Wednesday, May 13, 2015

Alon


Nagkakilala tayo noon sa panahon ng paghahanap. Nang magtagpo tayo sa batuhang iyon, hindi na natin kinailangang magsalita. Sapat na ang mga titig upang ipahiwatig ang kagustuhang makipagniig.

One night stand lang iyon dapat. Subalit pagkaraan nating mag-alab, niyaya mo akong uminom. Nag-usap tayo at nagkapalagayang loob. Papasikat na ang araw, hindi pa rin tayo naghihiwalay. Nakaupo tayo sa beach, nag-uusap pa rin. At nang magyakap tayo upang magpaalamanan, alam natin na may magic na naganap. Sa isang hindi inaasahang lugar at pagkakataon, natagpuan natin ang pag-ibig.

Lumisan tayo sa isla at ipinagpatuloy sa Maynila ang ating naging simula.

Subalit katulad ng paglalayag sa Batangas Bay, naging maalon ang ating relasyon. Ang hindi natin maintindihan, mahal naman natin ang isa’t isa subalit bakit palaging may unos?

Hanggang sa pareho tayong mapagod at mawalan ng lakas upang labanan ang paulit-ulit na mga pagsubok.

“Bakit mo ako iniwan noon?” ang tanong mo.

“Ikaw ang umiwan sa akin,” ang sagot ko.

“Binalikan kita. Pero may iba ka na.”

“Akala ko, hindi ka na babalik.”

It was our biggest mistake. Ang gumive-up nang ganoon kabilis. Siguro dahil napakabilis din ng mga naging pangyayari sa atin.

Hanggang sa nabalitaan ko, may bago ka na rin.

Hindi ko akalain na magiging ganoon iyon kasakit. Ang intensyon kong saktan ka ay nag-boomerang sa akin.

At ang higit na masakit ay nang muling mag-krus ang landas natin nang sumunod na tag-init. Sa Galera rin, nagkita tayo at pareho nang may kasamang iba.

Nagpaka-civil tayo. Nagbatian at ipinakilala ang mga partner. The four of us even shared a pitcher of Mindoro Sling. Subalit sa likod ng pagpapaka-pleasant, nag-uusap ang ating mga mata. Nagtatanong… nagsusumamo… nasasaktan.

Nang summer na iyon, iisa ang aking naging realisasyon. Mahal pa rin kita.


-- Excerpt from Summer's End.

No comments: