Hindi ko inaasahan, Sabado ng gabi sa beach party sa isla, muling magkukrus ang ating landas.
Malakas ang tugtog subalit nangibabaw ang iyong tinig nang
tawagin mo ang aking pangalan. At nang ika’y masilayan, tinambol ang aking dibdib at dinagundong sabay sa beat ng music.
Tila nag-slowmo ang paligid at sa iyong paglapit, kaagad kitang
niyakap.
Yumakap ka rin sa akin at nadama ko ang iyong init. Hindi ko
napigil ang maging expressive.
“I missed you. I missed you so much,” ang sabi ko.
“I missed you, too,” ang sagot mo.
Humigpit ang aking yakap at ninais kitang hagkan.
Subalit ako ay natigilan nang mapansin ko ang lalaking
nakatayo sa iyong tabi, may hawak na dalawang bote ng Red Horse at sa mga mata’y hindi maitatanggi ang selos.
Bumitiw ako at agad siyang umakbay sa’yo, possessively.
Nginitian mo siya at kinuha ang iniaabot na beer. Pinagkilala mo kami.
“Aris, this is Rex, my boyfriend. Rex, this is Aris, my ex.”
Nagkamay kami, awkwardly.
Nagpalit ang tugtog at ang galaw ng mga tao ay naging mas maharot.
Maaga pa at hindi pa masyadong mainit ang araw.
Malamig ang hihip ng hangin at banayad ang mga alon sa dalampasigan. Iginala
niya ang paningin upang muli ay pagmasdan ang kariktan ng paligid. Huminga siya
nang malalim. Gumaan ang kanyang pakiramdam at nalimot niya ang lahat. Tila
nabura ang lahat ng kanyang mga pag-aalala at agam-agam sa buhay.
Nagsimula siyang maglakad-lakad sa dalampasigan
at nang marating niya ang dulo ng cove, inakyat niya at tinawid ang batuhan. Sa
kabila niyon ay tumambad sa kanya ang mas mahabang stretch ng beach. At doon sa
una-unahan na medyo malayo-layo rin ay natanaw niya ang sinasabing Long Beach
na kung saan naroroon ang mga turista. Naisip niya, maaari niya palang marating
iyon basta’t tuntunin niya lang ang dalampasigan. Naisip niya rin ang kasiyahan
doon ng mga bakasyunista, lalo na sa gabi na kung saan buhay na buhay ang mga
bars at magdamagan ang party. At higit sa lahat, naisip niya si Dave. Kumusta
na kaya si Dave? Nag-e-enjoy ba ito sa bakasyon? May nakilala na kaya itong
bagong kaibigan? Hindi niya alam kung bakit parang bigla niyang na-miss si
Dave.
Sinubukan niya sanang bagtasin ang dalampasigan
upang marating ang Long Beach – baka by chance ay magkita sila roon ni Dave –
subalit habang nagtatagal ay nararamdaman niya ang papatinding sikat ng araw.
At dahil wala naman talaga iyon sa kanyang balak, ipinagpasya niya na lamang
ang bumalik. Muli niyang tinawid ang batuhan at nang marating ang cove, naupo
siya sa lilim ng isang mayabong na puno ng Talisay.
Binuklat niya ang librong dala, doon sa pahina na kung saan
nakaipit ang bookmark niya. Pagkakita sa bookmark ay muli na naman niyang
naalala si Gerard dahil si Gerard din ang may bigay niyon sa kanya. May
dedication pa sa likod. “To my one and only. Happy reading!” My one and
only. Hmp! Nalungkot siya sa muling pagkaalala kay Gerard at sa
nangyari sa kanila. Isinaisantabi niya iyon sa kanyang isip. Sinimulan niya ang
magbasa.
Bago niya namalayan ay mataas na ang araw. Sa
tantiya niya ay pasado alas-dose na. Subalit hindi siya nakakaramdam ng gutom.
Sa halip ay inaantok siya. Isinara niya ang libro at siya ay pumikit. Naidlip
siya at nang magising ay mga bandang alas-dos o alas-tres na. Nag-swimming muna
siya at nang magsawa ay saka niya ipinagpasyang umuwi na.
Tahimik ang bahay. Ibig sabihin, hindi pa umuuwi
si Dolores. Nag-shower siya at nagbihis. Nasa kusina siya at naghahanda nang
makakain nang may marinig siyang mga katok sa pinto. Inisip niya kaagad na si
Dolores iyon kaya dali-dali siyang nagtungo sa pinto. Binuksan niya iyon at
siya ay nagulat. Dahil naroroon sa kanyang harapan, nakatayo ang isang lalaking
kaagad na nagpabilis sa tibok ng kanyang puso.
Si Lucas.
***
Nagdadapithapon na. At ang araw na papalubog sa
dagat ay kaygandang pagmasdan. Kahit paano’y kinalmante niyon ang kanyang
kalooban. Naglakad siya hanggang sa dulo ng cove, doon sa batuhan. Tinawid niya
iyon at nang siya ay makalipat, muli niyang nasilayan sa kabila ang mahabang
stretch ng puting dalampasigan at doon sa malayo ay kanyang natanaw ang Long
Beach na nagsisimula nang magkabuhay. Maningning na ang mga ilaw na tila
pagkakakulumpon ng mga alitaptap.
Binaybay niya ang tabing-dagat, buo ang desisyong
tunguhin iyon. Wala rin naman siyang ibang mapupuntahan. Hahanapin niya si
Dave. Higit kailanman, ngayon niya kailangan ang kaibigan. Sayang nga lamang at
hindi niya nadampot ang kanyang cellphone, hindi niya tuloy ito matawagan.
Bahala na. Mag-iikot siya. Maglilibot. Kesehodang isa-isahin niya ang mga bar
at restaurant doon, makita niya lang ito.
Mahaba-haba rin ang kanyang nilakad bago niya
narating ang Long Beach. At habang papalapit, hindi niya napigilang mamangha sa
kung gaano kasigla ang bahaging iyon ng beach. Napaka-festive ng atmosphere.
May musika na sa mga bar – chill-out, reggae, trance. Ang mga restaurants naman
ay nagse-set-up na ng mga mesang may candlelight sa dalampasigan. Naglipana ang
mga turista at bakasyunistang naka-beachwear, mamula-mula ang mga balat, na
namamasyal, nagsa-shopping sa mga souvenir shops o naghahanda na upang
mag-dinner.
Natagpuan ni Adrian ang sariling nakahalo na sa
crowd. At pansumandali siyang nalibang sa pagmamasid-masid. What a contrast sa
cove ni Dolores na tahimik at deserted. Dito ay napakasaya, parang walang
problema. Malaya ang mga taong mag-PDA – lalaki at babae, babae at babae,
lalaki at lalaki. Isang pareha ng lalaking parehong matipuno ang sinundan
niya ng tingin dahil ito ay magka-holding hands.
Habang naglalakad-lakad, umaasa siyang
makakasalubong niya si Dave by chance. Naniniwala siya – nararamdaman niya – na
ito ay kanya ring matatagpuan.
-- Excerpts from “San Marino Summer”. To read more, click
here.
Tandang-tanda niya pa ang mga sandaling iyon ng
pakikipaghiwalay sa kanya ni Renan. Kabilugan ng buwan, nasa veranda sila ng
isang restaurant sa Tagaytay. Tanaw na tanaw niya ang lawa at bulkan ng Taal.
Tinutugtog pa noon ng piyanista ang theme song nila. Napakasaya niya – soaring
ang pakiramdam – dahil si Renan ang nagplano ng dinner date nilang iyon na
inakala niyang early celebration ng nalalapit nilang anibersaryo. Hindi niya
mapigil ang sariling pagmasdan si Renan at lihim na ipagpasalamat na after five
years, sa kabila ng mga hindi pagkakaunawaan at friction, naroroon pa rin sila,
nagsasalo sa isang romantic dinner, making things work out at nagpapatuloy sa kanilang relasyon.
And then the bombshell came. Gusto na nitong
makipaghiwalay sa kanya.
Gulat siya. Hindi niya iyon inaasahan. Akala niya, ang purpose
ng dinner date na iyon ay upang ayusin at plantsahin ang relasyon nila na
nitong huli’y naging magulo at masalimuot nga.
Pinigil niya ang anumang reaksiyon. Unti-unti niyang naramdaman ang sakit subalit hindi siya
nagpahalata. Nagpakahinahon siya at nagpaka-proper. Tinanggap niya iyon nang
walang drama. Tinapos niya ang pagkain at umorder pa siya ng dessert na parang
ang pakikipaghiwalay sa kanya ni Renan ay no big deal.
It was a relief for Renan na ang inaasahan ay gagawa siya
ng eksena. But no, sorry to disappoint him. Mas pinili niyang hindi magpakita
ng anumang emosyon, magpaka-disente. Ni hindi siya nagtanong kung bakit. Ni
hindi niya inalam kung may third party. Although, may ideya na siya dahil
matagal na siyang may naririnig. Tinimpi niya ang sakit na bago natapos ang
gabing iyon ay naramdaman niya ang conversion sa galit.
***
Nang mag-isa na lamang, saka siya umiyak. Nag-self-pity
dahil kung kelan nagkaedad na siya at may mga insecurities na sa kanyang sarili,
saka siya iniwan ni Renan. Pagkatapos ng lahat, para siyang basura na itinapon
na lamang. Pagkatapos niya itong bihisan, papag-aralin, bigyan ng numero sa
lipunan.
Twenty years ang agwat ng kanilang edad at ngayong
naipagkaloob na niya ang mga pangangailangan nito at natupad na ang mga
pangarap, ang inaasahan niya sana’y patuloy siya nitong mamahalin at
paninindigan. Hindi dahil sa naghihintay siya ng kapalit sa kanyang mga nagawa kundi
dahil naniwala siya sa mga pangako nitong no matter what, tumanda man siya at
ma-obvious ang kanilang age gap, patuloy
pa rin siya nitong iibigin at hinding-hindi iiwan.
But reality bites. Nasa prime ng kanyang gulang si Renan
samantalang siya ay nasa katanghalian na. Kahit anong paganda at maintenance
ang gawin niya, hindi pa rin mapasusubalian ang bakas ng mga taon at hila ng gravity.
Pinagsa-sag siya, tinutuyot ang balat, pinaninipis ang buhok. Maghahanap at
maghahanap si Renan ng mas maganda, mas bata, mas sariwa.
Ilang linggo rin siyang nagmukmok. Hanggang isang araw, ipinagpasya
niya ang bumangon. Dinampot niya ang nagkapira-pirasong sarili at pinilit buuin
muli. Pinilit niya ring tanggapin ang nangyari at nagsimulang mag-move on.
Nagpa-make over siya, nagpa-surgery, nagpa-lipo. Hanggang sa kahit paano ay
manumbalik ang dating tiwala sa sarili.
Subalit ang lahat ng iyon ay tila nawalan ng saysay nang
isang gabi, habang naglalakad sa park, sino ang makakasalubong niya kundi si
Renan. Napaka-guwapo, napakakisig at mukhang napakasaya habang naglalakad nang
may ka-holding hands.
At siya ay natigagal. Dahil ang kasama ni Renan ay higit
pang matanda sa kanya!
***
“Hi,” ang bati sa kanya ni Renan, nakangiti. Napaka-casual
na para bang wala silang nakaraan.
Pinilit niya pa rin ang magpakatatag, muli man niyang
naramdaman ang matinding sakit sa kanyang kalooban.
Nang ipinakilala siya ni Renan sa kasama, malugod ang
kanyang naging pagbati. Nakipagkamay pa siya at nakipagpalitan ng pleasantries.
Poised siya nang magpaalam at maglakad palayo, walang
bakas ng anumang pagkatigatig ang mga hakbang gayong nang mga sandaling iyon ay
tila sasambulat ang kanyang dibdib habang pinipigil ang pag-iyak. Klaro na ang
lahat: hindi siya hiniwalayan ni Renan dahil naghahanap ito nang mas bata at sariwa
kundi dahil ayaw na talaga nito sa kanya. Na nasa kanya ang diperensya, siguro’y
dahil sa ugali niya, na masyado na itong nasakal dahil sa insecurities niya.
Muli siyang na-depress. Naisipan niya ang magpakamatay subalit nanaig ang kanyang
pride – hindi niya lulubos-lubusin ang pagiging talunan. Na dapat sa
ganitong kuwento ng buhay, magwagi ang api-apihan. Parang teleserye o pelikula na
dapat sa katapusan, nasa bida pa rin ang huling halakhak.
Tinawagan niya si Renan.
“Hi, Renan. It’s me. Gusto ko sana kayong imbitahin for dinner. Yes, kayong dalawa, dito sa bahay. Walang okasyon. Gusto ko lang na maging magkaibigan pa rin tayo. At siya rin, gusto ko siyang higit na makilala at maging kaibigan din. Yes, I'm cooking. Your favorites, of course. Bukas, around seven. You're coming? Good. See you then. Bye.”
***
GROCERY LIST
Brown Rice
Prime Ribs
Worcestershire Sauce
Garlic
Salt
Black Pepper
Sesame Seeds
Lemon
Mushrooms
Potatoes
Carrots
Baby Corn
Olive Oil
Red Wine
Rat Poison