Wednesday, April 22, 2015

After All


Hindi ko inaasahan na sa Galera muling magkukrus ang landas namin ng isang dating pag-ibig.

“Aris,” ang tawag niya.

Lumingon ako. Sa gulat pagkakita sa kanya, natapunan ako ng ice crumble na iniinom ko. Agad kaming nagyakap at natapunan ko rin siya pero hindi siya nagbitiw.

Si Ramon. Walong taon na ang nakalilipas nang kami ay magkakilala at lumabas-labas. Okay na kami noon, nagkakamabutihan na, subalit sa kung anong kadahilanan, naudlot kami at hindi natuloy.

“Iniwan mo ako noon dahil ayaw mo sa bata,” ang tila pagpapaalala niya sa aming nakaraan. Eight years din kasi ang aming age difference. Nakaupo na kami sa lilim ng isang higanteng payong sa tapat ng Pacific Divers, nagma-mango juice siya at ako, nagko-Coke. Papaalis na siya ng isla nang hapong iyon at naghihintay sa pagdating ng bangkang “Golden Hawk”.

“Hindi,” ang sagot ko. “Hindi ako sigurado sa feelings ko dahil kaka-break ko lang noon.”

“Unsure ka pa rin ba sa feelings mo hanggang ngayon?”

Tiyak na ang damdamin ko pero hindi ko alam kung paano sasabihin iyon. Ngumiti na lamang ako at hinayaang makita niya roon ang sagot.

“Ako, from the very start, sigurado ako sa nararamdaman ko,” ang sabi niya. “Walang nababago.”

Tumindi ang ngiti ko at napatitig sa kanya. Sinalubong niya ang aking mga mata at doon, nabasa ko ang sinseridad niya.

“Hanggang ngayon, naaalala pa rin kita. Naaalala ko pa rin ang masasayang pinagsamahan natin.”

Hindi nawala ang ngiti sa mga labi ko at nanatili akong nakatingin sa kanya, nakikinig sa mga sinasabi niya.

“Hindi ko pa rin nalilimutan ang mga pagkakapareho natin. Magkasundong-magkasundo tayo noon. Sa hilig, sa pagkain, sa bisyo. Pati na sa kabaduyan.” Tumigil siya at saglit na natawa. “Remember ‘yung ‘Til There Was You’ na pinanood natin on our first date?”

Natawa na rin ako at napa-reminisce. Sa movie na iyon ni Juday kami unang nag-holding hands, nagyakap at nag-kiss.

“Gayon pa rin ba ang mga gusto mo ngayon?” ang tanong niya.

“Oo, wala pa ring nababago,” ang sagot ko. “Dati pa rin, pati mga pangarap ko.”

“Pangarap mo pa rin bang tumira sa farmhouse malapit sa beach?”

“Iyan pa rin ang inaasam ko kapag nag-retire na ako. Ikaw, nagbago na ba?”

“Hindi, pareho pa rin tayo.” Naglayo siya ng tingin, saglit na tinanaw ang dagat na tila may inaapuhap sa isip.

May ningning sa kanyang mga mata nang muling bumaling sa akin. “Ilang ulit ko nang inilarawan sa isip ang farmhouse na iyon. Kung gaano kalawak ang lupang kinatitirikan niyon, kung anu-anong mga halaman ang nakatanim doon. Kung ano ang itsura ng kusina, kung ilang silid, kung gaano kalaki ang porch, pati na ang mga muwebles at tumba-tumbang naroroon.”

Hindi ko naiwasang mapangiti. Lumarawan din sa aking isip ang imahe ng pangarap kong farmhouse.

Nagpatuloy siya. “Alam mo ba kung ilang tumba-tumba ang nasa porch?”

“Dalawa?” Hindi iyon hula kundi batay sa sarili kong imahinasyon.

“At alam mo ba kung sino ang nakikita kong nakaupo roon, nagpapahangin, nagkukuwentuhan, nagtatawanan tuwing hapon?”

Hindi ako sumagot. Bumilis ang tibok ng puso ko sa antisipasyon.

“Ikaw at ako,” ang kanyang tugon, sabay sa matamang pag-apuhap ng aking reaksiyon.

Hirap man sa paghinga dahil sa mabilis na tibok ng puso, nagawa ko pa ring magsalita. “Bakit ako? Bakit tayo?”

“Dahil alam kong ikaw lang ang makaka-appreciate nang ganoon. Dahil alam kong iyon din ang pangarap mo.”

Magkahalong saya at lungkot ang nadama ko. Saya dahil magkatulad pa rin ang gusto namin sa future. At lungkot dahil binalewala ko iyon at hindi pinahalagahan sa nagdaang panahon. Kasunod niyon ang pangamba na baka kuwento-kuwento na lamang iyon, na tuluyan na siyang gumive-up sa akin, at ang totoong nakatakda sa hinaharap ay ang umupo ako nang mag-isa sa tumba-tumba sa porch ng farmhouse.

“After nung nangyari sa atin, nagkaroon ka ba ng serious relationships?” I had to fish.

“Relationships, yes. But serious, no.” ang kanyang sagot. “Ikaw?”

“Wala rin akong masasabing serious dahil karamihan sa mga iyon ay hindi nagtagal.”

“Nitong huli, I dated somebody. He reminded me so much of you. But I found out he’s all wrong for me. Hindi siya mabubuhay sa farmhouse. Hindi siya kumakain ng tuyo at sardinas. Hindi niya type si Juday. After him, ayoko na. Parang gumive-up na ako sa paghahanap. Nakakadala na.”

“Ako rin, parang nadala na. Kaya kapag may nakikilala ako, hindi ko na sineseryoso. Nakikipaglandian na lang ako tapos, wala na.” Sa kabila ng Dalisay water na pinag-iinom ko sa isla, hindi na ako nagpakadalisay pa. Ayaw kong magkunwari. Gusto kong magpakatotoo.

“Walang masama, single ka. Ginawa ko na rin ‘yan pero napagod lang ako. Hindi ka pa rin ba napapagod?”

“I haven’t been in Malate for a while. I consider myself semi-retired na. Kung hindi lang dahil sa mga kaibigan ko, hindi na ako pupunta.”

“But you were in Mikko’s last night?”

“Umm, yeah.”

“Buti na lang hindi ako nagpunta roon kagabi. Dahil kahit walang masama, maaapektuhan pa rin ako kung makikita kitang nakikipaglandian sa iba. Masasaktan ako.”

Napatingin ako sa kanya, nagtatanong ang aking mga mata.

“Aris, mahal pa rin kita. Hanggang ngayon.”

Natigilan ako sa sinabi niya.

Binulabog kami ng megaphone ng Minolo Shipping. Nagtatawag na para sa pagsakay sa “Golden Hawk”. Kanina pa pala ito nakadaong. Naghuhugusan na ang mga pasahero.

“Puwede ba uling maging tayo? Ang haba na ng nalakbay natin, nakakapagod na. Ang dami nang naaksayang panahon, hindi pa rin ba tayo nakatitiyak sa ating damdamin? Ilang ulit na ba tayong naghanap, nabigo at nasaktan? Bakit patuloy nating ipinagkakait sa ating sarili ang kaligayahang matagal na nating natagpuan?”

Hindi ako makasagot. Hindi ako makahinga. Patuloy ang mabilis na tibok ng aking puso na parang nag-uunahan na.

“After all these years, connected pa rin tayo at walang nababago. Maybe because we’re really meant for each other. We’re soulmates and we just didn’t know.”

Muli, ang anunsiyo sa megaphone ng pagsakay sa bangka.

Tumayo ako at tumayo siya. Subalit sa halip na tunguhin ang pila, nanatili kaming nakatayo at nakatingin sa isa’t isa.

“Hindi na ako bata,” ang patuloy niya. “May maayos na akong trabaho. May sarili na akong condo. Handa na akong mag-asawa.”

Tila napagkit ang mga paa ko sa buhangin, gayundin ang mga mata ko sa kanyang mukha.

“Aris, will you marry me now?”

Huling tawag sa pagsakay.

Napasinghap ako. Nakalulunod ang galak sa aking puso.

Niyakap ko siya, mahigpit.

At nang ulitin niya ang tanong, ibinulong ko ang sagot.

=== 

A throwback post. Originally published as "Reasons" in 2012.

4 comments:

patryckjr said...

baka puwde rin ibulong ang sagot.......wehhhh

Aris said...

@patryckjr: halika, lapit ka. ibubulong ko sa'yo... hehe! :)

Jay Calicdan said...

Ano ba yan, nagpa-suspence pa sa dulo. It depends on me, siguro oo. Pak na pak yan!

Aris, maiba tayo. Yung dalawa mong series, nabitin ako doon. Tuloy mo pliiittthhh!!! Love you! :* muah!

Aris said...

@jay calicdan: nasa "to do" list ko na ang pagpapatuloy sa mga nabitin kong kuwento. pipilitin kong magkapanahon kaagad para dito. luvyah2. :)