Rene: Aalis na ako.
Rico: Gusto kitang pigilan.
Rene: Buo na ang pasya ko.
Rico: Bakit kailangan mong umalis?
Rene: Dahil tapos na ang ating yugto.
Rico: Maaari pa nating ipagpatuloy.
Rene: Tinapos mo na at ngayo'y gusto mong ipagpatuloy? Hindi ko maintindihan.
Rico: Hindi ko gustong tapusin. Nanghihinayang ako.
Napakaganda ng ating simula.
Rene: Napakaganda nga. Pinagtagpo tayo sa isang pagkakataong puno ng pangako. Ikaw at ako. Naaalala mo pa ba? Dalawa tayong
nagsisikap noon na maiangat ang mga sarili, maiukit ang mga pangalan sa isang larangang pinapangarap.
Rico: Sa tanghalang ito na tayo ang nagbibigay-buhay. Ako ang direktor. Ikaw ang manunulat.
Rene: Nang una kitang makita, wala akong nakitang bituin
sa iyong mga mata.
Rico: Nang una kitang makita, nasa langit ang mga bituin.
Gusto kong abutin.
Rene: Kinailangan kita upang maitaguyod ko ang aking
pagsusulat. Upang mabigyang buhay ang mga nilikha kong tauhan. Upang mabigyang
buhay ako mismo. Sapagkat gusto kong makilala at magtagumpay. Ginamit kita.
Rico: Ang mga dulang isinulat mo at itinanghal ko ang
naghatid ng mga bituin sa kamay ko. Ginamit din kita.
Rene: At nagtagumpay tayo! Hindi ko alam kung bakit sa kabila
ng lahat ay kailangang may damdaming mamagitan. Naggagamitan tayo para sa kanya-kanyang kapakanan. Hindi ko alam kung bakit kailangang humigit
pa roon ang lahat.
Rico: Ang pag-ibig ay walang pasintabi kung sumibol sa
damdamin ng kahit sino man.
Rene: Natagpuan natin ang ating mga sariling umiibig.
Nadama nating kailangan natin ang isa’t isa hindi dahil sa tayo’y mga gamit
kundi dahil sa tayo’y mga taong may damdamin. Kailangan nating
magmahal at mahalin.
Rico: Minahal kita, Rene.
Rene: Isang pagpapahayag na pangnagdaan.
Rico: Mahal kita, Rene.
Rene: Huwag mo nang piliting gawing pangkasalukuyan ang
isang bagay na lumipas na.
Rico: Mamahalin kita, Rene.
Rene: Ayokong paniwalaan.
Rico: Hindi mo na ba ako mahal?
Rene: Mahal pa rin kita. Subalit husto na, ayoko nang magmahal.
Rico: Bakit ayaw mo nang magmahal?
Rene: Dahil nasasaktan lang ako.
Rico: Hindi ko gustong saktan ka.
Rene: Sinaktan mo na ako. Bakit kailangang magmahal ka ng
iba?
Rico: Si Hilda...
Rene: Mahal mo siya, hindi ba?
Rico: Oo, mahal ko siya. Si Hilda ang pinakamaningning na
bituin sa tanghalan. Siya rin ang higit na makapagpapaningning sa iyo bilang
manunulat at sa akin bilang direktor. Kailangan ko siya. Kailangan natin siya.
Rene: Ginagamit mo lang siya.
Rico: Katulad noon kung paanong ginamit mo ako.
Rene: Bakit kailangang humigit pa riyan ang
pangangailangan mo sa kanya?
Rico: Hindi ko maipaliwanag.
Rene: Hindi ko na tuloy alam kung pag-ibig nga ang
namagitan sa atin noon.
Rico: Hindi ko rin alam kung pag-ibig nga ang namamagitan
sa amin ngayon ni Hilda. Basta’t ang alam ko, kailangan ko siya kung paanong
kailangan kita.
Rene: Iniisip mo lang ang iyong sarili.
Rico: Ibinahagi ko sa’yo noon ang aking sarili.
Rene: Makasarili ka.
Rico: Ibinabahagi ko ngayon ang aking sarili pati kay Hilda.
Rene: Hindi maaaring magmahal ng tapat ang isang puso sa
dalawa.
Rico: Huwag na nating pag-usapan ang pagmamahal.
Pag-usapan natin ang pangangailangan. Ikaw… Ako… si Hilda. Kailangan natin ang
bawat isa para sa lubusan nating ikatatagumpay.
Rene: Anong sitwasyon itong gusto mong pasukin?
Rico: Parang isang dula sa entablado. Maaaring mahirap paniwalaan. Pero makulay, masaya. Isang relasyong tatluhan.
Rene: Hindi tayo mga tauhan sa isang dula. Mga totoong
tao tayo. May damdamin. May puso. Huwag mo akong pagalawin bilang isang artista upang bigyang buhay ang iyong dula.
Rico: Ang buhay ay isang dula. At mga artista tayong lahat.
Ang tadhana ang siyang sumusulat ng ating kasaysayan.
Rene: Hindi ikaw ang direktor ng kasaysayan ng buhay.
Rico: Bakit hindi? Kaya kong pamahalaan ang ating kasaysayan.
Ang ating dula. Kaya ko itong pagalawin nang matagumpay, gawing isang obra-maestra. Ikaw… Ako… si Hilda… sa isang kasaysayan ng hindi pangkaraniwang pag-ibig.
Rene: Hindi ka na nakatapak sa realidad.
Rico: At ikaw?
Rene: Nasa totoong mundo ako.
Rico: Nasa mundo ka rin ng panaginip. Nasa mundo ka ng
mga nilikha mong kasaysayan ng pag-ibig. Bakit ayaw mong buhayin sa totoong
mundo ang iyong mga likhang isip?
Rene: Gusto kong maging totoo.
Rico: Bakit ayaw mong subukang gawing totoo ang isang
panaginip?
Rene: Hindi ako baliw.
Rico: Kabaliwan ba ang pagtuklas sa lahat ng posibilidad bilang isang manlilikha?
Rene: Hindi maaaring saklawan ng iyong pagiging manlilikha ang realidad.
Rico: Maaari kong saklawin ang lahat ng posibilidad.
Ayokong mamatay bilang isang manlilikha, bilang isang alagad ng sining.
Rene: May hangganan ang lahat.
Rico: Kung aalis ka, mamamatay ka bilang isang alagad ng
sining.
Rene: Mabubuhay ako sa totoong mundo.
Rico: Mamamatay ang lahat ng mga panaginip mo.
Rene: Mabubuhay akong gising.
Rico: Mahal ko ang mundong ito.
Rene: Mahal mo ang iyong sarili.
Rico: Ayokong mamatay.
Rene: Gusto kong mabuhay.
Rico: Kaya ka aalis?
Rene: Kaya kita iiwan.
Rico: Wala akong magagawa.
Rene: Aalis na ako.
Rico: Hindi kita pipigilan.