Kahit madilim ang kabuuan ng silid, batid kong umaga na nang ako ay magising dahil sa kapirasong liwanag na lumulusot sa siwang ng nakasarang kurtina. Bukas ang bintana na kung saan nanggagaling ang marahang hihip ng hangin. Sa labas, patuloy ang mahinang tikatik ng ulan, ang ritmo ay himig na naghehele sa akin. Kaya sa halip na bumangon, ako ay muling nagsumiksik sa pagitan ng mga unan.
Subalit hindi unan ang nadama ko sa aking likuran kundi isang mainit, humihinga at buhay na katawan. Dahan-dahang gumapang ang aking kamay at nadama ng aking palad ang makinis, malasutlang balat. Nasalat ko rin ang kanyang matigas na kalamnan at lubos na kahubdan.
At ako ay muling dumilat at napakurap. Paano ko nalimutan na ako ay may kinaulayaw sa magdamag at natulog nang may kasiping? Ito ba ay pahiwatig na ako ay unfeeling at siya, bilang nagmamahal sa akin, ay matagal nang taken for granted?
Unti-unti akong bumaling at siya ay aking hinarap. Sa gitna ng kulimlim, pinagmasdan ko ang kanyang mukha. Nahihimbing siya na parang isang anghel. Inisa-isa ko ang kanyang features – makapal na kilay, mga matang napapalamutian ng malalago at mahahabang pilik, matangos na ilong, mga labing natural na maga at mapula. Napakapino ng kanyang kutis, halos walang pores, na bagama’t maitim ay makrema na parang milk chocolate, lapat na lapat sa pagkakahigit ng kanyang mataas na cheekbones at squarish na panga.
Dumako ang aking mga mata sa kanyang leeg na sa kabila ng pagiging mahaba at “swan-like” ay may katangiang maskulino dahil sa prominenteng adam’s apple at matatag na pagkakaluklok sa kanyang malapad na balikat. Ang kanyang dibdib na bagama’t manipis ay malaman at siksik, gayundin ang kanyang mga braso na payat man ay may matitigas na masel. Mababakas ang mga tadyang sa kanyang tagiliran na nakikipagtagpo sa washboard abs na kung saan mula sa pusod ay gumagapang ang manipis na balahibo patungo sa kanyang kaselanan.
Na kahit malambot ay hindi matatawaran ang sukat.
Sandaling humimpil doon ang aking paningin hindi lamang upang iyon ay purihin kundi upang sariwain ang mga ligayang idinulot niyon sa akin. Sa pagkakahimlay na parang ibon sa pugad ay muli nitong ginising ang aking damdamin – hindi lamang ang pagnanasa kundi gayundin ang pagkabagabag ng isip. Kung bakit sa kabila ng kanyang kakisigan at kakayahang ako ay iduyan sa mga panaginip, hindi ko siya magawang lubos na mahalin. Na ang lahat ng aming mga pagniniig ay panandalian – gaano man kadalas; pangkasalukuyan – gaano man ang paghahangad sa isang stable na hinaharap.
Hanggang ngayon, pagkalipas ng mahabang panahon, kami ay nagsisiping hindi dahil sa commitment kundi dahil sa basic human need – sex. Na kung mayroon man kaming mga damdaming lihis doon, iyon ay inililihim namin at hindi na binabanggit.
Minsan na siyang nagtanong kung mahal ko siya na hindi ko nagawang sagutin. “Mahal na kasi kita,” ang dugtong pa niya na higit na umumid sa akin. Inapuhap niya ang aking mga mata. Nangusap, nagmakaawa ang kanyang mga titig. Subalit hindi ko nagawang magsinungaling. Niyakap ko na lamang siya at hinagkan, mahigpit at maalab, upang payapain hindi ang kanyang pagdaramdam kundi ang aking mga agam-agam. Nang gabing iyon, nagpaalipin ako nang kami ay magtalik, hinayaan kong hanapin niya sa aking kaibuturan ang sagot na hindi ko maisatinig. Minatamis ko ang marahas niyang pag-angkin upang kahit paano ay mabigyan siya ng assurance na hindi ko man maipagkaloob ang aking sarili, may mga bahagi nito na saklaw niya at pag-aari.
Sa labas, patuloy ang mahinang ulan. Ang salitan ng mga patak ay parang tibok ng aking puso at oyayi naman sa kanyang pagkakahimbing, na bagama’t iisa ang pinagmumulan ay magkasalungat ang epekto sa amin.
Ginagap ko ang kanyang kamay, dinala ko iyon sa aking bibig at hinagkan. Pinagmasdan ko ang mahahabang daliri, ang manipis na palad at hindi ko naiwasang muling masalat ang bakas ng isang masakit na nakaraan. Ang pilat sa kanyang pulso na naiwan nang minsan niyang pagtangkaan ang kanyang buhay dahil sa pagkabigo sa isang lalaking nangako ng pagmamahal subalit siya ay iniwan.
Pilat na balantukan, sanhi marahil ng malalim na sugat.
Hindi ko alam kung magagawa ko siyang papaghilumin. Natatakot ako na tugunin ang kanyang pag-ibig dahil baka ako naman ang magbulid sa kanya sa kapahamakan.
11 comments:
nice
ang ganda. nakakalungkot ang paraan ng paglalahad pero may tama.
ikaw lang nakakapag pabasa sa akin ng tagalog na hindi ako nahihirapan at hindi parang robot mag basa :D
Nice entry! Galing!
Kampai!
your words are very profound and penetrating. It sips to the very core of one's being. In Cebuano I can say: "gipahimudsan nimo ang kahuyang sa iyang kalibutanong pagkatawo diin sa diha nga naghinayhinay ug katawo ang gugma alang kanimo, imo lamang kining gihimo nga usa ka dula-dulaan aron lamang mapawong ang nagdila-ab nimong tawhanong panginahanglan." translation:"you took advantage of his wanton vulnerabilty, of his human frailty,when just as this feeling of being wanted and loved started to blossom within his soul,you just treated it as an antidote to the burning libido and animalistic cravings engulfing your being." Ang ganda ng mga ginamit mong mga kataga at akda. Ito ay nakapagbibigay ng sariling estilo sa paghalo ng mga katagang inglis. To me it's awesome and it made me smile and feel wanting. Siguro kung ang buong akda ay ginawa mong Pilipino, ito ay maaari nang ihalintulad sa mga gawa nang mga makata.
I wasn't sure kung tama ba yung blog na napuntahan ko. Your stories often end when you meet a guy etc. You rarely write about waking up next to him and stuff.
I think everyone should love like they did when they were younger. Brave, soulful and with such abandon. haay
"...matatag na pagkakaluklok sa kanyang malapad na balikat..." you blow me away with the elegance of your prose. kiss kiss
hay mahirap talagang mang-basted... i mean mahirap makasakit talaga
pinag-usapan ka namin ni drew last weekend.
nag-iisa ka, friend. nag-iisa.
palakpakan!
magaling ang pagkagawa ng bawat pangungusap. parang isang prose poetry.
So far i have just read 3 stories, and all are well written...im just hoping this are all from your heart and mind..so that your soul will be good for a life time. Try it with out sex injected in the story..you might be much better from being plane to super...God bless you aris!
Post a Comment