Thursday, November 13, 2014

Asahi

A Guest Post
By JAY CALICDAN

Mag-isa lang ako nang umagang iyon. Nakatayo sa lilim ng isang malaking puno, naghihintay ng masasakyan papuntang eskuwelahan. Karamihan sa mga estudyante sa aming lugar, doon naghihintay ng masasakyan. Naiinip na ako sa kahihintay, nag-aalala rin na baka mahuli ako sa klase at hindi na naman papasukin ng guwardya sa gate. Kinukunsidera ko na ang maglakad na lamang. Tutal hindi naman ganoon kalayo ang eskuwelahan. Pero mapapagod ako kung maglalakad ako dahil sa mga librong bitbit ko.

Halos maglalabing-limang minuto na akong naghihintay. Lahat ng jeep na dumaan ay puno na ng mga pasahero at kahit gustuhin ko mang sumabit sa likuran, wala na talagang lugar. Lahat ng sasakyan ay siksikan, mistulang mga lata ng sardinas. Nagsimula na akong mawalan ng pag-asang makasakay pa at makarating sa eskuwelahan sa tamang oras.

Sa kalagitnaan ng aking paghihintay, may dumating – estudyante rin, kasinggulang ko – at sumandal sa puno na kung saan nakasilong ako. Ilang hakbang lang ang pagitan namin. Naghihintay rin siya ng masasakyan, alam ko. Tahimik lang siya sa pagkakasandal sa puno, nakatingin sa kawalan at tila may malalim na iniisip. Hindi ko naiwasang mag-wonder: May problema kaya siya?

Inisip ko na magtanong ng oras sa kanya kahit hindi kailangan. Para kasing bigla akong naging interesado sa kanya. Walang ibang tao sa lilim ng puno kundi kami lang dalawa. Pakiramdam ko, para kaming  nasa isang isla na kung saan kami lang ang magkasama.

Pasulyap-sulyap ako sa kanya, pasimple lang. Ang bilis ng tibok ng puso ko. Dala marahil ng paghanga at pagkaakit sa kanya. Na-take note ko ang inosente niyang mukha kahit hindi ko masyadong makita ang kabuuan niyon dahil bahagya siyang nakayuko. Maya-maya’y lumayo siya sa pagkakasandal sa puno... at biglang tumingin sa akin. Kaagad akong umiwas at ibinaling sa ibang direksiyon ang paningin. Kinabahan ako kasi nahuli niya akong nakatingin sa kanya. Sa mga oras na iyon, hindi ko alam kung ano ang aking gagawin.

After a while, tiningnan ko siyang muli. Seryoso ang mukha niyang nakatingin pa rin sa akin. At sa hindi ko malamang dahilan, ako ay kanyang nginitian. Subalit kaagad ding umiwas. Nanatili akong nakatingin sa kanya at ang tibok ng aking puso ay higit pang bumilis. Hindi ko iyon maipaliwanag. Basta’t ang naramdaman ko, ang gaan-gaan ng loob ko sa kanya.

Sinipat ko ang kanyang itsura. Misteryoso ang dating niya. Napag-ukulan ko ng masusing pansin ang magaganda niyang mata, matangos na ilong, makinis na pisngi at... ang mapupula niyang labi na tila hindi pa nahahagkan. Pinaglabanan ko ang urge na siya ay lapitan at dampian ng halik sa mga labi. Naramdaman ko ang panginginig ng aking mga tuhod at tila pagkakaroon ng sariling isip ng aking mga paang kusang humakbang papalapit sa kanya. Sinubukan kong pigilan ang aking sarili subalit hindi ko iyon nagawa. At sa pagtatama ng aming mga mata, kinabahan ako at nataranta. Nabitiwan ko ang dala-dala kong mga libro na naglaglagan sa paanan niya.

Wala akong intensyong magpapansin sa kanya subalit bigla siyang yumuko at tinulungan niya akong damputin ang mga libro ko. Wala akong masabi nang kami’y muling nagkatitigan. Hindi sinasadyang nahawakan ko ang kanyang kamay habang iniaabot niya sa akin ang mga libro. Ang lamig ng kamay niya subalit ang lambot. Napakakinis ng balat na halos ayaw kong bitiwan. Inisip ko na sana tumigil ang mundo nang mga sandaling iyon upang siya’y makapiling kahit saglit lang. Higit na sumasal ang tibok ng aking dibdib. At sa mga sandaling iyon, isa lang ang nasa aking isip... ayaw ko na siyang pakawalan... At nais ko na siya’y maging akin.

Hinagod ko siya ng tingin – dahan-dahan – mula paa hanggang ulo. Napadako ang mga mata ko sa kanyang braso at napapitlag ako nang makita ko ang oras sa kanyang relos. Mahuhuli na ako sa klase! Bigla kong binitiwan ang kamay niya at saka ako nagmamadaling naglakad patungo sa direksyon ng eskwelahan. Saglit akong huminto at siya ay nilingon. Nakita ko siyang nakatanaw sa aking paglayo.

Napangiti na lamang ako.

***

Wala akong ibang inisip kundi siya. Sa buong maghapon na nasa klase ako, siya ang laman ng aking isip. Hindi ko malimutan ang kanyang itsura na tila nakalarawan sa hinagap ko. Pisikal na nasa eskuwelahan ako pero wala roon ang utak ko. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, kung bakit ganoon na lamang ang kanyang naging epekto.

Sa buong maghapon, parang wala ako sa sarili. Naroong mabangga ko ang kasalubong sa corridor, mapasok sa maling classroom, mapatunganga sa jeep nang pauwi na at lumampas sa aking destinasyon. Feeling ko tuloy, pinagtitinginan ako ng mga tao. Ang hirap pala nang ganito – ang hindi inaasahan na bigla kang magkakagusto at mahuhulog ang loob sa isang taong ni hindi mo kilala.

Hindi ako makakain ng hapunan dahil sa kanya. Hindi rin ako makagawa ng assignment. Gulong-gulo ako at hindi mapakali, lalo na nang nakahiga na ako. Pabiling-biling ako, paikot-ikot sa kama dahil hindi ako makatulog. Patuloy sa paggana ang aking isip na walang ibang laman kundi siya.

Curious ako sa kanya. Gusto ko siyang higit na makilala. Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? May iniisip din kaya siya? Sino kaya? Ako ba? Hindi rin kaya siya mapakali at makatulog? At oo nga pala, ano ang pangalan niya? Ilang taon na kaya siya? Naranasan na kaya niyang magmahal? At… naranasan niya na rin kaya ang mahalikan? Sa mga oras na iyon dahil sa damdaming hindi ko maipaliwanag, nalaman ko at naunawaan ang tunay na kahulugan ng love at first sight.

Dinama ko ang malakas na tibok ng aking puso. Bakit ganito, hindi ko makontrol? Hindi lang puso kundi pati isip ko. Ganito ba talaga kapag nagmamahal? Tumitibok rin kaya ang kanyang puso na kagaya ng nararamdaman ko? Bakit ganito, ang dami kong tanong?

Sa pagkakahimlay ko sa malambot na unan, inisip ko na nakahiga ako sa ulap. Higit siguro iyong masarap sa pakiramdam kung magkatabi kami at magkayakap. Madaling araw na, gising pa ako at siya'y iniisip. Tulog na kaya siya? Nananaginip kaya? Ako kaya ang nasa panaginip niya? Sana makatulog na rin ako nang mapanaginipan ko rin siya. Sana, doon kami magkita. Inabot ko ang aking hotdog pillow at niyakap iyon nang pagkahigpit-higpit. Inisip ko na kayakap ko siya at kasama sa mga sandaling iyon na malamig ang gabi at ako’y balisa.

***

Masaya ako nang umagang iyon. Nakasakay kaagad ako ng jeep papuntang eskuwelahan. Salamat sa Diyos, hindi ako mahuhuli sa pagpasok. Pero kanina habang nasa may puno ako at naghihintay, naalala ko siya at nakadama ako ng lungkot. Ilang araw ko na siyang hindi nakikita. Kumusta na kaya siya? Naaalala niya rin kaya ako at naiisip? Sana, muli kaming magkita. Miss ko na siya at gustong makita. Gusto ko na ring magpakilala sa kanya.

Nasa likuran ako ng jeep na kung saan dinarama ko ang hihip ng hangin. Kayganda ng umagang iyon. Kayningning ng araw. Kayganda ng mga tanawing nadaraanan namin. Habang bumibiyahe, pasalit-salit siya sa aking isip.

Tumigil ang jeep. May bumabang estudyante. Gumawi ang tingin ko sa waiting shed na malapit sa tinigilan namin. At ako’y binalot ng excitement nang siya ay mamataan ko, nakatayo sa may gilid ng daan at nakatingin sa akin! Biglang-bigla, nag-umapaw sa galak ang aking dibdib.

Nginitian ko siya nang walang pagdadalawang-isip. At nagulat ako nang ngumiti rin siya. Para akong idinuyan sa kabila ng masasal na kaba sa aking dibdib at tila biglaang panlalamig. Hinding-hindi ko iyon malilimutan: ang pagkakataong muli ko siyang nasilayan, nakangiti sa akin nang pagkatamis-tamis.

Umandar ang jeep na sinasakyan ko at siya’y unti-unting nawala sa aking paningin. Binalot ako ng lungkot, nawalan ng sigla ang kanina’y kaygandang paligid. Dahil sa hindi inaasahang pagkikita namin, muling nagulo ang aking isip. Nawalan ako ng konsentrasyon at lumagpas sa takdang babaan ko. Ang bigat ng pakiramdam ko habang naglalakad patungo sa eskwelahan namin. Pagdating sa gate, ayaw akong papasukin ng guard dahil late na raw ako. Ang sama-sama ng loob ko. Ang lungkot-lungkot ko. Nagsimula akong umiyak…

Poof! Bigla akong nagising.

Panaginip lang pala ang lahat.  

Bumangon ako na may magkahalong saya at pagkadismaya sa dibdib. Masaya dahil napanaginipan ko siya at dismayado dahil hindi naman pala iyon totoo.

Ako kaya, napanaginipan din niya? Sana... 

***

Makulimlim ang umaga. Maulap ang kalangitan na pinagkukublihan ng araw, maramot sa liwanag. Tila nagbabadya ang ulan. Pero wala akong pakialam kung umulan man. May dala kasi akong payong -- kulay blue -- na nasa loob ng aking bag. Blue ang paborito kong kulay. Kagaya ng suot kong damit.

I was hoping na makakapasok ako ngayon nang maaga sa eskuwelahan. Maaga kasi akong umalis ng bahay. Tumingin ako sa relos ko. Alas-sais pa lang. Marami nang dumaraang  jeep kaya lang, ewan ko naman kung bakit katulad ng dati, lahat ay puno at walang bakante. Okay lang, maaga pa naman.

Umihip ang malamig na hangin na nanggagaling sa silangan. At hindi ko mawari kung bakit tila dala niyon ang mga alaala ng una naming pagkikita. Muli ko siyang naisip. Muli kong na-imagine ang kanyang mga mata, kung paano iyon makatingin. Umusal ako ng dasal na sana, muli ko siyang makita nang umagang iyon.

Six-thirty na at wala pa rin akong masakyan. Naiinip na ako sa paghihintay hindi lang sa jeep kundi sa kanyang  ipinapanalanging pagdating. Siguro, hindi ko naman siya talaga dapat asahang darating. Malamang  nakasakay na siya kanina pa at nasa eskuwelahan na. At naghihintay lang ako sa wala. Napabuntonghininga ako nang malalim. Tanggap ko na.

Tinanaw ko ang pakurbang daan sa di-kalayuan na kung saan nanggagaling ang mga sasakyan. Bago pa makarating ang mga ito sa akin, puno na dahil sa dami ng nag-aabang. Dahil sa pangambang ma-late na naman,  ako ay nagpasyang maglakad na lamang.  Nagsisimula na akong humakbang nang ako ay matigilan. Out of nowhere, bigla siyang nag-materialize. Siya na palaging laman ng aking isip. Siya na kanina ko pa wini-wish na dumating at makitang muli. Naglalakad siya patungo sa aking kinaroroonan, doon sa may lilim ng malaking puno na kung saan una ko siyang nasilayan.

Habang siya’y papalapit, halos hindi ako sa kanya makatingin. Gayunpama’y naging aware ako sa taglay niyang mga katangian na unang kita ko pa lang sa kanya’y naka-attract na sa akin -- magagandang mata, matangos na ilong, makinis na pisngi at mapupulang labi na muli’y pinag-isipan ko kung nahagkan na ba o hindi. Walang pagbabago sa kanya – kaakit-akit pa rin siya. At dahil doon, higit na nag-umigting ang nararamdaman ko para sa kanya. Iniibig ko siya nang hindi niya alam.  Pinapangarap kong ibigin niya rin ako subalit may mga pangamba at insecurities ako. Paano kung hindi niya ako magustuhan dahil sa itsura ko… sa kilos ko… sa katayuan sa buhay? Natatakot akong magtapat sa kanya ng aking nararamdaman dahil baka ako’y biguin niya lamang.

Masaya na sana ang araw ko dahil nakita ko siya subalit biglang bumuhos ang malakas na ulan. Dali-dali kong inilabas ang aking payong at binuksan iyon. Napatingin ako sa kanya. Wala siyang dalang anumang panangga maliban sa bag na kaagad niyang  ipinandong sa ulo niya. Hindi ko alam kung anong nangyari, basta’t natagpuan ko na lamang ang aking sarili at siya na magkasukob sa aking payong.

Nagkatinginan kami at nagkangitian. “Salamat,” ang sabi niya. Doon ko na-realize na ako pala ang gumawa ng move, na ako ang lumapit sa kanya at siya’y isinukob. Hindi ko maiwasang lihim na batiin ang sarili ko dahil doon.

Hinagod ko ng tingin ang kanyang kabuuan – dahan-dahan. Pagdako ng mga mata ko sa kanyang braso, nakita ko ang kanyang relos. Alas-siyete na subalit hindi ko siya maaaring iwan. Mababasa siya sa ulan!

Kapwa kami nagulantang nang mula sa kung saan, isang motorsiklo ang mabilis na dumaan. Splash! Bigla kaming nasabuyan ng nasagasaang tubig na naipon sa daan. Wala akong nagawa kundi ang mapapikit na lamang. Pagmulat ko’y nakita ko siyang nakayakap sa akin (hindi ko naramdaman dahil sa pagkagulat sa saboy ng tubig), putikan ang katawan dahil sa naging instinct na pagprotekta sa akin!

Nakayakap siya sa akin habang nakayuko at nakapikit. Dama ko ang pagkakadikit ng mga katawan namin at ang tila pagtigil ng daigdig. Hindi kami tumitinag na para bang wala sa amin ang gustong bumitiw.  

Dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata at tumitig sa akin. Sinalubong ko ang kanyang tingin at sa aming mga labi’y sabay na namutawi ang mga ngiti. Niyakap ko rin siya, mahigpit. Nabitawan ko ang payong at ang aking mga libro subalit hindi ko iyon pansin. Humigpit din ang kanyang pagkakayakap sa akin at noon ko na-realize na mutual ang nararamdaman namin.

Hawak-kamay kaming naglakad sa ulan. Hindi alintana kahit kami’y parehong basang-basa na. Maya-maya pa’y tumigil ang ulan at sa mga ulap ay unti-unting sumilip ang araw. Nagliwanag ang paligid at tila nagningning. Hindi pa rin kami nagbibitiw at nang muli ay magtama ang aming paningin, hindi man kami magsalita, naunawaan na namin ang mga mensaheng sa isa’t isa’y nais naming iparating.

=== 

Be my guest. Ang blog na ito ay bukas sa mga manunulat na nais magbahagi ng kanilang kuwento. Ang kuwento ay kailangang naaayon sa tema ng blog na ito. Ipadala ang inyong akda sa: akosiarisblog@yahoo.com.  

No comments: