Nakita kita sa simbahan. May kasamang iba.
Nagsisimba ka na pala ngayon.
Noong tayo pa, kahit minsan hindi kita nayayang magsimba. “Hindi ako religious,” ang sabi mo pa.
Isa iyon sa mga dahilan kung bakit nagkahiwalay tayo.
Iniwasan kita. Mas mabuti nang hindi mo ako makita.
***
Pagkatapos ng misa, muling nag-krus ang landas natin.
Sa bookstore sa kalapit na mall. Kasama mo siya.
Noong tayo pa, kahit minsan hindi mo ako sinamahang mag-bookstore. “Hindi ako mahilig magbasa,” ang sabi mo pa.
Isa uli iyon sa mga dahilan kung bakit nagkahiwalay tayo.
Iiwas sana ako subalit nagkasalubong na ang ating mga mata.
***
“Kumusta?” ang bati mo.
“Mabuti,” ang tugon ko.
Ipinakilala mo ako sa kasama mo. Kunwari wala tayong nakaraan.
“Saan kayo galing?” ang chika ko pa.
“Nagsimba,” ang sagot niya.
“Uy, nagsisimba ka na,” ang tukso ko sa’yo.
“Oo. Good boy na ako,” ang sagot mo, nakangiti.
“At nagbabasa na rin,” ang dugtong ko pa.
“Dahil sa kanya,” sabay turo sa kasama mo.
Ngumiti siya at nakita ko sa mga mata niya na proud siya dahil napagbago ka niya.
***
Bitbit ang mabibigat na libro, lumabas ako ng bookstore na mabigat din ang dibdib ko.
Sa huling sulyap, nakita ko kayong masayang nagba-browse.
Willing ka palang magbago at mag-adjust, bakit hindi pa sa akin noon?
Sana tayo pa rin hanggang ngayon.
At sana hindi ako nagbabasa ng romance upang pawiin ang lungkot.
*previously posted as Ex-sena in 2010.
No comments:
Post a Comment