Friday, December 19, 2014

The Way Love Goes


Pumunta ako sa party na walang expectations. Basta’t ang nasa isip ko lang ay ang mag-enjoy. I just wanna get drunk and dance. You were farthest from my mind. But then, hindi ko alam na imbitado ka rin pala. At nang dumating ka, nagulat ako at napatulala. Na-tense ako habang papalapit ka.

***

Ilang taon na ba nang huli tayong magkita? Two? Three? Hindi ko na maalala. Basta, ang tagal na. At nang maghiwalay tayo, we’re not exactly okay. Nag-away tayo at galit ka. Ako rin, galit sa’yo. Nagkamurahan pa nga yata tayo. Iyon ay dahil sa selos – matinding selos – at ang anim na buwan nating relasyon ay nauwi sa wala.

***

I should have known na darating ka. Dahil ang host ng party ay common friend natin. In fact, siya ang nagpakilala sa atin, remember? Siya ang nag-match sa atin. At siya rin ang labis na nalungkot nang maghiwalay tayo. Had I known na imbitado ka rin, sana hindi na lang ako nagpunta. Sana iniwasan ko na lamang ang sitwasyong ganito – ang muli tayong magkita. Ang awkward kasi. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Kung paano kita haharapin.

Parang nag-stand still ang paligid habang ikaw ay papalapit nang papalapit. Pati mga friends na kasama ko sa circle ay parang na-tense din. Nag-aabang sa kung ano ang mangyayari sa muling pagtatagpo natin.

***

I’ve made up my mind na dedma lang ako – tahimik. At most siguro ay ngingitian kita nang tipid. Iiwasan ko hangga’t maaari ang magsalita – ang kausapin ka. Mas safe ang ganoon para hindi na muling manariwa ang anumang naging samaan ng loob natin.

***

Hindi ako makaiwas ng tingin dahil nakaharap ako sa iyong direksiyon – sa entrance na kung saan ka nanggaling. Kaya napagmasdan kitang mabuti habang paparating. Punumpuno ka ng confidence, saying hello sa mga nadaraanang kakilala. Ikaw pa rin ang dating ikaw na makisig ang tindig if not better looking dahil sa pagkakalaman ng iyong dibdib. Ang nagagawa nga naman ng work-out. Kung dati-rati’y conscious ka sa medyo pagiging impis, ngayo’y proud na proud ka na sa pagiging matipuno. Na-achieve mo na ang goal mo sa pagdyi-gym na noo’y lagi mong binabanggit sa akin.

I held my breath nang magtama ang ating paningin. Nagulat ka rin. Hindi mo rin siguro inaasahang makikita mo ako nang gabing iyon. At dahil aware ka na sa aking presence, hindi ko alam ang gagawin. Gusto kong umiwas, gusto kong maglaho. I wasn’t prepared for this. Hindi ko alam kung paano magbe-behave. Deep inside, natataranta ako. Nagpa-panic.

Una mong binati ang mga kaibigan kong nakapaligid sa akin. At nang halos sure na akong iisnabin mo ako, saka mo ako hinarap at nasilayan ko ang iyong ngiti. Hindi lang sa mga labi kundi pati sa mga matang tila nanunuot kung makatingin.

“Hi,” ang iyong sabi sabay beso at yakap sa akin. Mahigpit.

Napayakap na rin ako. Nadama ko ang ngayo’y bato-bato mo nang mga muscle. Nalanghap ko ang iyong pabango, dati pa rin – ang paborito mong Contradiction by Calvin Klein.  At ako’y napapikit, tila saglit na nakalimot habang ang pakiramdam ng iyong katawan ay nanumbalik hindi lamang sa aking pandama kundi pati sa alaala.

***

Nang magbitiw tayo, nakangiti na rin ako. At dahil sa hindi ko inaasahang mainit na pagbati mula sa’yo, ang agam-agam at kanina’y discomfort ay tila biglang naglaho. Genuinely I was happy na nagkita tayo. Parang biglang-bigla ay nagkabuhay ang party, nagkaroon ako ng rason to be there.  At ang gabi’y napuno ng pangako, ng excitement sa maaaring mangyari. Magkakaroon ba tayo ng pagkakataong mag-usap? Magkapaliwanagan at magkahingian ng sorry?

“Catch you later,” ang iyong sabi bago umalis.

“Yeah,” ang tangi kong naisagot habang inihahatid ka ng tingin.

Pagbaling ko sa mga kaibigan ko, nakangiti sila. May magkakahalong pahiwatig sa mga mata – panunukso, pang-iintriga, tuwa.

May pahapyaw pang kumanta:

Two old friends
Meet again
Wearing older faces…

***

I had to check myself kaya nag-restroom ako.

At doon sa harap ng salamin, pinagmasdan ko ang aking sarili. Suddenly, na-conscious ako sa aking itsura. Ang guwapo mo pa rin kasi and I just wanna make sure na… guwapo rin ako. I should have worn long sleeves. I should have gelled my hair. At sana nag-contacts ako instead na nagsalamin. I should have concealed my dark circles. Nevertheless, I decided I don’t look bad at all. Okay pa rin naman ako. Mukhang katulad pa rin ng dati. Never mind the imperfections. Noon namang nagkakilala tayo ganito na ako at nagustuhan mo pa rin ako.

***

“Why didn’t you tell me?” ang kaagad kong sabi sa host ng party na common friend natin.

Alam niya na ikaw ang aking tinutukoy at siya ay napangiti. “It was a surprise, honey.”

“And why do you have to surprise me with him?”

“Dahil gusto kong magkaayos na kayo – ma-patch up ang differences n’yo.” 

“You mean, be friends again?”

“Yeah. At the very least.”

Nagkibit-balikat ako.

“Alam mo ba kung bakit ko siya inimbita?

Nagtatanong ang aking mga mata.

“Kasi lagi ka niyang kinukumusta. Naisip ko, magandang pagkakataon ito para sa inyo... upang magkabati na. And who knows… baka magkabalikan pa kayo!”

***  

Aaminin ko, affected much ako ng muli nating pagkikita. Na pinalala pa ng panunukso ng friend natin na para bang kahapon lang tayo nag-break. Ang tagal na kaya. At nakapag-move on na ako. Nakapag-move on na nga ba? Sure, I had boyfriends after you but…  hindi rin sila nagtagal, pulos nauwi  sa break-up. Hanggang sa mag-decide ako na ayoko na. Nakakapagod lang ang magpapalit-palit, magpalipat-lipat. Kaya single ako ngayon… and not looking. But why am I feeling disturbed right now? Dahil ba sa iyong presence? I’m sure nakapag-move ka na rin. If your new physique is any indication, hindi ka naapektuhan ng break-up natin noon. You made the most out of it. Nagpaganda ka sa halip na nagpaka-miserable. In other words, nakabuti pa sa’yo ang paghihiwalay natin. If only for that, wala na akong dapat asahan. Malamang sa hindi, may bago ka na ngayon na nagpapasaya sa’yo at nagbibigay-inspirasyon. 

Sige, aaminin ko na rin. Ngayong nagkita tayo after a long, long time saka ko lang na-realize na may soft spot ka pa rin sa akin. Akala ko nakalimutan na kita. But then, sa ngayon, habang umiikot ka at nakikipag-chikahan sa ibang guests, hindi ko maiwasang maya’t maya’y apuhapin ka ng tingin. May kakaibang feeling – Happiness? Longing? – na hatid ang pagmamasid ko sa iyong bawat kilos.

***  

Just when I decided na ikaw ay lapitan, natigilan ako dahil sa biglang pagsulpot ng isang bagong bisita – bisita nga ba o gatecrasher? – na kaagad nagpainit sa aking dugo.

Ang taong naging dahilan ng paghihiwalay natin!

Bakit siya naririto? Huwag mong sabihing inimbita rin siya ng friend natin. What is this, some kind of a joke? I’m out of here.

Pero bago pa ako nakakilos, nagawa na niya akong harangin. And as if I am his long lost friend, binati niya ako nang buong tamis at bineso pa. Nagpaka-civil ako pero labag sa kalooban ko na siya ay pansinin. Alam kong alam niya na nagkahiwalay tayo dahil sa kanya and yet, he seemed unaffected, walang bakas ng anumang guilt. Ako lang itong nagngingitngit. At siya, ngiting-ngiti na para bang tuwang-tuwa pagkakita sa akin. Marahil tuwang-tuwa nga dahil nakikita niya ngayon how miserable I have been. No, I take that back. Hindi naman ako naging miserable. Siguro, oo, noong una. But now, I’d like to think na hindi ko naman iyon hinayaang manaig.

Pagkagaling niya sa akin, sa iyo na dumiretso. At ‘yun na, nakita ko na kung gaano kayo kasayang dalawa habang nakikihalubilo sa ibang bisita. May paakbay-akbay pa siya sa’yo, may pabulong-bulong at pahampas-hampas pa. At ikaw nama’y tawang-tawa sa kung anumang sinasabi niya. Kayo na ba? Nang pinagselosan ko siya at hiniwalayan mo ako, sa kanya ka ba tumakbo? Tinotoo mo ba ang mga bintang at pagdududa ko sa inyong dalawa?

Hindi ko yata matiis na panoorin kayo dahil parang ginugutay ang puso ko.

***

“Gurl, I'm sorry,” ang sabi ng friend natin na nag-host ng party. “I didn't know...”

Napatingin ako sa kanya, nakakunot-noo.

“Hindi ko alam na sila na pala.”

“Bakit siya naririto?” ang tanong ko. “Inimbita mo ba?”

“No. Kaya lang siya ang plus one ng ex mo.”

Napabuntonghininga ako.

“Gurl, are you okay?”

“Yeah.”

Pause sandali. Ramdam ko ang mapanuring mga mata ni friend.

“May feelings ka pa sa kanya...” ang sabi pagkaraan.

Gustuhin ko mang tumanggi at magsinungaling, hindi ko nagawa.

***

Nagsindi ako ng sigarilyo. Mag-isa na lamang ako sa veranda, umalis na si friend dahil may mga bagong dating na kailangan niyang asikasuhin.

Habang nakatanaw sa hardin, hindi ko naiwasang mag-isip -- ang harapin at suriin ang tunay kong damdamin. Bakit parang apektadong-apektado ako sa pagkikita nating ito? Lalo na nang makita ko siya at makumpirmang kayo na pala. Parang hindi ko matanggap. Masakit.

After all these years, hindi ko inakalang sariwa pa pala ang sugat ng naging paghihiwalay natin. Hindi ko rin inakalang mahal pa rin kita.

***

After finishing another cigarette and a glass of gin tonic, ipinagpasya kong bumalik na sa loob na kung saan nasa kasagsagan na ang kasiyahan ng pagtitipon.

Hindi na kita kinailangang hanapin dahil kusang iginiya ako ng aking mga mata sa iyong direksiyon. Humawi ako sa mga nagsisisayaw at humakbang papalapit sa iyo. Napatingin ka sa akin at nang magsalubong ang ating mga mata'y napangiti ka. Hindi ko na halos maramdaman ang pagsayad ng aking mga paa sa sahig, para bang ako'y nagga-glide na lamang patungo sa iyong kinaroroonan. At nang ilang hakbang na lamang ang ating agwat, eksakto namang nagpalit ang music -- ang paborito nating remix na noong tayo pa ay madalas nating sayawan kapag tayo'y nagka-clubbing.

Iniabot ko ang aking kamay nang hindi naglalayo ng tingin.

“Wanna dance?” ang aking sambit.

“Sure,” ang iyong sagot, nakangiti pa rin.

Tinanggap mo ang aking kamay at ikaw na mismo ang nagdala sa akin sa dancefloor.

We started dancing. Sa una'y tila pareho tayong hindi alam ang sasabihin, nagpapakiramdaman lang. Subalit maya-maya'y bumulong ka sa akin.

“I missed you.”

Binalot ako ng warm feeling.

“I missed you, too.”

Tila sapat na iyon upang magkaintindihan tayo, upang ma-assure natin ang isa't isa na pareho pa rin tayo ng damdamin.

Napasulyap ako sa mga taong nasa paligid. Namataan ko siya na nakatingin sa atin, nakangiti subalit nasa mga mata ang paninibugho, pag-aalala at galit. Mahal mo ba siya?

Nagpalit ang tugtog at humigpit ang hawak mo sa akin. Naramdaman ko ang iyong init at nang tayo'y magdikit, tuluyan na akong nagpatianod kahit na alam kong ako'y maaaring matupok. Mahal pa rin kita. Inakala ko lang na naka-get over na ako sa'yo pero hindi talaga.

Nagpasya ako. Aagawin kita – no, babawiin – dahil kahit kanya ka na ngayon, una kang naging akin.

6 comments:

rootsteem said...

Best story for christmas, binasa ku lahat ng stories mu dito.. and i have to admit.. ito ang pinakamasayang ending.. babawiin,dahil una siyang naging akin.. Perfect!

AnonymousBeki said...

Nakakadala teh mga sinusulat mo, aylabet! Nalungkot ako na ewan. Bago lang ako dito sa blog mo at unang basa ko pa lang ay humanga na ako sa husay mo sa pagkikwento. Noong una nga ay ay inakala kong totoong buhay ang inilalahad mo dahil sa husay mo sa pagsusulat. Idolo ko talaga ang mga tulad mo, mga mahuhusay pumili ng saktong salita para mas maintindihan ng mga mambabasa, higit sa lahat may puso. Sana maging katulad rin kita sa husay sa larangan
na iyan.

Jay Calicdan said...

Para sa akin, bakit pa siya mag-iisip kung simula't sapul pa lang e kanya na siya? Ay! Ang ganda! Sana yung sa akin rin, makuha ko pa! :(

NocturnalSaint said...

OMG. I suddenly felt sad. I know how it feels.

Anonymous said...

Nice one. Ang galing naman. :)
-- Rheb

tadong daniel said...

Nung malapit ko nang matapos ang sulat mo, bumulong ako na sana hindi pa matuldukan ito. Nakakapanabik. Kakaiba. Daming feels. Hehe.