Ipinalista siya ng kanyang ina sa Grade I. Kaya nang magpasukan, napabilang si Alberto sa mga batang maagang gumigising at umaalis ng plantasyon upang pumasok sa paaralan.
Malayo-layo rin ang kanilang nilalakad sa araw-araw. Palibhasa mga bata pa na sabik sa mga bagong karanasan, hindi naging mahirap iyon. Bagkus ay naging kasiya-siya pa.
Dahil likas ang hilig sa pag-aaral, naging masigasig si Alberto. Nagbunga ng matataas na marka ang kanyang kasipagan. Subalit sa kabila ng dibersiyon, hindi niya pa rin nalimutan sina Miguelito at Isabel. Patuloy siyang umasam sa kanilang pagbabalik. At kahit ilang tag-init na ang lumipas, nanatili siyang naghihintay.
Valedictorian siya nang grumadweyt sa Grade VI. Akala niya iyon na ang pinakamasayang sandali sa kanyang buhay. Subalit nahigitan iyon nang sa muling pagdatal ng tag-init, dalawang sasakyan ang dumating sa plantasyon.
Lulan ng isa sa mga iyon sina Miguelito at Isabel.
Parang lumukso ang kanyang puso. Kaagad siyang napatakbo upang sumalubong. Subalit nang malapit na ay kaagad ding napahinto, napalitan ng alinlangan ang tuwang nag-uumapaw.
Maliban kay Doña Anastasia, may iba pang mga kasama sina Miguelito at Isabel. Mula sa isa pang sasakyan ay umibis ang dalawang babae. Gayundin ang dalawang bata – isang babae at isang lalaki. Ang babae ay kasinggulang niya at ang lalaki ay mas matanda nang kaunti.
Kung tutuusin ay hindi na ito mga bata. Mga dalaginding at binatilyo na. Katulad din niya na sa gulang na trese ay nagbibinata na.
Malugod ang naging pagsalubong ni Don Miguel sa mga dumating na hindi magkamayaw sa galak. Maingay ang mga babae at maharot ang mga bata. Bihis na bihis at mga nakasapatos pa. Sa suot niyang T-shirt, shorts at tsinelas, nakadama ng pagkaalangan si Alberto sa kanyang itsura.
Bago niya pa nagawang magkubli ay natanawan na siya ni Isabel. Kaagad siya nitong kinawayan sabay sigaw sa kanyang pangalan. “Alberto!”
Nakatawag-pansin iyon sa mga bisita na napatingin sa kanya. Nakita niyang nakangiti si Miguelito pero parang matutunaw siya sa hiya. Kaya sa halip na tumugon at tumuloy sa pagsalubong, pumihit siya at nagtatakbo palayo.
Sa likod-bahay siya napasuling dahil sa pagkataranta. Napaupo siya sa baytang ng hagdan paakyat sa kusina. Doon siya sandaling namahinga at nilimi ang magkakahalong damdaming namayani sa kanya.
Sa saglit na pagkahagip ng kanyang mga mata kay Miguelito, tila tumatak ang bagong anyo nito sa kanyang isip. Hindi na ito katulad ng dati. May bakas na ng kapilyuhan ang mala-anghel na mukha. Mestisuhin pa rin subalit hindi na mapusyaw ang balat. At ang ginintuang buhok ay kulay tsokolate na. Mga pagbabagong higit na nagpatingkad sa kaguwapuhan nito.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at naglunoy siya sa imaheng iyon. Ang hindi niya maipaliwanag ay kung bakit maliban sa tuwa ay may hatid iyong tila pagkabagabag sa kanya.
Ginambala siya ng pagbukas ng pinto ng kusina.
“Alberto, mabuti at nandiyan ka.”
Nilingon niya ang nagsalita. Ang kanyang ina na kusinera sa malaking bahay.
“Pumasok ka muna rito at tumulong ka sa pagsisilbi.”
“Ho?” Nabigla siya sa utos ng ina dahil umiiwas nga siya.
“Bilisan mo. Nakadulog na sila.”
Tutol man ang kalooban, napasunod na lamang siya.
Isang masaganang tanghalian ang inihanda para sa mga bisita. At kahit ayaw niyang magpakita sa kumedor, wala siyang nagawa. Sa dami ng iba’t ibang putahe, kailangan din ng maraming tagapagsilbi.
Hawak ang bandehado ng ginataang sugpo, nakayuko siyang lumabas ng kusina. Galak na galak si Isabel pagkakita sa kanya. Kaagad siyang ipinakilala sa mga bisita.
“Si Alberto, kalaro namin noon ni Miguelito,” ang sabi.
Hiyang-hiya siya sa atensyong nakuha. Pilit siyang ngumiti sabay lapag ng ulam sa hapag.
Hindi pa tapos si Isabel. “Alberto, ito si Sofia,” ang pakilala sa batang babae. “At ito naman si Leandro,” ang pakilala sa batang lalaki. “Mga anak sila ni Tita Rosario, kaibigan ni Mama Anastasia,” ang muwestra sa isa sa mga babae. “At ito naman si Tita Constancia, kapatid ni Mama Anastasia. Magbabakasyon sila rito.”
Bahagya siyang pinukol ng tingin ng mga ito. Yumukod siya bilang pagbibigay-galang.
Tatalikod na sana siya upang bumalik sa kusina nang marinig niya ang tinig ni Miguelito. “Maaari mo ba kaming samahan mamaya sa bayabasan?”
Napatingin siya rito. Hindi niya magagawang tanggihan ang nakabibighani nitong ngiti.
“Sige,” ang kanyang sabi sabay alis.
Subalit kinailangan niya pa ring magpabalik-balik dala ang iba pang mga pagkain. At sa bawat pagkakataon, hindi niya naiwasang sumulyap kay Miguelito na napapatingin sa kanya, napapangiti na parang tuwang-tuwa rin na siya ay makita.
Nang maihain na ang lahat ng ulam, muli niyang binalikan ang baytang ng hagdan sa likod ng kusina. Muli siyang naupo roon. Tila tinunaw ng mga ngiti ni Alberto ang kanyang hiya. At kung kanina ay pag-iwas ang nais niya, ngayon ay nananabik siya na muli itong makasama.
Matagal siyang nanatili roon. Naglalaro sa kanyang isip ang mga maaaring mangyari sa pag-usad ng maghapon.
Napapitlag siya nang muli ay tawagin siya ng ina. Oras na ng pagliligpit. Nagmamadali siyang pumasok sa loob. Inaasahan niyang nasa kumedor pa si Miguelito subalit siya ay nabigo. Mga pinagkainan na lamang ang kanyang dinatnan. Nagsiakyat na ang mga ito sa kuwarto.
Dali-dali siyang tumulong sa pagliligpit. At pagkatapos ay dali-dali rin siyang naligo at nagbihis. Nais niyang maging handa kapag tinawag na siya ni Miguelito upang lumarga.
Puno siya ng antisipasyon nang magsibaba na ang mga bata. Nakapagbihis na ang mga ito. At kahit nakapagpalit na rin siya, alangan pa rin ang kanyang itsura sa mga suot nito.
“Alberto, halika na,” ang yaya sa kanya ni Miguelito.
Humagilap muna siya ng bayong mula sa kusina bago sila lumabas ng bahay. Sinimulan nilang tahakin ang landas patungo sa bayabasan. Bilang gabay, siya ang nauuna at dinig niya ang usapan at tawanan nina Isabel at Sofia. Manaka-naka naman ang pagtugon ni Leandro sa pakikipag-usap ni Miguelito.
Nang mapadaan sila sa kamalig, nilingon ni Alberto si Miguelito. Nakatingin din ito sa kanya. Tahimik na nag-usap ang kanilang mga mata tungkol sa sikretong nasaksihan nila sa kamalig noong maliit pa sila. Sikretong hindi nila ibinunyag. Sikretong alam na nila ngayon ang tunay na kahulugan.
Ilang sandali pa, sinapit na nila ang bayabasan. Nagpulasan nang lipad ang mga ibon na nanginginain. Nalanghap nila ang halimuyak ng mga nahihinog at nabubulok nang prutas. Sa dami ng mga puno na walang humpay sa pamumunga, halos wala nang pumapansin dito maliban sa mga hayop.
Tuwang-tuwa sina Isabel at Sofia pagkakita sa mga bayabas. Agad na natakam sa manibalang na mga prutas.
“Dali, Leandro, umakyat ka na,” ang sabi ni Sofia. “Mamitas ka na.”
“Di ako marunong umakyat sa puno,” ang sagot ni Leandro. “Si Miguelito na.”
“Dali na, Miguelito,” ang udyok ni Isabel.
Napatingin si Miguelito kay Alberto. At naunawaan ni Alberto ang mensahe nito. Hindi rin ito marunong umakyat sa puno.
“Ako na,” ang prisinta niya.
Walang kahirap-hirap ang kanyang naging pag-akyat. Nang siya ay nasa itaas na, nagsimula siyang mamitas. Nakatingala sa kanya ang apat. Subalit maya-maya, napahagikhik sina Isabel at Sofia. Pati si Leandro ay natawa rin. Taka siya kung bakit. Napatingin siya kay Miguelito na pinipigil ang tawa. Sumenyas ito sa kanya at saka niya lang naintindihan kung bakit. Nanlamig siya sa realisasyon na dahil sa maluwag niyang shorts, may nasilip ang mga ito na hindi dapat makita. Namula siya sa hiya at mabilis niyang kinipit ang kanyang mga hita. Para tuloy hindi na siya makakilos.
Subalit dahil nasa itaas na siya, wala na siyang magawa kundi ang ipagpatuloy ang pamimitas. Agad namang nalipat ang atensiyon ng mga bata sa mga bunga ng bayabas na sinimulan niyang ilaglag. Nagkagulo ang mga ito sa pamumulot at tila nakalimutan na ang naging katatawanan.
Hiyang-hiya pa rin siya nang makababa na. Parang hindi siya makatingin nang diretso. Subalit wala naman nang bumanggit ng naging kahihiyan niya.
Pinagtulungan nilang isilid ang mga bayabas sa bayong. At naglakad na sila pabalik sa malaking bahay. Kung kanina ay nauuna siya, ngayon ay nasa hulihan na siya bitbit ang mga pinamitas.
Pinagmasdan niya ang apat habang naglalakad at hindi niya naiwasang ihambing ang sarili. Malinis ang mga ito at siya ay madungis. Bago ang mga damit at siya ay luma. Halata kung sino ang nakaririwasa at kung sino ang mahirap. Kahit kasama siya ng mga ito, hindi pa rin mapasusubalian na hindi siya kauri.
May lungkot siyang naramdaman dahil doon. Kung hindi nga lang dahil kay Miguelito, hindi na siya sasama sa mga ito. Hindi niya maipaliwanag ang damdaming iyon, ang pagkagiliw kay Miguelito, na sa kabila ng kanyang hindi pagiging kumportable ay nagbibigay sa kanya ng kasiyahan at lakas ng loob.
Nakita niyang inakbayan ni Leandro si Miguelito at may ibinulong ito. Natawa si Miguelito. Hindi niya maintindihan kung bakit may nadama siyang panibugho.
Nang sapitin nila ang malaking bahay, nagpahingalay muna ang mga bata sa balkonahe. Kaagad naman siyang nagtungo sa likod-bahay upang hugasan sa poso ang mga bayabas bago isilbi.
Nakayuko siya at abala sa ginagawa nang may lumapit sa kanya.
“Alberto.”
Nag-angat siya ng mukha.
Nakita niyang nakatayo sa harap niya si Miguelito. May inaabot sa kanya.
“Ano yan?” ang tanong niya.
“Brief,” ang sagot. “Sa’yo na.”
Natigilan siya.
“Hindi ka na bata. Dapat nagbi-brief ka na.”
Hindi siya nakahuma.
“Malaki pa naman ‘yang iyo.”
(Itutuloy)
Part 4
19 comments:
hahaha what a nice ending for this chapter.. thanks aris nice..
ito po ba yung cliffhanger? he he
"malaki pa naman 'yang iyo..."
Panalo!!! woohoo
tinigasan ako sa ending ng chapter 3.
kaexcite....
super like!
aabangan ang susunod!
Ganda!
I can't wait for the next chapter. Hehehe!
@anonymous: thank you, too, for reading. :)
@robin: korek. abangan ang mas maiinit na tagpo. hehe! :)
@angel: hahaha! ok ba sa linya? :)
@anonymous: naughty ka. charing! :)
@jay rulez: thank you, jay. happy ako na nagustuhan mo. :)
@seriously funny: salamat. hayaan mo, try ko tapusin kaagad ang next chapter para di ka mainip. :)
hehe. missed this. tagal ng installment. hehehe. pero really worth it naman.
Keep it up!
ur such a good writer and narrator...
ang feeling ko im reading an epic story...and watching a period movie..the descriptions are so vivid, i can almost see the images all alive in the screen...
ang galing..mr.aris, congratulations..
i am an avid reader of ur stories except that i dont make comments..ngayon lang po.
Reynan
Hi aris:
My name is jan. I was the one who made a comment in your earlier post demanding (as in, demanding talaga)that you post this third chapter pronto. I am sorry for that. I fell in love with the first two chapters that I would sometimes think about Alberto and Miguelito in the middle of wrting pleadings and appearing in court. I would also check your blogspot six to ten times a day. But Chapter 3 was worth every second of waiting. I am just hoping aainst hope though that the next chapter would not take as long.haha. (demanding pa din talaga no). Let me know though if there is anything I can do to entice you to finish the next chapter soonest. haha, nang bribe.
Jan
@lalaking palaban: salamat. sorry, matagal kang naghintay. sana di ka magsawa. :)
@reynan: natutuwa ako na nagkaroon ng buhay sa iyong imahinasyon ang kuwento ko. actually daring attempt para sa akin ito to do some serious writing. salamat naman at naa-appreciate mo ang pinagpapaguran ko. sana maging patuloy ang iyong pagsubaybay. and i hope to hear from you again. :)
@jan: wow naman, touched ako sa comment mo. nakakataba ng puso na malaman na nagkaroon ng impact sa'yo ang mga tauhang nilikha ko. dahil diyan, higit akong inspirado na ipagpatuloy ang kuwentong ito at sisikapin kong huwag kang mabigo sa bawat kabanatang isusulat ko. ginagawa ko na ang karugtong at bibilisan ko para hindi ka maghintay ng matagal. hehe! maraming salamat sa'yo. ingat always. :)
OMG! Excitingg! Hihihi!
ganda ng kwento, sna mabilis ang update, i always follow ur stories aris
Hahhaha... nice one!
Nakakawata ang ending ng chapter... hehehe
KElan po ba ang chapter 4? hehehe
-mars
haha na gulat ako sa last part :D Nice.. xcited na ako sa nect part. Take care aris :D
@iamsuperbash: mas exciting pa ang kasunod. hehe! :)
@anonymous: thank you. promise, di ka maiinip sa next chapter. :)
@mars: malapit na malapit na. hehe! salamat sa pagsubaybay. :)
@anonymous: maraming salamat sa pagbabasa. you take care, too. :)
nabasa ko na ang 1 and 2 pero inulit ko, ganda ng istorya.
@rain darwin: wow, papa p., maraming salamat! sana patuloy kang masiyahan at huwag kang magsawa. :)
Post a Comment