Bumangon ako, naghilamos, nagbihis. Tahimik at maingat
ang bawat kilos. Pati pagsisindi ng ilaw ay iniwasan ko -- lampshade lang --
upang huwag mabulabog ang mga kasambahay. Sa dilim ng aking silid ay saglit
akong humimpil. Huminga nang malalim at pinakiramdaman ang sarili -- ang pusong
mabilis ang tibok, ang hindi mapigil na excitement. Ang tila ba ay muling
pagiging teen-ager na sa unang pagkakataon ay kinatok ng pag-ibig. Sino ang mag-aakala na sa ikatlong araw ng simbang gabi ay muling
magkakakulay ang aking paligid?
Nagkatabi kami sa simbahan noong unang gabi. Gayundin
noong pangalawa na kung saan nagkatitigan kami, nagkangitian at nagkasabay sa
paglalakad pauwi. Iisa lang ang aming direksiyon dahil magkapitbahay kami --
bagong lipat lang sila sa aming subdivision. At kahit tahimik, naroroon ang aming pakikipagkomunikasyon -- nasa kalkuladong mga hakbang upang manatiling
magkasabay, nasa kislap ng mga matang kasingningning ng morning star at nasa
mga ngiting patuloy sa pagsilay katulad ng pagbubukang-liwayway.
Nang sapitin
namin ang gate ng bahay, ginawaran ko siya ng sulyap na namamaalam. Sinalubong niya ang aking mga mata. “Bukas, sabay na tayong magsimba,” ang sabi niya bago lumisan. Tinanaw ko siya habang
papalayo, patungo sa bandang dulo ng kalye na kung saan naroroon ang apartment
nila.
At ngayon nga, ito na ‘yung sinasabi niyang “bukas”. Gayong
hindi malinaw ang usapan kung paano kami magtatagpo, tiyak ang aking pagkakaintindi.
Maya-maya pa’y kumahol ang aming aso. Dahan-dahan akong bumaba at lumabas ng
bahay. Malamig ang simoy ng hangin subalit kaagad akong binalot ng mainit na
pakiramdam. Naroroon siya, nakatayo sa tapat ng gate. Nabanaag ko ang kanyang
ngiti sa tanglaw ng parol na nakasabit sa poste.