Huwag mo na sana akong paasahin pa kung hindi na maaaring
muli ay maging tayong dalawa. Mahirap na parang pinaglalaruan mo pa rin ang pagmamahal
ko na alam mong hindi nawala.
Huwag mo na akong kumustahin sa text na kapag sinagot ko ng
pangungumusta rin, ika’y biglang tatahimik. Huwag mo nang sabihing nami-miss mo
ako kung ang paghahayag ko rin ng
pagka-miss sa’yo’y babalewalain mo lang din.
Huwag mo nang
sabihing mahal mo pa rin ako, dahil alam mong hindi ako makakapagpigil at
muling bubuhos hindi lang ang aking damdamin kundi pati ang idinulot mong sakit
na hanggang ngayo’y pilit kong sinisikil.
Hayaan mo na akong magkaroon ng pagkakataong ika’y malimot
dahil sabi mo nga, mayroon ka nang iba at ika’y masaya. Para saan pa at patuloy
ang iyong panggagambala?