.”

“Huwag na. Pagod ka na. Bumili na lang tayo ng lutong ulam.”

“Sige. Lalabas lang ako sandali.”

“Ako na,” ang prisinta ni Vincent. “May malapit bang karinderya rito?”

“Diyan sa labasan. Katabi ng convenience store.”

“Ako na ang bibili. Magpahinga ka na lang muna.”

Hindi na nakatanggi si Alvin dahil nagmamadali nang lumabas ng bahay si Vincent.

Inayos niya na lang ang hapag at nagtungo siya sa kuwarto upang magpalit ng pambahay.

Pagkabihis niya, may narinig siyang tumunog na celfone. Message alert ng Nokia. Hindi kanya iyon dahil naka-Ericsson siya. Nakita niya ang celfone ni Vincent na nakalapag sa mesita. Hindi niya man ugali ang makialam, dinampot niya iyon dahil siya ay kinukutuban.

1 message received

Pinindot niya ang Show.

“Hey, Vince. Kumusta?” Ang sender: si Darwin. Sinasabi niya na nga ba.

Nakadama siya ng ngitngit at kaagad niya itong binura.

Naisip niya, kailangan niyang magmadali dahil pursigido ang kalaban niya. Hindi niya mapapayagang maagaw pa ni Darwin si Vincent sa kanya. Nasimulan niya na, he should not blow his chance.

Ibinalik niya sa kinalalagyan ang celfone. Inayos niya ang sarili – pati na ang kanyang emosyon – at lumabas siya ng silid na parang walang nangyari.

Ilang sandali pa, bumalik na si Vincent. May dalang dalawang klase ng ulam. Nagulat siya nang makita niyang may binili rin itong beer in cans.

“Uminom tayo nang kaunti mamaya,” ang sabi habang ipinapasok ang mga ito sa ref.

Perfect, ang naisip niya.

Nag-click ang rice cooker, hudyat na luto na ang kanin. Inayos niya ang mga ulam sa lalagyan.

Hinintay niya munang makapagbihis ng pambahay si Vincent bago sila sabay na dumulog sa mesa.

Naghapunan sila.

“Maayos pala ang tinitirahan mo rito sa Maynila,” ang sabi ni Vincent. “Tahimik ang neighborhood.”

“Si Darwin ang tumulong sa akin na mahanap ito.”

Sa pagkakabanggit ni Alvin sa pangalan ni Darwin ay tila natigilan si Vincent. Bagay na hindi nalingid kay Alvin.

“Actually, kaibigan niya ang dating nakatira rito,” ang patuloy niya na parang walang anuman. “Nag-abroad na. Iniwan sa akin ang mga gamit kaya hindi na ako nagpundar pa.”

“Masuwerte ka na rin na naging kaibigan mo si Darwin.”

“Oo nga,” ang sang-ayon niya sa kabila ng umaahong panibugho dahil sa compliment ni Vincent.

Sandali silang natahimik. Nag-wonder si Alvin kung ano ang iniisip ni Vincent.

“Pasensiya ka na,” ang sabi nito pagkaraan. “Medyo magiging pabigat muna ako sa’yo habang hindi pa ako nagkakatrabaho.”

“Huwag mong isipin ‘yan,” ang sagot ni Alvin. “Dati pa naman tayong nagtutulungan kahit noon. At saka, confident ako na matatanggap ka sa pinag-apply-an mo. Makikita mo, after 2 or 3 days, tatawag na sila sa’yo.”

“Sana nga para makapagsimula na rin kaagad ako.”

Nang makakain, magkatulong silang nagligpit.

Pagkatapos, naupo sila sa salas. Nagbukas ng beer si Vincent -- tig-isa muna sila -- at nagsimula silang uminom.

“Natuloy din ang plano natin,” ang sabi ni Alvin. “Ang magkasama dito sa Maynila.”

“Oo nga,” ang sagot ni Vincent. “Alam mo, noong magkahiwalay tayo, parang nanibago ako. Na-miss talaga kita.”

Napangiti si Alvin. Parang haplos sa puso ang kanyang narinig. “Na-miss din kita.”

Kung anu-ano ang napagkuwentuhan nila habang umiinom. Hanggang sa malasing sila.

At dahil lasing na, bumaba ang defenses ni Alvin. Nawala ang pag-aalinlangan at lumakas ang loob.

“Vince, may sasabihin ako sa’yo…”

“Ano yun?”

“Tungkol sa damdaming matagal ko nang inililihim.”

Nakikinig si Vincent.

“Mahal kita. Matagal na.”

Maulap man ang kamalayan, nabigla si Vincent.

“Hindi ko masabi sa'yo noon dahil natatakot akong lumayo ka.”

Nakatingin lang sa kanya si Vincent, hindi makapagsalita.

“Wala akong ibang pinakaaasam kundi ang mahalin mo rin.”

Awkward silence. Matagal.

“Mahal din kita,” ang sabi ni Vincent pagkaraan. “Pero hindi ko alam kung katulad iyon ng sinasabi mong pagmamahal sa akin.”

“Hindi na iyon mahalaga. Sapat nang malaman ko na may damdamin ka rin para sa akin.”

Yumakap siya kay Vincent.

At sa kabila ng tila pagkabalisa, yumakap din ito sa kanya.

Dalawa ang kama sa kuwarto ni Alvin subalit nang gabing iyon, isa lang ang nagamit.

(Itutuloy)

Part 6

Thursday, August 26, 2010

Inagaw Na Ligaya

Nagkakilala kami sa madilim na sinehan.

Kasagsagan iyon ng aking pamumukadkad. Mapangahas kong tinutuklas ang mga misteryo ng aking seksuwalidad.

At dahil matangkad siya, maputi at angelic face… at dahil napakabango niya at halos hindi magtagpo ang hinlalaki at hinlalato ko nang magpahawak siya… bumigay ako at kaagad na sumama sa kanyang pagyayaya.

Dinala niya ako sa isang cheap na motel.

Halos manginig ako sa excitement habang nagtatanggal kami ng damit. Napasinghap ako nang mamalas ko ang kanyang kahubdan.

Ang hahaba ng kanyang biyas. Napakakinis ng kanyang balat. Napaka-lean niya at napakatikas. Siya ang imahe ng lalaking laman ng aking pangarap.

Humiga kami at nagdaop ang aming mga katawan. Nagyakap kami at naghalikan. Nagsalubong ang aming mga kaselanan.

Nagsimula kaming magniig. Maigting at puno ng pananabik. Naglakbay kami paakyat sa seventh heaven.

At nang iyon ay aming marating, halos hindi maampat-ampat ang pagsirit ng luwalhati.

Paghupa ng init, humarap siya sa akin. May tenderness sa kanyang mga titig.

Hinaplos-haplos niya ako at muling binalot ng kanyang mga bisig.

“Naniniwala ka ba sa destiny?” ang tanong niya sa akin.

***

“Palagay ko, natagpuan ko na ang matagal ko nang hinahanap,” ang sabi niya.

“Ano yun?” ang tanong ko.

“Ang destiny ko. Ang taong mamahalin ko.”

“Sino yun?”

“Ikaw yun.”

“Ows?”

“Masaya ka ba na nagkakilala tayo?”

“Masayang-masaya.”

“Maaari ba uli tayong magkita? At magkasama?”

“Palagay ko, iyon ang destiny nating dalawa.”

Ginagap niya ang kamay ko at nag-usap ang aming mga mata.

***

“Miss na kaagad kita,” ang text niya sa akin nang ako ay nasa jeep na.

High na high ang puso ko. Kaagad akong nag-type ng reply. Iniwas ko pa ang celfone ko sa lalaking katabi ko na parang nakikiusyuso.

“Miss din kita. Kailan tayo muling magkiki...”

SNAP!

Biglang naglaho ang celfone sa kamay ko. Inagaw ng lalaking katabi ko.

Bago pa ako nakapag-react, nakatalon na ang lalaki sa jeep at mabilis na nakatakbo.

“Ay! Snatcher! Snatcher!” ang tili ng babae sa harapan ko.

Pero huli na ang lahat. Naiwan akong in shock at hindi makakibo.

Ang number niya, hindi ko namemorya. Paano ko pa siya makokontak?

Nanlumo ako at parang gusto kong maiyak.

Kung kailan nakilala ko na ang perfect na lalaki para sa akin… Kung kailan natagpuan ko na ang magmamahal sa akin…

Ilang ulit din akong nagpabalik-balik sa sinehang iyon subalit hindi ko na siya muling nakita.

Hanggang ngayon, hinahanap-hanap ko pa rin siya.

Friday, August 20, 2010

Chances 4

Bago pa narating ni Alvin ang pinto ng Starbucks, nahawakan na siya ni Mimi sa braso.

“Alvin, sandali!”

“Bitiwan mo ako, Mimi!”

“Ano ba? Get hold of yourself!”

Natigilan si Alvin. Matigas ang timbre ng boses ni Mimi at mahigpit ang pagkakakapit sa kanya.

“Huwag kang padalos-dalos. Mag-isip ka muna.” Determinado itong pigilan siya. “Halika, mag-usap tayo.”

Hinila siya nito palayo. Napasunod na lamang siya. Napangunahan man ng galit, unti-unti rin siyang pinangibabawan ng rason kasabay ng tila panghihina ng kanyang tuhod – at loob.

***

“Bakit tayo nagkita nang ganito?” ang tanong ni Darwin kay Vincent. Patuloy sila sa pag-uusap sa loob ng Starbucks at walang kamalay-malay sa muntik nang pagsugod ni Alvin.

“Do you really have to ask? Kahit siguro hindi ko sabihin, alam mo na kung bakit,” ang sagot ni Vincent.

“Maaaring mali kasi ang aking iniisip.”

“Kung ano man ang iyong iniisip. Tama iyon.” Nakangiti sa kanya si Vincent. “Ano pa ba ang ibig sabihin ng imbitasyon ko na magkita tayo ngayon, na tayong dalawa lang? I am interested to know more about you. At gusto ko ring ipakilala ang sarili ko sa’yo.”

“Ang inaalala ko ay si Alvin. Baka masamain niya ang pagkikita natin nang hindi niya alam.”

“Bakit niya naman mamasamain? At bakit niya kailangang malaman?”

Hindi masabi ni Darwin ang dahilan dahil ayaw niyang i-preempt si Alvin. “He should be here with us, don’t you think so?”

“This is just between the two of us.”

“Bakit nga, Vincent?”

“Because I like you.”

Hindi nakasagot si Darwin.

“There, I’ve said it.” Tumawa si Vincent, maiksi, marahil upang pagtakpan ang discomfort sa biglaang pag-amin. Tapos, biglang sumeryoso. “Naramdaman ko iyon kahapon, nang makita kita… nang magkamay tayo.”

Sa kabila ng tuwa sa kanyang narinig, hindi makapagsalita si Darwin. Gusto niyang sabihin kay Vincent na gayon din ang kanyang damdamin subalit binabagabag siya ng pag-aalala tungkol kay Alvin.

***

“Hindi ka dapat nagpapadala sa emosyon mo,” ang sabi ni Mimi kay Alvin. Nasa Seattle’s Best na sila at kalmado nang nagkakape.

Tahimik si Alvin, panay lang ang hithit ng yosi.

“Hindi mo dapat ipinakikita ang kahinaan mo,” ang patuloy ni Mimi. “Sa palagay mo ba kung sinugod mo sila, gaganda ka sa paningin ni Vincent? Magkakaroon lang siya ng resentment sa’yo.”

Nakikinig lang si Alvin kay Mimi.

“Kung may natutunan man ako sa pagiging kabit, iyon ay ang ilagay sa tamang lugar ang aking sarili. Kung ang asawa ay mag-iiskandalo at magbubunganga kapag nahuli si Mister, ang kabit ay iiwas at mananahimik. Kung ang asawa ay mang-aaway kapag may maling nagawa si Mister, ang kabit ay uunawa at magpapatawad. Kaya nga mas minamahal ang kabit dahil kadalasan, OA sa drama si Misis.”

Gulo man ang kalooban, interesado si Alvin sa pinupunto ni Mimi.

“Hindi ka kabit pero mas makabubuting iyon ang isipin mo dahil may kaagaw ka. Sa halip na mag-react ka na parang asawa, do the reverse. Gumawa ka ng kabutihan para sa kanya. Pakitaan mo siya ng dagdag na kabaitan. Nang sa gayon, ma-appreciate ka ni Vincent at tuluyang mabaling sa iyo ang kanyang pagtingin.”

Dahan-dahang napangiti si Alvin. Nagliwanag ang kanina ay makulimlim na mukha.

“O, bakit?” ang tanong ni Mimi.

“I think alam ko na exactly kung ano ang aking gagawin.”

***

“Gusto mo rin ba ako?” Point blank ang tanong na iyon ni Vincent sa kanya.

Hindi nagawang magkaila ni Darwin. Napatango siya.

Napangiti si Vincent. “Pinasaya mo ako.”

Nagulat si Darwin nang biglang hawakan ni Vincent ang kanyang kamay. Kaagad niya itong binawi.

“Why?” ang tanong ni Vincent. “May problema ba? Are you committed?”

“No. Kaya lang…” Si Alvin. Pero hindi niya iyon masabi.

“Kaya lang ano?”

“Masyadong mabilis.”

“I like you, you like me. Kailangan pa ba nating mag-aksaya ng panahon?”

“Siguraduhin muna natin na tama ang ating gagawin. Para walang masaktan.”

Ipinagpasiya nilang ipagpaliban na muna ang pag-uusap tungkol sa kanilang dalawa.

Nag-getting-to-know-you na lang sila.

At habang nagsisiwalat sila ng mga bagay-bagay tungkol sa kanilang sarili, dama nila pareho ang higit na pagkagusto sa isa’t isa.

Nang oras na upang umuwi, nag-offer si Darwin na ihatid si Vincent.

Tahimik sila sa kotse kahit pa naghahawakan sila ng kamay.

At bago bumaba si Vincent, hinagkan niya si Darwin.

Gulo ang isip ni Darwin habang nagda-drive pauwi subalit dama niya ang pagbabaga ng kanyang damdamin – at mga labi.

***

Kinabukasan, hindi pumasok sa office si Alvin. Hindi ito tumawag o nag-text man lang sa kanya.

May pagtataka at pag-aalala si Darwin kaya tinanong niya si Mimi.

“Ay, hindi ko alam,” ang sagot ni Mimi.

“Hindi ba sumabay siya sa’yo kahapon?”

“Oo, pero wala siyang nababanggit na mag-a-absent siya ngayon. Hindi rin siya tumawag.” Pero ang totoo, nag-text na sa kanya si Alvin at hindi lang ipinasasabi kay Darwin ang dahilan ng kanyang pag-aabsent.

“Bakit kaya?”

“Baka may sakit. Sa puso.” Hindi napigilan ni Mimi ang magpasaring.

“Ha?”

“Joke,” ang kaagad niya ring bawi. “Bakit hindi mo i-text?”

“Sige.”

Pero hindi iyon ginawa ni Darwin. Gusto niyang iwasan si Alvin bunsod ng guilt na nararamdaman niya dahil sa namagitan sa kanila kahapon ni Vincent.

Naghintay siya buong araw na ito ang makipag-communicate sa kanya pero wala siyang natanggap na tawag o text man.

Strangely, wala ring tawag o text sa kanya si Vincent.

Hindi siya nakatiis. Tinext niya ito.

“Hey, Vince. Kumusta?”

Crickets.

Malalim na ang gabi at nakahiga na siya upang matulog, naghihintay pa rin siya ng reply.

***

Nang sumunod na araw, masaya si Alvin nang dumating sa office.

Uneasy si Darwin nang magkita sila pero hindi siya nagpahalata.

“Good morning!” ang bati nito sa kanya, unusually chirpy. “How are you today, my friend?”

“I’m good.” Nagsinungaling siya. Halos hindi siya nakatulog buong gabi dahil sa pag-iisip. “And you?”

“Couldn’t be better.” Naupo ito sa kanyang mesa, may ngiting hindi mapawi-pawi sa mga labi.

“Bakit ka absent kahapon?” ang tanong niya, trying to make a casual conversation at upang i-satisfy na rin ang kanyang curiosity.

Tumingin sa kanya si Alvin at ngumiti. May ningning sa mga mata nang magsalita.

“Sinamahan ko si Vincent sa kanyang pag-a-apply. At pagkatapos, namasyal kami.”

Instant ang kirot na naramdaman ni Darwin.

“And guess what. Nakalipat na siya sa bahay ko kagabi.”

Nagsimulang manikip ang kanyang dibdib.

“Nakapag-usap na kami nang maayos. Nasabi ko na sa kanya ang damdamin ko. And you have to congratulate me, my friend…”

At tuluyan nang dinurog ang kanyang puso sa sumunod na narinig.

“Kami na ni Vincent!”

(Itutuloy)

Part 5

Tuesday, August 17, 2010

Wow Naman!

Dalawang bagay ang nagpasaya sa araw ko.

Discreet Manila came up with this list and, guess what, kasali ako!

THE 15 MOST-FOLLOWED PLU BLOGS
Miong21 - 327
Tristan Tales - 244
Ako si Aris - 229
The McVie Show - 223
wandering commuter - 205
Discreet Manila - 204
Soul Jacker - 202
The Bakla Review - 186
citybuoy - 181
Corporate Closet - 179
Misterhubs - 175
Mandaya Moore - 174
Living The Expectations - 173
An Artist's Orgasm - 168
the instant pancit canton life – 145

At pagsilip ko sa Blogs Ng Pinoy, aba, numero uno tayo!

Wow naman!

Thank you, Discreet Manila and Blogs Ng Pinoy.

At higit sa lahat, thank you sa inyo, mga giliw kong kaibigan at tagasubaybay. Kaya ako nagsusulat dahil binabasa ninyo ako. Love ko kayo, alam n’yo ‘yan! :)

Wednesday, August 11, 2010

Chances 3

“Hey, Darwin,” ang kanyang naulinigan nang ito ay kanyang sagutin.

“Vincent, hi,” ang kanyang nasambit.

Huminto ang elevator at kaagad siyang bumaba kahit hindi pa iyon ang floor ng office nila. Hindi siya kumportableng makipag-usap sa loob ng elevator dahil marami siyang kasakay.

“I just wanna say thank you,” ang sabi ni Vincent.

“For what?” ang tanong ni Darwin habang nakatayo sa corridor.

“For helping me out. Tinawagan na ako ni Alvin. I am applying tomorrow.”

“Well, good luck.”

“Sana matanggap ako.”

“Matatanggap ka.”

Short silence.

“Uhm, Darwin…”

“Yeah?”

“Maybe we can have coffee later?”

“Uhm, sure. Sasabihin ko kay Alvin…”

“No. Huwag mo nang sabihin sa kanya.”

“Why? Nasabihan mo na ba siya?”

“No. It’s just that…”

Short pause.

“I want it to be just the two of us.”

***

May guilt si Darwin nang humarap siya kay Alvin. Tinanggap niya ang imbitasyon ni Vincent at kailangan niya iyong ilihim.

“O, friend, where have you been?” ang tanong ni Alvin.

“Sa baba. Nag-yosi lang.”

“Natawagan ko na si Vincent. He’s getting ready for tomorrow.”

“That’s good.”

Nagkunwari si Darwin na busy na uli siya sa trabaho. In the mood naman si Alvin na chumika.

“Di ba, friend, kapag natanggap siya sa call center, magte-training muna siya. Hindi pa naman siya officially employed. I was thinking na kahit ganoon, palilipatin ko na siya sa bahay. Mas mabuti iyong settled na siya para makapag-concentrate siya sa training. Mahirap iyong nakikisama pa siya sa Tita niya. At least with me, wala siyang iintindihin.”

“That’s a good idea,” ang sagot ni Darwin habang nakatingin sa mga papeles sa mesa niya. Parang hindi niya magawang tumingin kay Alvin.

“I think I should tell him later. Maybe I should invite him for coffee. You want to join us?”

“Ha?” Naghagilap ng isasagot si Darwin, ng alibi dahil may usapan nga sila mamaya ni Vincent. “I can’t, friend. I was about to tell you na may lakad ako mamaya kaya hindi tayo pwedeng magsabay.” May kotse kasi si Darwin at hini-hitch niya lagi si Alvin hanggang sa sakayan malapit sa inuuwian nito.

“Saan ang punta mo?” ang tanong ni Alvin.

“I am meeting a friend.” It was the truth. Half-truth. His best attempt upang huwag magsinungaling.

“Ah, okay.” At tumahimik na si Alvin.

Tahimik na rin si Darwin. Kahit mukha siyang abala sa kanyang ginagawa, hindi siya makapag-concentrate. Ang hirap pala nang may itinatago, lalo na kung sa best friend mo.

Maya-maya, nakita niyang may kausap sa phone si Alvin.

“Hindi siya pwede,” ang sabi nito pagkaraan, disappointed ang expression.

“Sino?” ang tanong niya.

“Si Vincent.”

“Ha? Bakit daw?”

“May ka-meet daw siyang friend mamaya.”

“Ha? Sino raw?” Kinabahan siya.

“Hindi ko na tinanong. Nagtataka nga ako, kararating niya lang dito sa Maynila, may friend na kaagad siya.”

Hindi na sumagot si Darwin. Pilit na lang pinayapa ang sarili. At least, hindi rin nagsinungaling si Vincent. Hindi nga lang din nagsabi ng buong katotohanan.

Ipinagpatuloy niya ang pagkukunwaring abala sa ginagawa upang umiwas kay Alvin.

Pero deep inside, dama niya ang pagtindi ng guilt niya.

***

“Friend, mauuna na ako,” ang sabi ni Darwin kay Alvin nang mag-uwian. Kaka-text lang sa kanya ni Vincent upang ipaalam na on the way na ito sa meeting place nila.

“Ok,” ang sagot ni Alvin. “Enjoy your lakad.”

“Paano ka uuwi?”

“Sasabay na lang siguro ako kay Mimi.”

“Ah, ok. Ingat.” At lumabas na ng office si Darwin. Nagmamadali, walang lingon-likod.

Nakamasid si Alvin, may pagtataka at pagtatanong kung bakit parang kakaiba ang kilos ni Darwin buong araw. Nasanay kasi siya na tinatapatan nito ang kanyang pagiging madaldal. Strangely, tahimik ito ngayon at parang nag-iisip.

Nagkibit-balikat si Alvin. Baka may period. Lihim siyang napangiti sa sariling joke. Inayos niya ang kanyang mga gamit at tinungo ang mesa ni Mimi na executive assistant ng kanilang boss.

“Mimi darling!” ang bati niya.

“Yes, Alvin sweetheart?” Nagre-retouch na ito at naghahanda na ring umalis.

“How heartbreaking to see a lovely lady like you going home by her lonesome. May I volunteer to be your escort?”

Nag-pause si Mimi sa kanyang pagli-lipstick. “Nambola ka pa, makikisabay ka lang pala. Of course, kelan ba naman ako nag-refuse sa isang debonaire gentleman like you.”

“Thank you.” Ngumiti si Alvin at pinanood ang pagpapaganda ni Mimi. Nagsisimula na itong magpulbos. Next to Darwin, si Mimi ang closest niya sa office. Bakla rin ang babaing ito kaya vibes sila.

“Asan ang best friend mo?” ang tanong ni Mimi.

“Nauna na. May imi-meet daw na friend.”

“I’m sure, may date ang bakla.”

“Siguro. Bilisan mo na, girl. Sobrang ganda mo na.”

“Echosera ka. Hoy, di pa muna tayo uuwi ha? Sasamahan mo muna akong rumampa.”

“Saan naman?”

“Sa Powerbooks lang. May bibilhin akong libro.”

“May choice ba ako. Siyempre papayag ako kasi makikisabay lang ako.”

“Sige na, para makapag-chikahan din tayo.”

***

Nagda-drive pa lang sila papuntang bookstore, chumichika na si Mimi.

“In love ako ngayon, bakla,” ang sabi kaagad sa kanya.

“Talaga? Kaya pala mukha kang masaya,” ang sagot niya.

“Masaya sa kung masaya. Kaya lang… medyo complicated.”

“O, bakit naman?”

“Married kasi ang boyfriend ko.”

“So kabit ka, ganon?”

“Oo. Pero ok lang sa akin ‘yun.”

“So anong problema?”

“Asawa kasi siya ng best friend ko.”

“Ha? Keri mo yun?”

“Anong magagawa ko e sa na-in love ako.”

“So paano ‘yun?”

“Ingat na lang kami na huwag makahalata ang friend ko. Ang hirap ngang magkunwari.”

“Paano kapag nalaman ng friend mo?”

“E di eksenang pang-telenovela. Sumbatan. Sampalan. Sabunutan.”

“Gosh, ayoko ng ganon! Worth it ba na iyon ang magiging kapalit ng happiness mo ngayon.”

“Maybe. But honestly, I don’t know. It’s not that gusto kong magtaksil sa kaibigan ko. Nagkataon lang kasi na na-in love ako. I know, mali pero hindi ko kayang kontrolin sa ngayon ang emosyon ko.”

“Gaga ka, ako ang kinakabahan para sa’yo. Hindi ka ba nagi-guilty?”

“Nagi-guilty. Pero nababalewala iyon ng pagiging happy.”

“What about the future? Ano sa palagay mo ang kahihinatnan ng relasyon ninyo?”

“Ayokong mag-worry about the future. Basta masaya ako ngayon. Bahala na kung ano man ang mangyari. I am willing to take the consequences.”

Napatingin na lang si Alvin kay Mimi at napailing. Pagdating sa pakikipag-relasyon, daig pa nito ang bakla sa sobrang pagiging walang takot.

***

Akala ni Alvin sa Powerbooks lang ang punta nila. Pero pagkatapos makapamili, biglang nagyaya si Mimi na mag-coffee.

“Ikaw naman ang magkuwento,” ang sabi ni Mimi habang naglalakad sila papunta sa Starbucks. “Kumusta na ang lovelife mo?”

Napangiti si Alvin. “Kung happy ka, happy din ako.”

“In love ka rin, bakla?” Na-excite si Mimi.

“Yup. But unlike you, hindi kumplikado ang lovelife ko.”

“At sino ang masuwerteng lalaking ito?”

“His name is Vincent. Classmate ko siya sa college. We were so close kaya lang nagkahiwalay kami nang mag-Manila ako. Nandito na siya ngayon, sumunod siya after a year.”

“Kayo na talaga kahit noong college pa?”

“Hindi. Actually, matagal na akong in-love sa kanya, hindi ko lang masabi. But now, sasabihin ko na sa kanya. At palagay ko naman, hindi ako mabibigo dahil kahit noon pa, nararamdaman ko naman that he also cares for me. And guess what, he’ll be moving in with me soon. Kaya doon na talaga kami papunta.”

“Wow, I am so happy for you. Sarap ma-in love noh?”

“Sinabi mo pa.”

Sinapit nila ang Starbucks.

Patungo na sila sa pinto nang biglang mapabulalas si Mimi. “Hey, look who’s here!”

Mula sa glass window nakita niya ang tinutukoy ni Mimi.

Natigilan siya at nagulantang. Nanlamig.

“Sabi ko na sa’yo, may date si Darwin. At ang guwapo!”

Parang hindi siya makakilos sa pagkabigla.

Napansin ni Mimi ang kanyang reaksiyon. “Hey, what’s wrong?”

“Mimi,” he managed to say kahit nagsisikip ang kanyang dibdib. “Ang ka-date ni Darwin…”

“W-what?”

“Siya si Vincent. The boy I just told you about. The boy I have loved since college.”

“Ha? Paanong…?”

“Silang dalawa pala ang magkikita. Pinagmukha nila akong tanga.” Nagdilim ang mukha ni Alvin. “Ang mga taksil…”

Kinabahan si Mimi. “Alvin, ano’ng binabalak mong gawin?”

Mabilis na humakbang si Alvin, pasugod sa kinaroroonan nina Darwin at Vincent.

Nataranta si Mimi. “Oh my God, Alvin. Wait! Wait!”

(Itutuloy)

Part 4

Friday, August 6, 2010

Chances 2

Naupo sila. Nakangiti, nakatingin lang sa bawat isa. Parang wala munang gustong magsalita.

Halos hindi makapaniwala si Alvin na kaharap niya si Vincent. Kaytagal niyang pinanabikan ang sandaling iyon. Dama niya ang pag-uumapaw ng kanyang pagmamahal na tinimpi niya at hindi nawala sa loob ng matagal na panahon.

Masaya naman si Vincent na muli ay makita si Alvin. Nang magkalayo sila, parang may nabawas sa kanya. Subalit ngayon na magkasama na uli sila, parang muli ay nakumpleto siya.

Masaya rin siya na makilala si Darwin. Hindi niya maipaliwanag ang gaan ng loob na kaagad niyang nadama. Parang malapit na rin ito sa kanya, kagaya ni Alvin.

Si Darwin naman ay pigil ang damdamin. Pilit ikinukubli ang pagkabighani kay Vincent. Sa panlabas ay kalmante siya subalit sa kaloob-looban ay hindi siya mapakali.

Lumapit ang waiter. Saka lang parang na-break ang ice sa pagitan nila. Umorder sila.

At pagkatapos, nagsimula ang kanilang conversation.

“Saan ka nga pala tumutuloy?” ang tanong ni Alvin kay Vincent.

“Sa bahay ng Tita ko. Balak ko ring lumipat kapag nakahanap na ako ng trabaho.”

“So, naghahanap ka ng trabaho?” ang tanong ni Darwin.

“Yeah. May opening ba sa inyo?”

“May opening ba sa atin?” ang tanong ni Darwin kay Alvin.

“Ang alam ko freeze hiring tayo,” ang sagot ni Alvin.

“Teka,” ang sabi ni Darwin. “May friend ako na nasa call center. Ang alam ko patuloy ang hiring nila.”

“Talaga? Matutulungan mo ba ako?” ang tanong ni Vincent kay Darwin.

“Sure. Tatawagan ko ang friend ko. Itatanong ko ang requirements.”

“Can you please let me know? I’ll give you my number.”

“Sige. Text ko sa’yo tomorrow.”

At nag-exchange numbers sila.

Nakatingin lang si Alvin. Although natutuwa siya sa alok na tulong ni Darwin kay Vincent, parang may discomfort siya sa usapan ng dalawa, higit lalo sa pagpapalitan nito ng numbers.

Una sa lahat, siya ang dapat tumulong kay Vincent. At dahil sa offer ni Darwin, feeling niya ay sinasaklawan siya nito.

Hindi niya rin gusto ang tila kaagad na pagwa-warm up ni Vincent dito.

Pero hindi siya magpapatalo. Hindi niya hahayaang maagaw ni Darwin ang atensiyon ni Vincent.

“Friend,” ang sabi niya kay Darwin. “Maybe tomorrow, you can ask your friend. Pero ako na ang bahala kay Vincent. Nakakahiya kasi sa’yo, maaabala ka pa.”

Tumingin sa kanya si Darwin na parang na-sense ang kanyang pagtutol. “Yeah, sure. But I won’t really mind.”

“Hindi,” may diin ang salita ni Alvin. “Responsibilidad ko si Vincent. Ako na ang tutulong sa kanya sa pag-a-apply. Sasamahan ko pa siya kung kinakailangan.”

Hindi na kumibo si Darwin kahit deep inside, gusto niyang mag-insist. Gusto niyang may magawa para kay Vincent. Pero alam niya rin na dapat niyang ilugar ang sarili.

Hindi nagtagal, dinner was served.

“Siyanga pala, Vincent,” ang sabi ni Alvin nang nagsisimula na silang kumain. “You can move in with me. I am renting my own place. It’s not much but it can accommodate the two of us comfortably.”

Kailangan niyang maging assertive. Kaytagal niyang nanahimik at naghintay. Hindi niya sasayangin ang chance na magkaroon na ng katuparan ang pag-ibig niya kay Vincent.

***

“Aaminin ko, attracted ako kay Vincent,” ang sabi ni Darwin kinabukasan sa office.

“I appreciate your honesty,” ang sagot ni Alvin, walang pagkagulat.

“Alam ko na siya ang greatest love mo. And I value our friendship. Kaya wala na akong iba pang intensiyon. Gusto ko lang makatulong as a friend. Wala kang dapat ipag-alala.”

“Salamat. Ngayon, mapapanatag na ako.”

“Sa halip na mangamba o magselos, ang pagtuunan mo ngayon ng pansin ay kung paano mo ipapaalam sa kanya na mahal mo siya, kung ano ang gagawin mo upang magkatuluyan na kayo.”

“Nasimulan ko na. Niyaya ko na siyang tumira sa bahay, di ba?”

“Pumayag na ba siya?”

“Oo. Lilipat siya kapag nagkatrabaho na.”

“Speaking of trabaho, natawagan ko na ang kaibigan ko sa call center.” May kinuhang kapirasong papel si Darwin sa ibabaw ng kanyang mesa. “Heto ang requirements. Pag-apply-in mo na kaagad si Vincent. Natimbrehan ko na ang kaibigan ko. May posisyon ‘yun doon. He will keep an eye on his application.”

“Thank you, friend.” Inabot ni Alvin ang papel.

“Bilis, tawagan mo na si Vincent. Paghandain mo na. Para matuloy na ang mga plano ninyo. I can’t wait na marinig ang magandang balita na finally ay may relasyon na kayo.”

“Huwag kang mainip. Malapit na.”

“Kapag nangyari iyon, ako ang magiging pinakamasaya para sa’yo.”

Napangiti si Alvin. “Sige na nga, tatawagan ko na siya.”

“Good. Now, maiwan muna kita. Pupunta lang ako sa restroom.”

Lumabas ng office si Darwin. Pero hindi siya tumuloy sa restroom. Sumakay siya sa elevator at bumaba sa lobby. Lumabas siya ng building at nagsindi ng yosi.

I appreciate your honesty.

Parang naririnig niya pa ang sinabing iyon ni Alvin. Pero naging honest nga ba siya?

Kahit sinabi niya na wala siyang ibang intensiyon, hindi iyon ang totoong nararamdaman niya. Dahil hindi mawala si Vincent sa isip niya. At ini-entertain niya ang mga possibilities sa kanilang dalawa.

Ayaw niyang masira ang friendship nila ni Alvin. Pero parang ayaw niya ring i-give up ang nararamdaman niya kay Vincent. Alam niyang mali subalit matindi ang kanyang paghahangad to take a chance at being happy. To pursue love against the odds.

Pinakamahirap na kalaban ang sariling emosyon. At habang nag-iisip at naguguluhan, dama ni Darwin ang unti-unting pananaig niyon.

Pinatay niya ang kanyang sigarilyo at muli siyang pumasok sa building upang bumalik sa office.

Nasa elevator siya nang tumunog ang kanyang phone.

Sinilip niya kung sino ang tumatawag. Nagulat siya sabay sa pagkabog ng kanyang dibdib.

Vincent, ang sabi sa screen.

(Itutuloy)

Part 3