Saturday, March 31, 2012

Beachin’

Subsob ako ngayon sa trabaho dahil ang dami kong dapat tapusin bago mag-Holy Week. At katulad ng dati, magbabakasyon kami ng mga kaibigan ko sa beach. Sa kabila ng napapabalitang “paghihigpit”, Puerto Galera pa rin ang pinili naming destinasyon. “E ano?” ang sabi nila. “Hindi lang naman hada ang ipinupunta natin doon.”

Kumbaga, bonus na lang ang thrills ng “Jurassic” at ang good chances na ikaw ay makahagip. Subalit kahit wala iyon, garantisado pa rin naman ang enjoyment dahil out-of-town trip iyon na once a year lang namin kung gawin. Magkakasama kami for four days and three nights sa iisang bubong, sa pagtulog at sa pagkain, sa paliligo sa dagat at sa bar-hopping. Ito yung super bonding moment na kung saan higit kaming nagkakalapit at nagkakaroon ng pagpapahalaga sa totoong pagkatao ng bawat isa.

Tatlong taon na namin itong ginagawa at sa bawat pagkakataon ay higit na pinatatatag nito ang aming samahan. Kahit binalak namin ngayong summer ang mangibang-lugar, Galera pa rin ang nanalo sa botohan. Siguro dahil na rin sa pagka-sentimental kung kaya hindi namin magawang basta na lamang itong talikuran. Dito kasi higit na nagkaroon ng lalim ang aming pagkakaibigan sa pamamagitan ng mga kulitan, tawanan, tapatan at iyakan habang lumalaklak ng pitsel-pitsel na The Bar.

At ang dalampasigan, makasaysayan din, dahil doon namin nilitanya ang mga pangarap at ikinumpisal ang mga lihim habang kami ay tabi-tabing nakahiga sa buhangin (na maya’t maya ay may babangon upang sumuka) dahil sa pagkalasing.

Friday, March 30, 2012

Black Party

Dahil uso ang “Twilight”, pumunta ako sa Black Party bilang “Jacob”. Gusto ko rin kasing ipagmayabang ang resulta ng ilang buwang pagdyi-gym sa suot na sleeveless shirt at skinny jeans.

Tumambay muna ako at uminom sa isang streetside bar habang pinagmamasdan ang hugos ng mga magsisidalo. Sa kabila ng mga balita tungkol sa mga nangawala at natagpuang patay na sa mga sulok-sulok ng lugar na iyon, dagsa pa rin ang mga bakla, nakaitim na parang nagluluksa. Kung naroroon man ang killer, tiyak na nakahalo na ito sa kanila at mahihindik na lamang sila kapag mamaya, nadagdagan na ang bilang ng mga biktima.

At nakita ko siya. Si “Edward”. Maputla ang guwapong mukha, subalit mapula ang mga labi at maningning ang mga mata. Tinapunan niya ako ng sulyap at saglit akong hinigop ng mga titig niya.

Napakatangkad niya. Napakakisig. Nililipad-lipad ang buhok, pati na ang trenchcoat sa hanging likha ng bawat paghakbang niya.

Nakatingin pa rin ako sa kanya hanggang sa makalagpas siya.

***

Puno ang club, marahil dahil marami ang nais magkanlong mula sa panganib sa labas. Dito, sa ingay ng musika at kislap ng mga ilaw, safe ang iyong pakiramdam at malilimutan mo ang takot.

Dito maaari ka ring makatagpo ng “aaswangin” o kaya ay “aaswang” sa’yo upang makumpleto ang pagdiriwang ng Halloween.

Nasa ledge ako at hindi lang nakikipagsayaw kundi “nakikipag-aswangan” sa isang bagets nang mapatingala ako sa mezzanine. Doon, muli ko siyang nakita. Si “Edward”, nakatunghay sa akin. Pormal ang mukha at hindi ko alam kung epekto lang ng laser lights pero nanlilisik ang kanyang mga mata. May kilabot akong nadama. Good-looking siya pero tila may nakakatakot din sa itsura niya.

Na-distract ako nang magpaalam ang bagets na kasayaw ko. Magsi-CR lang daw siya. Hinalikan muna ako bago umalis. At nang muli kong tingalain si “Edward”, wala na ito sa kinaroroonan niya.

***

Nabulabog ang club nang magkaroon ng komosyon sa itaas. Saglit na itinigil ang music. May mga nagtakbuhan paakyat upang maki-usyuso, kabilang na ako.

Nagkatulakan patungo sa CR na kung saan naroroon ang kaguluhan.

At ako ay nasindak. Naroroon sa sahig, nakahandusay ang bagets na kasayaw ko. Isa nang malamig na bangkay!

***

Tila naging ghost town ang dalawang kalyeng iyon na nag-i-intersect sa labas. Kung dati-rati ay pinamumugaran iyon ng mga bading, ngayon ay abandonado na. Marahil kumalat na ang balita tungkol sa pinakabagong biktima kung kaya marami na ang nag-uwian dahil sa takot.

At dahil din doon kung kaya lumabas ako ng club. Hindi rin safe maging sa loob kaya ipinagpasya kong umuwi na lamang, nagsisisi kung bakit naisipan ko pang dumalo sa Black Party.

Binaybay ko ang deserted na kalye. Sarado na ang streetside bar nang madaanan ko at nakapatay na ang mga ilaw.

Umihip ang malamig na hangin at nanginig ako. Binilisan ko ang lakad, tila nakikipag-unahan sa mabilis ding tibok ng aking puso.

May narinig akong mga yabag sa likuran ko. Naramdaman kong may kasunod ako.

Lumingon ako.

Naroroon sa likod ko, nagmamadali rin ang mga hakbang, si “Edward”. Hindi ko alam kung bakit bigla akong sinaklot ng takot. Napatakbo ako.

Tumakbo rin siya, habol ako.

At bago pa ako tuluyang nakalayo, nadakma na niya ako sa braso. Hinila niya ako at kaagad na tinakpan ang bibig ko. Tinangka ko ang magpumiglas at manlaban subalit napakalakas niya.

Kinaladkad niya ako sa isang madilim na sulok.

At doon naramdaman ko ang pagbaon ng mga pangil niya sa leeg ko. Nanghina ako, sabay sa paglukob sa akin ng maluwalhating pakiramdam habang sinisipsip niya ang dugo ko. Napakamaluwalhati niyon na parang kinakatalik ako.

Nagka-erection ako at maya-maya pa, naramdaman ko, papasapit na ako sa kasukdulan.

Nag-orgasm ako sabay sa pagdidilim ng aking paningin at tuluyang pagtakas ng ulirat.

***

Nagmulat ako na aware sa aking kapaligiran, alam ko kaagad kung nasaan ako. Kalmado rin ako sa kabila ng karanasang sariwa pa sa isip ko. At habang sinusuyod ng tingin ang kabuuan ng silid, aware din ako na hindi ako nag-iisa. Dumako ang aking mga mata sa lalaking nakatayo sa may paanan ng aking kama. Nakamasid siya sa akin, mataman, sadyang hinihintay na ako ay magkamalay.

“Mabuti naman, gising ka na,” ang kanyang sabi. Hindi man naka-uniporme, alam kong isa siyang alagad ng batas.

Nakatingin lang ako sa kanya.

“Natagpuan ka naming nakahandusay sa tabing-daan,” ang patuloy niya. “Akala namin, patay ka na. Katulad ng ibang nabiktima ng bampira.”

Ako man ay nagtataka kung bakit buhay pa ako. Sinalat ko ang aking leeg, sa bahagi na kung saan bumaon ang mga pangil. Natatakpan iyon ng bandage, patunay na totoo, sinagpang nga ako ng bampira at sinipsip ang aking dugo. Subalit bakit wala akong nararamdamang sakit o panghihina? Sa halip ay tila higit na masigla ang aking katawan at matalas ang aking pandama, parang walang dahilan upang ako ay maospital.

Naglabas ng ballpen at isang maliit na notebook ang pulis. “Ikuwento mo sa akin ang nangyari.”

Nagkuwento ako nang pahapyaw at walang emosyon. Ang mga nangyari ay tila nawalan na ng significance at hindi na ako interesadong mag-detalye.

“Natatandaan mo ba ang kanyang itsura? Ilarawan mo sa akin,” ang utos ng pulis.

Umiling ako. “Hindi. Hindi ko maalala ang kanyang itsura,” ang aking sagot gayong sa aking isip ay malinaw na malinaw na nakalarawan ang mukha ni “Edward”.

Napabuntonghininga ang pulis. “Sa mga naging biktima, ikaw lang ang nabuhay. Akala ko, ikaw na ang magiging susi upang malutas ang mga kaso ng pagpatay.”

“Masyadong madilim. Masyadong mabilis ang mga pangyayari.” Hindi ko alam kung bakit ako nagsinungaling, kung bakit pinagtakpan ko at ayaw ipagkanulo ang bampira.

Pumikit ako at muling inilarawan sa aking isip si “Edward”. At sa halip na matakot, nakadama ako ng pananabik na makita siyang muli. Muling nanariwa ang luwalhating dulot ng pagbaon ng kanyang mga pangil sa aking leeg.

Natahimik ang pulis sa pagpasok ng doktor at nurse. It was a welcome interruption dahil ayoko nang magpatuloy ang interogasyon.

“Kumusta ang iyong pakiramdam?” ang tanong sa akin ng doktor.

“I feel fine, Doc,” ang aking sagot.

“Kailangan ko lang i-check ang iyong sugat for any sign of infection.”

Dahan-dahang tinanggal ng nurse ang bandage sa aking leeg.

At nang lubusang matanggal iyon, bumakas sa mukha ng doktor, ng nurse, pati na ng pulis ang pagkagulat.

“This is impossible!” ang bulalas ng doktor, mangha.

Taka ako. “Doc, bakit? Ano’ng nangyari?”

Nagtinginan muna sila, di makapaniwala, bago sinagot ng doktor ang tanong ko.

“Your wounds are completely healed!”

***

Kahit wala nang sugat o anumang nararamdaman, pinatigil pa rin ako ng doktor sa ospital nang gabing iyon upang maobserbahan.

Malalim na ang gabi, hindi pa rin ako inaantok. Masiglang-masigla ang aking pakiramdam, buhay na buhay, at hindi ako mapakali sa aking higaan. Parang naiinitan ako na di ko mawari kahit naka-high ang aircon.

Bumangon ako at nagtungo sa may bintana. Hinawi ko ang kurtina at bumungad sa akin ang magubat na hardin sa likod ng ospital. Binuksan ko ang bintana at kaagad kong nadama ang malamig na dapyo ng hangin. Narinig ko rin ang mga ingay sa labas – ang huni ng mga kuliglig, ang alulong ng mga aso. Napakaliwanag ng paligid sa tanglaw ng buwan. Napakalinaw ng aking paningin na kahit ang mga bagay na nakakubli sa dilim ay nakikita ko.

Umihip ang hangin. Natigilan ako dahil sa aking naulinig.

Carlitooo…

Ibinubulong ng hangin ang aking pangalan. May tumatawag sa akin.

Carlitooo…

Napaka-makapangyarihan ng tinig. Parang nanunuot sa aking pandinig. Parang puwersang humihila sa akin.

Carlitooo…

Ang paulit-ulit na tawag ay tila nang-aakit. Nakadama ako ng masidhing pagnanais upang iyon ay tugunin.

Sumampa ako sa bintana. Nasa ikatlong palapag ang aking silid subalit hindi ako nakadama ng bahagya mang takot o pagkalula. Nangunyapit ako sa mga baging na gumagapang sa pader at dahan-dahang bumaba. Parang napakagaan ng aking katawan, halos lumutang ako sa hangin. Walang kahirap-hirap na nakarating ako sa ibaba, halos hindi ko namalayan nang sumayad ang aking mga paa sa lupa.

Tinakbo ko ang magubat na hardin. Kaygaan ng aking mga paa at kaybilis ng aking mga hakbang. Agad kong narating ang hangganan ng bakuran ng ospital at inakyat ko ang mataas na pader.

Sa kabila ng bakod ay naroroon ang main road. Walang katao-tao, wala kahit isang sasakyan. Saglit akong nanatili sa sidewalk at nakiramdam. Sa di-kalayuan, patuloy sa pag-alulong ang mga aso.

Maya-maya, umihip ang hangin at humaplos sa akin.

Carlitooo…

Nakadama ako ng masidhing pananabik.

Muli akong nagpatuloy upang tuntunin kung saan at kanino iyon nanggagaling.

(May karugtong)

Tuesday, March 13, 2012

Sansaglit

Nitong Sabado, para maiba naman, napagkasunduan namin ng barkada na magkita-kita sa MOA for dinner and coffee.

Dumating ako sa takdang oras. At dahil nasa gym pa ang best friend ko at ang iba nama’y paparating pa lang, naisipan ko munang mag-National.

May dalawang libro akong gustong bilhin. “Unang Ulan Sa Mayo” ni Ellen Sicat at “Norwegian Wood” ni Haruki Murakami.

Inuna kong hanapin si Murakami. Subalit nang matagpuan ko ang shelf na kinalalagyan ng kanyang mga libro, naroroon, may nakaharang na isang lalaki. Nakasubsob siya sa “The Elephant Vanishes” at natatakpan ng kanyang bulto ang iba pang mga libro. Engrossed na engrossed siya sa pagbabasa at totally unaware na may tao sa likod niya.

At dahil hindi siya tumitinag, ipinagpasya ko munang umalis at hanapin si Sicat. Sa Filipiniana Section, para kang naghahanap ng karayom sa bunton ng dayami. Halo-halo ang fiction at non-fiction, hindi pa naka-alphabetize. Nawalan ako ng gana at kaagad na gumive-up.

Muli kong binalikan ang shelf ni Murakami. Subalit naroroon pa rin ang lalaki, patuloy sa pagbabasa ng “The Elephant Vanishes” at mukhang nakakarami na ng pages. Hindi na ako nakatiis. Nag-hover ako upang ipadama ang presence ko at i-send ang message na: “Excuse me, titingin din ako.”

Na kaagad niya namang nakuha kaya nag-move siya. Nakita ko ang “Norwegian Wood” at dumampot ako ng kopya. At dahil tangan ko na ang libro, nakalimot na ako habang binubuklat ito.

“Are you also into classics?”

Nag-angat ako ng paningin.

Ang lalaki. Nakatingin, nakangiti sa akin.

Saglit akong napatanga dahil ngayong nakaharap na siya, napakaguwapo niya pala! Maputi, makinis, napakaganda ng mga mata.

“Yeah,” ang nagawa kong isagot, sabay ngiti upang mapagtakpan ang pagkataranta. “But I’m more into contemporary classics,” ang dugtong ko pa.

“Me, too.” Nakangiti pa rin siya. Ang puti ng kanyang mga ngipin. Ang pula ng kanyang mga labi.

“So, you like Murakami?” Ako naman ang nagtanong.

“A lot.”

Nagtama ang aming mga mata at higit kaming napangiti.

And then we started talking about Garcia Marquez, Allende, Zafon.

“Ang sarap nilang basahin sa Spanish,” ang sabi niya.

“Marunong kang mag-Spanish?” ang tanong ko.

“Un poco. Ikaw?”

“Nakakaintindi ng konti.”

Nagpatuloy kami sa pag-uusap tungkol sa mga libro at napag-alaman namin na magkakapareho ang aming hilig. Dahil doon, parang nagkaroon kami ng instant connection.

At habang nag-uusap kami, hindi naglalayo ang aming mga mata. Tila mayroon ding sariling conversation ang aming mga titig.

Hanggang sa ang pag-uusap namin ay naging personal.

Una siyang nagtanong ng mga bagay tungkol sa akin. Saan ka nagtatrabaho? Saan ka nakatira? Are you still single? Et cetera.

Habang sinasagot ko ang mga iyon, mataman siyang nakikinig. Dama ko ang interes niya.

Nagtanong din ako at habang sumasagot siya, hindi ako makapag-concentrate dahil distracted ako ng tila nangungusap niyang mga mata.

Kinalaunan, halos hindi na ako nakikinig sa sinasabi niya dahil dazed na ako sa kanya. Nakatingin ako, nakangiti pero abala ang aking isip sa kung ano ang mabuting gawin upang higit kaming magkakilala at magkalapit.

Yayain ko kaya siyang mag-coffee? Pero teka, paano na ang dinner ko with my friends?

Isama ko kaya siya sa dinner? Naku, magugulat sila. At ano ang aking sasabihin? Paano ko siya ipakikilala?

Nasa kalagitnaan siya ng pagsasalita at ako ng pag-iisip nang may biglang sumulpot sa likuran niya.

Girl.

Na hindi niya namalayan at hindi niya rin naramdaman nang kalabitin siya.

I had to call his attention. Itinuro ko ang girl sa kanya.

At saka niya lang ito napansin.

Kaagad siyang nginitian ni girl. At sa ngiting iyon, nabasa ko kaagad kung ano si girl sa kanya. At sa ngiti niya, kung mag-ano sila.

Pero kanina lang, hindi ba’t parang may nais siyang ipahiwatig? Masyado ba akong naging assuming?

Kaagad din siyang nagbaling ng tingin sa akin. Sinalubong ko ang kanyang mga mata nang may pagtatanong at pagkalito.

Saglit niya akong tinitigan na para bang may ibig siyang ipaunawa sa akin.

Ang awkward lang na nakamasid sa amin si girl.

Minabuti kong unahan na siya sa pagkalas sa sitwasyon.

“I have to go,” ang pamamaalam ko. “It was nice talking to you.” Tumalikod na ako at humakbang palayo. Parang ang bigat ng mga paa ko, pati na ng dibdib ko.

Ni hindi ko man lang nalaman ang pangalan niya.

Bumalik ako sa Filipiniana at parang milagro na kaagad kong nakita ang “Unang Ulan Sa Mayo”. Kinuha ko iyon at isinama sa “Norwegian Wood” na hawak hawak ko pa rin pala.

Naglakad ako patungo sa counter upang magbayad subalit bago ko iyon marating, pumihit ako at muling bumalik sa shelf ni Murakami.

Wala na siya roon.

Dinampot ko ang “The Elephant Vanishes”. The same copy na hinawakan niya at binasa.

Ipinagpasya kong bilhin na rin iyon upang magsilbing alaala ng sansaglit naming kabanata.