Sunday, May 15, 2011

Plantation Resort 7

Nakatingin sa kanya ang ama’t ina na may pagtataka kung bakit apektadong-apektado siya.

Natigilan si Alberto. Binabaan ang boses upang huwag ipahalata ang labis na pag-aalala. “Sinong bata, Nay?” ang ulit niya. “Ano’ng nangyari?”

“Si Isabel. Tinangka siyang lasunin ni Saling.” Si Saling ay isa sa mga katulong sa malaking bahay.

“Ho?” Nagulat si Alberto.

Gayundin si Mang Berting. “Bakit ginawa iyon ni Saling?”

“Bilang paghihiganti.”

“Paghihiganti? Bakit? Kanino?”

“Sa ina ni Isabel,” ang sagot ni Aling Rosa. “Nakalimutan mo na ba? Si Saling ang asawang iniwan ni Delfin nang makipagtanan kay Miss Josephine.”

Natigilan ang mag-ama. Nagbalik sa alaala ang iskandalo noon.

“Ano’ng nangyari? Paanong nilason?” ang tanong ni Mang Berting pagkaraan. Nakikinig lang si Alberto, hindi alam ang sasabihin.

“Humingi ng juice ang bata kay Saling. Doon niya inihalo ang lason.”

“Anong lason?”

“Talampunay daw.”

Napakunot-noo si Mang Berting. “Nakalalason ba ang talampunay? Parang droga lang ‘yun na nakasisira ng katinuan.”

“Depende siguro sa dami ng dahong pinakuluan,” ang sagot ni Aling Rosa.

“Ano’ng nangyari sa bata?”

“Nahilo. Nagsuka. Kinumbulsyon.”

“Paano nalamang si Saling ang may gawa?”

“May nakakita sa kanya. At saka umamin nang kinumpronta.”

“Ano’ng nangyari kay Saling?”

“Pinagsasabunutan siya ni Doña Anastasia. Pinagsasampal. Pinagtatadyakan.” Napabuntonghininga si Aling Rosa. “Napakalupit pala ng Donya.”

“E si Don Miguel, ano’ng ginawa?”

“Pinalayas niya si Saling. Hindi lang sa malaking bahay kundi sa buong plantasyon. Hinding-hindi na siya maaaring tumapak dito kahit kailan.”

Napailing na lamang si Mang Berting.

Si Alberto naman, sa kabila ng pag-aalala kay Isabel, ay nakahinga nang maluwag dahil hindi kay Miguelito nangyari ang panglalason.

Tahimik nilang ipinagpatuloy ang pagkain. Bawat isa ay naging okupado ng sariling isipin.

Dalawang araw ang lumipas bago nagkaroon ng balita si Alberto tungkol kay Isabel. At iyon ay nakarating sa kanya sa pamamagitan ni Miguelito. Muli itong dumalaw sa kubo nila at katulad noong una, wala siyang pagsidlan ng tuwa.

“Nakalabas na ng ospital si Isabel. Maayos na ang kanyang lagay.”

“Mabuti naman kung ganoon.”

“Ikaw, kumusta ka na?”

“Heto, nagpapagaling pa rin.”

Pumasok sila sa bahay.

“Dito ka na mananghali. Magluluto ako,” ang excited niyang sabi. “Pero kailangan muna nating mamingwit ng tilapia sa likod bahay. Tiyak na mag-e-enjoy ka.”

“Hindi ako maaaring magtagal,” ang sagot ni Miguelito.

“Ha? Bakit?”

“Nagpunta lang ako para magpaalam.”

“Ha?” Napatitig siya kay Miguelito. Nagsimulang mapalitan ng lungkot ang tuwa sa kanyang mga mata.

“Aalis na kami bukas. Dahil sa nangyari, ayaw nang magtagal ni Mama dito sa plantasyon. Pati si Tita Rosario, gusto na ring bumalik sa Maynila. Natatakot siya na baka mangyari kina Leandro at Sofia ang nangyari kay Isabel.”

Tuluyan nang nalungkot si Alberto. “Kelan uli kayo babalik?”

“Hindi ko alam. Maaaring matagal uli. Depende kay Mama.”

Natahimik si Alberto, napayuko.

“Bakit?” ang tanong ni Miguelito.

“Wala. Nalulungkot lang ako.” Nag-angat siya ng mukha. “Kaytagal kong hinintay ang iyong pagbabalik. Tapos, aalis ka na kaagad.”

“Akala ko nga magtatagal kami.”

“Mami-miss kita,” ang kanyang sabi.

Lumapit sa kanya si Miguelito. “Huwag kang mag-alala, susulatan kita.”

Bahagya siyang napangiti. “Sige, magsulatan tayo.”

Nagulat siya nang bigla siyang niyakap ni Miguelito. “Paalam, Alberto.”

Napayakap na rin siya rito. “Paalam, Miguelito.”

Higit siyang nagulat sa sunod na ginawa nito. Hinagkan siya sa pisngi. Pagkatapos, naramdaman niya ang pagdampi ng mga labi nito sa mga labi niya.

Napapikit siya. Parang tumigil ang galaw ng paligid. Pati kahol ni Bantay ay parang hindi niya marinig.

Matagal silang nanatiling ganoon. Magkayakap na parang ayaw magbitiw.

At nang magmulat siya ng mga mata, napapitlag siya nang makita kung sino ang nakatayo sa pintuan ng kubo nila.

Si Leandro. Sinundan pala si Miguelito at hindi nila namalayan ang pagdating.

Nakatingin sa kanila. May panibugho sa mga mata.

Kaagad silang nagbitiw. At bago pa siya nakapagsalita, tumalikod na ito.

“Leandro,” ang tawag ni Miguelito.

Tumigil sa paghakbang si Leandro at nilingon si Miguelito.

“Umuwi na tayo,” ang sabi nito.

Saglit na tumingin si Miguelito kay Alberto bago tuluyang umalis kasama si Leandro.

Mula sa bintana, tinanaw niya ang paglayo ng dalawa hanggang sa maglaho ang mga ito sa paningin niya.

Maya-maya, hinaplos niya ang kanyang pisngi. Pagkatapos, sinalat ang kanyang mga labi.

At sa kabila ng napipintong pangungulila, siya ay napangiti.

(Itutuloy)

Part 8

19 comments:

Bash said...

Oh my god! Nung ganyang edad ako, Busy ako sa paglalaro ng Jackstone, Chinese garter at Paper dolls! HAHAHA

Unknown said...

Nice :)

Anonymous said...

Iisipin ko na naman kung ano ang next..di ko ito nahulaan. ang galing mo talaga aris. i'm your number one fan.jan

Aris said...

@iamsuperbash: ako, busy sa pakikipagtaguan. :)

@iamjoross: thanks and welcome to my blog. :)

@jan: i just hope na patuloy kang mag-enjoy. salamat uli. ingat always. :)

RoNRoNTuRoN said...

wow. weeeeeee.... bitter sweet naman nito. pero grabe, muntik ako napasigaw sa sobrang kilig. haha. keep it up! sobrang natutuwa ako sa yo at sa mga istorya mo.

Griffen Michael said...

Ay makiri pala talaga tong si Alberto. Hahaha. Kelan susunod na kabanata? Galing mo talaga aris. Hahaha

Lalaking Palaban said...

hala! makasalanang mga labi! hihihi...

tagal bago nasundan ang 6 nito ah. :( sana 8 na...

Mars said...

hhahahha... nice!

makata ei!
sabi ko na nga may lansa din c leandro ehhehehe...

sana may next chapter na ehhehe...

tagal kasi ng updating ni aris hehehe :)peace...

-mars

Aris said...

@ron: salamat uli. masaya ako na nagugustuhan mo ang mga kuwento ko. tc. :)

@griffen michael: makiri talaga? hahaha! pipilitin kong i-post kaagad ang kasunod. thanks. :)

@lalaking palaban: sorry about the delay. promise, mas mabilis ang next chapter. :)

@mars: tatlo na kayong nagrereklamo sa tagal ng karugtong. hehehe! don't worry, mas bibilisan ko ngayon. huwag bibitiw. :)

Jhamy whoops! said...

nice nice.. d kaya nag selos ang isa? hmm.. love triangle kaya? sana magpost ka agad nang susunod na kabanata! :)

Aris said...

@jhamy whoops!: hello again. don't worry, ginagawa ko na ang next chapter. maraming salamat sa pagsubaybay. ingatz. :)

Anonymous said...

simple but truly enchanting..

reynan

Anonymous said...

nice one bro!!!


_theo_

Anonymous said...

How sad

sunny said...

nobela, keep it up! winks!

Chuckito said...

paker! wla pa palang part 8:(

Aris said...

@reynan: salamat. :)

@theo: salamat din sa'yo. :)

@anonymous: pansamantala lang. darating pa rin ang ligaya. :)

@kuyakoy: thanks. actually nobela talaga ito dahil sa sobrang haba. sana sundan mo palagi. :)

@chuckito: abangan mo na lang. lapit na. :)

Anonymous said...

Minsan narin akong natalampunay nung High school ako, tengineng dahon yan pinahiya ako sa buong barangay sa probinsya. magagawa mo palang maghubad at lumabas ng bahay ng di mo alam. hahaha meron kami nun sa likod bahay. gagamitin ko yun sa mga kras kong basketball player sa university namin. hahaha

Aris said...

@anonymous: ako, di ko pa nasubukan. nakuwentuhan lang ako ng mga nakaranas na niyan. naku, mawawala ka raw talaga sa sarili. haha! at maaaring malason din kapag nasobrahan. kaya ingat lang. :)