Wednesday, September 18, 2013

Plantation Resort 15

Iginala ni Albert ang kanyang paningin sa kabuuan ng silid. Hindi na iyon katulad ng dati, naiba na ang itsura dahil sa renovation. Subalit naroroon pa rin ang mga antigong kagamitan. Ang kama. Ang aparador. Ang tokador. Maging ang kandelabra. Mga bagay na nagpapaalala pa rin sa kanya sa isang malungkot at masakit na nakaraan.

Fully-booked ang main house at parang biro ng tadhana na iyon pa ang naireserba sa kanya ni Aurora, ang silid na iyon na dating silid ni Miguelito. Hindi niya maaatim na tumuloy doon. Nasasakal siya ng mga alaala. Nagsisikip ang kanyang dibdib.

Lumabas siya ng silid na parang hindi makahinga. Dama ang hapdi ng mga sugat na muling nanariwa. Kaagad niyang tinawagan si Aurora upang magpalipat sa riverside cottage.

***

Hindi niya natanggihan ang imbitasyon ni Aurora na mag-dinner muna sila bago siya umalis ng main house.

“Is there a problem with your room?” ang usisa ni Aurora habang sila ay naghahapunan.

Gusto niya sanang maging honest kay Aurora but he decided against it. “No. Everything’s fine.”

“Then why are you transferring?”

“I just changed my mind, that’s all.” Naisip niya, there’s no point in confessing now. Hindi dahil hindi siya maaaring magpakatotoo kay Aurora subalit hindi iyon ang tamang panahon ng paglalahad tungkol sa kanyang nakaraan.

“Sabagay, ako man ay mas gugustuhin kong mag-stay sa riverside cottage if I need to sort out something. It’s closer to nature. Mas magagawa kong makapag-isip nang maayos.”

Ngumiti lang si Albert at hindi na sumagot.

“If you need anything, just give me call.”

“I’d rather not disturb you, Aurora. Kailangan mo ring magpahinga.”

“I need to make sure that my boss is comfortable.”

“I’ll call the front desk if I need anything. And please, I’m not your boss.”

“Yes, you are.”

“No. I’m your friend. Quit fussing about me.”

Ngumiti si Aurora. “Sorry, I just can’t help it. Lalo na’t alam kong may dinadala kang problema sa ngayon.”

“I’m fine,” ang pagtitiyak ni Albert. “You don’t have to worry about me.”

“Okay, then.” Tinapik siya ni Aurora sa kamay, affectionately. “I already had your things transferred. Now, how are you going to go there? Magko-kotse ka ba? O magsa-shuttle?”

*** 

Nagpahatid si Albert sa driver niya. Nang makarating sa cottage ay kaagad niya rin itong pinaalis. “Tatawagan na lang kita bukas, Mang Carding, kung kailangan ko ng sasakyan.”

Nang makaalis ang kotse ay hindi muna siya tuminag. Saglit niyang pinagmasdan ang cottage mula sa labas. Nakasindi na ang mga ilaw at hindi niya naiwasang muli ay i-admire ang pagkakayari nito ayon na rin sa kanyang specifications.

Inakyat niya ang iilang baytang na hagdan patungo sa balkonahe at nang bubuksan na niya ang pinto, nakita niya na ito ay nakaawang at hindi nakalapat.

Dahan-dahan niyang itinulak ang pinto at sumilip siya sa loob. Naroroon, nakalapag sa sala ang kanyang mga maleta. Tumuloy siya, dinampot ang mga maleta at nang pumasok siya sa silid, nagulat siya sa kanyang dinatnan.

May lalaking nakahiga sa kanyang kama, naka-brief lang at nakangiti sa kanya.

“Hi, Albert.”

Si Francis.

“Anong ginagawa mo rito?”

Bumangon si Francis at lumapit sa kanya. “I brought your things.”

“Bakit ka nakahubad?”

“I was thinking, you might need me. You seem tired.” Yumakap sa kanya si Francis subalit hindi siya tumugon. Umiwas siya nang akma siya nitong hahalikan.

“Francis, stop it.” Nagpumilit siyang kumawala sa mga bisig nito.

Bumitiw si Francis at nagbaba ng tingin. Hindi maikubli ang pagkabigo.

Hinarap siya ni Albert. “Hindi ba’t nag-usap na tayo tungkol dito? That one time na may nangyari sa atin, hindi na iyon dapat maulit.”

“Nagbabakasakali lang ako.”

“Look, Francis. Aurora, your mother, is my friend. Ano ang kanyang iisipin kapag nalaman niya ito?”

“I think she will be happy. She adores you.”

 Napailing si Albert. “No. She will be angry. She trusts me and she expects me to get my hands off you.”

“Hindi na ako bata, Albert. I can do whatever I want. I am twenty-five.”

“And I am thirty-eight. Now, that’s another reason why we should just be friends.”

 Si Francis naman ang napailing at gumuhit sa mga labi ang isang mapait na ngiti. “That’s just an excuse. Mas bata sa akin si Miko.”

Hindi nakakibo si Albert.

“Mahal kita, Albert. Mula noong bata pa ako, minahal na kita. Why can’t you love me back?”

Napabuntonghininga si Albert. “Alam mo ang dahilan. In fact, kababanggit mo lang.”

“Si Miko. Siya ang mahal mo.”

Kinumpirma ng katahimikan ni Albert ang bagay na iyon.

“I’m not asking you to stop loving him,” ang patuloy ni Francis sa kabila ng panlulumo. “All I’m asking you is to love me too. Willing akong makihati, makisalo basta’t suklian mo lang ang pagmamahal ko sa’yo.”

Hinarap ni Albert si Francis at sinalubong ang tingin. Hindi nalingid sa kanya ang mga mata nitong maluha-luha. Bunsod ng pagkaawa, niyakap niya ito.

“Mahal din kita, alam mo ‘yan,” ang sabi niya. “Hindi nga lang kagaya ng iyong inaasahan.”

Hindi tumugon si Francis. Tila walang lakas na napahilig na lamang ito sa kanyang dibdib habang balot ng kanyang mga bisig.

Saglit silang nanatili sa ganoong posisyon.

Maya-maya’y kumalas si Albert. Dinampot ang mga damit ni Francis na nakasampay sa backrest ng isang silya.

“Magbihis ka na,” ang sabi.

*** 

Dahil nais niyang maibsan ang sama ng loob ni Francis, niyaya niya ito sa Jungle Bar. 

Ang Jungle Bar ay latest addition sa recreational facilities ng resort. Isa itong dance club (na itinayo sa dating kinalalagyan ng “makasaysayang” kamalig) upang tugunan ang pagdagsa ng mga kabataan lalo na kapag ganitong summer.

Punumpuno ito ngayong gabi. Siksikan ang lahat sa dancefloor, nagsasayawan sa live DJ mixes habang tinutudla at hinahaplos ng nagsasalimbayang laser lights.

Umorder sila ng isang pitcher ng Blue River, ang signature cocktail ng bar. Tila isang magical potion ang inumin dahil nang mangalahati na sila, nag-iba na ang kanilang pakiramdam. Napawi na ang anumang discomfort na dulot ng “drama” kanina at nagsimula silang maging masaya. Katulad noong nasa Maynila pa sila, noong una silang nag-bar, noong may nangyari sa kanila.

Sa mga unang bara ng “Just TheWay You Are” ay nagkatinginan sila. Nangislap ang mga mata, napangiti at sabay na napatayo. Humabi sila sa crowd at maya-maya pa, nasa dancefloor na sila. Nagsayaw sila na parang walang inaalala, hinayaang alipinin ng musika hindi lamang ang katawan kundi pati ang kamalayan.

Sa pagtugtog ng “Acrobats” ay lubusan nang naging magaan ang kanilang pakiramdam. Higit na naging masigla ang kanilang mga galaw sabay sa tila paglutang sa alon na likha ng iba pang mga nagsisisayaw.

At dahil siksikan, hindi maiiwasang magkadikit ang kanilang mga katawan at magkalapit ang mga mukha. At dahil lango sa alak at “high” sa musika, hindi rin maiiwasang sila ay makalimot.

Sa isang pagkakataong sila ay nagkagitgitan, kusang nagtagpo ang kanilang mga labi. Napapikit sila, napayakap sa isa't isa at nilasap ng mga bibig ang tamis ng isang halik. It took a while bago sila natauhan sa kanilang pagkakatangay.

Kaagad silang nagbitiw.

“Sorry,” ang nasambit ni Francis.

Bago pa nagawang sumagot ni Albert, tinalikuran na siya nito at umalis.

***   

Sa kabila ng pagod ay hindi dalawin ng antok si Albert kaya minabuti niyang mag-stay na lang muna sa back porch ng cottage na kung saan tanaw niya ang ilog.

Nakapahingalay siya sa chaise lounge, naninigarilyo at umiinom ng beer. Pilit na pinapayapa ang sarili at bina-block ang mga bagay na gumugulo sa isip.

Iginala niya ang mga mata sa kanyang paligid, sa mga bahagi ng resort na kayang abutin ng kanyang paningin. Sino ang mag-aakalang ang lahat ng ito ay pag-aari na niya?

Parang kailan lang nang palayasin siya ni Don Miguel sa lugar  na iyon, walang tiyak na patutunguhan nang sumakay sa isang karag-karag na bus.

Sinaid niya ang laman ng bote ng beer. Gumuhit ang pait hindi lamang sa kanyang bibig kundi pati sa kanyang dibdib.

Katulad ng tubig sa ilog, hindi niya napigilan ang mga alaala sa pag-agos.

(Itutuloy)

Part 16

6 comments:

Anonymous said...

.i love you very much kuya aris. .:) galing ng mga akda mu po. . sana po na remember nyo pa po ako. . ilovemuch po.

. . .james

Anonymous said...

Matagal-tagal din itong inabangan - ang pagpapatuloy - at tulad ng marami sa iyong mga mambabasa, aking hinihintay din na mabuo mo ang paglalahad nitong napakahusay na serye ng kwentong ito...

Parang isang imaheng halaw sa tula:

malalamlam na mga ilaw, sa pag-iisa'y sumasaliw,
ang pag-aasam na lulan, pinupunan ng nakaraan,

ninanais kahit sa isip man lamang ang pagdalaw
ng isang minahal na sa puso na lamang natatanaw.

Napakaganda ng emosyong iyong binubuo rito, Aris.

Mabuhay ka.

Rm

Aris said...

@james: siyempre naman, i remember you. i love you too at sana'y patuloy mo ring mahalin ang mga kuwento ko. :)

@rm: maraming salamat sa appreciation mo sa aking akda at sa tula. i love it. mabuhay ka rin at sana'y patuloy kitang mapasaya sa mga kuwento ko. :)

Unknown said...

-OH MY GOD! AFTER 2 YEARS, MAY UPDATE NA DIN! hahaha. :D
ang tagal kong naghintay kuya aris. sana matapos po itong kwento at happy ending sna, kasi nkakarelate ako sa kwento. hehehe. medyo may pagkakahawig kasi ang story na ito sa buhay ko. "Forbidden Love" kumbaga. more power kuya! always na akong nag ccheck ng blog mo. :)

Aris said...

@lynx howard: oo nga, two years na pala ang nakalilipas bago ko nagawang ituloy ito. hehe! buti na lang, hindi ka nainip sa paghihintay. i am glad to know na nakaka-relate ka sa story. sana magpatuloy ang pagsubaybay mo. thank you and take care always. :)

Unknown said...

-sayang, walang "LIKE" button dito kuya. kung meron, na-like na lahat ng updates mo. :)
HAAYY.. ang sarap tlgang basahin ang mga stories mo Kuya Aris. pra akong dinadala sa ibang dimensyon ng imagination ko. :D
parehas kayo ni Kuya Migs,Magaling at walng kakupas-kupas!. IDOL ko kayo! :D