Monday, August 31, 2009

Ulam

Bagong salta lang ako noon sa Maynila. Bagong lipat din lang sa lugar na iyon. Malapit iyon sa pinagtatrabahuhan ko kaya doon ako nangupahan ng isang maliit na apartment.

Sa kanto ng kalyeng tinitirahan ko, may isang karinderya. Dumadaan ako roon pag-uwi ko para bumili ng hapunan ko.

Noong unang punta ko sa karinderyang iyon, napansin ko na kaagad siya.

Isa siya sa mga nagbabantay at nagtitinda. Maputi. Matangkad. At guwapo.

Hindi siya boy sa karinderyang iyon. Anak siya ng may-ari.

Siyempre sa kanya ako umorder. Hindi ako makapag-decide kung menudo o mechado.

“Sa palagay mo, alin ang mas masarap sa dalawa?” ang tanong ko na may konting pagpapa-cute.

“Parehong masarap ‘yan,” ang sagot niya na parang dismissive. Aba, suplado.

Kaldereta na lang tuloy ang inorder ko. At napansin ko na habang nagtatakal siya, wala siyang kangiti-ngiti.

Humirit pa ako: “Dagdagan mo naman.”

Hindi siya sumagot. Suplado nga.

Pagdating sa bahay, napansin ko, ang konti ng ulam ko.

***

Dahil convenient para sa akin, doon pa rin ako bumili ng ulam nang sumunod na araw.

Pero wala na ang pagpapa-cute at hirit ko. Basta itinuro ko na lang ang ulam ko at hindi na ako nagsalita. Although, hindi ko pa rin naiwasang tumingin sa kanya. Ang guwapo niya kasi talaga. Hindi siya nababagay magtinda sa karinderya.

Tumingin din siya sa akin pero kaagad ding bumawi. Suplado talaga.

Muli, napansin ko, ang konti ng bigay niyang ulam.

***

On the third day, ganoon uli. Point sa ulam. Walang salita. Ibinalot niya at iniabot sa akin.

Buo ang perang ibinayad ko kaya nagsukli siya.

Nang iniabot niya sa akin ang sukli ko, nag-brush ang mga daliri niya sa palad ko. Sabay kaming nagkatinginan and for a while, we held our glances. Doon ko higit na napansin kung gaano kaganda ang kanyang mga mata.

Ewan ko naman at biglang naglaglagan ang mga barya mula sa kamay ko. Yumuko ako upang damputin ang mga ito. Yumuko rin siya at tinulungan akong pulutin ang mga barya. Muli, nagkatinginan kami. At tila may nabanaagan akong ngiti sa kanyang mukha, sa kanyang mga mata kung hindi man sa kanyang mga labi.

***

Sa ikaapat na araw, nanibago ako dahil pagpasok ko sa karinderya, sinalubong ako ng maaliwalas niyang mukha.

Napangiti tuloy ako pagkakita sa kanya. Nagulat ako nang ngumiti rin siya. Aba, nagbago yata ang ihip ng hangin.

Point ako sa ulam na gusto ko. Nagtakal siya at nagbalot.

Nakangiti siya nang ibigay sa akin ito.

Hindi ko napigilan ang sarili ko. “Mas ayos kapag nakangiti ka.”

“Ha?” ang sagot niya.

“Gumuguwapo ka lalo,” ang dugtong ko habang inaabot ang bayad ko.

Kitang-kita ko na namula ang mga pisngi niya.

***

I was anticipating na magsusuplado uli siya dahil pinag-blush ko siya sa sinabi ko noong nakaraang araw. Pero nagkamali ako dahil nakangiti siya pagdating ko.

“Hi,” ang bati ko.

“Anong ulam mo ngayon?” ang tanong niya. Aba, chumichika.

Since nagsalita na siya, na-encourage akong kausapin siya. “Anong masarap sa palagay mo?”

“Eto, pochero. Bagong luto.”

“Mukha ngang masarap. Ikaw ba nagluto niyan?”

“Hindi. Nanay ko.”

“Sige, bigyan mo ako niyan.”

Paalis na ako nang magsalita uli siya. “Ano nga pala ang pangalan mo?”

“Ha?” Unexpected iyon.

“Ako si Jepoy,” ang pakilala niya.

“Ako si Aris,” ang sagot ko sabay ngiti nang pagkatamis-tamis.

Pagdating ko sa bahay, napansin ko, madami ang pocherong bigay niya sa akin.

***

On the sixth day, Mahaba-haba na ang conversation namin habang bumibili ako.

“Diyan ka ba sa yellow apartment nakatira?” ang tanong niya.

“Oo, kalilipat ko lang,” ang sagot ko.

“Mag-isa ka lang?”

“Oo. Taga-probinsiya kasi ako.”

“Saan ang probinsiya mo?”

Sinabi ko.

“Uy, tagaroon din ang Nanay ko.”

“Nakapunta ka na ba roon?”

“Minsan lang, noong bata pa ako.”

Hindi ko na maalala kung ano pa ang mga napag-usapan namin basta nagtapos iyon sa ganito:

“Akala ko, suplado ka. Mabait ka pala,” ang sabi ko.

“Mahiyain lang ako. At medyo naaalangan sa’yo,” ang sagot niya.

“Bakit naman?”

“Maporma ka kasi kapag nakapang-opisina ka.”

Natawa ako. “Maporma ka rin naman ah, kahit hindi nakapang-opisina.”

Madami uli ang ulam ko nang gabing iyon.

***

Linggo, wala akong pasok. Lumabas ako ng bahay para pumunta sa supermarket.

Pagdaan ko sa basketball court, nakita ko si Jepoy. Naglalaro. Akala ko hindi ko siya makikita nang araw na iyon kasi wala akong balak na dumaan sa karinderya nila.

Nakita niya rin ako. Kumaway siya. Huminto ako. Lumapit siya.

Naka-sando siya at ang lapad ng balikat niya. Ang laki rin ng braso niya. Naka-shorts siya at ang haba ng legs niya. Pawisan siya pero parang ang bango niya.

“Saan ang punta?” ang tanong niya.

“Mamamalengke. Magluluto ako ngayon.”

“Buti naman. Sarado kami kapag Linggo eh.” Nakangiti siya.

Nag-apuhap ako ng isasagot pero parang wala akong masabi. Ngumiti na lang ako.

“Sige. Ingat,” ang sabi niya bago muling bumalik sa paglalaro.

Napabuntonghininga ako habang pinagmamasdan siya. Outside of the carinderia in his basketball attire, mukha siyang anak-mayaman. Ang kinis niya at namumukod-tangi siya sa mga kalaro niya.

Nang gabing iyon, hindi siya mawaglit sa isip ko. Kahit pumikit ako, nakikita ko ang larawan ng kanyang guwapong mukha, nakangiti sa akin.

***

Monday. Nag-overtime ako. Medyo ginabi ako at hindi pa kumakain kaya pagkagaling sa opisina, dumaan ako sa karinderya.

Gutom ako pero parang mas sabik ako na makita si Jepoy.

Nakangiti siya nang datnan ko. Pakiramdam ko, masaya rin siyang makita ako.

“Akala ko, hindi ka na bibili,” ang sabi. “Ginabi ka yata…”

“Nag-OT kasi ako.” Nakatingin ako sa kanya. Parang nawala ang pagod ko nang masilayan ko ang kakisigan niya.

“Wala nang masyadong ulam…” ang sabi niya.

“Bigyan mo na lang ako ng kahit na ano. At saka rice.”

“Naubusan ka na rin ng rice. Pero may nakasalang na.”

“Naku, paano akong kakain niyan… ”

“Huwag kang mag-alala. Iniin-in na lang.”

Inabot niya sa akin ang ulam na binalot niya. Naramdaman ko ang bahagyang pagdaop ng kamay niya sa kamay ko.

“Ako na ang bahala sa rice mo,” ang sabi. “Dadalhin ko na lang sa bahay mo.”

“Ha?” Napatingin ako sa kanya.

May pilyong ngiti sa kanyang mga labi. May sinasabi ang kanyang mga mata.

“Seryoso ka?” ang tanong ko.

“Oo. Alam ko naman kung saan ka nakatira.”

“Ikaw ang bahala. Nasa third door ako.”

Naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko.

***

Napapitlag ako nang marinig ko ang kanyang mga katok.

Binuksan ko ang pinto.

Naroroon siya, nakatayo sa harap ko.

Parang hindi ako makapagsalita. Mesmerized ako sa presence niya.

Inabot niya sa akin ang supot ng kanin pero sa halip na kunin iyon, hinawakan ko ang kamay niya at hinila ko siya sa loob.

Isinara ko ang pinto.

Nagtama ang aming mga mata. Nangusap ang aming mga titig.

Nagyakap kami nang buong pananabik. Nagtagpo ang aming mga labi at kami ay nagsalo sa isang masidhing halik.

“Bilisan natin,” ang bulong niya sa akin.

Tinanggal ko ang kanyang T-Shirt. Nasilayan ko ang kanyang hubad na katawan. Walang kasimputi at kasingkinis.

Idinampi ko ang aking mga labi sa kanyang matipunong dibdib. Dinama ko ang kanyang impis na tiyan at matambok na puwet.

Ibinaba niya ang kanyang shorts at inihain niya sa akin ang kanyang sarili.

Napakasarap ng ulam ko nang gabing iyon. At napaka-hefty ng serving.

Sana pala, umorder ako ng extra rice.

Thursday, August 27, 2009

Be With You

I have given up on you pero nagbakasakali pa rin ako.

Niyaya kitang lumabas kasama ang grupo.

I was expecting a “No” kasi nga ang pagkakaalam ko, may dine-date ka nang iba. Kaya na-surprise ako nang mag-“Yes” ka. Siyempre, natuwa ako.

Ang sabi mo pa: “I cancelled my date to be with you, guys.”

It was the usual gimik with friends. And your presence made the difference.

Even if we were sitting beside each other, I tried to be as casual as possible. Even if we were sharing a plate of pulutan and a pack of cigarettes, hindi ko ito binigyan ng anumang kahulugan.

I was myself. Wala na akong conscious effort na magpa-impress sa’yo. Panay ang inom ko at alam ko na habang nalalasing ako, mas nagiging spontaneous ako. Hindi na guarded ang mga salita at galaw ko. And like the other guys, you were laughing at my every joke.

I got the feeling na mas appreciated mo ang pagkaluka-luka ko, hindi katulad noon na wala kang reaction sa pagpapaka-demure ko.

Nevertheless, hindi pa rin ako nag-isip ng kahit na ano. I was just enjoying myself being with the group. And being with you.

Wala na talaga sa isip ko na tratuhin pa kita nang espesyal dahil sabi ko nga, I’ve given up on you. Tanggap ko na, na kahit matagal din akong nag-care sa’yo, na-reach ko na ang finish line ng kahibangang ito.

Actually, I paid more attention to my other friends than to you. To the point na, feeling ko intentionally talaga, I neglected you. Hindi katulad dati na iniintindi kita palagi… tinatanong kung ok ka lang ba… hinahanap kapag nawawala. Ayoko na kasi talagang magpadala sa damdamin ko.

Pero sadya yatang may twist ang bawat istorya ng buhay ko dahil kung kelan wala na akong expectations mula sa’yo, saka naman parang sinorpresa mo ako sa mga kakaibang kilos mo.

Napansin ko na sa tuwing tumitingin ako sa’yo, sinasalubong mo ang mga mata ko. Umiiwas ako dahil ayokong muli ay mawala ako sa mga titig mo.

Napansin ko rin na naging mahawak ka sa akin, bagay na hindi ko yata maalalang ginagawa mo sa akin noon. Ako pa ang mahawak sa’yo dati pero never kang naging responsive.

Naramdaman ko ang manaka-nakang pagpatong ng kamay mo sa hita ko o sa likod ko. Na dinedma ko lang dahil mahawak din naman sa akin ang ibang friends ko.

Natigilan lang ako nang bumulong ka sa akin: “Basambasa na ng pawis ang likod mo, baka magkasakit ka.” Na noong una’y babalewalain ko lang sana subalit dinugtungan mo pa: “Akina panyo mo, pupunasan kita.”

Touched ako. Pero parang hindi tama na magpapunas pa ako ng likod sa’yo. “No, it’s ok,” ang sabi ko. Nag-excuse ako at nag-restroom. Ako ang nagpunas sa sarili ko.

The night wore on na basta nag-enjoy lang ako. I went about meeting other people. Pinabayaan lang din kita na mag-socialize. Honestly, I forgot all about you dahil I got connected with really interesting guys.

We parted ways na walang fanfare. Basta naghiwalay lang tayo. Ni hindi ko maalala kung nakapag-goodbye ako sa’yo nang maayos.

The following day, I texted everybody including you: “It was great to see you again last night. Thank you for the enjoyable company.”

Nag-reply lahat. Maliban sa’yo.

Wala sa akin ‘yon. Okay lang kung di ka sumagot. Malay ko ba kung hindi ka nag-enjoy and you felt na wala kang dapat ipagpasalamat sa nagdaang gabi.

I went about my day na hindi ako apektado.

Naapektuhan lang ako nang bandang hapon, nag-text ka sa akin: “Why were you so cold last night?”

Matagal bago ako nakasagot: “What do you mean cold?”

“Parang iniiwasan mo ako.”

“Hindi kita iniiwasan. Why would I do that?”

“Pinabayaan mo akong mag-isa.”

“Pinabayaan lang kitang mag-enjoy on your own.”

Hindi ka na sumagot.

Bandang gabi, muli kang nag-text sa akin: “Goodnight.”

“I hope hindi ka na nagtatampo,” ang reply ko.

“Sorry, na-misread ko ang actions mo.”

“Ako ang dapat mag-sorry kasi na-offend kita.”

“Na-disappoint lang ako na parang hindi na tayo masyadong close.”

“We’re still friends, di ba?”

“Pero parang malayo na tayo sa isa’t isa. Hindi na katulad dati. ”

“May mga bagay din kasing mahirap sabihin at ipakita.”

Hinintay ko ang reply mo pero nanahimik ka.

Subalit kinabukasan paggising ko, may text ka: “Good morning. Sana maging maganda ang araw mo. Ingatan mo ang sarili mo. Naririto lang ako palagi. Please be there for me also.”

Napangiti ako. May warmth na bumalot sa puso ko.

I texted back: “I will always be there for you.”

Pero ang gusto ko talagang sabihin: I want to be with you.

Thursday, August 20, 2009

Another Sad Love Song

Patay-sindi ang mga ilaw at bumabayo ang dance music nang makita ko siyang nakatayo sa isang sulok ng club. Lango ako sa Strong Ice at Red Horse kaya pilit ko pa siyang inaninag at kinilala bago nilapitan.

Napangiti siya pagkakita sa akin. Ngumiti rin ako at kaagad ko siyang niyakap. Yumakap din siya sa akin. Binati ko siya at hinalikan sa pisngi.

Nag-usap kami sandali. At dahil masyadong malapit ang mukha namin sa isa’t isa, nagtagpo ang aming mga labi. Humigpit ang yakap niya sa akin.

Habang naghahalikan kami, balisa ang aking isip dahil sa kabila ng aking pagkalasing, very much aware ako na mali ang ginagawa namin.

Saklot man ng pagnanasa, pilit akong kumawala sa kanyang mga bisig.

Nagmamadali akong lumayo sa boyfriend ng aking kaibigan.

***

Umakyat ako sa ledge at sumayaw sa “Beautiful Nightmare”. I was feeling heady pero nagawa ko pa ring lumandi. Kung kani-kanino ako nakipaghalikan. At hindi katulad kanina, wala akong guilt na naramdaman.

Nakipaglaro ako. Subalit kinalaunan, pakiramdam ko, ako na ang pinaglalaruan. Overpowering na ang mga humahalik sa akin at parang hindi na ako makahinga. Bumitiw ako at kaagad na bumaba.

Hinanap ko ang aking mga kaibigan subalit hindi ko sila makita.

Hazy ang kamalayan ko nang mga sandaling iyon. I was drunk and exhausted. Parang umiikot ang aking paningin. I steadied myself. Sumandal ako at pumikit.

***

May kamay na gumagap sa aking pisngi habang nakapikit ako.

Dumilat ako. Isang pamilyar na mukha ang tumambad sa akin.

Si Arthur. Ex ko.

Niyakap niya ako. I was feeling lost and his embrace was very comforting. Yumakap din ako sa kanya.

“Are you alright?” ang tanong niya.

Hindi ako sumagot subalit humigpit ang yakap ko sa kanya.

“I’ll get you some water,” ang sabi niya. Bumitiw siya sa akin at umalis. Kaagad din siyang bumalik with a bottle of mineral water.

Ininom ko ang tubig and I felt better. I smiled at him gratefully.

“Kumusta ka na?” ang tanong niya.

“Nothing has changed much. Katulad pa rin ng dati,” ang sagot ko.

“Masyado ka na namang wild. Kanina pa kita pinagmamasdan.”

“Hindi naman ako laging ganito. Ngayon lang.”

“You shouldn’t be that way.”

“Bakit, wala naman akong boyfriend. So walang masama, di ba?”

“Paano ka magkaka-boyfriend kung ganyan ka. You give people the wrong impression.”

Ouch, pinagalitan ako.

“Alam mo naman na hindi ako bad gurl, di ba?”

“Alam ko. Pero ang tingin sa’yo ng iba, bad ka dahil sa pinaggagagawa mo.”

Tumahimik ako.

“Ok ka lang?” ang tanong niya.

“I am fine,” ang sagot ko.

“Halika, magsayaw tayo.”

Habang nagsasayaw, hindi ko napigilang halikan siya sa lips. Tumugon siya at matagal bago nagbitiw ang aming mga labi.

Hinila niya ako sa isang sulok at doon, ipinagpatuloy namin ang paghahalikan.

Dama ko ang pananabik namin sa isa’t isa. Dama ko na naroroon pa rin ang damdamin ko para sa kanya.

Muli kaming nag-usap.

“Anong nangyari sa atin? Bakit bigla na lang tayong naghiwalay?” ang tanong ko.

“Hindi ko alam.”

“We just stopped communicating. No one bothered to ask why.”

“I guess it was pride.”

“But we loved each other, didn’t we?” ang tanong ko na tila naghahanap ng assurance.

“Yeah, I think so.”

Pause.

“Mabuti na lang we remained friends,” ang sabi ko pagkaraan.

“Wala naman tayong pinag-awayan. Basta nag-drift lang tayo.”

“Maybe we should give it another chance...”

Tumingin siya sa akin. May lungkot akong nakita sa kanyang mga mata.

“I think it’s too late for that,” ang sabi niya.

“Why?”

“Kasi, paalis na ako. And I will be away for a while.”

Nagtatanong ang mga mata ko habang nakatingin sa kanya.

“Mabuti na lang, nagkita tayo ngayong gabi,” ang sabi niya. “I can formally say goodbye.”

“Goodbye?”

“I am leaving this Wednesday.”

“Saan ka pupunta?”

“Sa Saudi. Doon na ako magtatrabaho. Nag-resign na ako sa bangko.”

Natigilan ako.

“Three years ang kontrata ko. Medyo matagal.”

“Bakit ka aalis?”

“I don’t know. Siguro may hinahanap ako. O tinatakasan.”

I stared at him. Hindi ko alam kung ano pa ang aking sasabihin. May lump akong naramdaman sa aking lalamunan.

Inilapit niya ang mukha niya sa akin at muli niya akong hinalikan. Pumikit na lamang ako habang parang ginugutay ang aking kalooban sa halik ng kanyang pamamaalam.

***

Muli akong umakyat sa ledge. Nagsayaw ako at nakipaglandian. Nagpalipat-lipat ang aking mga labi sa kung sinu-sino.

Patay-sindi ang mga ilaw at oblivious ang lahat sa aking lungkot at pagkukunwari habang umiindak at nagpapaka-wild.

Masaya ang tugtog but all I could hear was just another sad love song playing.

Monday, August 10, 2009

Angkas 2

Isa sa mga hobbies ko ang gardening pero ang tagal-tagal ko nang hindi nagagawa ito.

Hindi ko alam kung bakit nang hapong iyon, napagtuunan ko ng pansin ang mga halaman sa bakuran namin. Napansin ko na masyado nang malalago ang ilan sa mga tanim ko.

Inilabas ko ang mga tools sa pagtatanim at sinimulan kong ayusin ang garden.

Nag-trim ako ng mga dahon at sanga. Nag-transplant ako. Tapos nagbunot ng mga damo.

Pawis na pawis ako at ang dumi ng mga kamay ko pero ang sarap ng pakiramdam ko. Totoong therapeutic nga ang gardening dahil nakaka-relax ng isip at damdamin.

Nasa ganoong ayos ako – pawisan at madungis – nang may humintong motorsiklo sa tapat ng bahay namin. Nag-angat ako ng paningin at pumitlag ang puso ko nang makita ko kung sino ang nasa labas ng gate.

Si Jeff.

Nakalimutan ko na kung gaano siya kaguwapo subalit sa muling pagkakita ko sa kanya ay higit pa sa naaalala kong pagkabighani ang damdaming kaagad na lumukob sa akin.

Matikas ang kanyang tindig. Nakangiti maging ang kanyang mga mata.

“Aris,” ang tawag niya. Mistulang musika ang kanyang tinig na minsan pa ay aking narinig.

Tumayo ako at pasimpleng inayos ang sarili. Pigil ang pagkataranta.

“Hey, Jeff, ” ang bati ko, nakangiti habang papalapit sa kanya dahil genuinely, masaya ako.

“Busy?” ang tanong niya.

“Hindi naman, napagdiskitahan ko lang na ayusin ang garden,” ang sagot ko as I was fumbling to open the gate. “Halika, tuloy ka muna.”

“Huwag na. Dumaan lang ako para imbitahin ka.”

“Saan?” Bakas sa tinig ko ang antisipasyon.

“Birthday ko kasi ngayon. Samahan mo akong mag-celebrate.”

“Ha? Talaga? Uy, happy birthday!” ang bati ko.

“Halika, kumain tayo.”

“Saan ba ang celebration?”

“Surprise na lang. Tayong dalawa lang. Magmo-motorsiklo tayo.”

Naintriga ako pero lihim akong natuwa sa pagkakataon na muling makaangkas sa motorsiklo niya. “Ngayon na ba?”

“Oo, ngayon na.”

“Pero kailangan ko munang maligo at magbihis…”

“Sige, babalikan kita after 30 minutes, ok lang? Mag-jacket ka, medyo malamig sa pupuntahan natin.”

Napatango na lamang ako habang nakatanaw sa kanya na papaalis sakay ng kanyang motorsiklo.

Habang nakatapat sa shower, kung anu-ano ang tumatakbo sa isip ko, gayundin sa damdamin ko. Magkakahalo ang pagtataka, excitement at saya. Parang hindi ako makapaniwala. Totoo ba ito? Iniimbita ako ni Jeff na kumain sa labas. Siya na sa unang kita ko pa lamang ay naakit na ako at never kong inakala na makikilala ko at ngayon, makaka-dinner ko pa. Ano bang kabutihan ang nagawa ko to deserve this good karma?

Nagmamadali akong nagbihis. Kahit limitado ang oras ko, conscious ako na kailangang maging maayos ako. Noong magkakilala kasi kami, namamalengke ako at kanina, nadatnan niya akong gumagawa sa garden. On both occasions ang feeling ko, ang dungis ko. Kailangan maipakita ko naman sa kanya ang glamorous side ko.

Nag-skinny jeans ako at nag-Chucks. I wore a white body fit shirt underneath my hooded jacket. Pinatayo-tayo ko ang buhok ko sa pamamagitan ng wax. Nagpapabango na ako nang marinig ko ang kanyang pagdo-doorbell.

I picked-up my house keys at patakbo na akong lumabas. I opened the gate. Napansin ko na nagpalit din siya ng damit. Naka-jacket na siya at naka-Chucks din. May dala rin siyang extra helmet for me na inabot niya sa akin. My hair, ang kaagad kong naisip, mapipipi ang spikes. Pero dedma na, sinuot ko pa rin ang helmet. At pagkatapos, umangkas na ako sa motor niya.

I don’t know pero parang may naramdaman akong familiar feeling sa muli kong pag-angkas sa motorsiklo niya. Nagmaniobra siya para umikot. Napakapit ako sa kanya.

Ilang sandali pa, nasa main road na kami at mabilis ang patakbo niya. Ramdam ko ang pagsalubong namin sa hangin. Muli kong nalanghap ang pabango niya. Napahigpit ang kapit ko sa kanya. Muli, nadama ko ang matigas na abs niya.

Mga alas-sais lang nang gabi kaya nag-aagaw pa ang dilim at liwanag. Habang binabaybay namin ang landas patungong south, pinaliliguan kami ng sikat ng papalubog na araw. Kaysarap sa pakiramdam na nakasakay ako sa mabilis niyang motorsiklo habang hinahampas ng malamig na hangin.

Nang sapitin namin ang Bacoor, gusto ko sanang itanong sa kanya kung saan ba talaga ang punta namin subalit hindi conducive na kausapin ko siya habang tumatakbo kami sa Aguinaldo Highway. Nang nasa Dasmarinas na kami, almost certain na ako na sa Tagaytay nga ang punta namin. Subalit pagdating sa Silang, lumiko kami sa isang tila hardin na malawak na kung saan ang mga puno at halaman ay nagliliwanag sa firefly lights. May mga poste rin na naiilawan ng mga capiz lanterns. Ang tila bulubunduking lugar ay kinatitirikan ng mga maliliit na bahay kubo, gayundin ng iba pang mga istrakturang gawa sa native materials. Parang resort ang lugar at ang parking lot ay puno ng mga sasakyan.

Balinsasayaw Restaurant, ang sabi ng signage.

Napa-“wow” ako pagbaba ko sa motorsiklo habang minamalas ang kapaligiran. Nakangiti si Jeff habang pinagmamasdan ang reaksyon ko.

“Ang ganda rito,” ang sabi ko pa.

“Buti naman, nagustuhan mo,” ang sagot niya.

Tinanggal namin ang mga suot naming helmet at isinabit niya ang mga ito sa kanyang motorsiklo. Pasimple kong inayos ang buhok ko habang nagbibilin siya sa guwardiya ng parking lot.

Tinunton namin ang pathway na napaliligiran ng mga bulaklak paakyat sa kinaroroonan ng mga kubo na nagsisilbing dining area ng restaurant. Sa isang katulad ko na mahilig sa gardening, na-appreciate ko nang husto ang magandang landscaping.

Sinalubong kami ng waiter.

“Sir, for two?” ang tanong sa amin.

“Yup,” ang sagot ni Jeff.

Giniyahan niya kami sa isang bakanteng kubo na tila nakaluklok sa mga halaman at nalililiman ng isang puno. Natatanglawan ito ng isang capiz lantern at nakukurtinahan ng mga native beads. Nababalutan din ito ng net na parang kulambo bilang proteksyon sa mga insekto. Maliit ang kubo na pandalawahan hanggang pang-apat na katao lamang at pribado.

I was still in awe nang umupo kami sa dining table na gawa sa kawayan. Napakaganda ng lugar at napaka-romantiko. Naramdaman ko ang malamig na simoy ng hangin.

“Masarap ang pagkain nila rito,” ang sabi ni Jeff habang tumitingin sa menu. “Ano ang gusto mo?”

We agreed on a set meal for two na may inihaw na liempo, camaron rebusado, chicken pandan, ensaladang manggang hilaw, fried rice, nido soup at pineapple juice.

“Gusto mo ng beer?” ang alok niya.

“Ikaw, magbe-beer ka ba?” ang tanong ko.

“Kahit gusto ko, hindi puwede. I’m driving.”

Nag-decline ako.

Pag-alis ng waiter, nagsimula kaming mag-usap.

“Salamat sa pagdadala mo sa akin dito,” ang sabi ko. “Madalas ka ba rito?”

“Dati. Pero matagal na rin ang huling punta ko.”

“Paano mo nadiskubre ang lugar na ito?” ang tanong ko.

“Taga-rito kasi sa Cavite ang wife ko.”

Wife? Natigilan ako.

“Dito kami madalas mag-dinner date.”

“Dapat siya ang kasama mo ngayon.” Nakangiti ako pero alam kong pagtatakip lamang iyon sa damdamin ko.

“Wala siya ngayon dito sa Pilipinas,” ang sagot niya.

“Sa ibang bansa ba siya nagtatrabaho?”

“Oo. Singer siya sa isang banda. Pero next month, magkasama na uli kami.”

“Bakit, uuwi na ba siya?”

“Hindi, pero doon na uli sila tutugtog sa cruise ship na pinagtatrabahuhan ko.”

“Seaman ka?”

“Cabin Steward,” ang sagot niya. “Sa cruise ship kami nagkakilala ng misis ko.”

“Oh, I see.”

“Next month, magkikita kami sa Hongkong. Doon kami sasakay ng barko.”

“May anak na ba kayo?”

“Wala pa,” ang sagot niya. “Mahirap kasi ang kalagayan namin. Laging magkalayo.”

“Matagal na ba kayong kasal?”

“Mahigit isang taon pa lang.”

“Sabagay, bata pa naman kayo. Mag-ipon na lang muna kayo habang nandiyan ang opportunity.”

“Yun nga ang ginagawa namin. Siguro, mga three years pang pagtitiis. Pagkatapos niyon, baka pumirmi na kami rito. Dito na lang mag-trabaho o kaya mag-negosyo. Tapos, yun, magsimula na sa pagpapamilya. Mahirap din kasing magkaanak kami ngayon. Baka mapabayaan lang namin. Although, nandiyan naman ang nanay at kapatid ko. Sila ang kasama ko sa bahay.”

Ilang sandali pa, dumating na ang order namin. Nagsimula kaming kumain.

“Mabuti naman, pinagbigyan mo ang imbitasyon ko kahit biglaan,” ang sabi niya.

“I’m glad na sumama ako sa’yo rito. Napakaganda ng lugar na ito. Nakakawala ng pagod.”

“Nagbakasakali lang ako nang dumaan sa bahay ninyo. Mabuti na lang nadatnan kita. Ikaw pa lang kasi ang kaibigan ko sa village kaya ikaw ang naisip kong yayain.”

Napangiti ako sa sinabi niya.

“Bakit ka nangingiti?” ang tanong niya.

“Masaya lang ako na kaibigan na ang turing mo sa akin,” ang sagot ko. “At ako ang kasama mo ngayon sa pagdiriwang ng isang importanteng okasyon sa buhay mo.”

Napangiti na rin siya. “Alam mo, unang kita ko pa lang sa’yo, magaan na kaagad ang loob ko. Kaya nga gumawa ako ng paraan para makilala ka at maging kaibigan.”

“Ako, aaminin ko. Nang makita kita, ang una kong napansin, ang kaguwapuhan mo.”

“Kaya pala panay ang tingin mo sa akin noon.”

“Nahalata mo ba?”

“Oo. Kaya nga nginitian kita. Pero umiwas ka.”

“Bigla kasi akong nahiya.”

“Bakit naman?”

“Alam ko kasi na dahil sa mga tingin ko, nahalata mo rin kung ano ako.”

“Na ano ka?”

“Na hindi ako… straight.”

“Alam ko.”

“And yet, niyaya mo pa rin akong sumakay sa motor mo? Hindi ka man lang ba nag-alinlangan?”

“Bakit kailangan kong mag-alinlangan? As I’ve said, gusto kitang maging kaibigan.”

Napatingin ako sa kanya. Dama ko ang sincerity sa kanyang sinabi.

“Hindi isyu sa akin kung ano ka,” ang dugtong pa niya. “Alam ko na mabuting tao ka at iyon ang mahalaga.”

Parang hindi ako makapaniwala. Nasa harap ko nang mga sandaling iyon ang isang lalaki na alam ang tunay kong pagkatao subalit hindi siya apektado at normal niya akong tinatrato.

“Alam mo, Jeff, kakaiba ka,” ang sabi ko. “Karaniwan na kasi sa mga straight at guwapong katulad mo ang mailap at hindi kumportable sa mga kagaya ko. I am happy na nagkaroon ako ng pagkakataon ngayon upang higit pa kitang makilala.”

Ngumiti siya. Higit siyang naging kaaya-aya sa paningin ko. Ang kabutihang loob niya ay nakita ko sa kanyang maaliwalas na mukha.

Saglit na katahimikan.

“Hindi ka ba nag-aalala na paano kung… magkagusto ako sa’yo?” ang tanong ko pagkaraan.

“Ok lang yun,” ang kalmante niyang sagot. “Pero siyempre alam mo kung hanggang saan lang ang maaari kong isukli. Hindi maaaring ipilit ang isang bagay na lagpas sa limitasyon.”

“Very much aware ako. At nire-respeto kita.”

“Basta ang isipin mo, tanggap kita kung ano ka. Naririto ako bilang kaibigan mo. Kakampihan kita at ipagtatanggol kung kinakailangan.”

“Nandito rin ako para sa’yo. At nangangako ako na kahit crush kita, iingatan ko na huwag masira ang friendship natin.”

“Salamat.” At muli siyang ngumiti.

Ngumiti rin ako. Muli kong pinagmasdan ang napakaganda niyang mukha. Dama ko ang nag-uumapaw na kaligayahan sa aking puso.

Nagsimulang umambon. Dinig ang tikatik ng mahinang ulan sa pawid na bubong ng kubo. Higit na lumamig ang ihip ng hangin.

Natapos ang aming paghahapunan na hindi tumitigil ang ulan. Sa halip ay lumakas pa ito.

“Mukhang gagabihin tayo nang husto kung hihintayin nating tumila ang ulan,” ang sabi niya. “Ok lang ba sa’yo na sugurin na lang natin ito?”

Na-excite ako sa idea na magmo-motorsiklo kami sa ulan. “Sure,” ang sagot ko.

Nakita kong natuwa siya sa aking pagpayag.

Pinatunog niya ang bell upang tawagin ang waiter. Binayaran niya ang aming kinain. Lumabas kami ng kubo at binaybay namin ang daan pababa sa parking lot. Nagsimula kaming mabasa ng ulan. May hatid na ginhawa sa aking pakiramdam ang bawat patak.

Muli naming isinuot ang helmet.

“Hindi ba delikadong mag-motor sa ganitong panahon?” ang tanong ko.

“Basta humawak kang mabuti sa akin. Kung gusto mo, yumakap ka pa. Pero walang malisya ha?” ang pabiro niyang sabi.

“Yeah, sure. Of course,” ang pabiro ko ring sagot.

Una siyang sumakay sa motorsiklo at pagkatapos niyang buhayin ang makina, umangkas na ako.

Nagmaniobra siya palabas ng parking at ilang sandali pa, mabilis na kaming tumatakbo sa highway.

Marahas ang haplit ng ulan at madulas ang kalsada.

Nagtiwala ako kay Jeff sa halip na mangamba.

Yumakap ako sa kanya at pumikit.

Inimagine ko na lumilipad kami sa hangin.

Friday, August 7, 2009

Seduce Me

Gaya-gaya kay McVie. Napa-OMG din ako sa resulta ng quiz ko!



Excuse me noh! Huwag po kayong maniniwala rito. Hindi po ito totoo. Virgin pa po ako at napaka-inosente.

Charoz!

Tuesday, August 4, 2009

Sorry

We slept together. Ako at si Marcus.

Dahil sa patuloy na pag-ulan noong Sabado, kinansela ko ang Malate gimik namin at sa halip ay inimbita ko na lang siya at iba pang mga kaibigan for a slumber party sa bahay.

We watched “Boy Culture” on DVD and pigged out on sandwiches, chips and soda. Kuwentuhan at kulitan hanggang sa mapagod. We went to bed at around 2 a.m.

Of course, we had sex. Ako at si Marcus. Dahil sa kuwarto ko siya natulog.

He had an enormous surprise for me. His enthusiasm, though, did not surprise me. I was expecting it and I was ready.

Nagliliwanag na when we finally drifted to sleep. Tired. Drained. Satiated.

Subalit paggising ko, I felt strange. Hinanap ko ang kaligayahan sa dibdib ko pero parang empty ang pakiramdam ko. Wala ang inaasahan kong nag-uumapaw na affection para sa kanya.

Pinagmasdan ko siya sa kanyang pagkakahiga sa aking tabi. Hinagod ko ng tingin ang kanyang payat at hubad na katawan… ang inosente at maamong mukha… ang nakapikit niyang mga mata na may malalagong pilik-mata. Then it struck me. Kahawig siya ni Clarence.

Si Clarence ang nakikita ko sa kanya!

Napatutop ako sa aking ulo.

Kaya wala akong maramdaman para sa kanya dahil substitute lang siya ni Clarence.

I was just trying to recreate everything na may kaugnayan kay Clarence. Ang slumber party kasama ang mga kaibigan ko. Ang pagsisiping naming dalawa.

I was appalled by my realization.

Nagamit ko si Marcus dahil may hang-up pa ako kay Clarence at hindi pa nakaka-“let go”.

Pero hindi ko sinasadya. Mali ang intindi ko sa sarili ko. Akala ko, “moving on” ang ibig sabihin ng attraction at interest ko kay Marcus. Pero “holding on” pala iyon sa alaala ni Clarence.

Hindi ko alam na ganoon pala ako kalungkot at noon ko lang napagtanto dahil sa nagawa ko.

I felt so pathetic. I hated myself.

Parang bigla akong naawa kay Marcus. Niyakap ko siya. Gusto kong mag-sorry.

Dumilat siya, uminat, ngumiti at yumakap din sa akin.

“Mahal mo ba ako?” ang tanong niya.

Puno ng antisipasyon ang kanyang maningning na mga mata subalit ayokong magkunwari. Ayokong magsinungaling dahil kapag ginawa ko iyon, higit ko lamang siyang sasaktan.

Hindi ako sumagot. Hinigpitan ko ang aking yakap.

I knew it was too late to apologize.