Thursday, August 22, 2013

Old Rose

Nagdadapithapon nang sapitin namin ang San Antonio Parish. Iyon ang venue ng aming dalawang gabi at dalawang araw na retreat. Requirement sa all-boys catholic high school na pinapasukan ko ang retreat bago mag-summer vacation.

Tumuloy kaagad kami sa retreat house na bahagi ng kumbento malapit sa simbahan. Luma na ang kumbento, gayundin ang simbahan. Panahon pa raw ng mga Kastila nang itinayo iyon.

Dinala kami ng katiwala sa quarters na aming tutulugan. Isa iyong malaking silid na kung saan maraming kama – parang ward sa ospital. Kumpleto sa beddings at may kulambo pa. Ang instruction sa amin ni Fr. Francis, ang kasama naming pari, ay ayusin na namin ang aming mga gamit, pati na ang aming mga hihigaan at magbihis na kami ng kumportable para sa dinner at pagsisimula ng retreat.

Gusto sana naming mamasyal muna sa vicinity ng simbahan pero mabilis ang naging pagdidilim sa labas. Sinunod na lang namin ang utos ni Fr. Francis. Nagkanya-kanya na kaming bihis, ayos ng higaan at kabit ng kulambo.

Habang ginagawa namin iyon, hindi naiwasang magkabiruan tungkol sa multo. Dahil luma na ang kumbento, may nagsabing maaaring haunted ito. Siguro raw ay marami nang mga pari at madreng namatay rito. Dahil mga bata pa, masyadong naging over-active ang imagination namin.

Tumunog ang bell ni Fr. Francis at nagtungo na kaming lahat sa dining hall. Nagsalo kami sa isang simpleng hapunan at pagkatapos ay dumiretso na kami sa session hall. Doon ay pormal nang binuksan at sinimulan ni Fr. Francis ang aming retreat.

Bandang alas-nuwebe natapos ang aming session at nagtungo na kami sa quarters upang matulog.

Pagpasok sa room, may naamoy kaming kakaiba.

“Amoy bulaklak at kandila!” ang bulalas ng isa kong kaklase.

“Oo nga,” ang sang-ayon ng iba.

“Naku, palagay ko, may multo nga rito,” ang sabi ng isa pa.

May nag-switch ng ilaw at nagliwanag ang buong silid.

Nagtatakutan at nagtatawanang dumiretso ang lahat sa kanya-kanyang kama.

Hindi ko alam kung bakit parang kinakabahan ako habang papalapit sa aking kama.

Pagsapit ko roon, inangat ko ang kulambo. At nagulat ako sa aking nakita.

Doon sa aking kama, sa ibabaw ng unan, may nakalapag na isang tuyong rosas.

Ginapangan ako ng kilabot. Hindi ako nakapagsalita.

Napansin ng kapit-kama kong si Ned ang aking pagkatigagal.

“Aris? Bakit?”

Nakita niya ang tuyong rosas at hindi ko na kinailangang sumagot.

“Saan nanggaling yan?” ang kanyang tanong.

“Hindi ko alam.”

Nagkatinginan kami. Siya man ay kinakitaan ko ng pagkatakot.

“Baka may nagbibiro lang sa’yo,” ang sabi niya.

“Sino naman? At paano niya gagawin iyon? Lahat tayo ay nasa session hall kanina. Wala namang naiwan dito.”

Dinampot ko ang bulaklak. “Huwag mo na lang sabihin sa iba,” ang sabi ko kay Ned.

Tumango siya. Kinuyumos ko ang bulaklak at itinapon sa labas.

Restless ako nang gabing iyon. Halos hindi ako nakatulog.

***

Kinabukasan, sabay kaming nagising ni Ned. At dahil masyado pang maaga, nagkayayaan kaming mamasyal muna.

Lumabas kami ng retreat house. Natuklasan namin na may creek pala sa di-kalayuan. May daan din doon patungo sa hardin sa tabi ng simbahan. Napakaganda roon, napaka-peaceful. Saglit kaming naupo sa bench at hindi namin naiwasang pag-usapan ang tungkol sa rosas. Nagtataka pa rin kami kung saan nanggaling iyon. Maya-maya'y napagpasyahan naming ipagpatuloy ang pamamasyal. Doon kami sa likod ng simbahan nagtungo at pagbungad namin doon, sabay kaming nagulat at napahinto.

Sementeryo.

May sementeryo sa likod ng simbahan.

Dapat bumalik na lang kami pero hindi ko alam kung bakit parang na-curious kaming magpatuloy. Pumasok kami ni Ned sa sementeryo.

Naglakad-lakad kami. Nag-ikot-ikot.

Palabas na kami nang may biglang umagaw sa aking atensiyon. Isang puntod na kung saan sa lapida ay nakasulat ang pangalan ko.

ARIS

Napatingin ako kay Ned. Nakita niya rin iyon at nanlaki ang kanyang mga mata.

Ang apelyido ay natatakpan ng tumutubong damo.

Dahan-dahan akong lumapit at hinawi ko ang damo. Nakita ko ang unang tatlong letra ng apelyido.

SAN

Nakaramdam ako ng panlalaki ng ulo. Bumilis ang tibok ng puso ko.

Kaagad kong binunot ang damo.

SANTIAGO

Mabuti na lang at hindi SANTOS dahil kung iyon ang nakita ko, baka hinimatay ako.

Binalingan ko si Ned.

Hindi siya sa lapida nakatingin kundi sa ibabaw ng puntod. May itinuturo siya sa akin.

Sinundan ko iyon ng tingin at nangilabot ako.

Sa ibabaw ng puntod ni ARIS SANTIAGO ay naroroon ang pumpon ng mga tuyong rosas.

Katulad na katulad ng tuyong rosas na natagpuan ko sa kama ko.

4 comments:

Geosef Garcia said...

Creepy naman non! *brrr*

Aris said...

@geosef garcia: yes, it's really creepy. and this is a true story.

Anonymous said...

galing... ganda ng story like it kasi mahilig ako sa mga ganyan adventure....
sana meron pa... aris..

red 08

Aris said...

@red 08: sure, i will post more stories like this soon. thanks for dropping by. :)