Siya ay dumating. Parang hindi pa rin ako makapaniwala na
siya ay dumating. Titig na titig ako sa kanya. Titig na titig din siya sa akin.
Sana’y may mga mata rin akong kagaya ng sa kanya. Hindi na kailangang
magsalita. Hindi na kailangang ngumiti. Naroroon na, nakikita ang ibig sabihin,
ang nilalaman ng dibdib.
Napagtanto kong masaya siya sa aming pagkikita. Hindi man
siya nakangiti na kagaya ko, hindi maikukubli ng kanyang mga mata ang ligayang
hindi ko lang nakikita kundi nadarama. Ganoon talaga siya, hindi masalita at
hindi palangiti. Subalit nang kami ay magyakap, nakumpirma kong hindi lang siya
natutuwa kundi nananabik. Mahigpit ang yakap niya sa akin na parang
pagbibigay-laya sa lahat ng pananabik na kanyang tinimpi. Pananabik na sa akin
din ay bumalot, hindi ko nga lang lubusang mahugot sa matagal na pagkakasuksok
sa aking loob.
Hindi ko nais na masayang ang mga sandali. Hinanap ko ang
kanyang mga labi at siya ay hinagkan. Kung paanong hindi makapangyarihan ang
aking mga mata, gayundin ang aking mga bisig. Subalit makapangyarihan ang aking
bibig. Magagawa nitong magpahayag ng damdamin – hindi sa pamamagitan ng mga
salita (parang mga mata lang niya) – kundi sa pamamagitan ng mga halik. Doon ko
maaaring lubusin ang pahiwatig kung gaano ko siya ka-miss, kung paanong sa nagdaang panahon ay nabuhay ako sa
paghihintay sa kanyang pagbabalik.
Sa paghupa ng init pagkaraan ng mahaba at paulit-ulit na
pagniniig, pagkaraang masaid ang lahat ng uhaw, gutom, lungkot, ligaya at
hinanakit, siya ay tahimik na bumangon at nagbihis. Pinagmasdan ko ang kanyang
kahubdan na unti-unting nabalutan at naglaho
sa aking paningin, parang pagkukubli sa mga kasinungalingan at pagkukunwaring
masarap sanang lasapin kung hindi lang sa mapait na after-taste.
“Kailangan ko nang umalis.”
“Kailan ka babalik?”
“Hindi ko alam. Nagdududa na siya at naghihigpit.”
“Kung magagawa ko lang na limutin ka at huwag nang umasa
pa.”
“Kung magagawa ko lang na iwan siya at maging tayong
muli.”
Tumitig siya sa akin. Muli kong nakita sa kanyang mga
mata ang emosyong hindi na kailangang gamitan ng mga salita. Kumurap-kurap siya
na tila ba’y nais pawiin ng mahahaba niyang pilik ang pamumuo ng luha. Nanuot
sa aking puso ang mensaheng higit na makapangyarihan kaysa anumang excuse, kaysa anumang indikasyon ng
kanyang kahinaan upang ipaglaban ako at ang aming pag-iibigan.
Hindi ko kayang salubungin ang kanyang mga mata kung kaya
ako ay napayuko na lamang, hindi bilang pag-iwas kundi pagsuko at pagtanggap
sa kung anumang maaari niyang ibigay na dapat kong pagdamutan.
At siya’y umalis
na, taglay ang aking kahibangan sa isang bagay na walang katiyakan.
Mailap ang hiram na mga sandali. Maramot ang nakaw na
ligaya. Subalit muli akong maghihintay at aasa. Magtitiis sa hapdi ng pakikihati.