Friday, March 30, 2012

Black Party

Dahil uso ang “Twilight”, pumunta ako sa Black Party bilang “Jacob”. Gusto ko rin kasing ipagmayabang ang resulta ng ilang buwang pagdyi-gym sa suot na sleeveless shirt at skinny jeans.

Tumambay muna ako at uminom sa isang streetside bar habang pinagmamasdan ang hugos ng mga magsisidalo. Sa kabila ng mga balita tungkol sa mga nangawala at natagpuang patay na sa mga sulok-sulok ng lugar na iyon, dagsa pa rin ang mga bakla, nakaitim na parang nagluluksa. Kung naroroon man ang killer, tiyak na nakahalo na ito sa kanila at mahihindik na lamang sila kapag mamaya, nadagdagan na ang bilang ng mga biktima.

At nakita ko siya. Si “Edward”. Maputla ang guwapong mukha, subalit mapula ang mga labi at maningning ang mga mata. Tinapunan niya ako ng sulyap at saglit akong hinigop ng mga titig niya.

Napakatangkad niya. Napakakisig. Nililipad-lipad ang buhok, pati na ang trenchcoat sa hanging likha ng bawat paghakbang niya.

Nakatingin pa rin ako sa kanya hanggang sa makalagpas siya.

***

Puno ang club, marahil dahil marami ang nais magkanlong mula sa panganib sa labas. Dito, sa ingay ng musika at kislap ng mga ilaw, safe ang iyong pakiramdam at malilimutan mo ang takot.

Dito maaari ka ring makatagpo ng “aaswangin” o kaya ay “aaswang” sa’yo upang makumpleto ang pagdiriwang ng Halloween.

Nasa ledge ako at hindi lang nakikipagsayaw kundi “nakikipag-aswangan” sa isang bagets nang mapatingala ako sa mezzanine. Doon, muli ko siyang nakita. Si “Edward”, nakatunghay sa akin. Pormal ang mukha at hindi ko alam kung epekto lang ng laser lights pero nanlilisik ang kanyang mga mata. May kilabot akong nadama. Good-looking siya pero tila may nakakatakot din sa itsura niya.

Na-distract ako nang magpaalam ang bagets na kasayaw ko. Magsi-CR lang daw siya. Hinalikan muna ako bago umalis. At nang muli kong tingalain si “Edward”, wala na ito sa kinaroroonan niya.

***

Nabulabog ang club nang magkaroon ng komosyon sa itaas. Saglit na itinigil ang music. May mga nagtakbuhan paakyat upang maki-usyuso, kabilang na ako.

Nagkatulakan patungo sa CR na kung saan naroroon ang kaguluhan.

At ako ay nasindak. Naroroon sa sahig, nakahandusay ang bagets na kasayaw ko. Isa nang malamig na bangkay!

***

Tila naging ghost town ang dalawang kalyeng iyon na nag-i-intersect sa labas. Kung dati-rati ay pinamumugaran iyon ng mga bading, ngayon ay abandonado na. Marahil kumalat na ang balita tungkol sa pinakabagong biktima kung kaya marami na ang nag-uwian dahil sa takot.

At dahil din doon kung kaya lumabas ako ng club. Hindi rin safe maging sa loob kaya ipinagpasya kong umuwi na lamang, nagsisisi kung bakit naisipan ko pang dumalo sa Black Party.

Binaybay ko ang deserted na kalye. Sarado na ang streetside bar nang madaanan ko at nakapatay na ang mga ilaw.

Umihip ang malamig na hangin at nanginig ako. Binilisan ko ang lakad, tila nakikipag-unahan sa mabilis ding tibok ng aking puso.

May narinig akong mga yabag sa likuran ko. Naramdaman kong may kasunod ako.

Lumingon ako.

Naroroon sa likod ko, nagmamadali rin ang mga hakbang, si “Edward”. Hindi ko alam kung bakit bigla akong sinaklot ng takot. Napatakbo ako.

Tumakbo rin siya, habol ako.

At bago pa ako tuluyang nakalayo, nadakma na niya ako sa braso. Hinila niya ako at kaagad na tinakpan ang bibig ko. Tinangka ko ang magpumiglas at manlaban subalit napakalakas niya.

Kinaladkad niya ako sa isang madilim na sulok.

At doon naramdaman ko ang pagbaon ng mga pangil niya sa leeg ko. Nanghina ako, sabay sa paglukob sa akin ng maluwalhating pakiramdam habang sinisipsip niya ang dugo ko. Napakamaluwalhati niyon na parang kinakatalik ako.

Nagka-erection ako at maya-maya pa, naramdaman ko, papasapit na ako sa kasukdulan.

Nag-orgasm ako sabay sa pagdidilim ng aking paningin at tuluyang pagtakas ng ulirat.

***

Nagmulat ako na aware sa aking kapaligiran, alam ko kaagad kung nasaan ako. Kalmado rin ako sa kabila ng karanasang sariwa pa sa isip ko. At habang sinusuyod ng tingin ang kabuuan ng silid, aware din ako na hindi ako nag-iisa. Dumako ang aking mga mata sa lalaking nakatayo sa may paanan ng aking kama. Nakamasid siya sa akin, mataman, sadyang hinihintay na ako ay magkamalay.

“Mabuti naman, gising ka na,” ang kanyang sabi. Hindi man naka-uniporme, alam kong isa siyang alagad ng batas.

Nakatingin lang ako sa kanya.

“Natagpuan ka naming nakahandusay sa tabing-daan,” ang patuloy niya. “Akala namin, patay ka na. Katulad ng ibang nabiktima ng bampira.”

Ako man ay nagtataka kung bakit buhay pa ako. Sinalat ko ang aking leeg, sa bahagi na kung saan bumaon ang mga pangil. Natatakpan iyon ng bandage, patunay na totoo, sinagpang nga ako ng bampira at sinipsip ang aking dugo. Subalit bakit wala akong nararamdamang sakit o panghihina? Sa halip ay tila higit na masigla ang aking katawan at matalas ang aking pandama, parang walang dahilan upang ako ay maospital.

Naglabas ng ballpen at isang maliit na notebook ang pulis. “Ikuwento mo sa akin ang nangyari.”

Nagkuwento ako nang pahapyaw at walang emosyon. Ang mga nangyari ay tila nawalan na ng significance at hindi na ako interesadong mag-detalye.

“Natatandaan mo ba ang kanyang itsura? Ilarawan mo sa akin,” ang utos ng pulis.

Umiling ako. “Hindi. Hindi ko maalala ang kanyang itsura,” ang aking sagot gayong sa aking isip ay malinaw na malinaw na nakalarawan ang mukha ni “Edward”.

Napabuntonghininga ang pulis. “Sa mga naging biktima, ikaw lang ang nabuhay. Akala ko, ikaw na ang magiging susi upang malutas ang mga kaso ng pagpatay.”

“Masyadong madilim. Masyadong mabilis ang mga pangyayari.” Hindi ko alam kung bakit ako nagsinungaling, kung bakit pinagtakpan ko at ayaw ipagkanulo ang bampira.

Pumikit ako at muling inilarawan sa aking isip si “Edward”. At sa halip na matakot, nakadama ako ng pananabik na makita siyang muli. Muling nanariwa ang luwalhating dulot ng pagbaon ng kanyang mga pangil sa aking leeg.

Natahimik ang pulis sa pagpasok ng doktor at nurse. It was a welcome interruption dahil ayoko nang magpatuloy ang interogasyon.

“Kumusta ang iyong pakiramdam?” ang tanong sa akin ng doktor.

“I feel fine, Doc,” ang aking sagot.

“Kailangan ko lang i-check ang iyong sugat for any sign of infection.”

Dahan-dahang tinanggal ng nurse ang bandage sa aking leeg.

At nang lubusang matanggal iyon, bumakas sa mukha ng doktor, ng nurse, pati na ng pulis ang pagkagulat.

“This is impossible!” ang bulalas ng doktor, mangha.

Taka ako. “Doc, bakit? Ano’ng nangyari?”

Nagtinginan muna sila, di makapaniwala, bago sinagot ng doktor ang tanong ko.

“Your wounds are completely healed!”

***

Kahit wala nang sugat o anumang nararamdaman, pinatigil pa rin ako ng doktor sa ospital nang gabing iyon upang maobserbahan.

Malalim na ang gabi, hindi pa rin ako inaantok. Masiglang-masigla ang aking pakiramdam, buhay na buhay, at hindi ako mapakali sa aking higaan. Parang naiinitan ako na di ko mawari kahit naka-high ang aircon.

Bumangon ako at nagtungo sa may bintana. Hinawi ko ang kurtina at bumungad sa akin ang magubat na hardin sa likod ng ospital. Binuksan ko ang bintana at kaagad kong nadama ang malamig na dapyo ng hangin. Narinig ko rin ang mga ingay sa labas – ang huni ng mga kuliglig, ang alulong ng mga aso. Napakaliwanag ng paligid sa tanglaw ng buwan. Napakalinaw ng aking paningin na kahit ang mga bagay na nakakubli sa dilim ay nakikita ko.

Umihip ang hangin. Natigilan ako dahil sa aking naulinig.

Carlitooo…

Ibinubulong ng hangin ang aking pangalan. May tumatawag sa akin.

Carlitooo…

Napaka-makapangyarihan ng tinig. Parang nanunuot sa aking pandinig. Parang puwersang humihila sa akin.

Carlitooo…

Ang paulit-ulit na tawag ay tila nang-aakit. Nakadama ako ng masidhing pagnanais upang iyon ay tugunin.

Sumampa ako sa bintana. Nasa ikatlong palapag ang aking silid subalit hindi ako nakadama ng bahagya mang takot o pagkalula. Nangunyapit ako sa mga baging na gumagapang sa pader at dahan-dahang bumaba. Parang napakagaan ng aking katawan, halos lumutang ako sa hangin. Walang kahirap-hirap na nakarating ako sa ibaba, halos hindi ko namalayan nang sumayad ang aking mga paa sa lupa.

Tinakbo ko ang magubat na hardin. Kaygaan ng aking mga paa at kaybilis ng aking mga hakbang. Agad kong narating ang hangganan ng bakuran ng ospital at inakyat ko ang mataas na pader.

Sa kabila ng bakod ay naroroon ang main road. Walang katao-tao, wala kahit isang sasakyan. Saglit akong nanatili sa sidewalk at nakiramdam. Sa di-kalayuan, patuloy sa pag-alulong ang mga aso.

Maya-maya, umihip ang hangin at humaplos sa akin.

Carlitooo…

Nakadama ako ng masidhing pananabik.

Muli akong nagpatuloy upang tuntunin kung saan at kanino iyon nanggagaling.

(May karugtong)

10 comments:

Aris said...

fiction, of course. intended as my halloween post last year pero hindi ko natapos at ngayon ko lang naituloy. :)

JJ Roa Rodriguez said...

Good one... Tagal ko na ding di nakakabasa ng ganito kaya ang rating "AWESOME!.."

JJRod'z

RoNRoNTuRoN said...

and yes, itutuloy pa rin siya... hehehe... in fairness, napakapit ako sa silya sa pagbabasa. :D nice one aris. I go for bampira mowd!

Aris said...

@jj roa rodriguez: thanks, jj. sana higit mong magustuhan ang mga susunod pang kabanata. :)

@ronronturon: masyado kasing mahaba kaya kaba-kabanata muna. hehe! salamat, ron. enjoy! :)

itsMePeriod said...

lablab!

Aris said...

@itsmeperiod: erick! good to hear from you. kumusta na? :)

Anonymous said...

inspired by the vampire fever, nice approach though.

Aris said...

@anonymous: thanks. i hope you will like and enjoy my story. :)

sAntino8bro said...

Aris..

pwede b tayung mag usap? :D

baka kc interesado k n palawakin itong site mo ?

Aris said...

@santino8bro: hi santino. if it's about ads or endorsements in my blog, please allow me to politely decline. mas preferred ko kasing ad-free ang blog ko. thanks. :)