Saturday, April 27, 2013

Roadside Inn Cafe 4

“You're kidding, right?”

“No.”

Nanlumo si Edgar.

“It is an arranged marriage. I hardly know her.”

“Bakit hindi ka tumutol?”

“Nang tanggapin ko ang alok ni ama na pamahalaan ang negosyo pagbalik ko galing sa China, tinanggap ko na rin ang lubusang pagpapasaklaw sa kanya. Isinuko ko na sa kanya ang lahat.”

“Pati ba ang tungkol sa atin... isinuko mo na rin?”

“Hindi ko inakala na muli tayong magtatagpo. Masakit man sa akin na hindi na tayo maaaring magpatuloy, hindi ko na mababago ang kapalaran ko.”

“I guess, wala na talaga tayong dapat pag-usapan pa.”

Hindi sumagot si Stanley.

“Kailan ang kasal?”

“Sa makalawa.”

 “Nasaan ang iyong pamilya? Bakit hindi mo sila kasama?”

“They flew in to Naga this morning.”

Bumuntonghininga si Edgar.

“Goodbye, Stanley. My best wishes for you and your bride.”

“I’m sorry, Edgar. I’m really sorry.”

***

Hindi na sila nagkita pang muli ni Stanley dahil maaga itong nag-check out kinabukasan.

Inabala ni Edgar ang kanyang sarili sa restaurant. Kailangan niyang limutin hindi lang ang nagdaang gabi kundi ang buong kabanata nila ni Stanley. Masakit pero kailangan niyang magpakatatag at magpatuloy na katulad ng dati.

Mabuti na lang at naririto ang kanyang Roadside Inn Cafe na sa simula’t simula pa ay naging kanlungan na niya sa malulungkot na mga sandali ng kanyang buhay.

Lumipas ang maghapon na  parang hindi niya namamalayan dahil sa dami ng kanyang ginagawa. Ni hindi siya nagkaroon ng pagkakataong isipin si Stanley o damhin ang hapdi ng nanariwang sugat dulot ng muli nilang pagkikita.

Nagdadapithapon nang sumilip si Mercy sa kitchen. Katatapos niya lang magluto ng iba’t ibang putahe for dinner.

“May naghahanap sa’yo,” ang sabi.

Hindi niya alam kung bakit parang kumabog ang kanyang dibdib.

Si Stanley? Imposible!

Hindi nga si Stanley ang dumating kundi isang lalaki na naging bahagi ng kanyang buhay post-Stanley.

Si Dante.

*** 

Nagkaroon siya ng kaugnayan kay Dante nang hindi inaasahan.

Salesman ito ng isang malaking kumpanya ng condiments na rumuruta ng Manila-Bicol dalawang beses isang buwan. Minsan ay nasiraan ito ng sasakyan sa tapat mismo ng inn. Tinulungan nila itong maghanap ng mekaniko at dahil medyo natagalan ang pag-aayos, doon na ito nagpalipas ng gabi. At dahil siguro nagustuhan nito ang kanilang serbisyo, mula noon, naging regular guest na nila ito.

Isang gabi, papaakyat na si Edgar sa kanyang silid upang magpahinga nang madaanan niya sa veranda si Dante, umiinom mag-isa.

“Join me,” ang yaya nito sa kanya.

Tatanggi sana siya pero naisip niya, nakakahiya naman kung hindi niya ito mapagbibigyan ng kahit isang bote lang.

Naupo siya sa harap nito. “May problema ba?” ang kanyang tanong.

“Wala naman,” ang sagot ni Dante. Ipinagbukas siya nito ng beer.

Pagkaraang lumagok ay hindi niya naiwasang pagmasdan si Dante. Tahimik ito na parang nasa malayo ang isip. Alam niya na may dinadala ito – halata sa itsura – subalit dahil itinanggi na, minabuti niyang huwag na lamang mag-usisa.

Nag-usap na lamang sila ng tungkol sa kung anu-ano – basta may mapag-usapan lang habang umiinom.

Hindi alam ni Edgar kung bakit sa kabila ng pagiging mundane ng kanilang usapan ay nalibang siya at ang isang bote niya ay nasundan pa. Marahil dahil interesting si Dante – ngayon niya lang na-realize dahil ngayon lang sila nagkaroon ng close interaction. May sense itong kausap and he’s actually good looking! Kahit na medyo maitim at tabain nang konti.

He stayed hanggang sa siya ay malasing.

Fuzzy ang sumunod na mga pangyayari. Basta ang naaalala niya lang, nahilo siya. Tapos, nasa kuwarto na siya... nasa kama. Katabi niya si Dante. Hinuhubaran siya. Tapos, hinalikan siya... niyakap. Wala siyang lakas upang tumutol dahil parang lumulutang ang kanyang kamalayan. At hindi niya alam kung dahil sa pagkalasing o dahil sa pagkatigang kung kaya siya ay nagpaubaya na lamang at kinalauna’y naging responsive.

Nang gabing iyon, nagniig sila ni Dante. And it felt good. Tila pinunan nito ang matagal nang kakulangan sa kanyang buhay mula nang maghiwalay sila ni Stanley.

“May problema kaming mag-asawa,” ang sabi nito sa kanya pagkaraang humupa ang kanilang init.

“You’re married?” ang tanong niya.

“Yes.”

Naguluhan siya. “What about... itong nangyari sa atin?”

“What about it?” Tila may pagtataka pa si Dante na napatingin sa kanya.

Hindi siya sumagot. Napagtanto niyang hindi isyu kay Dante ang kanilang naging pagtatalik gayong straight ito at married.

“Matagal nang problema sa amin ang selos,” ang patuloy nito. Matagal niya na akong pinagdududahang may kabit.”

Hindi pa rin nagsasalita si Edgar, hindi alam ang sasabihin.

Humarap sa kanya si Dante, inapuhap ang kanyang mga mata. “Ngayo’y tinotoo ko na.”

Nadama niya ang panunuot ng mga titig nito sa kanya.

“Will you be my number two?” ang sabi na ikinagulat niya.

***

Hindi man siya tahasang pumayag ay parang naging ganoon na nga. Dahil mula noon ay naging regular na ang pagniniig nila. Kabit na kung kabit pero aaminin niya, masaya siya sa tuwing dumarating si Dante. Kahit paano’y binibigyang kulay at sigla nito ang kanyang buhay. Kahit paano’y nagkaroon siya ng lovelife. 

Okay naman si Dante. Maalalahanin, maalaga, mapagmahal. Mula nang maging “sila”, hindi na ito muling nagbukas ng tungkol sa asawa at hindi na rin siya nagtanong pa. Mas mabuti nang hindi na nila iyon pag-usapan dahil baka makagulo pa.

Kuntento na sana siya sa kung anuman ang namamagitan sa kanila ni Dante subalit sa muling pagsulpot ni Stanley ay para siyang natauhan. Na para bang nakita niya ang kaibahan ng isang relasyong tunay sa hindi. Hindi ang pagiging kabit ang kukumpleto sa kanyang buhay. Hindi ang pakikiamot sa pagmamahal ang magbibigay sa kanya ng tunay na kaligayahan.

At ngayon nga sa muling pagdating ni Dante ay hindi tuwa kundi pagkabagabag ang namamayani sa kanyang kalooban.

***  

“Hey,” ang bati ni Dante sa kanya.

Pinilit ni Edgar ang ngumiti.

“We need to talk,” ang halos magkasabay pa nilang sabi na sinundan din ng magkasabay nilang pagka-curious at pagtataka.

“Halika, doon tayo sa garden mag-usap,” ang sabi ni Edgar.

Nagdadapithapon na at bukod sa huni ng mga kuliglig ay tahimik ang paligid. Nakasindi na ang lamparang capiz na tumatanglaw sa garden set na naaatipan ng halamang baging. Doon sila sumilong at naupo.

“Kumusta?” ang tanong ni Dante sa kanya.

“Mabuti naman,” ang sagot niya.

Patlang.

“May sasabihin ka?” Si Dante muli.

Bumuntonghininga muna si Edgar bago nagsalita.

“Gusto kong... itigil na natin ito.”

Napakunot-noo si Dante.

“Gusto kong... putulin na ang ating relasyon,” ang kanyang patuloy. “Gusto kong ituwid na ang lahat. Ayoko nang mabuhay sa isang make-belive na pag-ibig. Hindi ito ang gusto ko. Hindi ito ang aking pangarap.”

Tahimik si Dante. Kung nayanig man sa narinig ay pilit nitong ikinubli.

Medyo na-displace si Edgar. Inaasahan niya na at least, magtatanong ito kung bakit.

At dahil tila ayaw nitong mag-react, nagpaliwanag si Edgar kahit hindi hinihingi.

Ipinagtapat niya muna ang tungkol kay Stanley. Ang kinahinatnan ng kanilang pag-iibigan. Na dahil sa kanilang muling pagkikita at sa sakit na dulot ng pagiging hopeless na nila, naliwanagan siya tungkol sa kung ano talaga ang gusto niya.

Ayaw niya nang muling masaktan kaya habang maaga – habang hindi pa ganoon kalalim ang relasyon nila ni Dante – gusto niya nang makipaghiwalay dahil wala rin naman silang patutunguhan.

Gusto niyang bigyan ng pagkakataon ang kanyang sarili na magmahal muli at mahalin nang tunay – ‘yung totoong relasyon na walang kahati, walang kaagaw. ‘Yung kanya lang dahil ayaw niya na masaya nga siya, may nasasaktan naman. In this case, ang asawa ni Dante na pinagtataksilan nila.

Si Dante naman ang napabuntonghininga.

“Kung iyan ang gusto mo, wala akong magagawa,” ang sabi. “Hindi kita maaaring pilitin kung ayaw mo na.”

“Sana naiintindihan mo ako.”

“Naiintindihan kita kaya nga pumapayag ako.”

“Salamat.”

Patlang muli. 

“Siyanga pala,” ang pakli ni Edgar pagkaraan. “Sabi mo kanina, may sasabihin ka rin?”

“Never mind. Hindi na iyon mahalaga,” ang sagot ni Dante.

“Ha? Bakit naman?”

“Baka hindi ka na interesadong malaman pa.”

“Interesado pa rin ako. Sige na, sabihin mo na.”

Sinalubong ni Dante ang kanyang mga mata. 

“Hiwalay na kami ng aking asawa. Iyon sana ang ibabalita ko sa’yo.”

(Tatapusin)

Part 5

5 comments:

Anonymous said...

Wow should be enough, pwede ring nakakainis kasi bitin....

gaston

Angel said...

wow! just wow! super interesting story... I needed to go back pa para mabasa yung mga previous posts... AMAZING!

johnny boy ni phat kid said...

Maganda to. Aabangan ko ang susunod.

Aris said...

@gaston: katapusan na ang susunod na kabanata. sana hindi ka na mabitin sa ending. hehe! :)

@angel: thanks, angel. enjoy! :)

@johnny boy: sana magustuhan mo ang pagtatapos. salamat. :)

Alfred of T. O. said...

Ituloy mo na lang si Dante...Si Stanley kasi papasok pa lang , si Dante naman kalalabas lang...Thanks sa update.