Stalker na kung stalker pero hindi ko talaga mapigilan na
buksan ang iyong Facebook. Gusto ko lang malaman kung kumusta ka
na. Kung ano na ang nangyayari sa’yo pagkatapos nating maghiwalay.
***
Nakakatawa,
kung magsalita ako para bang kelan lang tayo nagkahiwalay. Pero ang totoo nyan,
ang tagal na. Ilang taon na rin ang nakalilipas. Ewan ko naman kung bakit sa
lahat ng exes ko, ikaw ang hindi ko malimut-limutan. Kapag napag-uusapan ang
mga exes, ikaw kaagad ang naiisip ko na para bang ikaw lang ang naging boyfriend ko. Samantalang marami kayo. Pero sa lahat, ikaw
talaga ang nagmarka sa aking puso. Ikaw ang pinaka-memorable na hanggang ngayon
kapag naaalala kita, ang mga pinagsamahan at pinagdaanan natin, napapangiti pa
rin ako sa kabila ng sakit na idinulot ng paghihiwalay natin. I know, pagagalitan
ako ng mga kaibigan ko kapag nalaman nilang obsessed pa rin ako sa’yo (kung
obsession nga ang tawag sa ganito) at hindi pa rin talaga ako nakaka-get over (no
matter how I pretend). Pati ikaw, alam kong magugulat din kapag nalaman mong
ganito pa rin ang saloobin ko. Although noong magkita tayo, pinilit kong itago
ang tunay na nararamdaman ko. Nagkunwari akong okay. We hugged, yes, pero kaagad din akong bumitiw at
ibinaling ang atensyon sa ka-date ko. Yes, may ka-date ako noon at ikaw, di
lang ka-date kundi dyowa mo. Ang sakit nang ipinakilala mo siya sa akin at
nakita kong proud na proud ka sa kanya. Hindi mo naman siguro intensyon na
saktan o pagselosin ako but then, iyon ang naramdaman ko. Nevertheless, hindi
ako nagpahalata o nagpakita ng emosyon. Naging extra-attentive ako sa kasama ko
(ako ang may intensyong saktan at pagselosin ka but I doubt it very much kung
naging successful ako) na alam kong unfair dahil mabait naman yung tao at parang
ginamit ko lang. I should be punished, I know. Siguro, ito na nga ang parusa
ko, ang patuloy na magmahal sa’yo at umasa pa rin na ikaw ay magbabalik.
***
Hindi ko rin kasi maiwasang umasa dahil minsan mo na
akong binalikan. Gusto mo uling maging tayo kaya lang may catch. May ka-live-in
ka na at gusto mo lang akong gawing kerida. Sosyal sana kaya lang nagbago na ako at nag-seryoso na. Tumanggi ako noon dahil ayoko na ng magulo.
Pagod na akong makipaglaro. At kung magiging tayo uli, gusto ko iyong totohanan
na. Iyon bang pareho na tayong natuto at ang bago nating yugto ay pagtatama na
sa mga mali. Pero kung magiging dalawa kami sa puso mo, ayoko, dahil alam kong
magiging kumplikado lang ang buhay ko at pati ang buhay mo. Paano naman akong magiging
masaya kung walang kapanatagan ang loob at isip ko?
Naaalala ko pa noong nakikipagbalikan ka, Valentine’s day.
Itinaon mo pa talaga na hindi ko alam kung iyong sinadya. But then nang inilalatag mo na ang mga kondisyon, nanlumo ako na
para bang kahit winner ako dahil binabalikan mo nga, ako pa rin ang talo dahil
may kasalo na ako. Buti na lang, nasa wastong pag-iisip ako noon kaya nagawa
kong humindi. The mere fact na hindi mo siya kayang i-give up, malinaw na hindi sapat ang
sinasabi mong pagmamahal sa akin, na ako’y gagawin mo lamang pampuno sa kanyang mga
kakulangan. Unless gusto ko lamang na makiamot at makihati, makuntento sa kung
anuman ang maaari mong ibigay. Pero hindi iyon makatarungan at isang malaking kahangalan.
***
Okay, one last look sa bago mong profile pic (napakaganda
pa rin ng iyong mga mata!) at one last comment sa iyong latest post (“Happy
Valentine’s Day!”), hinding-hindi na uli kita bubuksan. Ayoko nang pahirapan
ang aking sarili. Ayoko nang mag-hold on sa nakaraan. Move on move on din pag may time.