Pinagmasdan niya ang kanyang kapaligiran. Paroo’t parito ang mga tao, alis-dating ang mga bus. Bente-kuwatro oras ang operasyon ng terminal kaya patuloy pa rin ang mga aktibidad kahit malalim na ang gabi.
Sa waiting area ng mga pasahero ay may namataan siyang isang bakanteng upuan. Tinungo niya iyon at siya ay naupo. Ipinagpasya niyang doon na lang muna magpalipas ng gabi. Alam niyang delikado sa labas at maaaring siya ay mapahamak. Doon na lang muna siya, kung saan siya ligtas at bukas, kapag maliwanag na ay saka siya lalakad.
Dahil sa pagod ay kaagad siyang nakatulog at nang magising ay nagulat pa siya dahil mataas na ang araw. Kaagad niyang hinagilap ang dalang bag subalit wala iyon sa kanyang tabi. Napatayo siya at tarantang naghanap subalit wala talaga ang bag. Kinabahan siya at nanlamig. Naroroon ang lahat ng kanyang pera. Wala siya ni kahit isang kusing sa bulsa.
May nakita siyang guwardiya, nakatayo sa di-kalayuan. Kaagad niya itong nilapitan.
“Kuya, tulungan mo ako,” ang sabi niya. “Nanakaw ang bag ko.”
Tiningnan siya ng guwardiya. “Paanong nanakaw?” ang tanong, blangko ang mukha sa anumang pakikisimpatiya.
“Nakatulog kasi ako. Nasa tabi ko lang ang bag ko. Paggising ko, wala na.”
Nagkibit-balikat ang guwardiya. Itinuro sa kanya ang anunsiyong nakapaskel sa dingding: Bantayang mabuti ang mga gamit. Mag-ingat sa mga magnanakaw.
“Hindi sagutin ng management ‘yan,” ang sabi ng guwardiya. “Sa susunod, mag-ingat ka. Huwag kang tatanga-tanga.”
Nasaktan siya sa huling tinuran ng guwardiya. Nanakawan na nga siya, nasabihan pa siyang tanga.
Mangiyak-ngiyak siyang tumalikod na lamang at humakbang palabas ng terminal. Ngayon higit na nag-ibayo ang takot niya. Paano na ngayon, ano ang kanyang gagawin?
Naglakad siya sa bangketa na parang wala sa sarili. Sumabay siya sa hugos ng mga tao. Lahat ay nagmamadali, may kanya-kanyang patutunguhan, ni hindi tumitingin sa mga nakakasalubong o nakakasabay.
Nang mapatapat siya sa isang botika, nakita niya sa orasan nito na mag-a-alas dose na. Kaya pala nagugutom na siya. Pero wala siyang pera kaya nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad.
Napadpad siya sa Ali Mall. At doon, nakita niya ang mga kagaya niyang kabataang lalaki na nakatambay, nakasandal sa mga barandilya. Padungaw-dungaw sa ibaba. Patingin-tingin sa mga nagdaraan. At minsa’y pangiti-ngiti pa.
Nakitambay na rin siya at nakisandal sa barandilya. Pagod na siya at kailangan niya munang magpahinga.
Nakadungaw siya sa ibaba nang may marinig siyang boses mula sa kanyang likuran.
“Hi.”
Pumihit siya upang sinuhin ang nagsalita.
Isang lalaki na medyo may edad na. “Hi,” ang bati uli nito sa kanya, nakangiti.
Hindi niya alam kung babati rin siya o ngingiti. Subalit bago pa siya nakatugon, muling nagsalita ang lalaki. “May hinihintay ka?”
“Ha? Wala,” ang sagot niya.
“Mag-isa ka lang?”
Tumango siya.
“Maaari ba kitang imbitahan?”
“Ha? Saan?”
“Mag-lunch. Wala kasi akong kasabay.”
Natigilan siya. Gusto niya sanang tumanggi subalit matindi na ang gutom na kanyang nararamdaman.
“Ha? Sige.”
Nangislap ang mga mata ng lalaki sa kanyang pagpayag sabay sa pagkislap ng gintong pustiso na lumitaw sa maluwag nitong pagkakangiti.
“Halika, sumunod ka sa akin,” ang sabi.
Dinala siya nito sa Jollibee at doo’y ipinag-order ng Chicken Joy.
Nang mailatag ang pagkain sa kanyang harapan, kaagad niya itong nilantakan. Pinanood siya ng lalaki at sa tuwing mapapatingin siya rito, panay ang sabi sa kanya ng: “Sige, magpakabusog kang mabuti.”
“Ano nga pala ang pangalan mo?” ang tanong ng lalaki nang matapos na silang kumain.
“Alberto,” ang kanyang sagot.
“Ako si Jun.”
Nakipagkamay ito sa kanya.
“Halika, Alberto. Samahan mo na rin akong magsine,” ang sabi nito pagkaraan.
“Ha?” Hindi niya alam ang isasagot.
“Huwag mong sabihing tatanggihan mo ako.”
Ayaw niya sana pero dahil pinakain siya nito, pumayag na rin siya. “Sige.”
Si Jun ang namili ng palabas. Bold. At pagkapasok na pagkapasok nila sa madilim na sinehan ay agad nitong hinawakan ang kanyang kamay at giniyahan siya paakyat sa balcony, doon sa pinakaituktok na hilera ng mga upuan.
Matagal na silang nakaupo ay hindi pa rin binibitiwan ni Jun ang kanyang kamay. Maya-maya’y nagulat siya nang may pilit itong ipinahihimas sa kanya. Matigas. Mabilis siyang napapitlag.
Bago pa siya nakaiwas, nagawa na nitong dakmain ang kanyang harapan. Agad na nabuksan ang kanyang zipper at naipasok ang kamay. Naramdaman niya na lamang na hawak-hawak na nito ang kanyang ari at marahas na pinaglalaruan.
Noong una’y parang hindi siya makakilos subalit nang subukan siya nitong halikan at malanghap niya ang mabaho nitong hininga, nagawa niya ang pumalag. Itinulak niya si Jun, kaagad siyang tumayo at patakbong lumabas ng sinehan.
Nakalabas na siya ng Ali Mall ay mabibilis pa rin ang kanyang mga hakbang. Ni hindi lumilingon, ang tanging nais ay makalayo kaagad sa lugar na iyon.
Dinala siya ng kanyang mga paa sa Fiesta Carnival. Doo’y saglit na bumagal ang kanyang mga lakad. Na-attract siya ng mga tiyubibo at ng masayang atmosphere. Nagmasid-masid siya sandali at nagsisimula nang malibang nang biglang mamataan niya si Jun na siya pala ay sinundan.
Kaagad siyang humakbang palayo. Muli ay naging mabilis ang lakad, halos patakbo.
Pagtapat niya sa A&W, may isang lalaking papalabas na may bitbit na take-out. Huli na nang ito ay kanyang mapansin.
BLAG! Sa isang iglap ay naligo siya ng rootbeer. Gayundin ang lalaki na nabitiwan din ang bitbit na hamburger.
Napamura ang lalaki at siya ay galit na hinarap. Subalit bigla itong natigilan.
Natigilan din siya.
Nagkatitigan sila, parehong hindi makapaniwala.
“Alberto?” ang sabi ng lalaki.
Halos hindi siya makapagsalita.
“Leandro? Ikaw nga ba?”
(Itutuloy)
Part 17