Dinampot ko ang roba upang ipantakip sa aking katawan at ako ay mabilis na nagtatakbo paakyat sa hagdan. Pumasok ako sa silid upang magtago, na para bang magagawa ko pa ang tumakas.
Kasunod ko si Richard na puno ng pagpapaumanhin dahil sa nangyari.
“Pare, sorry. Hindi ko sinasadya,” ang kanyang sabi.
Nagsimula akong magbihis. Napansin niya ang aking pagkabalisa.
“Bakit, may problema ba?” ang tanong niya habang tinatanggal ang kanyang maskara.
“Si Gilbert…” ang sagot ko.
“Ano ang tungkol sa kanya?”
“Nasa ibaba siya.”
“Ha?”
“Napanood niya tayo. Isa siya sa mga bisita.”
“Paano nangyari ‘yun?”
“May dapat kang malaman…”
“Ano yun?”
“Sina Gilbert at Dan… mag-ex sila!”
“Ano?” Napamulagat si Richard. “Paano mo nalaman?”
Sinabi ko ang tungkol sa litrato na nakita ko sa kuwarto… at ang pag-amin ni Gilbert nang magtanong ako. “Nang makaharap ko kanina si Dan, nakilala ko kaagad siya. Hindi lang ako sa'yo nagsalita.”
“Ang ibig mong sabihin, ang Gilbert mo at ang Gilbert ni Dan ay iisa?”
Tumango ako.
Hindi makapaniwala si Richard. “Sino ang mag-aakala...?”
“Bakit kaya pumunta si Gilbert? Ang alam ko, naghiwalay sila ni Dan na may samaan ng loob.”
“Nagkaayos na sila,” ang sabi ni Richard. “Naipakilala na nga ako nang pormal ni Dan sa kanya.”
“Paano ngayon? Ano ang gagawin ko?”
Bago niya nagawang sumagot, bumukas ang pinto ng silid. Napatda kami.
Bumungad si Gilbert. Madilim ang mukha. May galit sa mga mata.
Tinambol ng matinding kaba ang aking dibdib. Parang hindi ako makahinga.
Pasugod siyang lumapit sa akin. Natakot ako sa maaari niyang gawin. Napaurong ako.
Dinaklot niya ako sa balikat.
“Bakit mo ginawa ito?” ang sumbat niya, marahas ang tinig.
Hindi ako makapagsalita.
“Bakit patuloy mong binababoy ang sarili mo?”
Ramdam ko ang kanyang galit sa higpit ng pagkakahawak niya sa akin.
“Bakit???” Halos yugyugin niya ako.
“Gilbert… nasasaktan ako,” ang nagawa kong sambitin.
Malakas niya akong itinulak. Napaupo ako sa kama, sindak.
“You are a big disappointment,” ang sabi niya. “Naniwala ako sa’yo… sa pangarap mo… sa pangako mo. Kaya tinulungan kita. Pero niloloko mo lang pala ako!”
“Nagkakamali ka…”
“Alam mo ba kung gaano kasakit iyon?”
“Gilbert… I’m sorry…” May pagsusumamo sa tinig ko.
“Minsan tinanong mo ako kung mahal kita. Ngayon kita sasagutin. Hindi. Hindi kita mahal. Dahil hindi ko magagawang mahalin ang isang taong walang respeto sa sarili.”
Nagsimula akong maiyak.
“Sinayang mo ang lahat… ang pagkakataong ipinagkaloob ko sa’yo. Akala ko, iba ka. Pero nagkukunwari ka lang pala. Magmula ngayon, wala ka nang aasahan sa akin. Manatili ka sa putik na kung saan ka nababagay!”
Parang tumimo sa aking puso ang masasakit na salitang iyon.
Tinangka ni Richard ang mamagitan. “Ako ang may kasalanan. Ako ang sisishin mo. Huwag si Anton.”
Binalingan siya ni Gilbert. “Hindi ka na nakuntento. Inagaw mo na sa akin si Dan. Pati si Anton, inagaw mo rin!”
Muling bumukas ang pinto ng silid. Pumasok si Dan.
“What’s going on?” ang kanyang tanong, taka sa kanyang dinatnan.
Wala sa aming sumagot.
Tinapunan siya ni Gilbert ng matalim na sulyap bago tumalikod at lumisan.
***
Ilang ulit ko siyang tinext pero hindi siya sumasagot.
Sa kabila ng lungkot at pagkabagabag, ipinagpasya ko munang manahimik at maghintay ng tamang panahon upang kami ay mag-usap. Kapag humupa na ang kanyang galit, saka ako magpapaliwanag at hihingi ng tawad.
Lunes, nagpunta ako sa school. Hawak ang perang ibinayad sa akin ni Dan, pumila ako sa Treasurer’s Office upang magbayad ng tuition.
Nang turn ko na, ibinigay ko ang aking pangalan sa cashier. Tsinek niya sa computer.
“Wala ka pa bang permit?” ang tanong niya sa akin.
“Miss, magbabayad pa lang ako,” ang sabi ko.
“Bayad na ang tuition mo.”
“Ha?” Nagulat ako at nagtaka. “Baka nagkakamali ka…”
Muling tumingin sa computer screen ang babae. “Alvarez, Anton, di ba?”
“Oo. Tama.”
“Bayad ka na nga. Noong Biyernes pa. Naiwala mo ba ang permit mo?”
Si Gilbert.
“Iisyuhan na lang kita ng bago.”
Parang nanuyo ang lalamunan ko. Sinaklot ako ng guilt.
Lumayo ako sa cashier’s window na tutop sa aking dibdib ang examination permit. Sa kabilang kamay, hawak ko nang mahigpit ang perang naging kapalit ng aking pagpuputa at pagkakanulo kay Gilbert.
Parang ang bigat ihakbang ng aking mga paa. Parang dinudurog ang aking puso sa panlulumo at pagsisisi.
***
At dahil hindi siya sumasagot sa text, tinawagan ko siya kahit halos wala na akong load.
“The subscriber cannot be reached. Please try again later.”
Pinuntahan ko siya sa condo. Kailangan naming magkausap. Kailangan kong humingi ng tawad.
Hinarang ako ng guwardiya sa lobby. “Yes, sir. Saan po ang punta nila?”
“Sa 408. Kay Architect Gilbert Garcia.”
“Sir, umalis na po si Architect Garcia.”
“Maaari ko ba siyang hintayin?”
“ Ang ibig kong sabihin, wala na po siya sa kanyang unit.”
“Anong wala na?”
“Hindi na siya dito nakatira.”
“Ha? Lumipat na siya?”
“Ang alam ko po, nangibang-bansa na.”
Lumabas ako ng building na hinang-hina. Napaupo ako sa bangketa. Napayupyop sa aking mga palad.
At hindi ko napigilan ang aking pag-iyak.
***
Hindi ako tumigil sa pag-inom hanggang sa malasing ako. Ginagawa ko iyon gabi-gabi bago ako mag-perform. Bawal iyon dahil nakakaapekto raw sa erection pero hindi ko problema iyon. I can be hard at will at ni hindi ko kailangang gumamit ng goma upang i-sustain iyon. Ang kailangan kong i-block ay hindi ang dugo sa aking ari kundi ang mga kalungkutan at kabiguan ko. Umiinom ako para doon. Para mamanhid ang pakiramdam ko. Para makalimot ako sa kirot na hanggang ngayon ay nasa aking puso.
Big night nang gabing iyon at ako ang star dancer ng gay bar na pinagtatrabahuhan ko.
Sa saliw ng isang mapanuksong awitin, lumabas ako sa entablado na kapirasong tela lamang ang suot.
Nakasisilaw ang mga ilaw, higit lalo ang spotlight na nakatutok sa aking katawan.
Nagsimula akong umindayog. Kumadyot-kadyot at kumiwal-kiwal. Hinimas-himas ko ang aking dibdib, ang aking tiyan. Hinila-hila ko ang aking suot upang ipasilip ang aking kaselanan.
“Manatili ka sa putik na kung saan ka nababagay!”
At bago natapos ang tugtog, ako ay tuluyang nagbuyangyang. Nakabibingi ang hiyawan at palakpakan ng mga manonood. May mga lumapit pa at nagtangkang ako ay hawakan.
Guess what, Gilbert. I followed your advice.
***
Beer kaagad ang hinagilap ko pagkatapos ng pagtatanghal. Bago ko nagawang dalhin ang bote sa aking mga labi, may pumigil sa kamay ko.
Si Richard.
Nagulat ako. Kasama niya si Dan. “Anong ginagawa n’yo rito?”
“Ikaw, pare, ano’ng ginagawa mo rito?” Seryoso si Richard.
“Nagtatrabaho,” ang sagot ko sabay lagok ng beer.
“Pare, kailangan bang tuluyan ka nang magpakababa?”
“Pare, matagal na akong mababa. Hindi ko lang matanggap noon.” Nagsindi ako ng sigarilyo.
“Paano na ang mga pangarap mo?” ang tanong ni Dan.
Bumuga muna ako ng usok bago sumagot. “Huminto na ako sa pangangarap. Nang mawala si Gilbert, nawalan na rin ako ng pag-asa.”
“Nawalan na rin ba ng saysay ang mga ginawa niya para sa’yo?”
“Hindi na iyon mahalaga. Wala na siyang pakialam sa akin, di ba?” Muli akong lumagok ng beer.
Mataman akong pinagmasdan ni Dan bago siya muling nagsalita. “Kung makikita ka ni Gilbert na ganyan, ano pa ang maaari mong ipagmalaki sa kanya?”
Hindi ako sumagot. Hithit-buga ng yosi ang ginawa ko.
“Kung totoong mahal mo siya, patunayan mo sa kanya,” ang patuloy niya. “Ayusin mo ang buhay mo. Tuparin mo ang pangarap mo na naging pangarap na rin niya.”
May naging pagbabara sa aking lalamunan. Sinaid ko ang bote ng beer upang pawiin iyon.
“Tutulungan ka namin ni Dan,” ang sabi ni Richard.
“Pare, matagal mo na akong tinutulungan,” ang sagot ko.
“Alam mong hindi kita maaaring pabayaan.”
“Huwag na. Hayaan mo na lang akong ganito.”
“Hindi.” Madiin ang kanyang tinig. “Hindi kita hahayaang sirain ang buhay mo.”
“Magbihis ka na,” ang utos ni Dan.
“May number pa ako,” ang sagot ko.
“Binayaran ko na ang bar fine mo,” ang sabi niya. “Sasama ka sa amin sa ayaw at sa gusto mo. At kahit kailan, hinding-hindi ka na babalik dito.”
Nang gabing iyon, ni-raid ang bar. Hinuli ang mga dancers, pati ang mga customers.
Mabuti na lang, nauna na akong ni-rescue nina Richard at Dan.
(Tatapusin)
Part 12
17 comments:
bitin nanaman! :D
waaaa... akala ko patapos na... inde ko na kaya magantay ng 1 lingo para mabasa yung kasunod..
pigil hininga kong binasa ang chapter na 'to. i was sad at first kasi akala ko eto na ang ending... then a glimmer of hope kasi di pa pala tapos.
good one aris, as usual. more! more!
at mali yung inakala ko. Wala palang something fishy na ginawa sila Richard and Dan. hehe
can't wait for the next one Aris. :)
Magaganap na ang pinakaka-asam...
Tatapusin na...
tatapusin na...
tatapusin na!
Pero dapat may next story after. =)
syeeeetttt!!! kaka-bitin.
grabe na-feel ko lahat ng emosyon. at ang huling na-feel ko? bitiiiiin! thanks aris. galeng!!!
Aris matagal na ako nagbabasa sa blog mo pero ngayon lang ako nagcomment. Sobrang nagustuhan ko kasi ito. Galing! Nabitin ako kaya sana hindi matagal ang post ng kasunod.
you're a great writer. suspense and intensity builds up as the story goes on..
aka pyro
can't wait sa susunod na mangyayari. sana nga happy ending..
mukhang gagawaan mo ng nobela ito ah sir aries, abangan ang susunod na kabanata!
tatapusin na.... sana happy ending, gling-gling talaga...
Bitin. Ive been reading your blog since then. Now I have the chance to comment. Love the story Sir A. Thanks pala for following. Im really a fan..:)
i realy love your story... inaabangan ko talag... hehehe... kudos to you!!
wahhhhhhh...go na aris 12 na daliiiiii....ha ha ha
di lang masyadong demanding...ha ha ha...
to be honest im not following the series intently but.....more but he he3x when i read dove 7,8,9 to latest..parang ayaw ko na bumitiw...
kaso matotorpedo ako ng mahal ko...
patay ako kaya dapat labas na ang 12...
Everything was well written!!! Ang galing ng kwento ^_^
Habang tumatagal, paganda ng paganda ang story..... I'm looking forward for the next chapter....
Post a Comment