Tuesday, January 15, 2019

Kapit Lang


Ang hirap naman. Nagmahal lang ako, ang dami nang naging kaaway. Hindi ko naman talaga sinadyang sa’yo ma-in love. Kaya lang, ayun, tinamaan. Kasalanan bang mahalin ka? Malaki ba talagang issue ang edad? Malas ko lang siguro dahil nagkataong ang Nanay mo, kaklase ko noong high school. Maeeskandalo nga siya – understandable yun –  kapag nalaman niyang magkarelasyon tayong dalawa. Na nangyari nga kagabi nang inimbita mo akong mag-dinner with your family. Nagkagulatan kami ng Nanay mo. Gosh, hindi ko ma-describe ang reaksyon niya nang malaman niyang ako ang karelasyon mo na matagal mo nang binabanggit sa kanya. Timping-timpi siya, alam kong gusto niyang magwala – sigawan at palayasin ako. Inisip niya kaagad na nag-take advantage ako sa’yo. But no, walang ganon. Remember, ikaw pa nga ang nakipagkilala sa akin sa bar, di ba? Ikaw ang unang nanghingi ng number ko? Hindi ko naman talaga sinadyang ikaw ang piliin ko. Kaso, sa sobrang sweet at caring mo, tinamaan ako at na-in love nang husto.  Kasalanan mo ‘to.  Joke. But then, sabi mo nga, hindi ka na bata. And yes, naniniwala ako na mature ka sa edad mo. Ako pa nga itong parang bata minsan kung umasta. Ikaw pa nga itong sa akin ay laging nagpapasensya. At isa yan sa mga dahilan kung bakit minahal kita. Pero ang tindi talaga ng Nanay mo. Palagay ko kaya ganoon siya dahil may crush siya sa akin noong high school. Joke. At ang Kuya mo, alam mo bang pinagbantaan niya akong bubugbugin kapag ipinagpatuloy ko pa rin daw ang pakikipag-relasyon sa’yo. Isusumbong niya raw ako sa Bantay-Bata. Hello, nakalimutan niya na bang 19 ka na at hindi na bata. At ang Ate mo, sasampalin niya raw ako kapag nakita niya uli tayong magkasama. Ewan ko naman, kung anong binait-bait mo, kabaliktaran naman ang mga kapatid mo. Sabagay, hindi naman ako natatakot sa kanila. Sabunutan ko pa sila isa isa. Joke. So ano, ipagpapatuloy pa ba natin ito? Ganoon ba katatag ang pagmamahal natin para ilaban ito? Ako, willing akong ipaglaban ka. Ewan ko lang sa’yo.

No comments: