Monday, June 11, 2012

Black Party 5

Malamlam ang ilaw, aandap-andap pa, subalit hindi ako maaaring magkamali.

Saglit akong natigilan at napatingin sa lalaki. Inisip ko ang magkunwari subalit huli na upang magpasubali. Ipinagkanulo na ako ng aking reaksyon.

“Sarhento Manuel Esparagoza,” ang banggit ng lalaki sa pangalan niya upang i-reinforce ang rekognisyong rumehistro sa aking mukha.

“Yeah, of course,” ang nagawa kong sambitin. Siya ang pulis na nag-imbestiga sa akin sa ospital. Hindi ko maalalang nagpakilala siya sa akin noon but with my heightened senses, alam ko ang pangalan niya kahit hindi niya banggitin.

“Maaari ba tayong mag-usap?” ang kaagad nitong tanong.

Nagkaroon ako ng pag-aatubili. Napatingin ako kay Regidor. Alam niya na rin kung sino ang aking kaharap. Napansin ko ang biglaang pagseseryoso ng kanyang mukha, pangungulimlim na tila may mapanganib na pagbabadya.

“Maaari ba kitang imbitahan sa labas? Masyado ritong maingay,” ang dugtong ni Sarhento Esparagoza, tahasan ang pagbabalewala kay Regidor na obvious namang aking kasama.

Bahagyang tumango si Regidor, nasa mga mata ang pagbababala. Nabasa ko ang mensaheng hindi ako dapat magpahalata at hindi rin dapat magtiwala. Kailangan kong maging extra-cautious dahil tricky ang ganitong imbitasyon at maaaring ako ay malinlang, mabunyag kami ni Regidor at mapahamak.

Ibinaba ko sa bar ang aking iniinom. Nagpatiuna na ang pulis at ako ay sumunod pagkaraang muling tapunan ng sulyap si Regidor bilang pahiwatig na siya ay aking nauunawaan at pagbibigay na rin ng heads-up na ako ay saklolohan sakaling ako ay magipit.

Maingay pa rin sa labas subalit sapat lang upang kami ay magkarinigan. Actually it was more to his favor dahil ako, matalas ang aking pandinig.

Sa isang sulok na kung saan walang gaanong tao kami pumuwesto.

“Bigla ka na lang tumakas sa ospital.” Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa.

“Hindi ako tumakas,” ang aking pagtutuwid. “Umalis.”

“Umalis nang walang paalam. Alam mo bang hindi mo dapat ginawa iyon?”

“At bakit naman? Malaya ako at may karapatang gawin iyon.”

“Hindi ka pa nadi-discharge sa ospital. At hindi pa tapos ang aking imbestigasyon.”

“Wala akong sakit. Bakit kailangan kong manatili sa ospital? At tungkol sa imbestigasyon, nasabi ko na ang lahat ng aking nalalaman.”

“Siyanga ba? Sa lahat ng biktima, ikaw lang ang nabuhay.” Tumingin siya sa akin nang mataman, makahulugan. “Hindi kaya isa ka na ring bampira?”

Pinigil ko ang mag-react. Hindi ako nagsalita.

“At hindi kaya naglilihim ka lang sa akin upang protektahan ang iyong mga kauri?”

Itinuloy ko na ang pagkukunwari. “Sarhento Esparagoza, nagpapatawa ka ba?”

“Walang nakakatawa sa dami ng mga naging biktima ng bampira.”

“Kabilang ako sa mga naging biktima. Hindi mo ako dapat inaakusahan nang ganyan.”

“Biktima ka nga subalit nananatili kang buhay. At dahil diyan, hindi maiaalis na ako ay magduda.”

“Sa halip na magduda, matuwa ka na lang na may isang naging kabawasan sa mga bangkay.”

Umiling-iling ang pulis. “Matutuwa ako kapag nahuli ko na ang may kagagawan, kapag nalutas ko na ang kaso.”

“Sa aking pagkakaalam, ako na ang pinakahuling biktima. Bakit, may sumunod pa bang iba?”

“Wala na. Subalit alam kong magkakaroon muli. Pinag-aralan ko na ang pattern. Nagsisimulang maganap ang mga pagpatay kapag nalalapit na ang halloween, ang pagdiriwang ng black party. At pagkatapos, matitigil ito nang halos isang taon subalit mangyayaring muli. Kaya ngayon pa lang, nagsisimula na akong magmanman.”

“Good for you, Sarhento. At habang maaga, ituwid mo na rin ang iyong pagkakamali. Alisin mo na ang iyong mga pagdududa sa akin. Masasayang lang ang iyong oras. At bago pa masayang ang oras ko dahil sa walang katuturan nating pag-uusap, kailangan ko nang bumalik sa loob.”

Tumalikod na ako subalit pinigilan niya ako.

“Sandali,” ang sabi. “Ilang katanungan na lamang…”

Hinarap ko siya, pigil ang pagkainis.

“Bakit naririto kang muli pagkaraan ng matagal na pagkawala? At sino ang iyong kasama?”

Tuluyan nang kumawala ang aking inis. “Wala akong obligasyon na magpaliwanag sa’yo. Higit lalo, wala kang karapatang manghimasok sa personal na buhay ko.”

Ngumisi muna si Sarhento Esparagoza bago tumingin sa akin nang diretso at seryoso. “Sabagay, maaaring tulad ko, pinaghahandaan mo na rin ang black party. Maagang nagmamanman sa kapaligiran. Ikaw at ang iyong kasama -- na mayroon ding kakaiba sa itsura. Alam mo ba kung bakit sa kabila ng pagiging matao sa club, kaagad kitang nakita? Dahil sa iyong kakaibang aura at ng iyong kasama. Hindi mo naitatanong, may psychic ability ako at bahagi ng aking kakayahang makakita ng aura ay ang pagkakaroon ng matalas na kutob. Kung kaya sa kabila ng iyong mga pagtanggi, hindi mo ako basta-basta mapapaniwala.”

Kinabahan ako sa sinasabi niyang kakayahan at nag-wonder kung gaano katotoo iyon at kung gaano kalawak. Subalit nanindigan ako sa pagiging inosente. “Puwes, huwag kang masyadong magtiwala sa iyong kutob dahil sinasabi ko sa’yo, nagkakamali ka at nabubulagan lamang.”

Sa halip na sumagot, muli niya akong tinitigan, mapanuri. Dama ko ang tila pagtagos niyon sa aking kaloob-looban.

“Guwapo ka…” ang sabi. “In fact, higit kang guwapo ngayon.”

Weh? Bakit biglang-bigla, nauwi kami roon? Taka man, hindi ako sumagot. Sa halip, sinalubong ko ang kanyang mga mata. Hindi ako sa kanya magpapatalo, hindi ako magpapa-intimidate.

Saglit na nagtunggalian ang aming mga titig. At habang nagaganap iyon, napagtanto kong guwapo rin siya. Brusko, lalaking-lalaki, kayang-kaya akong ipagbalibagan sa kama. Man in uniform, fetish ko noon. Biglang lumarawan sa aking diwa ang isang censored na eksena at nagkaroon ako ng tila panghihina.

Ngumiti siya na parang nababasa ang nasa aking isip. Totoo nga yata ang kanyang sinasabing kakayahan! Subalit hindi ako nagpahalata. Kaagad kong iwinaksi at pinagtakpan ang anumang pagkatigagal. “Ano ang relevance ng sinasabi mong ‘yan, Sarhento?”

“Ayon sa aking research, dahil sa malakas na pheromones ng mga bampira, nagiging higit itong mapang-akit sa karaniwang tao. At iyon ang nararamdaman ko sa’yo ngayon. Subalit hindi ako karaniwang tao. Magagawa kong paglabanan at kontrolin ang anumang atraksyon.”

Hindi ko alam kung ano ang itutugon sa sinabi niyang iyon. Natahimik na lamang ako.

“Well, anyway,” ang patuloy niya. “Sa lakas ng iyong pang-akit, mga lalaki na ang kusang lalapit sa’yo dito sa Malur. Lahat sila sasailalim sa gayuma mo. Mag-uunahan pa upang sa’yo ay magpaangkin. At maaaring isa sa kanila ang susunod na maging biktima.”

Tuluyan na akong nawalan ng pasensya sa kanya. “Itigil na natin ito, Sarhento, bago pa kita ireklamo ng harrasment. Sinasaklawan mo na ang aking karapatan dahil sa iyong mga akusasyon at insinuwasyon.”

“Okay, fine. Itigil na natin ito. Pero hindi tayo dito magtatapos. I will be keeping an eye on you, Carlito.”

Hindi ko na siya binigyan pa ng satisfaction na makita ang pagkabagabag sa aking mukha. Mabilis na akong tumalikod at humakbang pabalik sa club.

Hindi pa man ako nakararating sa pinto, kaagad na itong bumukas at sinalubong ako ng mga taong nagpupulasan, nagsisigawan. Hintakot na nag-uunahang makalabas.

“Patay! Patay!” ang aking naulinigan.

“Bampira! Bampira!”

“May pinatay na naman ang bampira!”

Pati ako ay nahintakutan. Hindi sa nangyari kundi para kay Regidor. At nagtaka. Hindi ba’t hindi siya dapat pumatay hangga’t nagaganap ang transformation? At saka white party ngayon, hindi black. Bakit kailangan niyang mambiktima?

Saka ko lang namalayan na nasa likod ko na pala si Sarhento Esparagoza na napasunod dahil sa kaguluhan.

Nagtama ang aming mga mata. See, I told you, hindi ako ang bampira, ang pahiwatig ko.

Bakit nagkaganoon? Ang pahiwatig niya.

Napangiti na lamang ako sa kalituhang nakita ko sa kanyang mukha. Subalit ang kalituhang iyon ay kaagad na nahalinhan ng pagkatanto…at konklusyon. Siya naman ang napangiti, mapakla.

“Ang iyong kasama,” ang wika. “Sinasabi ko na nga ba…”

At bago pa ako nakahuma, hinugot na niya ang baril na nakatago, nakasuksok sa kanyang baywang at mabilis na sumugod sa loob.

“Hintay!” ang nagawa kong ibulalas.

Subalit nilamon na siya ng stampede na kanyang sinalunga.

(May karugtong)

8 comments:

sin at work said...

sa tagal kong nawala sa sirkulasyon aba 5th part na ito! :D
gusto ko ng mga ganito, magandang gawing dirty role-play ito! haha! :D

Anonymous said...

i wonder saan kaya papunta ang kwento...

Migz said...

bitin pare!

Aris said...

@sin at work: role-play talaga. at dirty ha? haha! :)

@anonymous: ako rin, di ko alam. charot! basta subaybayan mo na lang. :)

@migz: hello, migz. the continuation is coming right up. abangan! :)

sin at work said...

hahaha! :D
dirty naman, para maiba naman wahaha charot! :D

Aris said...

@sin at work: oo nga. why not, di ba? haha! :)

amver said...

nice... ano kaya ang magiging role ni sarhento sa buhay ni sarhento? hmmmm astig ang psychic chorva nya hahahahah


waiting for the next part... ahhaha pati na rin sa continuation ng plantation resort

Aris said...

@amver: di ka maiinip, promise. thanks, amver. :)