Dahan-dahan akong lumapit, hindi naglalayo ng tingin sa kabaong.
Taliwas sa aking inaasahan, hindi isang luoy na bangkay ang naroroon kundi isang makisig na lalaking may maaliwalas na mukha at para lamang nahihimbing.
Binalingan ko ang babaing nakaputi. Sa malapitan ay para siyang usok na nakalutang sa hangin. “Sino siya?” ang aking tanong.
“Siya si Augustus,” ang kanyang tugon. “Ang patron ni Regidor.”
Na-conclude ko, ito ‘yung hibernation. Ganito pala, nahihiga sa kabaong. Parang si Dracula.
“Matagal na ba siyang natutulog?” Muli, ang tanong ko sa babae.
“Matagal-tagal na rin,” ang kanyang sagot. “At sapat na ang panahon upang siya ay muling magising. Higit lalo ngayon at naririto ka na, ang bagong itinakda.”
Muli kong pinagmasdan ang lalaki. Mestisuhin ito, matipuno ang pangangatawan. At kagaya ni Regidor, mahahaba ang mga binti – magkasintangkad sila marahil. Ang akala ko, mas may edad ang patron subalit higit itong mas bata sa kanya. Mas bata pa sa akin, kung tutuusin.
Nakaramdam ako ng magkahalong paghanga at panibugho. Paghanga dahil tunay na kaakit-akit si Augustus at panibugho dahil alam kong ex siya ni Regidor na minahal, kinatalik sa nagdaang panahon.
“Lubos na ang kanyang pagbabagong-anyo,” ang pakli ng babae. “Anumang sandali ay nakatakda na siyang bumangon.”
Muli kong binalingan ang babae. “Sino ka? Bampira ka rin ba? Bakit may alam ka tungkol sa…” Hindi ko naituloy ang aking sasabihin dahil sa gilid ng aking mga mata, nakita kong gumalaw ang “bangkay”. Kumurap? Kumislot? Hindi ko matiyak. Muli kong pinagmasdan si Augustus, matagal, subalit nanatili itong walang katinag-tinag. Pinaglalaruan ba ako ng aking imahinasyon?
Nang mag-angat ako ng paningin, wala na ang babae. Mag-isa na lamang ako sa tabi ng kabaong sa gitna ng bakanteng basement.
Saka lang ako naging aware sa katahimikan ng paligid. Umihip ang malamig na hangin (hindi ko alam kung saan galing) at pinagsayaw ang ningas ng mga kandila sa “burol” ni Augustus. Bahagya akong nanginig – di ko matukoy kung sa takot o lamig.
Nagulat ako nang walang anu-ano’y may kamay na humawak sa aking balikat. Napaigtad ako at napapihit.
“Bakit naririto ka?” Si Regidor.
“Dinala ako rito ng babaing nakaputi.”
“Babaing nakaputi?”
“Mahaba ang buhok. Maganda. Hindi ko nakuha ang pangalan niya.”
“Si Corazon…” Halos pabulong ang pagbanggit ni Regidor sa pangalang iyon.
“Kilala mo siya?”
“Dito siya nakatira. Matagal na, panahon pa ng mga Kastila. Isa siyang white lady.”
“Multo? Isa siyang multo?”
“Si Corazon ay ginahasa at pinatay. Patuloy siyang naghihiganti, hindi lamang sa gumahasa at pumatay sa kanya – na matagal nang nagbayad – kundi pati na sa mga supling nito na ipinangako niyang uubusin. Ayon sa kanya, isa sa mga itinakda ang lulubos sa kanyang paghihiganti kaya pinayagan niya ang mga bampirang manirahan dito sa kanyang villa.”
“Paano niya nalaman iyon?”
“Ang mga multo ay may makapangyarihang intuition.”
“Sino kaya ang itinakdang iyon?”
“Hindi niya sinasabi. Maaring ikaw. Maaaring ako. Subalit lipas na ang aking panahon.” Sumulyap siya sa kabaong. “Nakatakda nang bumangon si Augustus at ako ay patungo na sa kinalalagyan niya ngayon.”
Sumulyap din ako kay Augustus. “Napakaganda niyang lalaki,” ang hindi ko napigilang sambitin.
Hindi sumagot si Regidor subalit nakita ko sa kanyang mga mata ang pagsang-ayon.
“Minahal mo ba siya noon?” ang tanong ko.
“Oo. Ngunit hindi na ngayon.” Walang pag-aatubili ang kanyang sagot.
“Lumilipas ba ang pagmamahal katulad ng paglipas ng panahon?”
“Ang pagmamahal sa patron ay hindi nawawala, nalilipat lamang ito sa itinakda.” Ginagap niya ang aking pisngi at tinitigan ako sa mga mata. “Ikaw na ang mahal ko ngayon.”
Para na rin niya akong niyakap sa sinabi niyang iyon. Napangiti ako.
Inakbayan niya ako. “Halika na. Huwag na nating gambalain pa si Augustus. Iwan na natin siya at hayaang lumisan nang mapayapa.”
***
Nang sumunod na gabi, bandang alas-dose, muli akong naalimpungatan sa pagkakahimbing. Iginala ko ang aking paningin – inaasahan ang aparisyon ni Corazon – subalit walang ibang “tao” sa silid. Bumangon ako. May puwersang tila humahatak sa akin. Malakas ang puwersang iyon at hindi ko ma-resist. Tumayo ako at lumabas ng silid.
Tuluy-tuloy ang mga hakbang ko na tila may sariling isip. Binagtas ko ang pasilyo at nanaog ako sa hagdan hanggang sa matagpuan ko ang aking sarili na nasa main door ng bahay na kusang bumukas pagtapat ko roon.
At sa hardin, aking natanawan ang pigura ng isang lalaking papalabas ng gate. Saglit itong tumigil at lumingon sa akin. Si Augustus. Luminous ang kabuuan na tila napaliligiran ng mga alitaptap. Bago ko pa nagawang tuminag, pumihit na ito at nagpatuloy sa paglalakad hanggang maglaho sa dilim.
Sa mga ugat ng matandang puno ng balete, naroroon si Corazon, nakaupo at nakatingin sa akin.
***
Katulad ng sinabi ni Regidor, natigil ang mga pagpatay. Unti-unting nawala sa balita ang tungkol dito at unti-unti ring napawi ang takot at pangamba ng gay community. Kaya ang Malur na pinangyarihan ng mga krimen ay muling nabuhay. At sa pagsapit ng June na kung saan ginaganap ang White Party, tuluyan nang nalimutan ang tungkol dito at dumagsa ang mga bading sa pagdiriwang.
Kabilang na kami roon.
Ang aming pagdalo ay bahagi ng “normal” naming pamumuhay. Umapir kaming nakaputi (sana pala ay isinama namin si Corazon. Char!) at magka-holding hands katulad ng karamihan sa mga lovers na nagpupunta sa Malur. Not that we’re pretending dahil totoo namang “in a relationship” ang status namin ni Regidor. And I couldn’t be happier.
Ang nakaraang pitong buwan ang masasabi kong pinakamasayang episode ng aking buhay. Ano pa ba ang aking mahihiling? I’ve got a handsome boyfriend, an active sex life, a laid-back existence, a big house (haunted nga lang), and a ghost for a friend. And most of all, bampira na ako at patuloy na lumalakas ang powers ko. Hindi ko na lang iniisip na may hangganan ang lahat. Basta, ini-enjoy ko na lang.
Ang daming tao sa Club. Papasok pa lang, nakikipaggitgitan na kami. Ang daming cutie! Hindi ko maiwasang sila ay pagmasdan pero hindi ko matukoy kung ang aking atraksiyon ay para sa kanilang laman o sa dugong dumadaloy sa kanilang mga ugat. Basta, nanunuyo ang aking lalamunan at may urge akong idampi ang aking mga labi (o ngipin?) sa kanilang mga katawan. Bagay na parang aware si Regidor kung kaya kaagad siyang umorder ng drinks. Bloody Mary! At kahit paano, pinawi niyon ang aking pagkauhaw.
Pinatugtog ng DJ ang “
Beautiful Nightmare”. Hinila ako ni Regidor paakyat sa ledge. Nakipagsiksikan kami sa mga naroroon. At nagsimulang magsayaw.
Relate na relate kami sa music. Dahil, come to think of it, ang nangyayari sa amin ay maihahambing sa isang magandang bangungot – magkahalong romance at horror.
Nagyakap kami ni Regidor. At nang magdikit ang aming mga erection, nagsimula kaming kumiskis at kumadyot sabay sa beat ng tugtog.
Hindi naging hadlang ang aming mga suot upang ma-maximize ang stimulation – vampires are extra-sensitive to touch! – kaya bago natapos ang tugtog, sabay kaming nanginig at nag-climax.
Still feeling heady, bumaba kami ng ledge at nagtungo sa bar. Muli kaming umorder ng Bloody Mary. At habang umiinom, may biglang kumalabit sa akin.
Bumaling ako ng tingin.
“Hi. Remember me?” ang bati.
At ako ay nagulat nang mapagsino ang aking kaharap.
(May karugtong)