Monday, September 1, 2014

Love Me Again

Nagkakilala sina Argel at Darrel sa isang corporate event at kinalauna'y naging mag-boyfriend. Gimikero itong si Darrel. Homebody naman si Argel. Ayaw ni Argel na masakal si Darrel sa kanilang relasyon kaya pinayagan niya pa rin itong gumimik tuwing Sabado sa Malate. Ang inakala niyang makabubuti ay naging daan upang sila ay magkasira.

May nakilalang ibang lalaki si Darrel sa Club. Walang kamalay-malay si Argel, niloloko na pala siya ni Darrel. Hanggang sa mahuli niya ito nang hindi sinasadya.

Nabasa niya ang text ng lalaki. At ang iba pang text messages nito na hindi niya alam kung bakit naka-save. At mula sa mga text messages na iyon, nalaman niyang matagal na palang nagkikita ang dalawa. At nagse-sex pa!

Kinumpronta niya si Darrel at umamin ito. Naging issue ang trust. At dahil mukhang mahihirapan si Argel na ibalik iyon, nakipaghiwalay sa kanya si Darrel. Teka, hindi ba dapat siya ang nakipaghiwalay?

Heartbroken, nagpunta si Argel sa Boracay for a vacation with his friends. At doon niya nakilala si Jeron na umaliw sa kanya at gumamot sa sugat ng puso niya.

At pagbalik sa Maynila, after a few dates, naging sila. Subalit may nalaman siya na yumanig sa kanya. Ang lalaking ito na nakilala niya sa Boracay ay ang lalaki rin pala na umagaw sa boyfriend niya!

Paano niya nalaman? May nakita siyang picture ni Darrel sa celfone ni Jeron! Bakit ba kasi napakahilig niyang makialam sa celfone ng iba?

Ang sabi ni Jeron, ayaw niya nang maging kabit kaya nakipaghiwalay siya kay Darrel. Gusto niya nang magbago at magkaroon ng seryosong relasyon kaya tinigilan na rin niya ang pagpunta-punta sa Malate. At noong nagkakilala sila sa Boracay, iyon ‘yung time na nagso-soul searching siya at si Argel ang naging daan upang mahanap niya ang sagot sa mga tanong niya.

Magkakahalo ang emosyong naramdaman ni Argel. Galit. Sakit. Betrayal. Nanumbat siya at nakipag-break kay Jeron kahit ipinagpipilitan nitong siya ang mahal at hindi si Darrel.

Muling lumipad pa-Boracay si Argel – mag-isa – upang harapin ang panibago niyang kalungkutan. Cinematic ang mga eksenang nakaupo siya sa beach at nakatanaw sa dagat habang papalubog ang araw.

At nang mabalitaan mula sa mga kaibigan, lumipad din itong si Jeron pa-Boracay upang siya ay sundan. At ang mga sumunod na tagpo sa pagitan nila ay naging madamdamin – tigmak sa luha at maiigting na palitan ng mga salita.

Gayunpaman, nagkaunawaan din sila at nagkapatawaran.

At ang naging katapusan, nasa dalampasigan sila 
 magkaakbay, magkayakap  habang pinagmamasdan ang unti-unting pagbubukang-liwayway.

3 comments:

Mac Callister said...

atleast they have a happy ending :-)

KULAPITOT said...

Happily ever after

Aris said...

mac callister: yup. hope you had a great time during your vacation. :)

@kulapitot: yes. kung anik-anik munang kasalimuotan bago nagkatuluyan. :)