Saturday, August 30, 2008

Stages

Nahalungkat ko ang mga tulang sinulat ko noon minsang nagligpit ako ng aking mga kalat. Mula sa mga nahalungkat ko, pinili kong ibahagi ang tatlong tulang ito na sinulat ko noon para sa isang tao. May kuwentong nakapaloob sa mga tulang ito na naglalahad tungkol sa tatlong stages na pinagdaanan ng isang limot na pag-ibig.

***

First Stage: First Love
(Nagkakahiyaan kami noon kahit nagkakagustuhan. Nahihirapang umamin sa nararamdaman.)


HAPLUSIN MO AKO
KAHIT NA AKO’Y ISANG MAKAHIYA

Haplusin mo ako
Kahit na ako’y isang makahiya
Magtakip man ako ng mukha
O kaya’y magpikit ng mata
Bubuka at bubuka
Ang mga dahon kong nangungulila.

Haplusin mo ako
Kahit na ako’y isang makahiya
Itakwil ka man ng aking pandama
At ako’y mapipi sa salita
Maghahanap at maghahanap
Ang labi kong uhaw sa paglingap.

Haplusin mo ako
Kahit na ako’y isang makahiya
Iwasan ko man ang iyong titig
At itago ang aking dibdib
Sisilang at sisilang din
Sa mga sanga ko ang pag-ibig.

Haplusin mo ako
Kahit na ako’y isang makahiya
Magmistula man akong patay
At ipagluksa ang kalungkutan
Mga haplos mo ang siyang bubuhay
Sa pangarap kong nahihimlay.

***

Second Stage: First Sex
(Nakitulog ako noon sa kanila. Unang beses naming nagkatabi sa kama.)


NAKUKUMUTAN NA NG DILIM ANG GABI

Nakukumutan na ng dilim ang gabi
At ang mga titig ng maiinit na mata
Ay hindi na kayang makapaglagos
Sa kapal ng tabing na tumatakip
Sa kaluluwa nating dalawa.

Nakukumutan na ng dilim ang gabi
At binulag na ng pagnanasang masidhi
Ang anumang pag-aalinlangan
Kaya hayaan mong hubarin ng aking haplos
Ang saplot na sa atin ay bumabalot.

Nakukumutan na ng dilim ang gabi
Subalit ang katawan ko’y nahuhubaran
At nakahain sa iyong tabi
Kaya, sige, pagapangin ang iyong mga labi
Ipadama sa akin ligayang panandali.

Nakukumutan na ng dilim ang gabi
At mistulang tahimik na nahihimbing
Subalit ikaw at ako’y gising at sumisingasing
Katawan at kaluluwa’y magkasanib sa init
Nagpapakalasing, nagpapakalango sa pag-ibig.

***

Third Stage: First Heartbreak
(Nakipaghiwalay siya sa akin noon dahil na-in-love siya sa iba.)


ALAALA

At lumuha ka
Sa pagsapit ng dapithapon.
Ang mga kaway ng liwanag
Ay haplos ng gunita
Sa iyong puso.
Hindi mo na maapuhap
Ang mga bulaklak
O kaya’y malanghap
Ang mga halimuyak,
Pinagtikom na ng dilim
Ang mga talulot
At ngayo’y dinidilig mo
Ng hamog.

Sa hangin,
Pumailanlang ang himig
Ng pamamaalam.
Sa lamig nakiawit
Ang kalungkutan.

At ikaw ay lumuha
Sa piling ng mga alaala.

Nag-iisa.

***

Pagkaraan ng mahabang panahon, nagkita kami sa Malate. Iba na ang itsura niya. Ang taba na niya. He was insisting to get my number. Hindi ko ibinigay. My friends were asking: sino siya? Hindi ko inamin na naging boyfriend ko siya. Ang tagal na noon, hindi ko na maalala.

5 comments:

lucas said...

really cool. talagang mukhang in love ka nung HS ha? ahehe! marami din akong nasulat na ganito nung HS. actually i made 2 books of it. hehe! cool site you have here...

chill :)

Aris said...

ay oo, masyado akong in-love noon hehe! @roneiluke. sana i-post mo rin sa blog mo mga nasulat mo noong HS (2 books? dami nun!). salamat sa pagbabasa. happy ako to know that you are enjoying my blog. tc. :)

lucas said...

ahehe.. sino ba ang hindi nainlove noong HS pa tayo. napasimple pa ng buhay noon. almost inocent. believes in the impossible such as forever :)

sige try ko ipost. i wrote the two books for my love interest back then. pero binalik niya sakin lahat when we sort of broke up nung college. ngayon nasa hiraman, hindi ko na maalala kung san na napunta :)

thanks for the comment nga pala sa post ko. im adding you to my roll :)

Joaqui said...

I enjoy the last part of your blog. :) lol There are just some things in the past that are best kept there... in the past. :)

Aris said...

thank you very much @roneiluke. it is an honor na mapasama sa mga favorites mo. tc! :)

@joaqui: lalo na kung sinaktan ka niya. wag nang aminin ang nakaraan. and besides, hindi na siya gaanong kagandahan hahaha!