Saturday, August 31, 2013

Balagoong | Bagoong

It happens to singles like us.

On a Sunday, matatagpuan mo ang iyong sarili na mag-isang nagsisimba. Patingin-tingin sa mga magpapamilya, magbabarkada, magsyota at maiinggit, maiisip mo na buti pa sila, may mga kasama. Subalit mapapatingin ka rin sa mga kagaya mo, mapapakibit-balikat at sasabihin sa sarili, hindi ka nag-iisa.

Maya-maya’y matutuon ang atensiyon mo sa isang namumukod-tangi. At ikaw ay magtataka, bakit mag-isa siya? Sa isang kagaya niya na guwapo, matangkad, matikas, hindi ba’t dapat lang na may kasama siya? Wala ba siyang syota?

At ang presence niya ay babagabag sa’yo. Pasulyap-sulyap ka sa kanya, distracted sa misa. Mawi-wish mo na sana, kayo na lang ang magkasama. Siguro ay higit na magiging exciting ang iyong pagsisimba. Less lonely. Mas masaya.

Bago matapos ang misa, magkakaroon ng anunsiyo na ang lahat ng mga tatay at lolo ay inaanyayahang  pumunta sa harapan. Babasbasan sila ng pari. Father’s Day pala. At ikaw ay mananatili sa pagkakaupo habang ang karamihan sa mga kalalakihan ay magsisimulang lumapit sa altar.

Magugulat ka at matitigilan. Dahil ang lalaking namumukod-tangi at kanina mo pa sinusulyap-sulyapan ay kabilang sa mga lalaking magsisitayo. At ikaw ay muling magtataka, nasaan ang anak niya? Ang kanyang asawa? At higit sa lahat, ikaw ay magtatanong, straight ba talaga siya o kagaya mo ring naiiba?

Lalabas ka ng simbahan na malungkot, bigo dahil sa natuklasang tatay na pala ang crush mo. Next Sunday, mag-isa ka uling magsisimba at makikita mo siya subalit hindi mo na iilusyonin pa na maaari kayong mag-connect.

Forever ka na nga yatang balagoong sa pag-ibig.

***

Napagpasyahan kong mamasyal sa mall pagkatapos magsimba at doon na rin mag-lunch. Walking distance lang iyon mula sa simbahan. At dahil mag-isa, pinili kong kumain na lang sa foodcourt. At least matao roon, hindi ako magmumukhang tanga.

Lumapit ako sa isang food stall. Wow, kare-kare. My favorite. Kaagad akong umorder. May extra rice pa. Nagbabayad ako sa cashier nang makita ko siya. The guy from church. Tumitingin din siya ng pagkain. And guess what, kare-kare rin ang kanyang inorder. 

Dala-dala ang tray ng pagkain, iniwan ko na ang food stall at si Mr. Bukod-Tangi. Naghanap na ako ng mauupuan. Dahil Linggo (at nagkataong Father’s Day), ang daming tao. Buti na lang nakahanap pa ako ng bakante. Pagkaupo ay agad ko siyang inapuhap ng tingin. Kababayad niya lang at ngayo’y naglalakad na patungo sa dining area, palinga-linga at naghahanap ng mapupuwestuhan.

I held my breath dahil papalapit siya sa aking kinaroroonan. At dahil punung-puno nga ang foodcourt, nakita niya na ang tanging bakante ay ang upuan sa aking harapan. Huminto siya, tumingin sa akin at ngumiti.

“May I?” ang muwestra niya sa upuan.

Nag-unahan ang tibok ng aking puso. Napatitig ako sa kanya. Higit pala siyang guwapo sa malapitan. May biloy pa sa pisngi.

“Sure. Sure.” Nagawa ko pa ring magsalita sa kabila ng tila pagkatulala.

Naupo siya. “Uy, pareho tayo ng ulam,” ang sabi niya.

Ngumiti ako. “Paborito mo rin?”

“Oo.” At saka siya may naalala. “Naku, nakalimutan kong humingi ng bagoong.”

“Eto, o,” ang alok ko sa bagoong ko. “Ang dami nito.”

Akala ko ay tatanggi siya at tatayo subalit ngumiti lang siya. “Sige, pa-share na lang.”

Pilit kong ikinubli ang tuwa/taranta/kaba sa pamamagitan ng biglaang pagsubo. At dahil biglaan din ang aking paglunok, muntik na akong ma-choke sa isang pirasong tuwalya.

Kumuha siya ng bagoong at inihalo sa kare-kare niya. “Hindi kasi talaga masarap ang kare-kare kung walang bagoong,” ang sabi niya.

“Tama ka,” ang sagot ko. “Mahilig ka rin ba sa ibang pagkain na may bagoong?”

“Yeah. Paborito ko rin ang binagoongan. At saka bagoong rice. Ikaw?”

“Oo naman. Kahit nga bagoong lang, pwede ko nang ipang-ulam.”

“Masarap ‘yun. Lalo na kung may kamatis at sibuyas.”

Sabay kaming napangiti. And I started to relax.

Nagpakilala kami sa isa’t isa at nagpatuloy ang aming pag-uusap habang kumakain.

“Nakita kita sa simbahan kanina,” ang sabi ko.

“Ikaw rin, nakita ko,” ang sagot niya.

“Mag-isa ka lang ba kung magsimba?”

“Oo. Nasa province ang family ko. Mag-isa lang ako rito sa Manila.”

“Happy Father’s Day nga pala. Nakita kitang nagpa-bless kanina...”

“Thanks. But I’m not married...”

Napatingin ako sa kanya, nagtatanong.

“Single.” Sinalubong niya ang aking mga mata. “And available.” Nanuot ang kanyang mga titig.

Napasubo ako ng bagoong.

At pagkatapos, napangiti ako na para bang napakatamis niyon.

Saturday, August 24, 2013

Kahit Sandali

“Hi. Musta?”

Surprised ako sa text mo. Lumukso ang puso ko. It has been ages since I last heard from you.

Kahit nasa gitna ako ng sobrang ka-busy-han, nag-reply ako: “Buti. May exhibit ako ngayon.”

The last time I participated in an exhibit, you attended. Kaka-break lang natin noon pero dumating ka. Mas na-surprise ako noon.

Ikaw: Bakit di mo ako inimbita?

Ako: Baka kasi di ka pumunta.

Ikaw: Siyempre, pupunta ako kung invited mo.

Ako: Talaga?

Ikaw: Akala ko nasa house ka.

Ako: Why?

Ikaw: Am here near your house. Sunduin sana kita. Coffee tayo.

Huh? Bakit? Antagal-tagal na nating wala. May jowa ka na. Antagal-tagal mo na ring walang paramdam. Nakalimutan na kita. Tapos, heto ka na naman.

Ikaw: What time ka uwi?

Ako: Mga 10pm siguro.

Ikaw: Text me. Maybe we can still meet.

Why oh why? Kailangan pa ba talaga? Kahit isipin ko man na friends na lang tayo at wala nang ibang kahulugan ang mga ganitong pagkikita, heto, bumabalik na naman sa akin ang ating nakaraan. Ikaw talaga, bakit parang hindi mo magawang tuluyan na akong iwanan at pabayaan? Mahirap ito para sa akin, alam mo ba, kasi parang pinag-iisip mo ako… pinapaasa mo ako… na may pag-asa pa rin tayong magpatuloy na dalawa.

Pero kapag ganito, nakakadama rin ako ng excitement. Excited ako na andyan ka na naman at gusto mo akong makita. Sa totoo lang, gusto rin kitang makita… makausap… makumusta. Pero kadalasan kapag ganito, pagkatapos nating magkita, nalulungkot lang ako. Kaya as much as possible, ayaw ko na sana ng ganito.

Ewan ko ba, what’s with you. Bakit kaya kahit nakakalimutan na kita… kapag nagparamdam ka, balik na naman ang feelings ko sa’yo na parang hindi nawala. Isang text mo lang parang napindot na naman ang switch ng puso ko at muling magsisindi ang pagmamahal ko sa’yo.

Siguro dahil iba ka at iba ang naging pagmamahal ko sa’yo. Kahit sinaktan mo ako noon, naroroon pa rin, hindi nawawala ang pagtatangi ko sa’yo. Siguro dahil din sa mga maliliit na bagay na patuloy mo pa ring ginagawa para sa akin na nagpapakitang mahalaga pa rin ako sa’yo… na naaalala mo pa rin ako… na ayaw mong maputol ang ating connection… na gusto mo pa rin akong i-keep sa buhay mo… kahit bilang isang kaibigan na lang. Katulad ngayon, nagparamdam ka na naman… nangungumusta… nag-iimbita after a long, long time na wala akong balita sa’yo.

Pero mahirap sa akin ito. Minsan nga, pakiramdam ko, parang pinaglalaruan mo lang ako. Magkikita tayo… mag-uusap… mag-e-enjoy ako sa company mo. Tapos, balik ka uli sa jowa mo. Malulungkot ako at mami-miss kita.

Effort na naman ang gagawin kong paglimot sa’yo. And back to square one ako.

Ewan ko ba sa sarili ko, parang hindi na ako natuto. Makailang beses nang nangyari ito pero parang wala akong kadala-dala. Kahit alam kong masasaktan ako pagkatapos, sige pa rin ako.

Katulad ngayon, pagdating ko, tinext kaagad kita: “Home na.” kahit kaninang nasa sasakyan ako, paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili na “No. No. No.”

“Will pick you up. Wait lang po,” sagot mo.

Nakapagpalit na ako ng damit. Nakapag-ayos na. At naghihintay sa’yo, excited na makita kang muli.

Sabado ngayon. Who knows, baka after coffee, yayain mo ako sa Malate. Kahit hindi ako dapat magpuyat ngayong gabi, sasama ako sa’yo sa Bed.

Gusto kong magsayaw tayo katulad ng dati.

I just want to hold you close to me.

Kahit sandali.


=== 

A repost. Originally published as MULI in 2008.

Thursday, August 22, 2013

Old Rose

Nagdadapithapon nang sapitin namin ang San Antonio Parish. Iyon ang venue ng aming dalawang gabi at dalawang araw na retreat. Requirement sa all-boys catholic high school na pinapasukan ko ang retreat bago mag-summer vacation.

Tumuloy kaagad kami sa retreat house na bahagi ng kumbento malapit sa simbahan. Luma na ang kumbento, gayundin ang simbahan. Panahon pa raw ng mga Kastila nang itinayo iyon.

Dinala kami ng katiwala sa quarters na aming tutulugan. Isa iyong malaking silid na kung saan maraming kama – parang ward sa ospital. Kumpleto sa beddings at may kulambo pa. Ang instruction sa amin ni Fr. Francis, ang kasama naming pari, ay ayusin na namin ang aming mga gamit, pati na ang aming mga hihigaan at magbihis na kami ng kumportable para sa dinner at pagsisimula ng retreat.

Gusto sana naming mamasyal muna sa vicinity ng simbahan pero mabilis ang naging pagdidilim sa labas. Sinunod na lang namin ang utos ni Fr. Francis. Nagkanya-kanya na kaming bihis, ayos ng higaan at kabit ng kulambo.

Habang ginagawa namin iyon, hindi naiwasang magkabiruan tungkol sa multo. Dahil luma na ang kumbento, may nagsabing maaaring haunted ito. Siguro raw ay marami nang mga pari at madreng namatay rito. Dahil mga bata pa, masyadong naging over-active ang imagination namin.

Tumunog ang bell ni Fr. Francis at nagtungo na kaming lahat sa dining hall. Nagsalo kami sa isang simpleng hapunan at pagkatapos ay dumiretso na kami sa session hall. Doon ay pormal nang binuksan at sinimulan ni Fr. Francis ang aming retreat.

Bandang alas-nuwebe natapos ang aming session at nagtungo na kami sa quarters upang matulog.

Pagpasok sa room, may naamoy kaming kakaiba.

“Amoy bulaklak at kandila!” ang bulalas ng isa kong kaklase.

“Oo nga,” ang sang-ayon ng iba.

“Naku, palagay ko, may multo nga rito,” ang sabi ng isa pa.

May nag-switch ng ilaw at nagliwanag ang buong silid.

Nagtatakutan at nagtatawanang dumiretso ang lahat sa kanya-kanyang kama.

Hindi ko alam kung bakit parang kinakabahan ako habang papalapit sa aking kama.

Pagsapit ko roon, inangat ko ang kulambo. At nagulat ako sa aking nakita.

Doon sa aking kama, sa ibabaw ng unan, may nakalapag na isang tuyong rosas.

Ginapangan ako ng kilabot. Hindi ako nakapagsalita.

Napansin ng kapit-kama kong si Ned ang aking pagkatigagal.

“Aris? Bakit?”

Nakita niya ang tuyong rosas at hindi ko na kinailangang sumagot.

“Saan nanggaling yan?” ang kanyang tanong.

“Hindi ko alam.”

Nagkatinginan kami. Siya man ay kinakitaan ko ng pagkatakot.

“Baka may nagbibiro lang sa’yo,” ang sabi niya.

“Sino naman? At paano niya gagawin iyon? Lahat tayo ay nasa session hall kanina. Wala namang naiwan dito.”

Dinampot ko ang bulaklak. “Huwag mo na lang sabihin sa iba,” ang sabi ko kay Ned.

Tumango siya. Kinuyumos ko ang bulaklak at itinapon sa labas.

Restless ako nang gabing iyon. Halos hindi ako nakatulog.

***

Kinabukasan, sabay kaming nagising ni Ned. At dahil masyado pang maaga, nagkayayaan kaming mamasyal muna.

Lumabas kami ng retreat house. Natuklasan namin na may creek pala sa di-kalayuan. May daan din doon patungo sa hardin sa tabi ng simbahan. Napakaganda roon, napaka-peaceful. Saglit kaming naupo sa bench at hindi namin naiwasang pag-usapan ang tungkol sa rosas. Nagtataka pa rin kami kung saan nanggaling iyon. Maya-maya'y napagpasyahan naming ipagpatuloy ang pamamasyal. Doon kami sa likod ng simbahan nagtungo at pagbungad namin doon, sabay kaming nagulat at napahinto.

Sementeryo.

May sementeryo sa likod ng simbahan.

Dapat bumalik na lang kami pero hindi ko alam kung bakit parang na-curious kaming magpatuloy. Pumasok kami ni Ned sa sementeryo.

Naglakad-lakad kami. Nag-ikot-ikot.

Palabas na kami nang may biglang umagaw sa aking atensiyon. Isang puntod na kung saan sa lapida ay nakasulat ang pangalan ko.

ARIS

Napatingin ako kay Ned. Nakita niya rin iyon at nanlaki ang kanyang mga mata.

Ang apelyido ay natatakpan ng tumutubong damo.

Dahan-dahan akong lumapit at hinawi ko ang damo. Nakita ko ang unang tatlong letra ng apelyido.

SAN

Nakaramdam ako ng panlalaki ng ulo. Bumilis ang tibok ng puso ko.

Kaagad kong binunot ang damo.

SANTIAGO

Mabuti na lang at hindi SANTOS dahil kung iyon ang nakita ko, baka hinimatay ako.

Binalingan ko si Ned.

Hindi siya sa lapida nakatingin kundi sa ibabaw ng puntod. May itinuturo siya sa akin.

Sinundan ko iyon ng tingin at nangilabot ako.

Sa ibabaw ng puntod ni ARIS SANTIAGO ay naroroon ang pumpon ng mga tuyong rosas.

Katulad na katulad ng tuyong rosas na natagpuan ko sa kama ko.

Saturday, August 17, 2013

Messed Up

Break na tayo pero nag-insist ka pa ring sumama sa outing namin ng barkada. Inisip ko, marahil iyon ay dahil gusto mong magkaayos tayo. Pumayag ako dahil iyon din ang gusto ko.

Masaya ako na sweet ka sa akin noong una. Pero tila biglang nagbago ang ihip ng hangin nang ipakilala kita sa friend ko.

Napansin ko na naging magiliw ka sa kanya. May mga pagkakataong nasa balkonahe ako ng cottage, mag-isa, subalit sa halip na samahan mo ako, nasa loob ka, kayo ni friend at nag-uusap. O kaya’y nasa labas kayo at namamasyal.

Nagkainuman tayo noong gabi – ikaw, ako, si friend at ang buong barkada. Sa inumang iyon, sinubukan nila tayong pag-ayusin. Subalit nagtaka ako dahil sa halip na maging responsive, ikaw ay naging malamig. Na para bang okay lang sa’yo kahit hindi na tayo magkabalikan. Napansin ko rin, panay ang sulyap mo kay friend.

Pilit kong ikinubli ang disappointment. Uminom na lang ako nang uminom hanggang sa malasing. At dahil wala na sa sarili, pinagtulungan ninyo akong dalhin sa kama – ikaw at si friend. In fairness, hindi ninyo ako pinabayaan. Tinabihan n’yo pa ako. At niyakap mo ako. Dahil doon, kahit paano’y naibsan ang sama ng loob ko.

At nakatulog na ako.

Subalit sa kalaliman nang gabi, ako ay nagising. At nagulat sa tanawing tumambad sa akin. Naroroon ka pa rin sa aking tabi, kayo ni friend. Iyon nga lang, kayo na ang magkayakap at magka-holding hands!

Napabalikwas ako. Napatayo. Sabay kayong nagising at kaagad na nagbitiw. Kinumpronta ko kayo. Naalimpungatan ang barkada sa ating gulo.

Bigla akong nahilo at nasuka. Napatakbo ako sa banyo. Sinundan mo ako pero galit na galit ako sa’yo kaya ipinagtabuyan kita.

Paglabas ko, nag-sorry sa akin si friend. Hinihintay din kitang mag-sorry pero tahimik ka na, ni hindi tumitingin sa akin.

Tahimik din ang buong barkada, nakikiramdam sa susunod na mangyayari.

Tumalikod ako at umalis. Ibinalibag ko ang pinto.

Naglakad-lakad ako sa beach upang i-compose ang sarili. 

At pagkatapos, nagwala ako sa Mikko's.

Tuesday, August 13, 2013

Ang Misteryo Sa Ilog


Sabi nila, huwag na huwag daw akong gagawi sa ilog kapag ganitong kabilugan ng buwan. Dito raw nagaganap ang mga misteryong mahirap ipaliwanag. Mga kaganapang kinatatakutan, pinakaiiwasan. Na kahit makabago na ang panahon ay patuloy na pinaniniwalaan.

Subalit sa halip na matakot, umiral ang aking kuryusidad na tuklasin, lutasin ang sinasabing hiwaga. Hindi nararapat na patuloy na mabuhay sa pamahiin at kamangmangan ang mga taga-San Simon. Ako, bilang isa sa mga umalis noon at ngayo’y nagbabalik na may taglay nang karunungan, ay may tungkuling makapag-ambag, makapag-angat sa kanilang kamalayan. Mapasinungalingan ang mga maling paniniwala. Mabigyan sila ng bagong pananaw sa buhay.

Kaya ngayong gabi ng tinatawag na “supermoon” na kung saan pinakamaliwanag ang buwan at halos abot-kamay sa langit, nagtungo ako sa ilog. Nakahandang harapin ang anumang pinangingilagan, alamin ang katotohanan sa likod ng misteryong sa loob ng mahabang panahon ay walang nangahas maghanap ng kasagutan.

Ginawa ko iyon dahil na rin siguro sa kawalan ng mapaglilibangan at sa paghahanap ng lunas sa kalungkutang namamayani sa aking puso. Dahil sa kabiguan sa pag-ibig kaya nagbalik ako sa San Simon. Dahil sa pakikipaghiwalay sa akin ni Aldo kung kaya ang aking buhay ay tila nawalan ng saysay. At sa aking estado, maaari kong gawin ang kahit ano, mapanganib man at ipinagbabawal, dahil kailangan kong muling makaramdam ng kahit anong emosyon upang magawa ko ang magpatuloy.

Dinatnan kong tahimik ang ilog. Walang bakas ng anumang nakapanghihilakbot. Sa katunayan ay napakaganda nito. Nanghahalina ang mga mumunting alon na tila hibla ng mga pilak na hinahabi sa tanglaw ng buwan. At sa malinaw nitong tubig ay nasasalamin ang kutitap ng mga bituin.

Naupo ako sa isang malaking batong nakausli sa baybayin at pinagmasdan ko ang malumanay na agos. Nakadama ako ng kapayapaan sa halip na takot. Nakadama ako ng lungkot at pangungulila kay Aldo, higit lalo at nagsimulang umihip ang hangin at sa paglalagos nito sa mga puno, sa pagitan ng mga dahon, ay tila may naulinig akong himig. Malamyos na himig na bagama't walang titik ay tumatagos sa dibdib. Paanong ang hangin ay nagawang tukuyin ang pait sa aking damdamin, ang pananabik sa isang naglahong pag-ibig?

At ako'y nagsimulang umiyak habang nakatunghay sa tubig. Higit na nagtumining ang agos at ang hangin ay hindi lamang nalipos ng himig kundi pati ng hinagpis. Tila may uli-uli ng lungkot na humalukay sa aking dibdib. Umiyak ako nang umiyak hanggang sa mapahagulgol. Hindi ko alam kung bakit ang mga naipong sakit ay parang bukal na biglang nag-umapaw. Hindi ko mapigil. Hindi ko maunawaan kung bakit.

Doon ko siya nakita. Sa una'y parang pagkalabusaw lamang ng tubig, pagpasag ng isang malaking isda. Subalit iyon ay nagpatuloy nang paulit-ulit mula sa malayo, gumuhit nang pabalik-balik sa kahabaan ng ilog. Hanggang sa maya-maya'y nakita kong papalapit na ito sa akin at doon ko napagtanto na ito ay hindi isda o anumang nilikha kundi tao. Nagulat ako nang bago makarating sa akin ay bigla itong umigpaw at pumaimbulog sa hangin. Napakaganda ng hubog ng katawang nalantad sa akin, halos perpekto. Isang lalaking matipuno at hubo't hubad ito.

Nang tuluyan nang makalapit sa akin ang lalaki ay natigilan ako. Napatitig ako sa kanya at napatayo. Napasalubong, halos patakbo, upang tiyakin na hindi ako pinaglalaruan ng imahinasyon ko. Nakatingin din siya sa akin, ang kalahati ng katawan ay nakalubog sa tubig.

Tinanglawan ng napakaliwanag na buwan ang kanyang mukha na sa aking banaag ay tila kumikislap, nagniningning. Ngumiti siya sa akin.

“Aldo?” Umalingawngaw ang tinig ko sa katahimikan ng gabi.

Nanuot ang kanyang mga titig. Ang mga mata'y tila batubalaning humigop sa akin. Hindi ko nagawang bumitiw, maglayo ng tingin.

“Aldo? Ikaw nga ba?” ang ulit ko, mabilis ang tahip ng dibdib. Ang paninimdim ay kaagad nahalinhan ng tuwa.

***

Alam kong namamalikmata lamang ako dahil sa isang iglap, nagbago ang kanyang anyo. Hindi na si Aldo ang nasa aking harapan kundi isang makisig na estranghero. Gayunpaman, hindi napawi ang aking tuwa. Tila higit pa itong naging masidhi habang nakatitig sa kanya.

"Bakit ka naririto?" ang tanong niya. "Hindi ka ba natatakot?"

“Natatakot?” ang aking sagot. “Bakit ako matatakot?”

“Ang ilog na ito ay kinatatakutan kapag ganitong kabilugan ng buwan.”

“Mistulang paraiso ang lugar na ito sa liwanag ng buwan. Sabihin mo nga sa akin, may dapat ba akong ikatakot?”

Hindi siya sumagot. Nanatiling nakatingin sa akin.

“Bakit ka naririto?” Muli, ang kanyang tanong.

“Dahil gusto kong tuklasin ang misteryo ng ilog,” ang sagot ko. “Gusto kong alamin kung totoo ang mga sinasabing kababalaghan. At kung hindi man, gusto ko iyong pabulaanan.”

“May iba pa bang dahilan?”

“Malungkot ako,” ang aking pag-amin. “Mayroon akong pinangungulilahan. Isang naglahong pag-ibig. Isang masakit na nakaraan.”

“Si Aldo?”

Tumango ako.

Patlang. Maya-maya ay dahan-dahan siyang umahon. Muli kong nasilayan ang kanyang kahubdan at mataman ko iyong pinagmasdan. Hindi ako tuminag hanggang sa siya ay makalapit sa aking kinaroroonan. Humimpil siya sa aking harapan, halos isang dangkal lang ang aming pagitan. Nalanghap ko ang maskulinong halimuyak ng kanyang katawan.

Patuloy na namagitan sa amin ang katahimikan.

“Ano ang pangalan mo?” ang basag niya rito pagkaraan.

“Ako si Dino,” ang sagot ko.

“Ako si Rio.” Hinawakan niya ang kamay ko. “Ako ang misteryo ng ilog.”

Napakunot-noo ako.

“Ako rin si Aldo... kung gugustuhin mo.”

Lalo akong naguluhan. “Hindi ko maintindihan...”

“Maaari mo akong tuklasin. Alamin kung totoo. At maaari mo rin akong damhin upang maibsan ang pangungulila mo.”

Dinala niya ang kamay ko sa kanyang dibdib. Nadama ko ang pintig ng kanyang puso. Nasalat ko ang pintog ng kanyang masel. Tila may init na nagpakislot sa aking mga ugat sa paglalapat ng palad ko sa kanyang balat.

Bago pa ako nakahuma, ako ay kanyang hinagkan. At niyakap. Ang init na dumaloy sa aking katawan ay parang lagnat na nanuot sa aking kaloob-looban at nagpahina sa aking pakiramdam.

Bago ko pa namalayan, napagtagumpayan niya na akong hubaran. Naglakbay ang kanyang mga halik at haplos sa aking kabuuan. Para akong yagit na nagpatangay sa agos, nagpatianod at nagpaubaya sa kanyang pagsiklot-siklot.

Tinalik niya ako at huminto ang mga sandali. Nahibang ako at nakalimot.

Nang siya ay dagliang magbitiw, napasinghap ako. Tumalikod siya at dahan-dahang lumayo. Lukob ng pagnanasang hindi mapawi, sinundan ko siya ng tingin at nang magawa kong magsalita, halos magmakaawa ako.

“Huwag. Huwag kang umalis. Huwag mo akong iwan.”

Sa gilid ng dalampasigan kung saan nagtatagpo ang lupa at tubig, siya ay tumigil. Nang humarap siya sa akin, muli kong nasilayan si Aldo. Inilahad niya ang kanyang kamay. 

“Halika, Dino. Sumama ka sa akin.”

Lumapit ako nang walang pag-aatubili. Inabot ko ang kanyang kamay at hinayaan kong dalhin niya ako sa ilog.