“Welcome to Plantation Resort,” ang sabi sa arko.
Tiningala iyon ni Albert hanggang makalagos ang kotseng kinalululanan niya. Napansin niya ang mabulaklak na bogambilyang nakalingkis sa mga poste nito. Gayundin ang kupas nang pintura.
“Mang Carding,” ang sabi niya sa driver ng kotse. “Pakibanggit kay Nanding na kailangan nang pinturahan ang arko.”
Ang arkong iyon ang nagsisilbing palatandaan papasok sa kanyang lupain.
Ang kalsadang binabagtas nila ay nagsimulang humiwa sa gitna ng pataniman ng mais at tubo. Malawak iyon kaya mahaba-haba rin ang kanilang nilakbay bago nila sinapit ang bahagi ng kalsadang nayuyungyongan ng nagpapang-abot na mga dahon at sanga ng mga akasyang nakatanim sa magkabila.
Sa dulo niyon ay naroroon ang gate ng Plantation Resort. Matatanaw sa loob ang lumang plantation house na nasa bulubunduking bahagi ng lugar. Imposing ang bahay na dati ay tahanan ng mga Montemayor na nagmamay-ari ng pataniman.
Isang guwardiya ang nagbukas ng gate at nagbigay-pugay. Nilandas ng kotse ang daan paakyat sa plantation house. Pinagmasdan ni Albert ang malawak na hardin. Naalala niya noong paslit pa siya. Iyon ang palaruan nila nina Miguelito at Isabel.
Parang kailan lang, kasa-kasama siya ng kanyang mga magulang sa paninilbihan sa mga Montemayor. Sino ang mag-aakalang darating ang panahon na mapapasakanya ang lugar na iyon?
Humimpil ang kotse sa tapat ng bahay. Bumaba si Albert at inakyat ang hagdan patungo sa balkonahe. Tuluy-tuloy siyang pumasok sa salas na ngayon ay nagsisilbi nang reception ng resort. May mga guests na nagtse-check-in sa front desk at may mga nakaupo sa couches habang sumisimsim ng welcome drinks.
“Albert!” ang salubong sa kanya ng isang charming at eleganteng babae na nasa late forties. Si Aurora, ang manager ng resort. “You’re early.”
“Alam mo naman si Mang Carding, mabilis magmaneho,” ang kanyang sagot.
Nagbeso sila. Ganoon sila ka-close. Hindi boss-employee ang turingan nila dahil may pinagsamahan na sila noon pa.
“Kumusta kayo rito?” ang tanong niya.
“We’re fully booked,” ang sagot ni Aurora. “Kailangang i-commend ang Manila office natin. They’re doing a good job in selling the resort.”
“I’m happy to hear that.”
“Halika, magmeryenda ka muna.” Kumapit sa braso niya si Aurora at giniyahan siya patungo sa dining room na converted na ngayon bilang isa sa mga restaurant ng resort.
Pagtapat nila sa front desk, saglit siyang napatigil at napatingin sa isa sa mga staff na naroroon. Si Francis na ang angking kakisigan ay namumukod-tangi sa kanyang mga kasamahan. Napatingin din ito sa kanya at ngumiti. Tumango si Albert bilang tugon at muli silang nagpatuloy sa paglalakad ni Aurora.
“How is he doing?” ang tanong niya kay Aurora.
“He’s enjoying it here. I am thankful that he has chosen to be with his mother.”
Anak ni Aurora si Francis. Nang alukin siya ni Albert na i-manage ang resort, hiniling niya ang employment nito para makasama niya sa relokasyon. Pumayag si Albert dahil may kuwalipikasyon naman si Francis bilang Tourism graduate. Bukod sa minsan ay naging espesyal din ito sa kanya.
Pag-upo nila sa restaurant, kaagad na nagsilbi ang waiter.
“Ipinahanda ko na ang paborito mong meryenda,” ang sabi ni Aurora.
“Thanks.”
“Ipinahanda ko na rin ang kuwarto mo sa itaas. Nag-reserve din ako ng riverside cottage just in case gusto mong lumipat.”
Ngumiti si Albert. “What will I do without you, Aurora? Mabuti na lang nagbago ang isip mo about retiring early at pinagbigyan mo ako.”
Ngumiti rin si Aurora. “My life in Manila was so stressful. Dito, nag-slow down ako. Para na rin akong nag-retire and yet I am still useful. Buti na lang tinanggap ko ang alok mo. I love it here.”
Nagsimula silang kumain.
“How long will you be staying?” ang tanong ni Aurora.
“Hindi ko alam. Kailangan kong magpahinga… to sort something out.” Saglit na nag-wander ang atensiyon ni Albert, distracted ng kung anumang sumagi sa kanyang isip.
Mataman siyang pinagmasdan ni Aurora, tila binabasa ang ekspresyon sa kanyang mukha.
“May problema ba?” ang tanong nito sa kanya.
Bumuntonghininga muna si Albert bago sumagot. “Ayokong magsinungaling sa’yo, Aurora, kaya sasabihin kong mayroon.”
“Business?”
“Personal.”
Muli siyang pinagmasdan ni Aurora. “Is it about… Mico?”
Marahang tumango si Albert. “From the very start, I knew it was wrong.”
“Pero siya lang ang nakita kong nakapagpasaya sa’yo mula nang mawala si Ramon.”
“I know I shouldn’t be acting this way. For God’s sake, I am already 38 and I should be decisive.”
“You are decisive,” ang giit ni Aurora.
“Not when it comes to love,” ang sagot niya.
“Akala ko, nakapagdesisyon ka na tungkol sa kanya. Na kahit malayo ang agwat ng edad n’yo, mamahalin mo siya. Bagay na pinapaboran ko dahil nakikita kong mahal ka rin niya at natitiyak kong hindi pera ang habol niya sa’yo dahil maykaya ang pamilya niya.”
“Pero may nangyaring hindi inaasahan. May natuklasan ako tungkol sa kanya at iyon ang nagpapagulo sa isip ko ngayon. Suddenly, unsure na ako sa relasyon namin. Hindi ko alam kung dapat pa ba kaming magpatuloy.”
Bumuntonghininga si Aurora, puno ng simpatiya. “It’s none of my business kaya hindi na ako magtatanong kung ano ang problema ninyo. Hahayaan muna kitang makapag-isip-isip at ayusin ang bagay na ‘yan on your own. But if you need somebody to talk to, nandito lang ako.”
Sa kabila ng pagkagulumihan, pilit na ngumiti si Albert. “Salamat, Aurora.”
Ngumiti rin si Aurora at tinapik-tapik ang kamay niya.
At nang matapos ang kanilang pagmemeryenda, tumayo na sila at lumabas ng restaurant.
“Magpapahinga ka na ba?” ang tanong ni Aurora.
“Hindi. Maglalakad-lakad muna ako,” ang sagot ni Albert.
“Alright. Ipapaakyat ko na lang ang mga bagahe mo sa kuwarto. I’ll see you later, Albert.”
“Okay. Thanks again.”
Tinanaw niya ang paglayo ni Aurora at natiyak niya, the resort is doing her good dahil sa masigla at masaya nitong kilos. Sana ganoon din ang maging epekto sa kanya ng pagtigil niya roon.
Sa pagdaan niya sa tapat ng front desk ay muli silang nagkatinginan ni Francis. Nginitian siya nito. Bahagya siyang tumugon subalit hindi huminto, patuloy ang mga hakbang palabas ng plantation house.
It was a glorious day. Asul na asul ang kalangitan at kahit mainit ang sikat ng pang-alas diyes na araw, mapresko ang ihip ng hangin at malilim ang mga lakaran dahil sa mayayabong na mga puno at halaman na nagkalat sa paligid.
Malaki na ang ipinagbago ng plantasyon mula nang ito ay maging pag-aari niya. Ideya niya na i-convert iyon. Hindi mapapasubalian ang kariktan ng lugar. Tahimik at hitik sa likas-yaman. Malapit sa paanan ng bundok at dinadaluyan ng malinis na ilog. Sayang naman kung mananatili na lamang itong pataniman at hindi malulubos ang potensyal. Naging malaking karagdagang kita sa ani ng lupain ang pagiging isang tourist destination nito.
Malaki ang kapasidad ng resort na tumanggap ng maraming guests dahil sa mga cottages na ipinatayo niya at in-incorporate sa landscape. At kahit maging fully-booked pa sila, sa sobrang lawak ng property ay hinding-hindi ito magiging masikip. Magkakaroon pa rin ng sapat na katahimikan at privacy ang mga manunuluyan doon.
Dama ni Albert ang koneksiyon niya sa lugar na iyon kahit na may kaakibat iyong magkahalong saya at lungkot. Dito siya nagkaisip at lumaki, unang umibig at nasaktan. Masakit ang mga alaala kung bakit kailangan niyang iwan noon ang plantasyon. At kahit itinadhana ang muli niyang pagbabalik, hindi nabubura iyon. Lalo na ngayon dahil isang bahagi ng kanyang nakaraan ang nagtulak sa kanya upang dito ay magkanlong.
Isang cottage na nakasuksok sa halamanan ang nadaanan ni Albert. Isang pamilya ang umuokupa niyon. Nasa porch ang Tatay at Nanay na nakapahingalay sa lounging chairs habang ang tatlong maliliit na anak – dalawang lalaki at isang babae – ay naglalaro ng habulan sa hardin. Matitinis ang mga tili at tawa, lipos ng kasiyahang walang malay.
Pamilyar sa kanya ang eksenang iyon at habang pinapanood niya ang mga bata, nakadama siya ng masidhing kirot sa kanyang puso.
Hindi niya napigil ang muling pananariwa ng mga alaala.
Mahigit tatlumpong taon na ang nakakaraan nang magsimula ang lahat, dito rin sa lugar na ito na kung tawagin ngayon ay Plantation Resort.
(Itutuloy)
Part 2
12 comments:
this is exciting..
... This Is GOOd...!
=)
nice...hoping na kasing exciting ito ng "dove"...love your stories...thank you sa pagsusulat
@anonymous: excited din ako sa pagkukuwento. :)
@anonymous: thanks. i am glad you liked it. :)
@anonymous: happy to know na gusto mo ang mga kuwento ko. salamat din sa pagbabasa. :)
Another series to watch for. :-)
kakatuwa. Exciting nga siya. Sana mapadalas ang pag-update mo. Hehe.
@lalaking palaban: sana mas ma-enjoy mo pa ang mga susunod na kabanata. :)
@marvin: thanks. sure, gagawin kong mas madalas ang update. di ka maiinip. hehe! :)
wohooo! nice one!
@ester yaje: thanks, ester. lapit na ang karugtong. :)
Sa wakas! Nakabisita uli sa blog mo! Naku, na-miss ko to! *kisses computer screen* HAHAHAHA *apir*
@iskang_sabaw: hahaha! thanks, iska and welcome back. :)
good start :)
Post a Comment