Monday, August 31, 2015

Tag-Lagas


Naninigid ang lamig, tumatagos maging sa kanyang jacket. Tinatanaw niya ang tila maulap na lawa habang nakaupo sa bench. Tangay ng hangin ang mga dahon ng Maple na bumitiw na sa sanga.

Kanina niya lang nalaman. Pumanaw na si D. Si D na iniwan niya upang makipagsapalaran sa ibang bansa. Si D na babalikan niya sana. Heart attack, ayon sa balita, na marahil ang sanhi ay ang sama ng loob na idinulot niya.  

Sa pag-ihip ng hangin, nanigid sa kanya ang lungkot. Sa pagpatak ng mahinang ambon ay pumatak din ang kanyang mga luha. Huli na ang pagsisisi. Hindi na maibabalik ang nakaraan. Hindi na maitutuwid ang mga pagkakamali. 

Sa panahon ng tag-lagas ay dinudurog siya ng matinding pangungulila. Marupok na ang kanyang kapit. Nais niyang mag-hold on subalit hindi na niya magawa. Bibitiw na rin siya sa pagsapit ng tag-lamig. 

Sunday, August 30, 2015

Boxers


Hi neighbor. May nakapagsabi na ba sa’yo na ang boxers ay underwear at hindi walking shorts? Huwag kang gumala-gala sa bakuran n'yo nang naka-boxers lang. Nakaka-disturb. Sa pagdungaw ko sa bintana, nagkakaroon ako ng dirty thoughts. Paano naman kasi, nabubungaran kitang paikot-ikot, agaw-pansin ang morning wood. Ilang ulit ko na bang pinaglaruan sa imahinasyon ang iyong hubog? Ilang ulit na ba akong namangha/napatulala habang ika'y pinapanood? Napakaharot mo pa namang kumilos. Parang wala kang pakialam kahit na lumuwa man 'yan. At alam mong napagmamasdan kita pero para ka pang nangse-seduce na ngingiti at kakaway. Noong una, nakakatuwa, nakaka-excite. Pero nitong huli, nakakatakot na. Nakapag-iinit na kasi. Baka tuluyan na akong bumigay. Baka hindi ko na mapigil ang sarili.

Monday, August 17, 2015

Ghost Town


Ang kalye ng masisiglang yapak ay naging malamig na at malubak. Nagdilim na ang mga ilaw-dagitab at kung may natitira pang ningas, aandap-andap na at kukurap-kurap. Ang musika sa bulwagan ng mga indak at halakhak ay inumid na ng kawalan ng paglingap. Naglaho na ang pag-asa, ang mga pangarap at pagbabaka-sakali sa walang katiyakang paghahanap.

Sa lamay ng dati kong kanlungan, sinupil ko ang dalamhati habang nagbabalik-tanaw sa nakaraan at nagpapakalunod sa serbesang maligamgam.