Muli, ang pamilyar na pakiramdam.
Nakaangkas ako sa motorsiklo ni Jeff at hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin.
Nang magpakita siya sa akin kanina, wala akong pagsidlan ng tuwa. Subalit nalungkot ako sa sinabi niya.
“Paalis na ako bukas.”
Natahimik ako habang nakatingin sa kanya. Napawi ang ngiti sa aking mga labi.
“Mabuti naman naalala mo akong daanan,” ang sabi ko.
“Maaari ba naman akong umalis na hindi sa’yo nagpapaalam?”
Kahit paano, pinawi ang lungkot ko ng kanyang tinuran.
“Halika, mag-drive tayo,” ang yaya niya.
“Saan tayo pupunta?” ang tanong ko.
“Bahala na.”
Hinaplos ko muna ang upuan ng kanyang motorsiklo bago ako umangkas.
Ang ugong ng makina habang bumibiyahe kami ay musika sa aking pandinig. Ang dapyo ng hangin sa aking mukha ay pumayapa sa damdamin kong may naghahalong lungkot at saya.
Mabilis pa ring magpatakbo si Jeff pero wala akong pangamba.
Humigpit ang kapit ko sa kanya. Dinama ko ang katawan niya at nilanghap ko ang amoy niya. Gusto kong manatili sa aking pandama ang alaala ng mga sandaling iyon na kasama ko siya.
***
Sa Tagaytay niya ako dinala. At doon sa Picnic Grove, sa overlooking, naupo kami sa isang bench at tinanaw ang lawa at bulkan ng Taal.
Masaya siya habang ako naman ay pilit na nagkukubli ng lungkot.
“Alam mo, madalas kaming mamasyal dito noon ng misis ko,” ang sabi niya.
Nakikinig lang ako sa kanya.
“Paborito ko ang lugar na ito,” ang patuloy niya. “Romantic kasi. Dito ko rin unang nahalikan ang first girlfriend ko.”
“Siguro ang dami-dami mo nang dinalang girlfriends dito,” ang sabi ko.
“Yung mga sineryoso ko lang. At minahal.”
“Siyempre hindi ako kasali roon kahit dinala mo ako rito ngayon.”
“Bakit, girl ka ba?” ang pabiro niyang tugon.
“Hindi. Ang sabi ko nga, hindi ako kasali. Exception to the rule.”
“Pero kaibigan kita at mahalaga ka,” ang bawi niya. “Kaya kita isinama rito.”
Napangiti na lang ako sa sinabi niya.
“Ikaw ba, kahit minsan hindi nagkagusto sa babae?” ang tanong niya.
“Nagkagusto naman,” ang sagot ko. “Nagka-girlfriend din ako noon.”
“Bakit nagbago ang preference mo?”
“Ni-recognize ko lang at tinanggap kung ano ako.”
“Sabagay mas mabuti na yung hindi ka nagkunwari at nanloko. Mas naging masaya ka, di ba?”
“Tama ka.”
Katahimikan.
“Ikaw ba, nagkaroon na ng closeness sa kapwa lalaki?” ang tanong ko pagkaraan. “You know what I mean...”
“May mga kaibigan akong lalaki na ka-close ko.”
“Yung higit pa sa pagiging kaibigan. Yung may kakaibang damdamin.”
Hindi siya kaagad sumagot. Akala ko, na-offend siya sa tanong ko. Subalit pagkaraan ng ilang sandali, nagsalita siya.
“Oo. Minsan. Sa bestfriend ko noon. Kay Ramir.”
Tumingin ako sa kanya at hinintay ang kanyang pagpapatuloy.
“Magkaklase kami mula elementary. Naging matalik kaming magkaibigan noong high school. Noong fourth year, may ginawa kaming project kaya nag-overnight ako sa kanila. Malamig ang aircon sa kuwarto niya. Niyakap niya ako at yumakap din ako sa kanya. Nagulat ako nang halikan niya ako. Doon ko nalaman na higit pa pala sa pagiging kaibigan ang pagtingin niya sa akin. Na-disturb ako noon kaya umiwas ako sa kanya. Tuluyan na kaming nagkahiwalay noong college. Pumasok kami sa magkaibang eskuwelahan.”
“Hindi na kayo nagkita mula noon?”
“Hindi na. Pero aaminin ko, na-miss ko siya. Nagtaka nga ako sa sarili ko noon dahil sa lungkot na naramdaman ko nang mawala siya. Pero kaagad ko rin naman siyang nakalimutan nang magka-girlfriend ako. Mula noon, hindi na uli ako nagkaroon ng kaibigang katulad niya.”
“E anong tawag mo sa akin?”
“Not until nakilala nga kita. Akala ko, maiilang ako noong una. Pero hindi. Doon ko na-realize na wala na sa akin ang pangamba at maling akala sa mga katulad mo. Siguro dahil nag-mature na ako. Hindi na ako bata at mas kilala ko na ang sarili ko. Walang masama kung maging magkaibigan man tayo dahil nagkakaintindihan tayo at may respeto sa isa’t isa.”
Ngumiti lang ako sa kanya bilang tugon.
“Pero alam mo, may aaminin ako sa’yo,” ang nakakaintriga niyang dugtong.
I held my breath in anticipation.
“Nang makita kita, magaan kaagad ang loob ko sa’yo dahil may hawig ka kay Ramir. Pati kumilos. Naalala ko siya sa’yo pati na ang magandang pinagsamahan namin noon.”
“Akala ko pa naman, napansin mo ako dahil sa pagiging ako,” ang sabi ko na tila may pagtatampo. “Yun pala...”
“Don’t get me wrong. First impression lang yun. Hindi ko na nakikita si Ramir sa’yo ngayon. Ikaw na mismo ang nakikita ko, ang pagkatao mo at ang mga katangian mo. Kaya nga I appreciate you even more. Kung si Ramir pa rin ang nakikita ko sa’yo, lalayuan na kita dahil magdududa ako sa sarili ko kung bakit gusto kong maging close sa’yo.”
Papalubog na ang araw at nagsisimula nang mabahiran ng iba't ibang kulay ang bughaw na pisngi ng langit. Ang repleksiyon ng liwanag sa mukha ni Jeff ay higit na nagpatingkad sa kanyang kaguwapuhan.
Napansin niya ang tila namamangha kong pagkakatingin sa kanya.
“Bakit?” Ngumiti siya. Sa sinag ng namamaalam na araw, higit siyang naging kaakit-akit sa aking paningin.
“Wala. Minememorya ko lang ang mukha mo para hindi kita makalimutan.”
Natawa siya. “Halika na nga. Kumain na tayo.”
***
Sa isang roadside eatery kami nagpunta. Pareho pala naming favorite ang bulalo kaya yun ang inorder namin. Gumawa pa kami ng sawsawang patis na may dinurog na sili. Nagulat kami nang isilbi na ang inorder namin. Ang laki ng serving.
“Kaya ba nating ubusin ito?” ang tanong ko.
“Kaya natin yan,” ang sagot niya sabay tawa.
Ipinagsandok niya pa ako ng sabaw sa isang mangkok.
“Alam mo, mami-miss ko ito.”
“Ang alin?”
“Ang ganito. Ang pagdala-dala mo sa akin sa mga lugar na ganito.”
“Ako rin. Walang mga ganitong pagkain sa pupuntahan ko.”
“Mami-miss din kita. Pati ang motorsiklo mo.”
“Bakit naman?”
“Ikaw lang ang gumawa sa akin ng ganito, yung ilabas-labas ako, iangkas-angkas ako. To think na straight ka at ako, hindi. Hindi naman tayo nagliligawan. At wala naman tayong relasyon.”
“Magkaibigan tayo, di ba?”
“Iba ka, Jeff. Hindi ko inakala na may makikilala akong kagaya mo. Cool sa ganitong bagay. Kapag kasama kita, naipapadama mo sa akin na importante ako. Kaya hindi ko siguro maiwasang may maramdaman ako sa’yo.”
“Opps, baka kung ano na yan. Huwag mo nang ituloy.”
“No. I just want to thank you and to let you know na importante ka rin sa akin. At hindi naman siguro masamang mahalin kita bilang kaibigan.”
Ngumiti lang siya pero hindi sumagot.
“Mami-miss kita, Jeff. Malulungkot ako sa pag-alis mo.”
“Ako rin, mami-miss kita. At nalulungkot din ako.”
***
Gabi na nang kami ay makauwi. Umaambon nang bumaba ako sa tapat ng bahay namin. Nanatili akong nakatayo, nakatingin sa kanya. Parang may bikig ang aking lalamunan at hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Kung paano ako sa kanya magpapaalam.
Nakatingin din siya sa akin habang nakaangkas sa kanyang motorsiklo. Pinatay niya muna ang makina at hindi siya umaalis.
Inabot ko ang aking kamay. “I guess, this is goodbye,” ang nasambit ko.
Mahigpit niyang ginagap ang aking kamay sabay hila sa akin upang ako ay yakapin.
Yumakap din ako sa kanya.
“Mag-ingat ka,” ang sabi ko.
“Ikaw rin.”
“Huwag mo akong kalilimutan.”
“Siyempre, hindi.”
Nagsimulang lumakas ang patak ng ulan.
Kumalas kami sa aming pagkakayakap.
“O, huwag ka nang malungkot,” ang sabi niya.
Pinilit kong ngumiti. “Hanggang sa muli nating pagkikita.”
“Babalik ako, promise.”
Binuhay niya ang makina ng motorsiklo niya. Ngumiti siya sa akin at nagmaniobra. Bahagya pa siyang kumaway bago umalis.
Tuluyan nang bumuhos ang malakas na ulan. Hindi ako tuminag sa aking kinatatayuan. Kahit nababasa na ako, nanatili akong nakatanaw sa kanya.
“Goodbye, Jeff,” ang bulong ko. “Maghihintay ako.”
22 comments:
ang lungkot... i can relate. but people like us are just fortunate to be able to find straight guys to look at us just how we are.
-Bewired
goodbyes are always hard and sad but should be dealt with maturity. things happen for a reason i guess.
malay mo, di ngayon yung time for "it", maybe sometime soon.
bakit kaya ganun. sadya yatang kailangang matapos ang isang parte ng buhay natin. nakakalungkot pero I think better na din siguro ganun. ewan ko ba at nalulungkot ako sa entry mo na 'to.
nalungkot ako sa post mo, pero mas nalungkot ako ng marinig ko yung somebody waiting..siyeeeeet..im only 25 pero ganito yung mga tipo kong kanta....
namilipit naman ako sa kakiligan... waaaah!!! you write so well. you should consider publishing this material. promise!
maraming pighating nararamdaman talaga sa tuwing papatak at bubuhos ang malakas na ulan.
whaoh, ang taas.... hehehe. awesome..
@bewired: masuwerte ako na nakilala ko siya kasi bihira ang katulad niya. but the only way i can keep him is not to fall for him. :)
@maxwell: umaasa ako pero natatakot din kasi baka maging magulo lang. sa ngayon ok na sa akin ang ganito but i should watch my emotions. :)
@xtian1978ii: nakakalungkot nga pero thankful na rin ako sa pagbabahagi niya sa akin ng kahit konti. :)
@period: iniyakan ko na rin ang song na yan. i feel na perfect siya for this post. :)
@wandering commuter: salamat, idol. ikaw nga itong super galing magsulat! :)
@jinjiruks: nakaka-senti nga ang ulan! :)
@tim: hello, tim. welcome to my blog. sana ma-enjoy mo ang bawat mababasa mo rito. tc. :)
haaaaaaaaaaayz...... hanggang kelan naman ang paghihintay na yan? hahahaha
yeah i did enjoy it.. now.. thank you sa pag visit...
bagay na bagay basahin ang post na to sa panahong bumabagyo. hehehe
@yj: forever? hahaha! :)
@tim: my pleasure. :)
@the geek: nakaka-senti na masarap sa pakiramdam hehe! :)
grabe. i fell in love with your blog :)
@koji a. iizuka: coming from you, isang napakalaking compliment. ako nga itong na-hook sa blog mo dahil sa sobrang galing mong magsulat. thank you, koji and congratulations sa pba nomination mo. take care always. :)
Ang sarap ng feeling diba Aris?
I had one straight friend who became so close and mindful of me..kaso, sabi nya nga, hindi dahit ayaw ko, talagang hindi lang puwede. kung bakit, hindi na kami masyadong nakapagusap pa... ***Sigh*** lol..
take care my friend. may babasahin pa akong dalawa :-)...
“Wala. Minememorya ko lang ang mukha mo para hindi kita makalimutan.” SAPAK ang line nato...
pero bihirang makahanap ng kagaya niya. tama ka. bakit kaya ang ulan eh maraming memories...
@al: sarap nga ng feeling. mahirap lang, baka lumabis. alam mo na, hindi dapat umasa. salamat, friend sa patuloy na pagbabasa. :)
@dilanmuli: nagustuhan mo ba yung linya? heheh! sinabi ko talaga yun sa kanya kaya siya natawa. ngayon lang ako naka-meet ng kagaya niya kaya mahal ko na siya. choz! :)
haaay ganun talaga. parang nicholas sparks lang na story.
@xtian1978ii: ay, love ko si nicholas sparks! crayola ako sa kanya. :)
lol
naalala ko exgf ko pagnagbabasa ako ng nicholas sparks kaya yoko na sa kanya lol
Aris...good job..ang ganda ng story..ganda ng pagkakalapat ng mga salita...nakakakilig at nakakalungkot cya..
@lhon: thanks.
check out "dumating ka na pala"
http://akosiaris.blogspot.com/2010/06/dumating-ka-na-pala.html
ito yung part 4.
enjoy! :)
Post a Comment