Wednesday, September 26, 2012

Roadside Inn Cafe

Walong oras ang biyahe mula Maynila papuntang Naga. Kung mabilis ang patakbo ng kotse, maaaring makuha ng anim na oras. Ala-una nang hapon binalak ni Stanley umalis subalit dahil may tinapos pa siyang trabaho, alas-tres na siya nakapagbiyahe. Binilisan niya ang patakbo subalit may aksidente sa South Super Highway kaya naging mabagal ang usad ng trapiko. At nang makalagpas siya ng Laguna, naabutan naman siya ng rush hour sa Batangas. Kaya nang makarating siya sa Quezon, nagsisimula nang gumabi at sa kanyang pagmamadali, kamalas-malasang may nasagasaan pa siyang kapirasong barb wire na bumutas sa kanyang gulong. Wala pa naman siyang spare. Mabuti na lang at sa di-kalayuan ay may vulcanizing shop na kaagad na umayos sa kanyang flat tire. Subalit nang finally ay on the road na siya uli, mag-a-alas nuwebe na at alanganin nang ipagpatuloy ang kanyang biyahe dahil kung sakali, madaling araw na ang dating niya at saka, pagod na rin siya bukod pa sa wala na siya sa mood mag-drive dahil sa naging pagkainis sa trapiko at flat tire. Kaya minabuti niya na lamang na mag-stopover at magpahinga. Bukas na lamang siya magpapatuloy nang maaga.

Habang mabagal na nagda-drive at naghahanap ng matutuluyan, nakita niya ang Roadside Inn Café. Actually nakalagpas na siya nang masulyapan niya ang salitang “Inn” -- natatakpan kasi ng malalabay na sanga ng akasya ang signage -- at siya ay nag-backing pa upang ito ay balikan. Pagka-park ay pinagmasdan niya ang façade ng hotel / restaurant. No, it wasn’t really a hotel but more of a bed and breakfast place dahil ito ay dalawang palapag lamang. It looked more like an old spanish house na may homey feel. And it has a beautiful, well-lighted garden. Maaaliwalas din ang unang palapag na kung saan naroroon sa isang sulok ang reception desk at ang carinderia-style restaurant sa malaking bahagi ng floor space. Ang naging impression niya, malinis at well-maintained ang lugar. Kung kaya nasa bungad pa lang ay nakapagdesisyon na siya na doon na magpalipas ng gabi.

But first, kailangan niya munang mag-dinner -- mamaya na siya magtse-check-in -- dahil ramdam na niya ang matinding gutom. Lumapit siya sa pinaka-counter na kung saan naka-display ang mga pagkain. Nginitian siya at binati ng “good evening” ng babaeng nakabantay roon. Pagkakita sa mga ulam na mukhang bagong luto at umuusok-usok pa, agad siyang natakam dahil halos lahat ng naroroon ay paborito niya.

Umorder siya ng kare-kare at hindi niya rin na-resist ang tortang talong. Natuwa siya nang may free bulalo soup dahil paborito niya rin ang bulalo. Nag-two rice na siya dahil feeling niya mabibitin siya sa isa.

Umupo siya sa mesang malapit sa bintana at habang dinadama ang preskong hangin na nagmumula sa labas, humigop siya ng sabaw. Napa-mmm siya dahil napakamalasa niyon. Beef na beef at may nag-aagawang flavors ng iba’t ibang herbs and spices. Nang sumubo siya ng kare-kare, hindi niya naiwasang mapapikit dahil napakalinamnam niyon. Kailan ba siya huling nakatikim ng ganoon kasarap na kare-kare? May pamilyar sa lasa niyon na parang ito ay makailang-ulit niya nang natikman noon. At dahil doon, hindi niya naiwasang maalala ang isang nakaraan na bahagi ang isang taong napakasarap magluto ng kare-kare. Mahigit dalawang taon na ang nakalilipas nang sila ay magkahiwalay. At dahil masakit pa rin sa kanya ang nangyari hanggang sa ngayon, pilit niya iyong iwinaksi.

***

Pagod man sa pagluluto, fulfilled ang pakiramdam ni Edgar. Unang-una na, iyon ang kanyang passion -- kaya nga kumuha siya ng culinary arts -- at sa nagdaang dalawang taon, napatunayan niyang mahusay siya roon. Kilala na sa Quezon ang kanyang restaurant dahil sa masasarap na putahe. At dahil na rin sa word-of-mouth, naging paboritong stopover na ito ng mga biyaherong pa-Maynila o pa-Bikol.

Parang kailan lang nang manahin niya sa kanyang lola ang bahay-kastila na ito sa tabi ng highway. Noong una, hindi niya alam kung ano ang gagawin niya rito. Inisip niya pa ngang ipagbili na lamang. Subalit dumating ang isang pagkakataon na kinailangan niya ng refuge -- mula sa magulong buhay niya sa Maynila at kabiguan sa pag-ibig -- at dito niya naisipang tumakbo.

Napakalaki ng bahay at sa kabila ng pagiging dilapidated nito dahil sa kalumaan, nanirahan siya roon nang mag-isa. Nagkulong, nagmukmok, nag-wallow sa lungkot hanggang sa siya ay ma-bore at mapagod. Isang araw, ipinagpasya niyang bumangon. Life has to go on at siya ay nagkaroon ng introspection -- ano ba ang gusto niyang gawin sa buhay at ano ba ang kanyang mga options? Iginala niya ang kanyang paningin sa kabuuan ng bahay at sa unang pagkakataon, nakita niya iyon for what it was -- isang kanlungan na kung saan maaari siyang magsimulang muli. Binuksan niya ang mga bintana at pinapasok ang hangin, gayundin ang liwanag. Natanaw niya ang overgrown na hardin sa malawak na bakuran at naisip niya ang mga bagay na maaari niya ritong gawin. Nagsimula siyang maglinis at habang unti-unting nalalantad ang nakakubling kariktan ng bahay, unti-unti ring nagkakahubog sa kanyang isip ang isang balak.

Two days later, may mga karpintero nang abala sa pagre-repair at pagre-restore sa bahay. May hardinero na ring nagtatabas, naghahawan at nagbubunot ng mga sukal.

May kaibigan siya sa Maynila na tinawagan at pinapunta -- isang interior decorator. Na-excite ito nang malaman ang kanyang balak at nagsimula silang mag-brainstorm. Hindi naglaon ay underway na ang isang malawakang renovation.

Inabot din ng mga dalawang buwan bago tuluyang naisaayos ang lahat. At habang pinagmamasdan ang naging transformation, siya ay napangiti dahil sa wakas, nagkaroon na rin ng katuparan ang matagal niya nang pangarap -- ang magkaroon ng sariling “resort”. Well, it wasn’t  really a “resort” but an “inn”. Pero parang ganoon na rin iyon dahil mala-resort ang kanyang set-up (wala nga lang pool o dagat) at pareho lang ang business nature -- ang pag-a-accommodate ng guests at pag-o-operate ng restaurant. Ah, the restaurant! Iyon ang labis niyang ikinasisiya dahil hilig niya ang pagluluto at gusto niya iyong gawing propesyon.

“If you build, they will come,” ang sabi nga sa Field of Dreams. Naniniwala siya roon at sa kanyang isip, walang dudang mangyayari iyon. Basta’t paghusayan niya lang at pagpursigihan.

Two years later, his little enterprise called Roadside Inn Café became successful.

***

Paglabas ni Edgar ng kitchen, muling na-affirm ang kanyang success dahil sa nakita niyang “pagkakagulo” ng mga diners sa restaurant. 24 hours silang bukas at habang gumagabi, lalo silang dinadagsa ng mga tao -- locals man o biyahero.

Bago magpahinga, nakagawian na niyang dumadaan muna sa reception upang i-check ang log-in/log-out ng mga guests at upang i-audit ang “sales”.

Papalapit sa reception desk, nakita niyang may kausap si Mercy, ang kanyang receptionist. Nakatalikod sa kanya ang kausap nito -- isang lalaki -- na mukhang nagtse-check-in. Pinagmasdan niya ang tindig nito -- matangkad, matikas, malapad ang balikat. There was something familiar about his built at hindi naiwasang sumagi sa kanyang isip ang alaala ng isang tao sa kanyang nakaraan.

As he stepped closer, na-overhear niya ang sabi nito kay Mercy: “Napakasarap ng inyong pagkain. My compliments to the chef.”

Unaware ang lalaki sa presence niya. Napangiti si Mercy at napatingin sa kanya.

“Sir, you’ve just complimented him yourself,” ang sabi ni Mercy, sabay muwestra. “The chef is standing right behind you.”

Pumihit ang lalaki, paharap sa kanya.

Pareho silang nagulat.

Parehong natulala.

Ilang saglit muna bago nag-sink in ang moment na iyon ng biglaan at hindi inaasahang pagkikita. At saka nila nagawang magsalita, halos sabay pa.

“Stanley...”

“Edgar…”

Hindi nagbitiw ang kanilang mga mata. Kaagad silang tinangay ng mabilis na agos ng mga alaala ng nakaraan nila.

“Edgar. It’s you.”

“Yes, Stanley. It’s me.”

Pareho silang hindi makapaniwala. 

(May Karugtong)

Part 2

Wednesday, September 5, 2012

Anibersaryo

A Guest Post
By ROVI YUNO


Humarap ako sa salamin na madalas magtaglay ng repleksiyon natin.

I took a deep breath. Pumikit ako at nang magmulat, I saw you standing there.

Nginitian mo ako. At pagkaraang saglit na ma-mesmerize, ako ay napangiti rin.

Dahan-dahan kang lumapit sa akin. I could tell na galing ka sa office dahil sa iyong damit. I could not help admiring dahil higit kang gumuwapo sa suot mo -- bagay na bagay sa’yo ang corporate outfit. Ilang sandali pa, naramdaman ko ang pagdampi ng iyong mga kamay sa aking balikat at ang pagyapos mo sa akin from behind.

“Nobody Loves Me Like You Do” started playing in the background. Nagkatinginan tayo. Theme song natin iyon. At muli, gumuhit ang ngiti sa ating mga labi.

Nagsimula tayong mag-slow dance sa saliw ng awiting iyon nina Whitney Houston at Jermaine Jackson. Sabay sa mga haplos ng iyong palad ay ang paghigpit ng iyong yakap. Napapikit ako at napahilig, dinama ko ang daloy ng init na dulot ng pagkakadikit ng mga katawan natin. Para sa akin, ang simpleng moment na iyon ang perfect definition ng bliss.

“I love you,” ang iyong bulong.

“I love you, too,” ang sagot ko.

“Kaya lang... ang taba mo na.”

“Ouch!”

“Joke.”

“Ikaw kaya ang may kasalanan nito. Kapag lumalabas tayo, wala kang ginawa kundi ang pakainin ako. Lagi mo akong pinupuna noon na ang payat-payat ko. Tapos ngayong tumaba na ako, inaasar mo naman ako. Ang labo mo rin, ano?”

Natawa ka. “Ayoko lang na nagkakasakit ka. At saka kahit naman tumaba ka na, wala pa ring nababago. Mahal na mahal pa rin kita.”

Napangiti na ako, tuluyan nang nawala ang kunwari ay pagtatampo.

Maya-maya pa, naramdaman ko ang pagdampi ng mga labi mo sa leeg ko.

Marahan pa rin tayong sumasayaw sa kanta na ang melody at lyrics ay tumatagos pa rin sa ating mga puso.

Nagharap tayo at nagtitigan.

Saglit munang nag-usap ang ating mga mata bago dahan-dahan naglapit ang ating mga mukha. At ang ating mga labi ay nagtagpo sa isang matamis na halik sabay sa ating muling pagyayakap.

Nang tayo ay magbitiw, mula sa bulsa ay naglabas ka ng panyo.

“What’s that for?” ang tanong ko.

“Kailangan kitang i-blindfold,” ang sabi mo.

“Why?”

“Dahil may sorpresa ako sa’yo.”

Napangiti na lamang ako habang pinipiringan mo.

“Huwag kang gagalaw. Diyan ka lang.”

Sabay sa antisipasyon ay ang build-up ng curiosity at excitement ko.

Narinig ko ang iyong mga yabag palayo sa kinaroroonan ko. Tapos, ang soft eject ng CD player na sinundan ng pagsasalang ng CD. After a few seconds, pumailanlang na ang isang malamyos na instrumental ni Kenny G.

Hindi ko na nahulaan pa ang sunod mong ginawa.

Mui kong narinig ang iyong mga yabag papalapit sa akin. Nalanghap ko ang iyong pabango at maya-maya pa, inaalis mo na ang piring ko.

Tumambad sa akin ang sorpresa mo.

Nakapatay ang ilaw at ang buong kuwarto ay natatanglawan ng napakaraming tea light candles. Hindi ako nakapagsalita sa pagkamangha.

Kinuha mo ang aking kamay at ipinatong sa iyong balikat habang ang iyong kamay naman ay kumapit sa aking tagiliran, parang pagpupuwesto sa ballroom.

“Parang prom?” Ngiting-ngiti ako.

“Yup.” Ang tugon mo, ngiting-ngiti rin.

At muli, tayo ay nagsayaw. This time, sa saliw ng saxophone.

“Happy anniversary,” ang bati mo.

“Happy anniversary,” ang bati ko rin.

“Five years na tayo.”

“Oo nga.”

“Are you happy?”

“Very.”

“I have always wanted you to be happy.”

“You have always made me happy. Never kang nagkulang. You’re just perfect for me.”

Muli mo akong hinagkan. At ako ay tumugon.

Nagtunggali ang ating mga labi at humigpit ang ating mga yakap. Hanggang sa tayo ay tuluyan nang madarang at ang mga saplot natin ay malaglag sa lapag.

Saksi ang ningas ng mga mumunting kandila sa muli nating pag-iisang katawan na naghatid sa atin sa rurok ng pinakaaasam na kaganapan.

Sa paghupa ng init at pagkaupos ng liwanag, nanatili tayong magkayakap.

“Mahal na mahal kita,” ang sabi mo pagkaraan ng mahabang katahimikan.

“Mahal din kita. Labis-labis. Sobra-sobra,” ang tugon ko.

“Nasusukat ba ang pagmamahal?”

“Hindi ko alam.”

“Pumikit ka.”

Sumunod ako.

“May nakikita ka ba?”

“Wala. Maliban sa malawak na kadiliman.”

“Ganyan ang pagmamahal ko sa'yo. Malawak. Walang dulo at hangganan. Walang katapusan.”

Dumilat ako at hinanap ang iyong maningning na mga mata.

Mas doon ko nakita ang sinasabi mong walang hanggang pagmamahal.

***

Dilim ang sumalubong sa akin sa pagdilat ng aking mga mata.

Napatitig ako sa salamin. Naroroon ang repleksiyon ng aking anino na nag-iisa.

Wala ka sa tabi ko.

Wala ang mga kandila.

Tahimik ang kapaligiran at wala rin ang musika.

Muli akong pumikit. Wala akong makita. Tuluyan na ngang nilamon ng dilim ang sinasabi mong walang hanggang pag-ibig.

Nagsimulang tumulo ang aking luha. Sa kalawakan ay hinanap ko ang pinakamaningning na tala.

“Happy anniversary,” ang bulong ko sa hangin. “Nasaan ka man ngayon, mahal na mahal pa rin kita.”

===

Be my guest. Ang blog na ito ay bukas sa mga nais magbahagi ng kanilang kuwento. Ipadala ang inyong akda sa: akosiarisblog@yahoo.com.