Tuesday, April 15, 2014

Hey, Beach!

Maaga pa at hindi pa masyadong mainit ang araw. Malamig ang hihip ng hangin at banayad ang mga alon sa dalampasigan. Iginala niya ang paningin upang muli ay pagmasdan ang kariktan ng paligid. Huminga siya nang malalim. Gumaan ang kanyang pakiramdam at nalimot niya ang lahat. Tila nabura ang lahat ng kanyang mga pag-aalala at agam-agam sa buhay.

Nagsimula siyang maglakad-lakad sa dalampasigan at nang marating niya ang dulo ng cove, inakyat niya at tinawid ang batuhan. Sa kabila niyon ay tumambad sa kanya ang mas mahabang stretch ng beach. At doon sa una-unahan na medyo malayo-layo rin ay natanaw niya ang sinasabing Long Beach na kung saan naroroon ang mga turista. Naisip niya, maaari niya palang marating iyon basta’t tuntunin niya lang ang dalampasigan. Naisip niya rin ang kasiyahan doon ng mga bakasyunista, lalo na sa gabi na kung saan buhay na buhay ang mga bars at magdamagan ang party. At higit sa lahat, naisip niya si Dave. Kumusta na kaya si Dave? Nag-e-enjoy ba ito sa bakasyon? May nakilala na kaya itong bagong kaibigan? Hindi niya alam kung bakit parang bigla niyang na-miss si Dave.

Sinubukan niya sanang bagtasin ang dalampasigan upang marating ang Long Beach – baka by chance ay magkita sila roon ni Dave – subalit habang nagtatagal ay nararamdaman niya ang papatinding sikat ng araw. At dahil wala naman talaga iyon sa kanyang balak, ipinagpasya niya na lamang ang bumalik. Muli niyang tinawid ang batuhan at nang marating ang cove, naupo siya sa lilim ng isang mayabong na puno ng Talisay.

Binuklat niya ang librong dala, doon sa pahina na kung saan nakaipit ang bookmark niya. Pagkakita sa bookmark ay muli na naman niyang naalala si Gerard dahil si Gerard din ang may bigay niyon sa kanya. May dedication pa sa likod. “To my one and only. Happy reading!” My one and only. Hmp! Nalungkot siya sa muling pagkaalala kay Gerard at sa nangyari sa kanila. Isinaisantabi niya iyon sa kanyang isip. Sinimulan niya ang magbasa. 
Bago niya namalayan ay mataas na ang araw. Sa tantiya niya ay pasado alas-dose na. Subalit hindi siya nakakaramdam ng gutom. Sa halip ay inaantok siya. Isinara niya ang libro at siya ay pumikit. Naidlip siya at nang magising ay mga bandang alas-dos o alas-tres na. Nag-swimming muna siya at nang magsawa ay saka niya ipinagpasyang umuwi na.

Tahimik ang bahay. Ibig sabihin, hindi pa umuuwi si Dolores. Nag-shower siya at nagbihis. Nasa kusina siya at naghahanda nang makakain nang may marinig siyang mga katok sa pinto. Inisip niya kaagad na si Dolores iyon kaya dali-dali siyang nagtungo sa pinto. Binuksan niya iyon at siya ay nagulat. Dahil naroroon sa kanyang harapan, nakatayo ang isang lalaking kaagad na nagpabilis sa tibok ng kanyang puso.

Si Lucas.

*** 

Nagdadapithapon na. At ang araw na papalubog sa dagat ay kaygandang pagmasdan.  Kahit paano’y kinalmante niyon ang kanyang kalooban. Naglakad siya hanggang sa dulo ng cove, doon sa batuhan. Tinawid niya iyon at nang siya ay makalipat, muli niyang nasilayan sa kabila ang mahabang stretch ng puting dalampasigan at doon sa malayo ay kanyang natanaw ang Long Beach na nagsisimula nang magkabuhay. Maningning na ang mga ilaw na tila pagkakakulumpon ng mga alitaptap.

Binaybay niya ang tabing-dagat, buo ang desisyong tunguhin iyon. Wala rin naman siyang ibang mapupuntahan. Hahanapin niya si Dave. Higit kailanman, ngayon niya kailangan ang kaibigan. Sayang nga lamang at hindi niya nadampot ang kanyang cellphone, hindi niya tuloy ito matawagan. Bahala na. Mag-iikot siya. Maglilibot. Kesehodang isa-isahin niya ang mga bar at restaurant doon, makita niya lang ito.

Mahaba-haba rin ang kanyang nilakad bago niya narating ang Long Beach. At habang papalapit, hindi niya napigilang mamangha sa kung gaano kasigla ang bahaging iyon ng beach. Napaka-festive ng atmosphere. May musika na sa mga bar – chill-out, reggae, trance. Ang mga restaurants naman ay nagse-set-up na ng mga mesang may candlelight sa dalampasigan. Naglipana ang mga turista at bakasyunistang naka-beachwear, mamula-mula ang mga balat, na namamasyal, nagsa-shopping sa mga souvenir shops o naghahanda na upang mag-dinner.

Natagpuan ni Adrian ang sariling nakahalo na sa crowd. At pansumandali siyang nalibang sa pagmamasid-masid. What a contrast sa cove ni Dolores na tahimik at deserted. Dito ay napakasaya, parang walang problema. Malaya ang mga taong mag-PDA – lalaki at babae, babae at babae, lalaki at lalaki. Isang pareha ng lalaking parehong matipuno ang sinundan niya ng tingin dahil ito ay magka-holding hands.

Habang naglalakad-lakad, umaasa siyang makakasalubong niya si Dave by chance. Naniniwala siya – nararamdaman niya – na ito ay kanya ring matatagpuan.

-- Excerpts from “San Marino Summer”. To read more, click here.

6 comments:

Anonymous said...

pretty nice blog, following :)

Aris said...

@skyline: thanks. :)

Unknown said...

NICE! :)

Aris said...

@donald pal: hi dhon. glad to see you're back! :)

Unknown said...

i am here to stay ARIS. Looking forward to reading more of your stories. :)

Aris said...

@donald pal: good to know that. welcome back and thanks. :)