Naghintay siya subalit wala kahit isang sulat na dumating. Gayunpaman, hindi siya nawalan ng pag-asa at patuloy na naghintay.
Umusad ang panahon. Hanggang sa ang kanyang paghihintay ay hindi na sa pagdating ng sulat kundi sa pagdating ni Miguelito.
Disisiyete anyos na siya at nakapagtapos na ng hayskul. Tigil na siya sa pag-aaral at sa darating na tag-ulan, nakatakda na siyang magtrabaho sa pataniman.
Ikinalulungkot niya iyon dahil pangarap niya ang makapagkolehiyo. Subalit bilang anak ng isang trabahador, kailangan niyang tanggapin ang kanyang kapalaran.
Ang tanging nakakapagpasaya na lamang sa kanya ay ang inaasahang pagbabalik ni Miguelito na alam niyang magbibigay-aliwalas sa kanyang makulimlim na hinaharap.
At hindi nga siya nabigo. Dahil Biyernes Santo nang hapon habang tahimik sa pangingilin ang buong plantasyon, tahimik ding dumating si Miguelito. Wala siyang kamalay-malay dahil nasa simbahan siya at tumutulong sa pag-aayos ng karo.
Bandang alas-singko, umuwi siya para maligo at magbihis. Wala sa kubo ang kanyang ina na susunduin niya rin sana para sa prusisyon. Nalaman niya sa ama na ipinatawag ito sa malaking bahay dahil dumating nga si Miguelito.
Hindi siya nakapagsalita sa pagkabigla. At nang matauhan, halos liparin niya ang malaking bahay sa labis na tuwa.
Hindi niya alam kung bakit ang bilis ng tibok ng puso niya. Siguro dahil sa ginawa niyang pagtakbo. Subalit matagal na siyang nakahinto, nakapirmi at naghihintay sa paglabas ni Miguelito, hindi pa rin bumabagal ang tibok ng puso niya. Sa halip ay tila lalong bumilis ito dahil sa matinding pananabik.
Nang marinig niya ang mga yabag nito pababa ng hagdan at ang tinig na hinahanap siya, halos hindi niya mapigil ang kanyang damdamin sa sulak ng labis na saya. Lumabas siya ng kusina upang ito ay salubungin. At parang hindi siya makahinga nang sa wakas, pagkaraan ng mahabang paghihintay, ay muli niyang masilayan si Miguelito.
Kung noong unang kita niya rito ay mukha itong anghel, ngayon ay mistula itong diyoso dahil sa mga pagbabagong hatid ng pagbibinata nito. Higit itong makisig, matangkad at may kakaibang linagnag. Kahit hindi naglalayo ang kanilang tangkad at bulto ng katawan – dahil sa paglipas ng panahon ay marami ring naging pagbabago sa kanya – bahagya siyang nakaramdam ng pagkamababa sa kanilang paghaharap. Bagay na kaagad ding naglaho dahil sa malugod na pagbati nito na walang anumang bahid ng pagkamataas.
Kinamayan siya gayong ang inaasam niya sana ay isang yakap. Subalit mahigpit ang naging pagkakabalot niyon sa kanyang palad, sapat upang gapangan siya ng init sa buong katawan.
At pagkatapos niyon, nanatili silang nakatingin sa isa’t isa. Na para bang hinahanap ng kanilang mga mata ang nasa kalooban nila, inaalam kung naroroon pa rin ang dating damdamin kahit na sila ay apat na taon ding nagkawalay.
Bagay na hindi mapasusubalian sa mga ngiting sumilay hindi lamang sa kanilang mga labi kundi pati sa kanilang mga mata, tanda ng wagas na ligaya sa muling pagkikita.
Kumustahan. Maiksi. Hindi dahil walang masabi kundi dahil wala nang kailangang sabihin. Hindi na kailangan ang mga salita upang sila ay magkaintindihan.
Hindi na makakasama si Aling Rosa sa kanya upang magprusisyon. Inaasahan niya na iyon dahil sa kaabalahan nito sa kusina. Ang hindi niya inaasahan ay ang pagpiprisinta ni Miguelito na samahan siya.
“Sigurado ka?” ang tanong niya.
“Oo.”
At kahit inaalala niya na pagod ito sa biyahe, napangiti na lamang siya at nagalak dahil sa magandang pagkakataon na sila ay magkasama.
Ang akala niya ay magkokotse sila subalit mas gusto ni Miguelito na lakarin na lamang ang distansya mula plantasyon hanggang simbahan. Malayo-layo rin iyon subalit gusto raw nitong magpahangin at makapamasyal.
Papalubog na ang araw at kayganda ng pagkakasabog ng liwanag sa daang kanilang tinatahak na nayuyungyongan ng mga akasya. Humuhuni na ang mga kuliglig at humahapon na ang mga ibon. Paisa-isa na ring nagliliparan ang mga paniki.
“Napakaganda ng lugar na ito,” ang sabi ni Miguelito. “Kung maaari nga lang, dito na ako pumirmi.”
“Bakit nga hindi,” ang sagot ni Alberto.
“Ayaw ni Mama. Hindi raw kami nababagay dito. Ang gusto niya ay sa siyudad.”
“Bakit hindi mo nga pala kasama ang Mama mo? At si Isabel?”
“May debutante ball kasi silang kailangang daluhan after Holy Week.”
“Debutante ball?”
“Isang pagtitipon na kung saan ang mga kadalagahan na magdidisiotso ngayong taon ay sama-samang magdiriwang ng kaarawan upang ipakilala sa lipunan. Mahilig si Mama sa mga ganyan kaya isinali niya si Isabel. Ako nga sana dapat ang escort kaya lang tumanggi ako.”
“Bakit?”
“Nababagot ako sa mga sosyalang ganyan. Kaya mas pinili ko pang umuwi na lang dito. Susunod din sila pagkatapos ng okasyon.”
“E sino na ang escort ni Isabel?”
“Si Leandro.”
“Kumusta na nga pala si Leandro?”
Saglit na patlang.
“Huwag na muna natin siyang pag-usapan,” ang sagot ni Miguelito pagkaraan.
Kalat na ang dilim nang sapitin nila ang simbahan subalit nagliliwanag ang buong kapaligiran dahil sa ilaw ng mga karo. Naroroon ang mga ipuprusisyon na imahe ng iba’t ibang mga santo na kinabibilangan nina San Pedro, Santa Veronica, Santa Salome at Maria Magdalena, ng Santo Entierro at ng Mater Dolorosa. Doon nila piniling umilaw.
Pinuri ni Miguelito ang dekorasyon ng karo at ipinagmalaki ni Alberto na isa siya sa mga nag-ayos nito.
“Wow, mahilig ka pala sa art.”
“Ikaw, mahilig ka rin ba?”
“Hindi masyado. Pero sa sports, mahilig ako.”
“Yun naman ang hindi ko masyadong hilig.”
Ilang sandali pa, kumalembang na ang kampana at nagsimula ang prusisyon. Kasabay sa pagtugtog ng mga musiko ay ang pagdarasal ng rosaryo. Napansin ni Alberto na pinagtitinginan si Miguelito ng mga tao. Maaaring dahil bagong mukha ito o dahil nakikilalang anak ni Don Miguel. Naisip niya rin na siguro ay dahil sa pamumukod-tangi ng itsura nito na matikas at mestisuhin. Lihim siyang napangiti at nakaramdam ng pagmamalaki dahil siya ang kasama nito.
Habang lumalakad ang prusisyon, manaka-naka’y napapasulyap siya kay Miguelito. Nakayuko ito at anyong taimtim na nagdarasal. Minsang napasulyap din ito sa kanya, hindi niya naiwasang mabighani sa ningning ng mga mata nito sa tanglaw ng mga kandila. Tila nakalimot siya kung nasaan sila. Hindi niya kaagad nagawang bumitiw ng tingin dahil ayaw din siyang bitiwan nito. Hindi lang mga mata niya ang nabatubalani kundi pati ang kanyang puso.
Inilibot ang prusisyon sa mga pangunahing lansangan ng kabayanan. Halos hindi nakaramdam ng pagod si Alberto dahil sa kasiyahang dulot ng magkaantabay nilang paglalakad ni Miguelito. Kung maaari nga lang na magpatuloy iyon nang walang hangganan.
Subalit katulad ng kasabihan, literal na tumuloy pabalik sa simbahan ang pagkahaba-habang prusisyon at doon natapos.
At dahil wala nang misa, nagsimulang mag-uwian ang mga tao, kabilang na sila. Subalit kung ang mga ito ay nagmamadali, sila naman ay nagmamabagal na parang kanila ang lahat ng oras.
Salungat sa dapat sana ay malungkot na mood ng Biyernes Santo, masayang-masaya si Alberto. Napakaaliwalas ng tingin niya sa kapaligiran, siguro dahil bilog ang buwan. Napakaliwanag ng daan pabalik sa plantasyon gayong nalalambungan ito ng mga puno.
“Magtatagal ka ba ngayon dito?” ang tanong niya kay Miguelito.
“Oo,” ang sagot. “Iyon ang sabi ko kay Mama. Iyon din ang gusto ni Papa.”
“Buong bakasyon, dito ka?”
“Oo. Dito ako pinakamasaya.”
“Bakit, hindi ka ba masaya sa Maynila?”
“Masaya rin. Pero nitong huli, na-realize ko na dito pala ako mas masaya.”
“Bakit naman? Mas malungkot nga rito dahil masyadong tahimik.”
“Iyon nga ang gusto ko. Tahimik. Walang gulo. At saka…”
Hinintay niya ang karugtong ng sasabihin ni Miguelito. Subalit sa halip na magpatuloy ay inakbayan siya nito.
“At saka ano?”
Tumingin ito sa kanya at ngumiti. Tapos, kinabig siya.
“Naririto ka.”
(Itutuloy)
Part 9
31 comments:
kakabitin naman!! hahaha
Pwedeng kiligin? HAHA
bitin nga!!!....
_theo_
ay kilig...hehe. thanks aris. anticipating the next. alam mo bang, inuulit kong basahin ang isang chapter, before ako magcomment. hehe. ako na, ang iyong number one fan. jan.
sa wakas naupdate din ung pinakaabanagan kong kwento kahit bitin..... KUDOS!
ayyeiiii! nambibitin nanaman c aris hehehehe...
ilang buwan nnman ang kasunod nito hehehe.. sana lang meron na hehhehe...
Salamat dito ha! ang galing, ang ganda!
-mars
kakabitin naman..
ang tagal ko inabanagn nito hehe.. bitin pa din.. aris hmp..
classic aris! magpo-post ng uber gandang blog and then mambibitin. hehehehe!
syet!
Feeling ko ako talaga si alberto. Tapos ang Miguelito - si Sam Concepcion hahahahaah. kakakilig.
"Kasi naririto ka."
Para akong ice cream na unti-unting natutunaw.
Hahahahahahaah.
Chapter 9 please...
Ang Cheessyyy........ Nagcrave tuloy ako ng geenwich overloaded.. Ikakain ko n lng yan.
Aaaaaayyyyy!!!!! Kinilig akooooooo!!!!!
@fox: hindi nakakabitin ang next chapter, promise. hehe! :)
@iamsuperbash: pwedeng-pwede. sabay tayo. :)
@theo: pasabik lang nang konti. hehe! :)
@jan: wow, grabe naman. salamat uli, jan sa pagtitiyagang sumubaybay. :)
@fayeng: pasensya na, medyo naabala. salamat sa matiyagang pag-aabang. :)
@mars: dami kasing stumbling blocks sa pagsusulat lately. i will try my best na sundan kaagad. salamat din. :)
@anonymous: konting pa-suspense lang. hehe! :)
@anonymous: next chapter, masa-satisfy ka. swear. :)
@silverwingx: para hindi mo ako makalimutang balikan. hehe! :)
@raindarwin: why not? cutie si sam. hahaha! sana nga matapos ko kaagad ang kasunod para di ka mainip, papa p! :)
@arnel: ay, gusto ko rin ng pizza with major, major cheese. hahaha! :)
@seriously funny: ako rin kinilig habang ginagawa ito. hehe! :)
grabbbbbeeeeeeeehhhhh. choz. grabeh yung huling part. ang kire. haha. kiligggg...
kakaiba! makapangyarihan.... isang alamat ang manunulat ng blog na ito. nabighani niya ako sa unang yugto pa lang - kaya ito para akong ibong langayngayan naghahanap ng kasunod. hayy... sana patuloy mong ibsan ang aking pananabik... red arab
oi aris, thanks for the visit sa blog ah, ang for the comment.. as in super thank you... and btw your story is an epic, sumakit mata ko kakabasa... kakaibang kwento na naman.. :)
sir aris ganda ng story kakilig ha...ayoko ng more...gusto more!!!more!!!more!!!demanding lang?...he he he
raceboi_x
aris, ayoko muna sanang basahin para sana tuluy tuloy na pero sa bawat installment di ko talaga natitiis.
Congratulations for being NUMBER TWO in this month's Hall of Fame! Keep it up!!
npaka kilig nang last part, Thanks
..bitin..gling talaga..
huling huli ang kiliti ng mga mambabsa.
aabangan!
ang hirap magbasa ng tagalog
@ron: grabe ba ang landian ng ating mga bida? hahaha! :)
@red arab: wow, grabe ka naman. sobrang nakakataba ng puso kung makapag-comment. maraming salamat. pinasaya mo ako nang labis. :)
@russ: no prob. basta ikaw. salamat din. :)
@raceboi_x: don't worry, i'll give you so much, much more! hehehe! thank you sa walang sawang pagsubaybay. :)
@sean: nakaka-inspire naman how you appreciate my work. maraming salamat, sean.
@bnp: oh wow! salamat sa mga kaibigan kong bumoto. :)
@anonymous: salamat din. happy ako na na-enjoy mo ang pagbabasa. :)
@jay rulez: promise ha? aabangan mo ang mga susunod pang kabanata. :)
@rygel: masasanay ka rin. hehe! :)
excited sa susunod na kabanata... hehehe...
thanks aris. gumaganda na ang story. galing mo talaga..
regards.
@adventure: salamat din sa'yo. huwag kang mag-alala, lapit na ang kasunod. :)
alam mo ung feeling na ayaw mong matapos basahin kasi alam mong mabibitin ka! lol :) nice :)
@chuckito: hello again, chuckito. maraming salamat uli sa pagdalaw. :)
Post a Comment