Kaagad akong pumihit at humakbang palapit sa kanya. Nag-uumapaw ako sa tuwa.
Ngiting-ngiti siya habang pasalubong sa akin.
At kahit maraming tao, hindi namin napigilan ang magyakap nang kami ay magtagpo.
Si Richard. Miss na miss ko siya. At dama ko sa higpit ng yakap niya na miss niya rin ako.
Iyon ang muli naming pagkikita pagkatapos naming maghiwalay. Ilang buwan na rin ang nakakaraan.
“Kumusta?” ang halos sabay pa naming bati sa isa’t isa.
Pinagmasdan ko siya. Iba na ang kanyang itsura. Bihis na bihis at halatang mamahalin ang damit. Higit siyang pumuti at kuminis. May bitbit siyang paperbag ng Smart.
“Anong ginagawa mo rito?” ang tanong ko.
“May binili lang,” sabay muwestra sa bitbit niya.
“Wow, cellphone!” ang sabi ko.
“Binigyan ako ni Dan ng pambili ng bago. Luma na raw kasi ang cellphone ko.”
Ang tinutukoy niyang Dan ay ang mayaman niyang boyfriend. Parang nakaramdam ako ng inggit. Gayunpaman, natutuwa akong makita siyang maayos at masaya.
“Bakit dito ka pa namili?” ang tanong ko.
“Mura kasi. At saka dito pa rin ako sa Maynila nakatira. Diyan lang sa Sampaloc ang apartment ko.”
“Bakit, hindi ka pa rin ba nakatira kay Dan?”
“Baka palipatin niya na ako sa bahay niya. Ngayong legal na kaming dalawa.”
Napakunot-noo ako. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Pauwi ka na ba?” ang tanong niya sa halip na sagutin ang tanong ko.
“Oo.”
“Halika, uminom muna tayo. Libre kita.”
“May pasok ako bukas.”
“Kahit isa o dalawang bote lang. Para makapagkuwentuhan tayo.”
Hindi na ako nakatanggi.
“Ikaw, bakit ka nandito?” ang tanong niya habang papalabas kami ng mall. “Huwag mong sabihing balik-Quiapo ka.”
“Hindi. Kumain lang ako. May binili akong libro kanina sa Recto.”
Naghanap kami ng mumurahing beerhouse, katulad ng mga pinupuntahan namin noon. Nagbalik sa aking alaala ang mga panahong lagi kaming magkasama at nilulunod sa alak ang mga hinagpis namin sa buhay.
Umorder siya ng San Mig Light. At saka sisig.
“Big time ka na talaga,” ang sabi ko.
“Hindi naman,” ang sagot niya. “Gusto ko lang i-celebrate ang muli nating pagkikita kaya sinamahan ko na ng pulutan.”
Nagsimula kaming uminom. At magkuwentuhan.
“May hindi ako sinabi sa’yo noon,” ang panimula niya. “Kabit lang ako ni Dan. May iba siyang boyfriend kaya ibinahay niya ako. Matagal din naming itinago ang aming relasyon. Nitong huli lang, nabuko kami ng boyfriend niya. Umamin si Dan at nauwi iyon sa paghihiwalay nila. Hindi ko alam kung bakit ako ang pinili niya gayong matagal na sila. Siguro dahil na-bore na siya sa relasyon nila. Siguro dahil mas nabibigyan ko siya ng excitement na hinahanap niya.”
Napatingin ako sa kanya, dina-digest ang ipinagtapat niya.
“Mabait si Dan,” ang patuloy niya. “Galante. Pero iniiwasan kong humingi dahil ayokong isipin niya na inaabuso ko siya. Kusa niya akong binibigyan. Tumutulong-tulong ako sa business niya para makaganti sa mga kabutihan niya.”
“Masuwerte siya sa’yo,” ang sabi ko.
“Masuwerte rin ako sa kanya dahil binigyan niya ako ng pagkakataong ayusin ang buhay ko.”
“Sana makatagpo rin ako ng kagaya ni Dan.”
“Makakatagpo ka rin.”
Mabilis na sumagi sa isip ko si Gilbert. “Pero, teka. Palagay ko, natagpuan ko na siya.”
Namilog ang mga mata ni Richard. “Talaga?”
“Mabait. Guwapo. Mayaman. Gusto ko siya. Kaya lang hindi ako sigurado kung gusto niya rin ako.”
“Sino siya? Saan mo nakilala?”
“Customer ko sa Malate noong Sabado. Akalain mo ba na sa hotel ako dinala? At sobra-sobra ang ibinigay sa akin.”
“Ibig sabihin, nagustuhan ka. Magandang senyales yun. Kami ni Dan, parang ganyan din nagsimula.”
“Actually, hindi siya mawala sa isip ko. First time ko itong maramdaman sa isang customer.”
“Magkikita ba kayo uli?”
“Hindi ko alam.”
“Bakit? Hindi ba kayo nagpalitan ng number?”
“Paggising ko kasi, wala na siya. At saka wala akong cellphone, di ba?”
“Ganoon ba?” Dumukot si Richard sa kanyang bulsa. Inilabas ang lumang cellphone niya. “O, sa’yo na ‘to,” ang sabi.
Hindi ako makapaniwala. “Sigurado ka?”
“Di ko naman na kailangan ‘yan. Meron na akong bago.”
Mula sa paperbag, may kinuha siya.
“Sa’yo na rin itong bagong sim card. Di ako magpapalit ng number. Dati pa rin ang gagamitin ko.” Inayos niya muna ang sim card at sinave ang numero niya bago tuluyang ibinigay sa akin ang telepono.
Tuwang tuwa ako. “Wow, salamat.”
“Kailangan mo ‘yan sa trabaho. At malay natin, baka dahil diyan, magka-lovelife ka na rin,” ang sabi niya nang nakangiti.
Nakangiti rin ako habang dinadama sa aking palad ang cellphone.
“Text-text tayo ha?” ang sabi niya.
“Siyempre naman.”
***
Nang sumunod na Sabado, muli akong tumambay sa dating kanto na kung saan nagkakilala kami ni Gilbert. Hindi pagbebenta ng sarili ang pakay ko kundi ang makita siyang muli.
Buong linggo, siya ang laman ng isip ko. At habang nakatayo, hindi lumalayo ang tingin ko sa bar na pinanggalingan niya noon.
Subalit nakailang sigarilyo na ako, wala pa rin kahit anino niya. Naisip ko na baka hindi siya nagpunta. Wala mang katiyakan, patuloy akong naghintay. Puno ng pag-asa at pagbabaka-sakali.
“Puwede ka ba?”
Napapitlag ako pagkarinig sa tinig na iyon. Kaagad kong binalingan ang nagsalita. Akala ko si Gilbert na. Subalit hindi pala.
Isang mataba at pandak na lalaki. Namumuti sa foundation ang mukha at puno ng pagnanasa sa mga mata.
Umiling ako bilang pagtanggi.
Subalit mapilit ang lalaki. “Sige na, magpresyo ka. Type lang kita eh.”
“Hindi ako callboy,” ang sagot ko sabay layo sa kanya.
Subalit sinundan niya ako.
“Anong hindi,” ang pangungulit niya. “Matagal na kitang nakikitang nagpapa-pick-up dito. Bakit ba ayaw mo? Magbabayad naman ako.”
Tiningnan ko siya nang masama.
Hindi pa rin tumigil ang lalaki. Hinawakan ako sa braso. “Sige na. Magkano ba?”
“Bitiwan mo ako,” ang sabi ko.
Subalit lalong humigpit ang hawak niya sa akin. “Pumayag ka na.”
“Sinabi nang bitiwan mo ako!” Kumawala ako nang pilit subalit ayaw niyang bumitiw.
“Putang ina! Ano ba!” ang sigaw ko sa kanya.
Patuloy ako sa pagpupumiglas nang isang tinig ang aking narinig.
“Bitiwan mo siya!”
Napatingin ako sa pinagmulan niyon. Napasinghap ako sa pagkagulat. Sa kabila ng sticky situation ko, binalot ng galak ang aking puso.
Si Gilbert.
“Bakit, sino ka ba?” ang asik ng lalaki.
“Ako ang boyfriend niya.” Hindi ako makapaniwala na iyon ang kanyang naging tugon.
“Boyfriend? E callboy ito eh. Boyfriend ng bayan.”
Nagdilim ang mukha ni Gilbert. Napuno ng galit. Kaagad na umigkas ang kanyang kamao.
Dumapo iyon sa mukha ng lalaki. Na sinundan ng isa pa. Sa lakas ng magkasunod na suntok, tumilapon ito at napahandusay. (I swear, nakita kong parang nagka-eyeshadow at blush-on ang foundation ng lalaki.)
Sumugod si Gilbert at umakmang tatadyakan pa ito.
Napasigaw ang lalaki. “Huwag! Tama na!” Gumapang ito palayo at nagkukumahog na bumangon. At nang makatayo, hintakot na nagtatakbo.
For a moment, nakatingin lang ako kay Gilbert. Para akong nananaginip.
Maya-maya, inabot niya ang aking kamay. Hinawakan niya iyon nang mahigpit.
“Halika, sumama ka sa akin,” ang sabi.
(Itutuloy)
Part 6
13 comments:
Wow!.... pagkakataon nga naman haist ako kelan ko kaya mahahanap totoong magmamahal sakin o kailanga kopa kaya yon? tsk tsk..... thanks so much sa story mo dude... can't wait for the next one....
-shanejosh-
i can't wait for your next post. i love it when people fall in love.
parang hango sa totoong buhay...
friend - ganda naman. parang i know the susunod na chapter?
take care always!
-bewired
Fiction or true to life?
...abangan!
Galing ah!
dear lord, sana happy ang ending.
fiction??? parang sagad sa katotohanan, galing eh!...
i really love your stories.. true to life ba ang mga yan?
galing ng pagkakahabi!
galing naman!
hay kaya ayoko bumisita d2 eh... laging bitin! hmmm...
oh my godness, bitin na naman ako nito. lol
This is so heartwarming,an inspiration to those who are desperately seeking to find true love in a place where lust,desire and lies only exists.
Post a Comment