Saturday, August 31, 2013

Balagoong | Bagoong

It happens to singles like us.

On a Sunday, matatagpuan mo ang iyong sarili na mag-isang nagsisimba. Patingin-tingin sa mga magpapamilya, magbabarkada, magsyota at maiinggit, maiisip mo na buti pa sila, may mga kasama. Subalit mapapatingin ka rin sa mga kagaya mo, mapapakibit-balikat at sasabihin sa sarili, hindi ka nag-iisa.

Maya-maya’y matutuon ang atensiyon mo sa isang namumukod-tangi. At ikaw ay magtataka, bakit mag-isa siya? Sa isang kagaya niya na guwapo, matangkad, matikas, hindi ba’t dapat lang na may kasama siya? Wala ba siyang syota?

At ang presence niya ay babagabag sa’yo. Pasulyap-sulyap ka sa kanya, distracted sa misa. Mawi-wish mo na sana, kayo na lang ang magkasama. Siguro ay higit na magiging exciting ang iyong pagsisimba. Less lonely. Mas masaya.

Bago matapos ang misa, magkakaroon ng anunsiyo na ang lahat ng mga tatay at lolo ay inaanyayahang  pumunta sa harapan. Babasbasan sila ng pari. Father’s Day pala. At ikaw ay mananatili sa pagkakaupo habang ang karamihan sa mga kalalakihan ay magsisimulang lumapit sa altar.

Magugulat ka at matitigilan. Dahil ang lalaking namumukod-tangi at kanina mo pa sinusulyap-sulyapan ay kabilang sa mga lalaking magsisitayo. At ikaw ay muling magtataka, nasaan ang anak niya? Ang kanyang asawa? At higit sa lahat, ikaw ay magtatanong, straight ba talaga siya o kagaya mo ring naiiba?

Lalabas ka ng simbahan na malungkot, bigo dahil sa natuklasang tatay na pala ang crush mo. Next Sunday, mag-isa ka uling magsisimba at makikita mo siya subalit hindi mo na iilusyonin pa na maaari kayong mag-connect.

Forever ka na nga yatang balagoong sa pag-ibig.

***

Napagpasyahan kong mamasyal sa mall pagkatapos magsimba at doon na rin mag-lunch. Walking distance lang iyon mula sa simbahan. At dahil mag-isa, pinili kong kumain na lang sa foodcourt. At least matao roon, hindi ako magmumukhang tanga.

Lumapit ako sa isang food stall. Wow, kare-kare. My favorite. Kaagad akong umorder. May extra rice pa. Nagbabayad ako sa cashier nang makita ko siya. The guy from church. Tumitingin din siya ng pagkain. And guess what, kare-kare rin ang kanyang inorder. 

Dala-dala ang tray ng pagkain, iniwan ko na ang food stall at si Mr. Bukod-Tangi. Naghanap na ako ng mauupuan. Dahil Linggo (at nagkataong Father’s Day), ang daming tao. Buti na lang nakahanap pa ako ng bakante. Pagkaupo ay agad ko siyang inapuhap ng tingin. Kababayad niya lang at ngayo’y naglalakad na patungo sa dining area, palinga-linga at naghahanap ng mapupuwestuhan.

I held my breath dahil papalapit siya sa aking kinaroroonan. At dahil punung-puno nga ang foodcourt, nakita niya na ang tanging bakante ay ang upuan sa aking harapan. Huminto siya, tumingin sa akin at ngumiti.

“May I?” ang muwestra niya sa upuan.

Nag-unahan ang tibok ng aking puso. Napatitig ako sa kanya. Higit pala siyang guwapo sa malapitan. May biloy pa sa pisngi.

“Sure. Sure.” Nagawa ko pa ring magsalita sa kabila ng tila pagkatulala.

Naupo siya. “Uy, pareho tayo ng ulam,” ang sabi niya.

Ngumiti ako. “Paborito mo rin?”

“Oo.” At saka siya may naalala. “Naku, nakalimutan kong humingi ng bagoong.”

“Eto, o,” ang alok ko sa bagoong ko. “Ang dami nito.”

Akala ko ay tatanggi siya at tatayo subalit ngumiti lang siya. “Sige, pa-share na lang.”

Pilit kong ikinubli ang tuwa/taranta/kaba sa pamamagitan ng biglaang pagsubo. At dahil biglaan din ang aking paglunok, muntik na akong ma-choke sa isang pirasong tuwalya.

Kumuha siya ng bagoong at inihalo sa kare-kare niya. “Hindi kasi talaga masarap ang kare-kare kung walang bagoong,” ang sabi niya.

“Tama ka,” ang sagot ko. “Mahilig ka rin ba sa ibang pagkain na may bagoong?”

“Yeah. Paborito ko rin ang binagoongan. At saka bagoong rice. Ikaw?”

“Oo naman. Kahit nga bagoong lang, pwede ko nang ipang-ulam.”

“Masarap ‘yun. Lalo na kung may kamatis at sibuyas.”

Sabay kaming napangiti. And I started to relax.

Nagpakilala kami sa isa’t isa at nagpatuloy ang aming pag-uusap habang kumakain.

“Nakita kita sa simbahan kanina,” ang sabi ko.

“Ikaw rin, nakita ko,” ang sagot niya.

“Mag-isa ka lang ba kung magsimba?”

“Oo. Nasa province ang family ko. Mag-isa lang ako rito sa Manila.”

“Happy Father’s Day nga pala. Nakita kitang nagpa-bless kanina...”

“Thanks. But I’m not married...”

Napatingin ako sa kanya, nagtatanong.

“Single.” Sinalubong niya ang aking mga mata. “And available.” Nanuot ang kanyang mga titig.

Napasubo ako ng bagoong.

At pagkatapos, napangiti ako na para bang napakatamis niyon.

7 comments:

Adventure said...

Wow! More tha 6 months na akong di ako nakabisita dito. Hehehe. Na miss kita Aris at mga post mo. Wink!
Happy weekend Aris at to all the avid readers!
Regards!
Cheers!

Aris said...

@adventure: ang tagal mong nawala ah. na-miss din kita. at yang abs mo. hehe! salamat sa muling pagdalaw. :)

Steph Degamo said...

it's good to read this and realize about love coming from another gender's perspective. my selfish ways made me realize na parang ako lang ata ang nakakafeel ng ganyang klaseng lungkot. and by reading this, seems like we both share the same feeling. i am not alone. hahaha.

Aris said...

@ester yaje: sabi nga, love is universal. magkakapareho lang ang nararamdaman kahit ano pa ang kasarian. hindi tayo nag-iisa. :)

Anonymous said...

Aray tinamaan ako Aris sapul na sapul. Naantig ang aking damdamin pagkabasa nito. Nasa huling yugto na ang kwento ng buhay ko. Isang retirado. Ganyan din ang aking nararamdaman tuwing ako'y magsisimba, shopping at kakain sa labas. Mag-isa sa buhay. Mas mabuti ka at di nagtago sa loob ng aparador para magconform sa sinasabi nilang normal. Matapang at nagpakatutuo sa sarili. Sa akin siguro huli na ang lahat pero okay at masaya din naman ako.

Aris said...

@anonymous: sabi nga, mahalin lang natin ang ating sarili and we will be okay. pero naniniwala pa rin ako na habang buhay, may pag-asa. we shouldn't stop believing. life is full of surprises. at maaaring isang araw, kung kailan hindi natin inaasahan ay may kusang darating na sa atin ay nakatakda.

hugs to you and take care always. :)

Unknown said...

Ang galing! Suspense talaga! Sana makatagpo din ako ng lalaki seryosohin ako kahit gay ako... Dahi sa panahon ngayon mahirap nang makahanap ng magmamahal sa kagaya natin. Kaya heto, sa mga kuwento ni Aris at sa kanyang istilo sa pagsusulat nagagawang niyang mag isip ang mga mambabasa sa kung paano matatapos ang kuwento...