Tuesday, July 22, 2008

The One That Got Away

Di sinasadya, nabuksan ko ang kanyang Friendster.

Na-excite ako and at the same time na-disturb habang bina-browse ko ang mga pictures niya.

He is so damn good looking! Wala siyang pangit na pic. Kahit yung mga “bagong gising” pics, he looked so fresh and yummy! And his “wet, shirtless, in trunks” Boracay pics, oh boy, so hot and sexy!

Napaka-gwapo talaga ni JB. As in!

Una kong narinig ang pangalan niya sa aking mga friends. Na-meet nila si JB isang Saturday na absent ako sa Bed. They were talking about him the next Saturday. They were swooning over him.

I met him that Saturday evening. My friends introduced me to him. At napanganga ako pagkakita sa kanya. Hindi OA ang mga friends ko. Nagsasabi lang sila ng totoo!

He was surprisingly very nice. He firmly shook my hand. And took time to chat.

Nang magyaya na ang mga friends ko na sumayaw, niyaya ko rin siya and he gamely went along with us. Nang umakyat kami ng mga friends ko sa ledge, umakyat din siya. We danced but I did not have the courage to flirt with him.

As we were dancing, I was just watching him. Kuntento na akong pagmasdan siya habang sumasayaw. Masaya na akong makasayaw siya. At ang mga panaka-naka niyang pagngiti sa akin ay sapat na upang ang tibok ng puso ko ay bumilis sabay sa beat ng “Just Fine”.

After a while, nagpaalam siya sa amin. Kailangan niya na raw umalis.

Natapos ang gabing iyon na si JB ay parang isang dumaang panaginip.

***

Nakita ko uli siya nang sumunod na Sabado sa ledge ng Bed.

“Hey, Aris!” ang bati niya. It was a warm greeting.

“JB!” ang parang nagulat kong banggit sa pangalan niya.

We shook hands.

May kasayaw siya. May kasayaw rin ako.

We both did not bother to introduce our partners.

Napansin ko na masyadong close si JB sa kasayaw niya. Halos magkayakap na sila.

Ganoon din kami ng kasayaw ko (because we were already flirting bago kami nagkita ni JB).

Habang nagsasayaw, patingin-tingin ako kay JB. Napapatingin din siya sa akin. At nagkakangitian kami. Sana kami na lang ang magkasayaw. Sana kami na lang ang magkayakap.

I pretended na ok ako, na nag-eenjoy ako sa kasayaw ko. Actually, nag-i-enjoy naman talaga ako sa kasayaw ko, but not until I saw JB! Gusto ko ang kasayaw ko, pero mas gusto ko si JB!

I smiled at my partner. He smiled back at hinalikan niya ako.

Pumikit ako.

Habang hinahalikan ako ng partner ko, si JB ang nasa isip ko.

I got lost in my partner’s kiss.

Pagdilat ko, wala na si JB.

Later that evening, I saw him again. He was drunk. Inaalalayan siya nung guy na kasayaw niya earlier.

Nakita niya ako.

“Aris…” ang sabi. He was slurring his words. “Am so drunk…” At hindi ko inaasahan, isinampay niya ang kanyang mga braso sa balikat ko. Gusto ko siyang yakapin, pero di ko nagawa.

“Are you ok?” ang concerned kong tanong.

“Yeah,” ang sabi. “Uwi na ako.”

“Need help to get a cab?” ang volunteer ko.

“No. No. He’s taking me home,” ang muwestra niya sa kasama niya.

Saan? Sa bahay mo o sa bahay niya? Para akong biglang nainggit. Parang gusto ko siyang agawin at sabihin: ako na lang ang mag-uuwi sa’yo. Pero siyempre tumahimik lang ako.

“Bye. ” Kumalas si JB sa akin at maagap na kumapit sa kanyang kasama.

“Bye. Ingat,” ang sabi ko.

Tinapik ko sa balikat ang kanyang kasama. “Ingatan mo siya, pare.”

***

Di siya mawala-wala sa isip ko. Di mabura-bura ang imahe ng maganda niyang mukha lalo na kapag nakapikit ako.

Tinatanong ko sa sarili ko, what’s holding me back? Bakit hindi ko magawa sa kanya ang maging agresibo, katulad ng ginagawa ko kapag may natitipuhan ako. Sa iba, parang ang dali-dali kong makipaglandian. Sa kanya, bakit parang umuurong ang lakas ng loob ko.

Dahil iba ang tingin ko sa kanya. Dahil higit sa halik at yakap ang gusto ko sa kanya. Dahil higit sa isang gabi lamang na pakikipag-relasyon ang gusto ko sa kanya. Gusto ko, siya na!

When I went to Bed the following Saturday, nakapagdesisyon na ako.

Didiskartehan ko na si JB.

Mga 1:30 a.m. na ako pumasok. In full swing na ang party.

Parang lumundag ang puso ko nang makita ko siya. Higit siyang maganda sa imahe na nasa aking alaala. Luminous ang kanyang maputing balat na lalong tumitingkad kapag tinatamaan ng mga ilaw. May mapang-akit na ningning ang kanyang mga mata na mababanaagan mo kahit na sa dilim. Nakaramdam ako ng magkahalong kaba at excitement.

Nakatayo sa isang sulok si JB. May hawak na drink at may kausap. May mga sandaling tumatawa siya o napapangiti (dahil siguro sa pinag-uusapan nila) at nakikita ko ang paglabas ng kanyang dimples sa magkabilang pisngi. Kita ko rin ang mapuputi at pantay-pantay niyang mga ngipin.

Sinino ko ang kanyang kausap. Friend ko pa pala. Si MK. (Si MK ay barkada rin namin pero hindi namin siya regular na nakakasama.)

Nilapitan ko sila.

Kinawayan ako ni JB at nginitian nang makita niya akong papalapit. Nginitian ko rin siya. Nag-hi ako sa kanila ni MK. Bumeso pa sa akin si MK.

Naghanap ako ng buwelo para isagawa ang plano ko. Pero napansin ko na masyadong immersed sina JB at MK sa kanilang pag-uusap. Whatever it was, mukhang private and I felt that I shouldn’t be there. Nagpaalam muna ako sa kanila at lumayo. I joined my other friends. Later, ang sabi ko sa sarili. Hihintayin ko muna na humiwalay si MK at lalapitan ko si JB. Magsasayaw kami…mag-uusap…magtititigan… Oh, JB, atin ang gabing ito!

Pero antagal-tagal ko nang nakikipag-kuwentuhan sa mga friends ko at nakakailang tugtog na rin kaming sinasayawan, hindi pa rin naghihiwalay sina JB at MK. MK, friend, haller! Wag kang maging isang malaking hadlang!

From a distance, I was watching them. Madilim lang siguro at medyo nakainom na ako, pero ang tingin ko sa kanila, parang ang sweet nila sa isa’t isa at hindi lang sila basta nag-uusap. Maya-maya, umakyat sila sa ledge. Nagsayaw. Magkahawak-kamay. May panibugho akong naramdaman. Parang gusto kong sumugod sa ledge at agawin si JB kay MK.

Nayanig ako sa sumunod na eksena.

Naghalikan sila. Si JB at ang kaibigan kong si MK.

JB, my dream lover boy. How could you?

Parang dinurog ang puso ko sa aking nasaksihan.

Wala akong nagawa kundi ang magparaya.

I grabbed the nearest cutie. “Hi. Wanna dance?”

“Sure.”

And I danced like crazy.

***

“Kumusta na kayo ni JB?” Tanong ko kay MK nang magkita kami the following Saturday. Nasa Silya kami at umiinom habang naghihintay sa iba naming mga friends. “I saw you kiss last Saturday.” May masakit pa rin sa aking puso habang sinasabi ko ito.

“Wala na.”

“Anong wala na?”

“Just yesterday nag-usap kami, di na pwede.”

“Bakit?” Parang nabuhayan ako ng loob sa aking narinig.

“Kasi… “

“What? Dahil ayaw mo na sa kanya? Dahil wala kang balak na seryosohin siya? Dahil ayaw niya sayo? What?” ang sunud-sunod at punumpuno ng pag-asa kong pagtatanong.

“Kasi… nagkabalikan na sila ng kanyang boyfriend.”

Ouch!

“Alam mo, Aris,” ang patuloy ni MK. “I like him. I really do. Sayang. I don’t think we will ever see him again. Di na siya pwedeng lumabas dahil mahigpit ang kanyang boyfriend.”

***

This morning tinext ako ni MK. “I added you na sa Friendster. Accept mo na.”

I logged on, at in-accept ko ang Friendster request ni MK. Nakatuwaan kong i-check ang mga friends niya.

At doon sa Recently Added, I clicked randomly.

Si JB ang di sinasadyang nabuksan ko.

Kaya nakita ko ang kanyang Friendster.

At habang tinitingnan at ina-admire ko ang kanyang mga litrato, parang kinukurot ang aking puso. Nalulungkot ako. Nanghihinayang. Antagal ko ring hindi nakaramdam ng ganito sa isang tao. Kay JB lang. Pero walang nangyari, nauwi lang sa wala. At parang nawalan na ako ng pag-asa.

May nakita akong isa pang album. “HON”, ang title.

I clicked it.

There I saw his boyfriend’s pics.

He is not even half as goodlooking as JB.

Bitter ako, I know.

Thursday, July 17, 2008

Umbrella

Panay ang ulan. Kalalabas lang namin sa office at pauwi na kami. Katulad ng nakagawian, sumabay ako sa kotse ni MF.

Nung nasa daan na kami sa gitna ng malakas na ulan, nagyaya siyang magmeryenda. Dumaan kami sa isang coffee shop. Medyo malayo ang napag-parkan namin. Buti na lang may payong siya. Magkasukob kaming naglakad patungo sa coffee shop.

Hindi ako gutom pero pinagbigyan ko si MF. Ewan ko ba, I can’t seem to say no to this guy.

Mula nang magkakilala kami at maging close, andun yung feeling na gusto ko siyang laging makasama. Gusto kong gumawa ng mga bagay para sa kanya. Gusto ko na nakikita siyang masaya.

Napansin ko ito sa aking sarili. At nitong mga huling araw, higit ko itong nararamdaman nang masidhi.

***

Magka-batch kami ni MF nang pumasok sa kumpanya. First day ng training namin, napansin ko na kaagad siya. Sino ba naman ang hindi makakapansin sa kanya. Matangkad. Maputi. Maporma. Mukhang sosyalin at maykaya. I learned later on na La Sallista siya.

Inspite of his good looks, mahiyain si MF. Tahimik, hindi masyadong nakikihalubilo. Kapag breaktime, lalabas ng building at magyoyosi sa isang tabi. Hindi nakikipagkwentuhan sa iba. Ako, medyo ganoon din. Galing kasi ako sa province at bagong salta. Pero kahit paano, medyo sociable naman ako. At least I would smile sa aking mga co-trainees. Pero siya hindi. Para siyang may sariling mundo. Parang laging nag-iisip nang malalim. Parang laging may lungkot sa mga mata kung tumingin.

Then, one lunchbreak, I was sitting alone sa canteen. Mag-isa akong kumakain ng lunch. He approached me. Gesture lang actually, asking if he can join me. Puno kasi ang canteen at sa mesa ko lang may bakante. He was carrying his food tray. I smiled and nodded. Naupo siya sa harap ko.

“Hi, ” ang bati ko, courtesy lang.

“Hi,” ang bati niya rin.

I noticed na salad lang ang laman ng kanyang tray. At saka juice.

Nakiramdam ako. In my mind, naghahagilap ako ng sasabihin. Pinapakiramdaman ko rin kung type niya bang makipag-usap habang kumakain. He started picking at his food na parang I did not exist. I decided to keep quiet and concentrated on my meal.

“First job?” Parang nagulat pa ako nang marinig ko ang boses niyang nagtatanong. Akala ko matatapos siyang kumain na hindi kumikibo.

“Yup,” ang sagot ko.

“Anong school mo, pare?”

Sinabi ko name ng school ko.

Hindi na siya nagsalita. Wala akong maisip na itatanong din o sasabihin to keep the conversation going. Intimidated ba ako sa kanya? I worried na baka isipin niya, suplado ako.

Nagpatuloy kami sa pagkain.

Discreetly, I was observing him. He has nice skin. Ang hahaba ng eyelashes niya at ang kapal ng kilay niya. His jaw is firm and his lips are full.

For one brief moment, nagtama ang aming paningin. I half-smiled. He nodded sabay bawi ng tingin.

Wala nang nagsalita sa amin hanggang sa parehong maubos ang pagkain sa mga pinggan namin.

Uminom siya ng juice. Akala ko tatayo na siya at aalis. Pero tumingin siya sa akin at nagtanong. “Do you smoke, pare?”.

No. I don’t smoke. Pero maagap ang aking sagot.“Yeah.”

“Tara, smoke tayo sa labas.”

Nung nasa labas na kami, he offered me a stick. Winston Lights.

Parang di ako makapaniwala na si MF with his “leave-me-alone” personality ay kasama ko ngayon sa labas ng building, nagyoyosi sa isang tabi.

From then on, naging yosimates na kami. Sa kanya ako natutong mag-smoke.

***

Eventually, we became friends.

Natapos ang training namin at nagsimula kami sa aming trabaho. Everyday magkasama kami. Sabay kumain. At mag-yosi. Wala na ring dead air sa conversations namin dahil relaxed na kami at kumportable sa company ng isa’t isa.

One time, he offered to take me home, para daw alam niya kung saan ako nakatira. Medyo out of the way ang bahay ko, kailangan niyang umikot pero ok lang daw. Iyon ang simula ng parang routine na pagsabay ko sa kotse niya pauwi after work.

We got closer. We started going out on our days-off. Pasyal lang sa Makati. Nood kami sine, kain sa labas. Usap kami habang kumakain. We started getting to know each other well.

Minsan, nagulat ako. I was about to leave the house para pumasok sa work. Paglabas ko, nakita ko nandun ang kotse niya sa labas ng gate namin.

“Dinaanan na kita,” ang sabi.

“Buti naman. Di na ako mahihirapang mag-commute hehe!” ang sabi ko, pabiro.

We even started going out at night. Inom kami sa bar. Nood kami ng banda sa music lounge. Sayaw kami sa clubs. Pero ang lahat nang iyon ay walang malisya. We were just two friends na laging gumigimik. At pareho kaming enjoy na magkasama.

Until I slept over at his place.

Birthday ng Mom niya and I was invited. We drank a little too much at wala na siya sa kundisyong mag-drive.

“Dito ka na matulog,” ang sabi. “Hatid na lang kita bukas nang umaga.”

Magkatabi kami sa kama niya. Pinakikiramdaman ko siya. Naririnig ko ang mahina niyang paghinga. Naaamoy ko ang cologne niya.

Parang hindi ako makatulog. Dahan-dahan, ibinaling ko ang aking mukha sa kinaroroonan niya. Aninag ko sa dilim ang sharpness ng facial features niya. Nakapikit siya pero nararamdaman ko, gising siya. I had the urge to embrace him pero pinaglabanan ko. Tumalikod ako sa kanya.

Maya-maya naramdaman kong dumantay ang thigh niya sa behind ko. Dumikit ang chest niya sa likod ko. It felt so warm and comfortable I did not move. The two of us huddled together in bed just felt so good!

We both fell asleep. Walang ibang nangyari sa amin nang gabing iyon.

Pero kinabukasan, may realization ako. May iba akong nararamdaman para kay MF!

***

Pagkaupo namin sa coffee shop, umorder kaagad kami. Sa labas patuloy ang malakas na buhos ng ulan. Pinanood ko ito mula sa aming kinaroroonan. I love it when it rains. I love it more ngayon dahil nasa isang cozy place ako kasama si MF.

Isinerve ang aming meryenda.

“May sasabihin ako sa’yo,” ang sabi ni MF, may excitement sa kanyang boses. May kakaibang ningning sa kanyang mga mata.

“What?” ang tanong ko.

“Uuwi na siya.” Nakangiti si MF. Napakaganda ng contrast ng makulimlim na panahon sa kanyang masayang mukha.

“Sino?” Naka-kunot-noo ako.

“Si Z.”

“Sino si Z?”

“My girlfriend.”

Para akong nayanig sa aking narinig pero hindi ako nagpahalata. I never knew na may girlfriend siya.

I tried to compose myself. “Hindi mo siya nababanggit sa akin…”

“You never asked.”

I looked at him. Hindi ko maipaliwanag ang aking damdamin.

Nagpatuloy siya. “Akala ko hindi na siya babalik. When she left for Paris, nag-break kami. Last night, she called. Gusto niya, magkaayos uli kami and she is coming home for good.”

“So, makikipagbalikan ka sa kanya.”

“I already did.”

Paano ako?

“You look happy…” ang sabi ko.

“I am happy.”

Higit na nakakagulat ang sunod niyang sinabi.

“I am resigning soon.”

“Ano?”

“Balak namin ni Z na magtayo ng sariling business. Gusto ko nang magsimula para pagdating niya, maayos na ang lahat.”

Paano na tayo?

Unti-unti, may panlulumo at lungkot na gumapang at bumalot sa aking dibdib. Ngayon ko lang napansin na ang gloomy pala ng panahon sa labas.

Anong tayo? Wala namang tayo.

Ngayon ako higit na naging sigurado sa aking nararamdaman para kay MF. Matagal ko na itong itinatanggi at itinatago. Bumuntonghininga ako at nagpasya.

“May sasabihin din ako sa’yo,” ang sabi ko.

***

“I am in love with you.”

The words just slipped out of my mouth. Antagal-tagal ko nang pinipigilan ang nararamdaman ko para kay MF. It was almost a relief na finally, nasabi ko na sa kanya.

“W-what?” Nagulat siya.

“All these time alam ko na alam mo kung ano ako. I’m sorry, I can’t help it. You have been so good to me. I just realized na mahal na kita.”

Parang hindi makapagsalita si MF. Hindi alam kung paano magre-react.

“I am sorry but I love you,” ang ulit ko.

“Pero… straight ako, pare, ” he managed to say.

“I am risking everything by telling you this, “ ang sabi ko. “Alam ko na maaari kang magalit sa akin. Maaaring masira ang ating friendship. But I have to be honest dahil hindi ko na kaya.”

Maiksing katahimikan.

Nagpatuloy ako. “Ang hirap na araw-araw, nakikita kita at nakakasama. When you do good things to me or when you simply smile at me, lalo akong nahihirapan dahil lalo kitang minamahal. You have no idea how hard it is for me… loving you more each day and just keeping it to myself.”

Katahimikan uli.

“We’re best friends, Aris,” ang sabi ni MF pagkaraan. “Walang ibang kahulugan ang pagiging close natin.”

Unti-unti, naramdaman ko na para akong natutunaw. Nag-iinit ang aking mukha pero nanlalamig ang aking mga kamay. Nakaramdam ako ng pagkapahiya. Rejection. Lungkot. Para akong biglang maiiyak. I suddenly felt sorry na hindi ko napigilan ang pagsisiwalat ng aking damdamin.

Tahimik na kumuha ng pera si MF sa kanyang wallet. Inilapag niya ito sa mesa kahit di pa namin nahihingi ang bill. Dinampot ang kanyang payong at siya ay tumayo.

Tumingin siya sa akin. Matagal. Nasa mga mata niya ang magkakahalong emosyon na hindi ko exactly matukoy kung ano.

“Aris, I am sorry…” ang sabi sa mahinang tinig. At siya'y umalis.

Nakalabas na siya sa pinto ng coffee shop nang magawa kong tumayo. “Wait!” ang habol ko. Pero parang wala siyang narinig at patuloy na naglakad palayo.

Lumabas ako ng coffee shop at doon sa may entrance, napatayo na lamang ako. Nakatanaw sa kanya habang naglalakad na nakapayong sa ulan palayo sa akin.

Higit na malakas ang ulan.

Nakaramdam ako ng panghihina. Napasandal ako. Napayuko. Unti-unti akong napaiyak.

Patuloy ang buhos ng ulan. Parang hindi titila.

Tahimik akong umiyak. Matagal. Parang hindi maubos-ubos ang sakit sa aking dibdib.

Maya-maya, may naramdaman akong kamay na humawak sa aking balikat. Nag-angat ako ng paningin.

“Malakas ang ulan. Mababasa ka.” Parang mainit na haplos ang tinig na iyon sa aking nanlalamig na pakiramdam.

Si MF.

Bumalik siya. Binalikan niya ako.

Napatitig ako sa kanya, basa ang aking mga mata.

Inakbayan niya ako, halos payakap. Isinukob niya ako sa kanyang payong.

At naglakad kami sa ulan.



Wednesday, July 9, 2008

Take Off

Unang kita ko kay K, crush ko na siya.

Pero ako na ang unang sumaway sa sarili ko: “Huwag kang ilusyunado, napaka-gwapo niyan para magkagusto sa’yo.”

Nakuntento na lamang akong patingin-tingin mula sa malayo. Pamasid-masid sa kanyang mga kilos, kung paano siya maglakad… magsalita… tumawa.

Magkatrabaho kami noon ni K sa isang airline. We were both flight stewards. Two batches ahead ako sa kanya.

Then for the first time, nagkalipad kami. I was so thrilled. Magka-galley pa kami sa likod ng eroplano.

Habang gumagawa sa masikip na galley, nagkakabanggaan kami. Langhap ko ang Cool Water sa tuwing kami’y magkakalapit at magkakadikit. I have never been this close to him.

Pagkatapos ng food service, nagka-kwentuhan kami. Habang nagsasalita, nakatingin ako sa kanyang mukha. My God, higit pala siyang gwapo sa malapitan. He has the finest skin I have seen. The brightest eyes I have looked into.

“Can I get your number?” ang tanong niya sakin nung malapit na kaming lumapag.

“Huh?” Parang hindi ako makapaniwala.

“Let’s go out sometime. Kung ok lang sa’yo.”

Oh-my-God!

Ibinigay ko kaagad ang number ko.

***

At tumawag nga si K. He was inviting me for dinner. Dinner! Hindi ko ma-contain ang excitement ko. Napalundag ako pagkababa ko ng telepono.

Sa Malate kami nag-dinner. Pagkatapos, lumipat kami sa isang bar. Uminom kami at nag-usap.

“Matagal na kitang gustong i-approach sa Inflight. Kaya lang, laging walang chance. When I see you, you are always with your friends. Nakakahiyang kausapin ka na kasama mo sila.”

Nakikinig lang ako.

“Remember, nung time na nagkayayaang gumimik ang mga crew? Gustong-gusto na kitang kausapin noon. Kaya lang, lagi kang nasa dancefloor. Pinanood na lang kita. Ang cute mo habang nagsasayaw. I was looking at you the whole time.”

Ramdam ko ang bilis ng heartbeat ko. Parang hindi ako makahinga.

Nagpatuloy siya: “Nung nagkalipad tayo, hindi ko naman talaga flight yun, nag-volunteer lang ako. Nakita ko kasi pangalan mo sa check in. The opportunity was perfect.”

Sobra na ito. Gusto kong kurutin ang sarili ko. Nananaginip ba ako?

Akala ko uuwi na kami after a few bottles pero nagyaya pa siyang sumayaw. We went inside a club.

Sa sobrang lakas ng music, hindi kami makapag-usap. We just held on to each other and danced. We were sweating and I could smell his sweet manliness.

Bumulong siya sa akin.” Do you wanna see my place?”

Hindi na ako nag-isip. “Sure.”

Lumabas kami ng club.

At kaagad siyang pumara ng taxi.

***

Nakiki-share si K sa condo ng pinsan niya sa Makati.

Pagdating namin doon, may hinahanap siya na di niya makita sa kanyang bulsa.

“Gosh, I don’t have my key,” ang sabi.

“Then, let’s knock. Gisingin natin cousin mo.”

“Maiinis yun.”

“Maybe, we should just go to my place,” ang alok ko.

“No, wait. I have an idea. Akyat na lang tayo sa rooftop.”

Bago pa ako nakapagsalita, hinila na niya ako papunta sa elevator.

Malamig ang simoy ng hangin sa rooftop. Kalmado ang tubig ng swimming pool. Nahiga kami sa poolside, magkatabi.

“Kakapagod, noh? Sarap humiga,” ang sabi. Tapos hindi na siya nagsalita.

Tahimik kami. Nagpapakiramdaman.

I could hear his breathing. I could feel his warmth.

Pinagmasdan ko ang langit. Napakaganda ng mga bituin. Napakaningning.

Maya-maya, bumangon siya at padapang humarap sa akin. Nagtama ang aming mga mata. Nag-usap ang aming mga titig.

Dahan-dahan, inilapit niya ang mukha niya sa akin. Napapikit ako.

Hinalikan niya ako. Maingat. Banayad.

We held each other. Mahigpit.

At kami’y lumipad.

Monday, July 7, 2008

Shining Star

Ang lambot ng lips niya.

Ito ang napansin ko nang halikan ko siya.

Hindi siya nag-resist. Sa halip, tumugon siya. Higit kong naramdaman kung gaano kalambot ang lips niya.

We kissed gently habang parang slow motion na sumasayaw sa maharot na “Gimme More”.

Nasa ledge kami ng Bed. The kiss was so enchanting na parang huminto ang pintig ng paligid at nakalimutan ko kung nasaan kami.

Gumalaw ang mga dila namin, pahagod na tinikman ang tamis sa loob ng aming mga bibig.

Nagyakap kami. Gumapang ang aming mga kamay, pahaplos na dinama ang contours ng aming mga katawan.

Nagdikit ang aming mga dibdib. Higit na naging madiin ang paglalapat ng aming mga labi at higit na naging maalab ang aming mga halik.

Si M. Matangkad. Moreno. Matikas.

Una akong nabighani sa kanyang tindig. Stand-out siya habang mag-isang nagsasayaw sa ledge. Lumapit ako at nagkatinginan kami. Parang magnet ang tsinito niyang mga mata. Parang may puwersang humihigop sa akin habang nagtititigan kami. Hanggang sa hindi ko na matiis ang tila pang-aakit niya at inilapit ko ang aking mukha sa mukha niya. Nalanghap ko ang mabango niyang hininga. At hinalikan ko siya.

Kasabay ng mga halik at yakap, ng pagkalasing at pagkalimot, ay ang unti-unti pagniningas at pagsisindi ng pag-asa at pangarap sa aking puso na baka siya na nga ang matagal ko nang hinihintay. Na sa wakas ay dumating na siya. At magiging masaya na ako.

Bumitiw ang mga labi niya sa labi ko. At tumitig siya sa mga mata ko. Ngumiti siya. Humigpit ang yakap niya, parang ayaw niya akong pakawalan, at nakaramdam ako ng comfort, ng paglingap na matagal ko ring hinanap at pinanabikan.

Huminto ang music. Dumilim ang ilaw. Showtime na ng mga drag queens. Our moment was rudely interrupted. Bumaba kami ng ledge at nanood ng show. He was holding my hand.

I had to pee. Nagpaalam ako sa kanya. “Ok. Make it quick,” ang sabi niya nang nakangiti. I waded my way through the crowd papunta sa restroom sa itaas. Along the way, I saw some friends and acquaintances. Beso-beso. Konting chika.

And who will I see sa restroom. Si N. A pretty young thing from my past. He seemed to be genuinely happy to see me. “Hey, Aris,” ang bati. He gave me a smack on the lips. Aaminin ko, nagka-feelings ako noon kay N. Muntik nang maging kami. Pero, ang bata niya pa kasi. Di ko masakyan ang mga hang-ups niya sa buhay. “Who’s with you?” ang tanong niya.

“My friends,” ang sagot ko.

“Sino yung guy?”

“Sinong guy?” ang ulit ko.

“Yung ka-kissing mo sa ledge.”

“You saw us?”

“Of course, I saw you.”

Hindi ako sumagot. May nagmamasid pala habang nagaganap ang moment namin ni M.

“Is he your new boyfriend?” ang tanong niya.

“No,” ang maiksi kong sagot.

Ngumiti siya. “Good. Then join me outside. Uminom tayo,” ang yaya niya.

“I can’t…”

“Why? Kailangan mo siyang balikan?”

“Yes.”

Nakaharap kami sa salamin ng restroom habang nagaganap ang conversation naming ito. Parang may nakita akong hurt sa kanyang mga mata. Pero hindi na siya nagsalita.

Nanatili kaming nakaharap sa salamin at nakatingin sa isa’t isa.

“I gotta pee,” ang sabi ko pagkaraan ng ilang sandali at tinungo ko ang urinal.

Paglabas ko ng restroom, naroroon si N. Nakasandal sa barandilya ng bridge overlooking the dancefloor. Hindi maikakaila na cute talaga siya. Hindi nga lang siya matangkad pero hindi mo na ito mapapansin dahil hahatakin na ang atensyon mo ng maganda niyang mukha. There is something sexy about the way he looks at you and the way he carries his lean body.

“Sayaw tayo,” ang yaya niya sabay hawak sa kamay ko.

“I am sorry, I can’t,” ang sabi ko. Binitiwan niya ang kamay ko pero inilapit niya ang mukha niya sa akin. Mahina, halos pabulong, tinanong niya ako: “Ayaw mo na ba?”

Wala akong maisagot.

“Anong nangyari? Hindi mo na ba ako gusto?” ang dugtong niya.

“Hey, you’re drunk,” ang sagot ko, paiwas.

“Gusto pa rin kita. Bakit ayaw mo na sa akin?”

“Alam ko, naiintindihan mo kung bakit. We are just so… different,” ang sabi ko sa kanya. Gusto kong idugtong: “Kasi pakiramdam ko, ang dami-dami mong problema, parang ang bigat-bigat mong dalhin. Nahihirapan akong intindihan ka. Ang laki kasi ng agwat ng age natin,” pero tumahimik na lang ako.

He must be aware kung gaano ka-expressive ang kanyang mga mata. Tumingin siya nang diretso sa akin at doon nabasa ko ang lungkot, pagkabigo, pag-iisa at iba pang mga bagay na nais niyang sabihin. Umiwas ako ng tingin.

“I have to go,” ang paalam ko. “We will always be friends naman, di ba?”

Hindi ko na hinintay ang kanyang sagot. Umalis na ako. Walang lingon-likod.

I realized na parang ang tagal ko yatang nag-restroom. Baka naiinip na si M. Nagmamadali akong bumaba.

Tapos na ang drag show. Nagsasayawan na uli sa ibaba.

Dumiretso ako sa lugar na kung saan iniwanan ko si M. Wala siya doon. Iginala ko ang aking mga mata. Sa dami ng tao, hinanap ko siya.

Di ko makita.

Sinuyod ko ng tingin ang dancefloor.

Inisa-isa ko ang mga nagsasayaw sa ledge.

At doon sa bandang likuran na kung saan medyo madilim ang ilaw, naaninag ko ang makisig niyang hugis.

Excited akong umakyat sa ledge para lapitan siya. Pero bigla akong napahinto.

Si M. My sweet, beautiful M.

Hindi siya nag-iisa. May kasama siyang iba. At hindi lang sila basta nagsasayaw o nag-uusap.

Naghahalikan sila.

Nanlumo ako. Parang biglang hinipan ang kanina’y nagsinding pag-asa at pangarap sa puso ko.

May naramdaman akong masakit.

Matagal ko silang pinagmasdan. Matagal kong sinaksihan ang mapait na katotohanan.

Tumugtog ang “It’s Not Right But It’s OK”. Para akong biglang natauhan. Nagsimula akong umindak. Iginalaw ko ang aking katawan, sabay sa maharot na tugtog. Sumayaw ako palayo sa kinaroroonan ni M.

Ipinikit ko ang aking mga mata. Pilit kong binubura sa aking isipan ang imahe ni M na nakikipaghalikan sa iba.

Matagal akong nagsayaw na nakapikit. Pilit kong pinapayapa ang aking damdamin. Pilit kong itinatakwil ang sakit.

Maya-maya naramdaman ko, may humawak sa kamay ko. It was a familiar touch.

Dumilat ako.

Si N.

Napakaamo ng mukha ni N. Napakaganda ng kanyang mga mata.

Nagtama ang aming paningin. Nakita ko sa kanyang mga mata ang reflection ng aking lungkot, pagkabigo, pag-iisa at iba pang mga emosyon na hindi ko masabi.

Niyakap niya ako. Mahigpit. Kumapit ako sa kanya na parang nalulunod at sinasagip.

Tumugtog ang “Shining Star”. Pumagitna kami sa ledge at nagsayaw.

And we kissed.

Sunday, July 6, 2008

Strong Ice

Matagal na niyang promise sa akin ito. Ang ipakilala ako sa bago niyang jowa.

Kahit wala na kami (naging kami nga ba?), in touch pa rin kami sa text at minsan nagtatawagan pa. Ako ang unang nakaalam nung nagliligawan pa lang sila. Ako rin ang unang nakaalam nung finally ay sila na.

At ngayon nga, nandito sila sa harap ko. Si H, my ex. At si J, ang bago niyang jowa. Sabado nang gabi sa Malate at walang pasabi si H sa pagsulpot nilang ito. Nasa Silya ako nang mga sandaling iyon at umiinom habang hinihintay ang pagdating ng mga friends ko.

“Aris, this is J,” ang sabi ni H. “J, this is Aris.”

At nagkamay kami. Parehong nakangiti.

Totoo ang sabi sa akin ni H. At totoo rin ang chika sa akin ng mga friends ko na nakakita na sa kanila sa Government. Cute nga ang bagong jowa.

Inaasahan ko na may mararamdaman akong kurot sa puso. Pero wala. Inaasahan ko na medyo matataranta ako (masasagi ang bote ng Strong Ice sa harap ko, matatapon ang laman at mababasag). Pero hindi.

I invited them to join me. Naupo sila. Umorder ng drinks sa waiter.

Awkward moment.

Nagsimula ang small talk. Kung anik-anik lang para ma-break ang ice. Nakatingin ako sa kanila at aaminin ko, they are a handsome pair. Nakangiti sila sa akin habang may sinasabi na di ko na maalala kung ano dahil mas interesting ang nakikita ko kesa sa naririnig.

I could tell from the look in H’s eyes na in-love siya kay J.

I could also tell from the look in J’s eyes na may alam siya sa past namin ni H. But he remained gracious. He was very nice, warm and friendly. In fact, I like him. I like him for H.

Maya-maya, nagpaalam si J. He got a text from a friend. Imi-meet niya raw muna sandali.

At naiwan kami ni H.

With H, I can be very comfortable. So I told him honestly about how I feel meeting his new jowa. Happy ako, sabi ko. And I really meant it. Sabi ko pa, gusto ko si J para sa kanya. Mukhang mabait at sa tingin ko, mahal siya. Napangiti siya.

“Ikaw, kumusta na?” ang tanong niya.

“Katulad pa rin ng dati,” ang sagot ko.

“Wala ka pa ring bago?”

“Wala.”

“Ano na nangyari sa inyo ni A?”

“Nagkasawaan na kami,” ang sabi ko sabay tawa nang maiksi.

Tumawa ako para pagmukhaing joke ang sagot ko. Pero yun ang totoo. Wala talagang nag-e-endure sa mga relationships ko. Laging nagkakawalaan, nagkakasawaan. Bihira yung nagtutuloy-tuloy. Bihira yung katulad ng sa amin ni H na nagtuloy kahit hindi kami nagkatuluyan.

“Player ka kasi ha ha! Pinaglalaruan mo lang mga boys,” ang hirit niya.

“Hindi ah. Ako ang pinaglalaruan nila!”

“Bakit di ka nagkaka-jowa? Maganda ka naman.”

Natigilan ako sa sinabi niya. Kung hindi lang kapapakilala niya pa lang sa akin sa bago niyang jowa, iba ang iisipin ko sa sinabi niyang yun. He is just trying to make me feel better, ang naisip ko na lang. Di ako sumagot.

“Hoy, maganda ka, sabi ko,” ang ulit niya. “Wala bang thank you?”

Natawa ako. “Sinabi mo na ‘yan noon. Di mo na ako mabobola ngayon.”

Natawa na rin siya.

“Sana magka-jowa ka na para maging masaya ka na rin,” ang sabi niya pagkaraan.

“Antayin mo lang,” ang sagot ko. “One of these days, tatawagan na lang kita para sabihing may bagong jowa na ako at mas maganda sa jowa mo ha ha ha!”

As if on cue, biglang umapir si J. Immediate ang shift ng attention ni H. Para siyang spotlight na nagliwanag at tumutok sa star of the night. Para akong manikang basahan na hawak-hawak at biglang binitawan.

Umupo si J sa tabi ni H. Nag-holding hands sila. Nagtitigan. I could see the sparkle in their eyes. I could see the connection. I could see the love.

And they kissed habang nakatingin ako.

Pigil ang emosyon ko. Kahit parang natutunaw, nagpakatatag ako.

Tumungga na lang ako ng Strong Ice.

Hello

“Hi. Ako si Aris. Ano’ng pangalan mo?”

Ito ang linya ko when I would hit on somebody in Bed.

Tapos sayaw na. Di na ako muling magsasalita pa dahil bukod sa maingay ang music, abala na ako sa tahimik na pakikipag-connect.

Sa pagbubukas ng blog na ito, parang ganun din ang gusto ko. Di na muna ako masyadong magsasalita tungkol sa sarili ko. Kilalanin mo na lang ako as we go along.

Isipin mo kasayaw mo ako sa musika ng mga isusulat ko. Sabay tayong umindayog sa pintig ng buhay ko.

Unti-unti, ire-reveal ko ang sarili ko.

Dahan-dahan, ipakikita ko ang tunay na ako.

At sana magustuhan mo.