Thursday, August 14, 2014

One Fine Day

Dahil sa nangyari, muli naisip niya, ang hirap maging promdi. Lumuwas siya sa Maynila upang makipagsapalaran. Nakahanap naman siya ng trabaho bilang isang mensahero. Yun nga lang, dahil promdi siya at di pa masyadong maalam sa Maynila, natututunan niya ang lahat sa paraang mahirap. Kagaya ngayon, inutusan siyang maghatid ng mga dokumento sa isang opisina, nagkaligaw-ligaw muna siya bago niya iyon nahanap at nang pauwi na siya, bigla siyang tumawid sa bawal kaya hinuli siya ng pulis. At pinagmumulta siya ng tatlong daan dahil sa jaywalking. Diyos ko naman, two fifty lang nga ang sahod niya sa isang araw, saan naman siya kukuha niyon? Sandaan lang nga ang laman ng bulsa niya at kulang pang pamasahe-pangkain iyon.

Kaya nagmakaawa siya sa pulis. Mangiyak-ngiyak siyang  nag-sorry at nangakong hindi na uulit. Pero matigas ang pulis at ang sabi pa, kung wala siyang pangmulta, dadalhin siya sa presinto at ikukulong siya. Takot na takot siya. Hindi niya alam ang gagawin. Napaupo siya, napayupyop sa mga palad at tuluyan nang napaiyak.

Maya-maya’y may naramdaman siyang kamay na dumantay sa kanyang balikat. Nag-angat siya ng paningin at nakita niya ang isang lalaking maayos ang bihis – mukhang mayaman – na nakatunghay sa kanya, may simpatiya sa mga mata.

“Tumayo ka,” ang sabi nito sa kanya.

Napasunod siya na tila namamalikmata.

Hinarap ng lalaki ang pulis. “Magkano ba ang multa?” ang tanong nito.

Sumagot ang pulis. Kaagad na bumunot ng pera sa kanyang wallet ang lalaki at iniabot sa pulis.

“You're free to go,” ang sabi nito sa kanya.

Iyon lang at tumalikod na ang lalaki, naglakad palayo. Hindi siya nakapagsalita, gulat sa ginawa nito para sa kanya.

“Hindi ka man lang ba magpapasalamat dun sa lalaki?” ang sabi ng pulis habang ibinubulsa ang pera.

Saka lang siya parang natauhan. Tinanaw niya ang lalaki. Malayo-layo na rin ito sa kanyang kinaroroonan. Mabilis niyang inihakbang ang kanyang mga paa, halos patakbo, upang habulin ito.

At dahil hindi naman kabilisan ang paglalakad ng lalaki, kaagad niya rin itong inabutan.

“Sir. Sir. Sandali po,” ang tawag niya rito.

Huminto ang lalaki at humarap sa kanya.

Nagkatitigan sila at parehong natigilan. Ilang sandali silang nanatiling ganoon, nakatayo sa bangketa, sa gitna ng magkasalubong na hugos ng mga tao.

Saka niya nagawa ang magsalita. “Sir, maraming salamat.”

Ngumiti ang lalaki. “Walang anuman.” 

Ngumiti rin siya.

Nanatili silang magkaharap, nakatingin sa isa’t isa. Waring nag-aantayan sa susunod na sasabihin at gagawin ng bawat isa.

“Ako si Mike,” ang sabi ng lalaki na unang hindi nakatiis sa awkward na sitwasyon nila. “Ikaw, anong pangalan mo?”

“Ronaldo Mapayapa Jr. po.”

“Huwag mo na akong po-poin, Ronaldo. Ano bang palayaw mo? Ronald? Ronnie? Jun?”

“Naldo.”

“Let me call you Ronald, ok?”

Tumango siya bilang pagsang-ayon.

“Now, Ronald. Gusto mo ba akong samahan magmeryenda?”

9 comments:

Sepsep said...

One fine day indeed. :)

rei said...

Ang sweet :)

Jay Calicdan said...

Ang cute. Feeling ko, kaunti na lang ang mg ganyang tao. I like it, very adorable <3_<3

Mac Callister said...

fiction toh? magsesex sila hula ko. LOL

nyoradexplorer said...

ang saya naman kung may mga ganyang eksena talaga.

Alfred of T. O. said...

Ang galing. Pero bakit bitin?

Aris said...

@sepsep: yes, indeed. :)

@iamrei: kainggit sila. choz! :)

@jay calicdan: may pinagbasehan ang kuwentong ito, jay. nangyari ito sa mensahero namin sa office. di siya bading. nahuli siya ng jaywalking at may good samaritan na tumulong sa kanya. medyo inembelish ko na lang ang kuwento. :)

@mac callister: ay, hinde. magsisimba sila pagkatapos magmeryenda. haha!

@nyoradexplorer: maniniwala ka ba na based ito sa isang tunay na pangyayari? nangyari ito sa straight na messenger namin sa office. inartehan ko na lang ang story. :)

@alfred of t.o.: ganyan talaga ako minsan magkuwento. bitin. hehe! :)

Jay Calicdan said...

oy, in fairness, ang cute ng story, para akong lumilipad

Aris said...

@jay calicdan: nice noh? masarap talaga sa pakiramdam ang maka-encounter ng mababait na tao. :)